xmlns:og='http://ogp.me/ns#'> "NOTJUSTABLOG": Pasensiya Na

Popular Post of the Week

Pasensiya Na

"Sally, take care the baby. Don’t forget medicine.”                                               
"Yes, madam," tugon niya sa babaeng nakaitim na tila isang mangkukulam sa paningin niya. Binuhat niya ang anim na taong gulang na bata mula sa pagkakahiga sa sofa. "Baby ka pa ba?" Bahagyang napangiti ang bata na tila naunawaan ang kanyang winika. 

"Ang cute cute talaga ng baby arabo."


"Sally, don't forget to cook food. Blah! blah! blah!" lintanyang wika ng kanyang amo na hindi na niya inunawa pa kung ano pa ang mga sinasabi nito. Minabuti na lang niya na tumungo sa banyo upang paliguan ang bata.






"Eeeeeee! Nakakainis ang bruhang 'yun, ang tagal umalis ang dami dami pang sinasabi." Tumaas ang kanyang kilay nang mapansing nakamasid sa kanya ang bata. "O, ikaw? Naku ha, 'wag makulit," aniya sa batang napapangiti lang sa ikinikilos niya. Akma na siyang tatayo nang bigla nitong hinawakan ang kanyang palda.
"Thank you!" Natigilan siya. Mababaw lang ang kaligayahan niya kaya ang pasasalamat nito ay isa ng malaking bagay para sa kanya.
“Ikaw talaga! Bata pa emotero na. Bakit ka naman nagpapasalamat?” Niyakap niya ito saka hinagkan. Alam niyang nauunawaan nito ang kanyang mga sinasabi. Sa loob ng limang taon na pagiging yaya niya sa bata alam niyang nauunawaan siya nito. Sino ba naman ang hindi makakaunawa kung sa wikang tagalog niya ito kinakausap.  Baka nga mas magaling pa itong magsalita ng tagalog kaysa mag arabo.
“You know yaya, I’m lucky kasi ikaw yaya ko. No Sally, No shower.”
“Aba! Ang galing ng alaga kong mag tagalog ah.” Binuhat niya ito saka hinagkan sa ilalim ng kilikili. Halos mapatid ang leeg ng bata sa kakatawa sa ginawa niya.

Nagkaroon ng galak ang kanyang puso habang nakikitang masaya ang batang naging bahagi na ng kanyang buhay; siya ang nagpapakain, nagpapalit ng lampin noong sanggol pa lamang ito, nag-aalaga sa tuwing may sakit ito, at pumupuri sa mga magagandang katangiang pinapakita nito.

Kasabay nang pagyakap sa kanya ng bata ang pagbakas ng lungkot sa kanyang mukha. Kumusta na kaya ang kanyang anak sa Pilipinas?

“LOLAAAAAAAAAAAAAA!” malakas na sigaw ng isang bata na ikinagulat ng isang matabang babae. Tumulis pa ang nguso nito kasabay nang pagkembot ng baywang nito. “Bhe!”
“Naku! Halika nga dito maliligo ka na.”
“Lola, ayoko ko maligo.”
“Magagalit si mama ‘pag di ka maliligo.”
“Eh, lola wala naman si mama,” pilyong sagot ni Macky. Lumungkot ang mukha nito nang maalala ang inang matagal nang di nakikita. “Lola, kailan po ba uuwi si mama?”
Napabuntung-hininga na lamang ang matanda. “Huli ka! Halika na, punta sa banyo. Mamaya mo na isipin ang mama mo. Ligo muna ang baby.”
“Lola, siguro kung nandito si mama siya magpapaligo sa akin?”
“Oo naman! O, liligo na ha.”

NAPASIGAW ang bata nang dumampi sa kanyang katawan ang tubig sa bath tab. Sinigurado pa ni Sally na hindi gaanong mainit ang tubig nito.
“O, Behave! Behave! Huwag gagaya sa tatay na di naliligo, ‘yan babango na ang baby arabo ko.” Ngumiti siya bago binitiwan ang bata. Kinuha niya ang sabon, pinabula ito saka pinaglaruan ng kanyang mga daliri. Gawain niya ito upang maaliw ang bata sa paliligo. At kapag nakakangiti na ito saka na niya sasabunin ang buo nitong katawan. “Mohamed, close your eyes.” Napangiti siya sa pagsunod nito sa kanya. Mayamaya, tumayo ito saka hinimas ang kanyang mukha. Kumapit tuloy ang bula ng sabon sa kanyang pisngi.
“Ikaw talaga!” Pinisil niya ang magkabilang pisngi nito saka inilapit ang kanyang ilong sa mukha nito hanggang sa maglapat ang dalawang  ilong.

“WEEEEEEE! Lola nakikiliti si ako. Baka po tatangos ilong ko sa ginagawa n’yo.” Napangiti si Aling Nelma sa tinuran ng apo. Hinila niya ito saka niyakap nang mahigpit. Hinayaan niyang mabasa ang suot na bestida. Bigla siyang natigilan. Naalala niya si Sally, isang dalagang ina na nakipagsapalaran sa ibang bansa upang ibigay ang pangangailangan ng anak. Kumusta na kaya ang anak ko?

 NATIGILAN si Sally habang pinupunasan ng tuwalya ang basang katawan ng bata. Sa bawat ngiti nito ay naaalala niya ang anak na naiwan sa Pilipinas. Katulad ni Mohamed, mahilig maglambing ang anak. Naalala pa niya ang huling annual vacation niya kung saan madalas maglambing ang anak. Si Mohamed, ang pumupuno sa kanyang kalungkutan. Nakikita niya ang katauhan ng bata sa katauhan ng kanyang anak; ang mga ngiting nagpapalambot sa kanyang mga puso, at ang paglalambing nito na nagbibigay saya sa kanyang buhay.

Naligo na kaya ang anak niya? Kumain na kaya si Macky? Naka-inom na kaya ito ng gatas?

Iniabot niya ang isang basong gatas kay Mohamed. Inamoy pa ito bago sinumulang inumin. Napangiti ito nang maubos ang laman ng baso. “Kalas!” wika nito na ang ibig sabihin ay tapos na.
“Wow! Very good ang baby!”
“Shukran!”
“You’re welcome, Mohamed!” tugon niya sa pasasalamat ng bata. Katatapos lamang nitong maligo kaya pinainom muna niya ng gatas bago hayaang makipaglaro sa new brand laptop nito. Natutuwa siyang pagmasdan ang alaga subalit sa tuwing nawawala ito sa kanyang paningin, naaalala niya ang kanyang anak.


Pasensya na, di ko kayo naipagluluto
Almusal ninyo, hindi ako’ng naghahanda
Sa umaga, hindi ako nagpapaligo
At ni minsa’y di naghatid sa inyong eskwela


“LOLA, sakit po ulo ko,” wika ng apo kay Aling Nelma. Kinapa pa niya ang noo ng bata upang tiyakin kung mainit ang temperatura nito.
“Hmmm! Kawawa naman ang apo ko.” Hinila niya ito palapit sa kanyang dibdib upang bigyan ng yakap ng pagmamahal. “Iinom tayo ng medicine ha.”
“Ayaw,” agad na tugon nito na tila maiiyak pa. “Gusto ko si mama,” dugtong nito sabay dukot sa bulsa niya. Nakuha nito ang kanyang old brand Nokia unit. “Lola, gusto ko si mama.”
“Okay, apo ko. Tatawagan na ni lola ang mama.” Akma na niyang idi-dial ang number ni Sally nang biglang mag-ring ang cellphone niya. “Hello?”
“Nay, si Sally po ‘to. Kumusta po kayo diyan? ”
“Naku! Tatawagan ka sana namin ng anak mo. Heto’t naglalambing nga. Masama daw ang pakiramdam pero ‘wag kang mag-alala pa _.” Bigla siyang natigilan nang magsalita na ang anak sa kabilang linya. Ang tinig nito ay tila nababalutan ng matinding pag-alala para sa anak.
“Nay, O-okay po ba si Macky? Uminom na ba siya ng gamot?” pag-alalang wika nito. “Kakausapin ko po siya. Nay, miss na miss ko na po ang anak ko.” Napangiti siya sa tinuran nito bago niya iniabot sa bata ang cellphone niya.
“Mama, may sakit ako,” agad na wika ng bata na tila nagpapalambing sa ina. Biglang kumunot ang noo niya nang ibinalik ng bata ang cellphone. “Nawala si mama?” ang tinig nito ay may bakas ng lungkot na siyang ikinabahala niya.

HALOS mabitiwan ni Sally ang hawak na cellphone nang biglang makarinig ng sigaw. Nakauwi na pala ang bruhang amo niya. Nagtataka man kung bakit napaaga ang uwi nito ay binalewala na ng kanyang isipan. Mas nangingibabaw ang pag-aalala sa kanyang dibdib. Muli niyang tinawagan ang anak subalit may biglang humawak sa kanyang mga kamay – si Mohamed habang nangungusap ang mga mata nito.

“Mohamed, what’s your problem?” Kasabay nang pagkalampag ng pintuan ang pagyakap sa kanyang paanan ng bata. Tila takot na takot ito habang nagsisigaw ang ina. Mayamaya pa, lumapit ang amo niya saka hinila ang anak palayo sa kanya.
“Taal!” sigaw nito sa anak subalit mahigpit ang pagkakakapit ng bata sa kanyang mga hita. Gusto nito na lumapit ang anak ngunit tila walang naririnig ang bata.
“Ayoko ko!” sigaw ni Mohamed na siyang ikinabigla ng ina nito.
“W-what?” Kasabay ng tinig nito ang paghila sa kanyang mga buhok. Sa labis na pagkagulat, hindi siya natinag sa pagkakasabunot nito sa kanyang buhok. “Stop teaching my son a tagalog word. Hes  not a Filipino!” lintanyang wika nito na tila nahihirapan sa wikang English.

Bumagsak siya sa sahig sa ginawa nitong pagtulak sa kanya. Lalapit sana sa kanya si Mohamed subalit agad itong napigilan ng ina. Ilang saglit pa, pumasok ang mag-ina sa master bedroom. Nasaklot niya ang kanyang dibdib nang makarinig nang malalakas na pagkalampag sa loob ng silid. Ang malalakas na sigaw ni Mohamed ang sumugat sa kanyang puso, at ang pag-iyak nito ang nagbigay pangamba sa kanyang dibdib. Mohamed? aniya sa kanyang sarili. Binalot ng pag-alala ang puso niya – para sa anak at para kay Mohamed. 

Ano ang nangyari sa amo niyang babae? Ilang araw na niyang napapansing mainit ang ulo nito, malayo sa apat na taong ipinapakita nito sa kanya.

Nasagot ang kanyang mga katanungan nang tumawag ang amo niyang lalaki upang ipagbigay alam sa bata na hindi ito makakauwi. Naramdaman niya ang pag-aalala sa tinig nito. Naramdaman niya ang pagmamahal nito sa anak. “Sally, take care Mohamed.”

Biglang bumalik sa kanyang alaala ang mga araw na nagmamakaawa siya kay Jude, ang lalaking umiwan sa kanya matapos siyang mabuntis. Mabuti pa ang tatay ni Mohamed, nagagawa pa nitong kumustahin ang anak samantalang ang ama ng kanyang anak ay tuluyan nang nakalimot. “Hayop ka Jude! Pinabayaan mo kami ng anak mo,” mahinang usal niya sa kanyang sarili.

“Sally, please hug me.” Napalingon siya sa tinig na kanyang narinig. Halos madurog ang kanyang puso nang matuklasang nagkapasa ang bata.
“Mohamed, halika dito,” agad niyang tugon kasunod ng kanyang mga yakap. Tumulo ang kanyang mga luha. Kung siya lamang ang ina ni Mohamed, hindi niya ito sasaktan. Muling bumalik sa kanyang isipan ang naiwang anak sa Pilipinas.

BIGLANG nakaramdam ng takot si Aling Nelma. Kinapa niya ang noo ni Macky – mainit na tila binilad sa ilalim ng araw. Napatingin siya sa orasan – 9 PM
“M-macky, diyos ko ang taas ng lagnat mo.” Binuhat niya ito upang dalhin sa ospital. Halos mangatog ang kanyang mga tuhod habang binubuhat ang apo. Humingi pa siya ng tulong sa mga kapitbahay upang mapabilis ang pagsugod nila sa ospital.

HALOS lumipad ang kanyang mga paa habang tumatakbo. Isinugod niya sa ospital si Mohamed. Tiniis niya ang hirap sa pagbubuhat sa bata mapabilis lamang ang pagsugod nito sa ospital. At habang nasa loob sila nang sasakyan ay hindi niya mapigilan ang maiyak. Natatakot siya. Kinakabahan siya. Bakit ganito na lamang ang kabang nararamdaman niya?

Napapikit siya nang magtatalak ang amo niyang babae. Siya pa ang sinisisi kung bakit tumaas ang lagnat ng bata. Pinabayaan daw niya ang anak nito. Gustuhin man niyang sumigaw ay hindi niya magawa. Huminga siya nang malalim saka kinausap ang among babae.
“Madam, please stop!” Biglang nanlisik ang mga mata nito kasunod ng mga masasakit na salitang ipinukol sa kanya. Diyos ko, tulungan n’yo po akong magtimpi para sa ikatatahimik ng lahat. Iligtas N’yo po si Mohamed.

NATATARANTA na si Aling Nelma habang naghihintay sa labas ng emergency room.  Kanina pa niya tinatawagan ang anak subalit hindi ito sumasagot sa mga tawag niya. Sally, sagutin mo ang phone mo, aniya sa kanyang sarili habang tinatawagan ang anak.
  
Halos kumabog ang kanyang dibdib nang lumabas ang doctor sa emergency room. Nasaklot niya ang kanyang dibdib nang malaman ang karamdaman ng apo. Diyos ko! Bakit nangyari ito?

DENGUE FEVER

Napanganga si Sally nang matukoy ang karamdaman ni Mohamed. Paano nagka-dengue ang bata? Iilan lang naman ang lamok sa kanilang lugar? Labis ang takot ang nararamdaman niya; ang nangyari kay Mohamed, ang paglisik ng mga mata ng amo niyang babae na tila nababalutan ng pagkapoot, at ang pagkabog ng kanyang dibdib sa isang bagay na hindi niya maipaliwanag. Bakit biglang pumapasok sa kanyang isipan ang sariling anak. Kinapa niya ang celllphone niya – naiwan niya sa bahay.

“LOLA, gusto ko si mama,” wika ng apo kay aling Nelma. “Mama, mama ko nasaan kaaaa.” Hindi niya napigilan ang maiyak habang pinagmamasdan ang apo. Naaawa siya sa kalagayan ng bata. Kung sapat lamang ang kinikita niya bilang mananahi, hindi niya papayagan si Sally na mangibang bansa upang matugunan ang pangangailangan ng anak.
“Aling Nelma, nakausap ko po si doc kanina,” sambit ni Ela, ang kapit-bahay na tumulong sa kanya. Hinawakan pa nito ang kanang kamay niya bago ipinagpatuloy ang pagsasalita. “Kailangan pong masalinan ng dugo si Macky.”
“Diyos ko, saan tayo kukuha ng dugo?”
“Nagpa-test na po ako, kaya lang po hindi match ang dugo namin.”
“A-ako! Samahan mo ako. Ibibigay ko ang dugo ko kung kinakailangan.”

MABABA  ang platelet ni Mohamed. Kailangan nitong masalinan ng dugo upang manumbalik sa normal ang dugo nito. Napalingon siya nang tawagin siya ng nurse. Ipinaalam nito na nagwawala ang amo niyang babae matapos madisqualified ito – hindi maipapasa nito ang dugo sa anak dahil sa diabetis na dinaramdam nito.

Agad siyang tumakbo palapit sa kinaroroonan ng ina ni Mohamed. Naabutan niya itong nagtatalak sa loob ng ospital habang  kinakausap ang doctor.
“Excuse me! I can donate my blood to Mohamed.”
“No!” malakas na sigaw ng ina ng bata. “Are you crazy? You are Filipini, no good!” Halos mapatid ang ugat sa leeg nito sa ginawa nitong pagsigaw. Hinila siya nito saka pinauwi upang kumuha ng ilang gamit ng bata.
“Madam, please listen.” Bingi na ang kanyang amo sa mga sinasabi niya. Napaiyak na lamang siya nang maalala ang kalagayan ng bata.
“Go home! Go home!” pagtataboy na wika nito sa kanya.

NAPAIYAK si aling Nelma nang mabigo siyang maipasa ang dugo sa apo. Diyos ko, kanino ako hihingi ng tulong? Muli niyang kinuha ang cellphone upang tawagan si Sally subalit muli siyang nabigo – walang sumasagot sa kanyang mga tawag. Sally, anong nangyari sa’yo? Diyos ko, ang anak mo!
Hinimas niya ang mukha ng apo habang mahimbing itong natutulog. Bumalik sa kanyang alaala ang pangungulila nito sa ina. Sally, nasaan ka na ba? Akma niyang tatawagan ang anak nang biglang mag-ring ang cellphone niya.

HALOS magmaka-awa si Sally sa amo niyang babae upang payagan siyang makauwi ng Pilipinas. Matigas ang pagtutol nito na tila hindi nauunawaan ang kanyang nararamdaman.
“Madam, please allow me to go home. My son is sick.”                                                          
“No! You have another two years contract. I’m not giving your passport,” wika nito na tila nahihirapan sa mga salitang binitiwan.
“Madam, please only vacation_” Naputol ang kanyang sasabihin nang inihagis sa kanya ang mga gamit ni Mohamed. Inutusan siya nitong bumalik ng ospital upang bantayan ang bata. Halos manghina siya habang pinupulot ang mga damit ni Mohamed. Muli niyang naalala ang kalagayan nito. Bakit tila pinaglalaruan siya ng tadhana?

 Kumabog ang kanyang dibdib ng makatanggap ng text messages sa Pinas. Kailangan na daw masalinan ng dugo ni Macky. Diyos ko, tulungan N’yo po ang anak ko. Naguguluhan siya. Bakit walang taong makakapagbigay ng dugo sa kanyang anak? Kung kaya lamang niyang lumipad upang isalin sa anak ang dugo niya, kanina pa sana niya ginawa.

Tila may bumulong sa kanyang isipan upang maalala ang ama ng kanyang anak. Hinanap niya sa phonebook ang huling numero nito.
“Sino to?” Buo ang boses ang siyang nagpakaba sa kanyang dibdib. Naririnig na niya ang tinig ng lalaking sumugat sa kanyang puso.
“Jude, si Sally ito. Ahm, t-tumawag ako dahil kailangan ni Macky ng tulong mo. Nakiki_.”
“Ano ba? Tahimik na ang buhay ko. Mamaya ka na tumawag, nandito ang asawa ko. Saka kung financial problem ‘yan wala akong maitutulong sa’yo. Ikaw ang nasa abroad diba?”
“Jude,  makinig ka. Kailangan ka ng an_.” Naputol ang kabilang linya. Halos mawasak ang kanyang dibdib sa labis na sakit na nararamdaman. Tila naghalo na ang poot, takot at pag-alala sa kanyang puso. Diyos ko, tulungan N’yo po ako!

Gusto niyang magalit sa ama ng kanyang anak. Bakit tuluyan na nitong tinalikuran ang anak? Napaupo siya sa kama. Naghihina siya na tila nauubusan siya ng lakas. Hindi niya alam kung paano hahatiin ang kanyang oras. Bigla siyang napatayo nang makarinig muli ng sigaw mula sa amo niyang babae. May kausap ito sa telepono.

Bumakas ang pag-alala sa kanyang mukha nang matuklasang walang maibigay na dugo ang ospital. Naghahanap pa rin ng blood donor para maisalin sa bata. Bigla siyang napaisip. Uuwi siya para maibigay ang kanyang dugo sa kanyang anak. Subalit, paano siya makakauwi kung wala ang kanyang mga dokumento?

Pasensya na! Anak, pasensya ka na kung wala si mama.

Mataimtim na nanalangin si Sally. Ibinulong niya sa langit ang kaligtasan ng dalawang batang malapit sa kanyang puso.
“Diyos ko, huwag N’yo pong hayaan na mapahamak ang anak ko sa Pilipinas, iligtas N’yo po siya. Nakikiusap po ako sa inyo. Diyos ko, iligtas N’yo rin po si Mohamed. Iligtas N’yo po ang dalawang bata.”

Bigla siyang natigilan nang maalala ang kalagayan ni Mohamed. Tumayo siya mula sa pagkakaluhod saka kinuha ang mga gamit ng bata. Pupunta siya sa ospital upang iligtas ang buhay ni Mohamed.

“LOLA, si mama nasaan? Lola, mamatay na ba ako?” Halos madurog ang puso ni Aling Nelma sa pangungulila ng apo sa ina nito. Kinakabahan siya sa maaaring mangyari. “O, Panginoon, ituro N’yo po sa akin  ang dapat kong gawin upang mailigtas ang buhay ng apo ko.”
Napalingon siya nang dumating ang doctor ng bata. Mababakas sa mukha nito ang labis na pag-alala.
“Kailangan na po nating masalinan ng dugo ang bata,” wika nito sa kanya.
“Doc, wala pa po kaming nakikitang donor. Doc, tulungan n’yo po kami.”
“Gunagawa din namin ang lahat pero talagang mailap ang mag donors ngayon. Bakit di po natin subukan sa magulang ng bata?”

HALOS maubos ang luha ni Sally habang ipinapasa niya ang kanyang dugo sa bata. Masakit sa kanyang dibdib na hindi niya kayang iligtas ang sariling anak. Macky, pasensya ka na!


Pasensya na ako ay palaging wala
Pasensya na bihira tayong magkita
Di n’yo alam, lagi akong nag-aalala
Ang puso ko ay nariyan, kahit ako’y wala


Nailigtas ang buhay ni Mohamed, dahil sa kanya nadugtungan ang buhay nito. Kasabay nang panghihina niya ang pagsibol ng pag-alala sa buhay ng sariling anak. Sana nakaligtas rin sa panganib ang buhay nito. Tinawagan niya ang kanyang ina subalit hindi ito sumasagot sa mga tawag niya. “Nay, nakikiusap ako sagutin n’yo ang phone. Diyos ko, ano na nangyari sa kanyang anak?

NAPALUHOD si aling Nelma sa harap ng altar. Nanganganib ang buhay ng kanyang apo. Nakaabot na sa kanya ang balita ang hindi pag-uwi ng anak. Nakuha na rin niya ang perang pinadala nito. Kaya bang iligtas ng pera ang buhay ng kanyang apo? Diyos ko, tulungan N’yo pong makauwi ang anak ko sa lalong madaling panahon, usal niya sa kanyang sarili.  

HINIMAS niya ang mukha ni Mohamed. Kasabay ng pagluha niya ang pagsibol ng ngiti sa mga labi nito. Natutuwa siya na nailigtas niya ang buhay nito subalit isa siyang ina na nag-aalala sa sariling anak. Bigla siyang napalingon nang bumukas ang pintuan, at iniluwa nito ang ina ni Mohamed.

“Sally,” wika nito. Napatingin siya sa envelop na iniabot nito sa kanya. “Go home now!” Nasaklot niya ang kanyang bibig. Hindi siya makapaniwala na makakauwi na siya ng Pilipinas. Bigla niyang niyakap ang amo niyang babae. “Sally, thank you for saving my son. Filipini is good!” Tagos sa puso ang binitiwan nitong salita.

Hindi na niya iiwan ang kanyang anak. Sapat na ang limang taon upang makapag-ipon siya ng pera para sa anak. Anak, parating na si mama! Mamayang gabi na ang flight niya. Nakahanda na ang mga bagahe niya. Binuhat niya ang maleta saka lumabas ng silid. Mayamaya, inilapag niya ito sa salas saka tinungo ang silid ni Mohamed na nakalabas na ng ospital.

NATAHIMIK ang bata nang makita siya. Bigla siyang napaiyak nang makitang malungkot ito. Alam na ng bata na uuwi na siya ng Pilipinas. “Mohamed, papakaibait ka ha. Call me in the Philippines. Don’t forget your mama yaya ha.” Tahimik lamang ito habang lumuluha. Hinalikan niya ito sa pisngi saka tumalikod upang lisanin na ang silid ng bata.
“Sally, please don’t leave me. I need you!” Tuluyan nang nanghina ang kanyang mga tuhod upang humakbang palabas ng silid. Tumalikod siya upang masilayan muli ang batang naging bahagi na ng kanyang buhay. Patakbo siyang lumapit sa bata na siyang pagbangon naman nito sa kama. Mahigpit niyang niyakap ang bata. Mahigpit na may bakas nang pamamaalam. “Sally, please don’t go.”

Masakit sa dibdib nang lisanin niya ang silid ng bata. Ang iyak nito ang sumugat sa kanyang puso. Nasasaktan siya. At aaminin niya sa kanyang sarili na napamahal na sa kanya si Mohamed. Mohamed, pasensya ka na. Kailangan ko itong gawin. Pasensya na, ang huling sambit niya sa kanyang sarili habang naglalakbay ang kanyang mga paa palabas ng bahay.

PALUBOG na ang araw nang makalapag ang kanyang mga paa sa lupaing kanyang pinanggalingan. Sinalubong siya ng ina na tila nasasabik sa kanyang mga yakap.
“Sally, ang anak mo agaw buhay sa ospital. Kailangan niya ng dugo mo.” Sa sinabi nito nagkaroon ng takot ang kanyang dibdib. Palalim na ang gabi subalit nasa loob pa sila ng sasakyan. Mula NAIA International Airport ay dumeretso sila ng ospital kung saan naka-admit ang kanyang anak. Subalit, bumper to bumper ang pagitan ng mga sasakyan.

NAGKAROON ng matinding pag-alala sa puso ni aling Nelma. Ayon sa doctor, kung hindi masasalinan ng dugo ang apo niya maaari itong mamatay. Ginawa na niya ang lahat, halos magmaka-awa na siya sa mga kaibigan at kamag-amak subalit walang nakapasa sa test upang magsalin ng dugo sa kanyang apo.  Tinawagan na rin niya ang ama ng apo niya subalit nanahimik lamang ito sa kanyang ibinalita.
“Sally, oras na may mangyaring masama sa apo ko, hindi ko mapapatawad ang ama ng anak mo. Bakit di niya sinubukang iligtas ang kanyang anak?”
“Nay, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung may _.”
“Anak, huwag! Huwag kang mag-isip ng ganyan. Tutulungan tayo ng Diyos.” Humikbi na lamang ang anak na siyang niyakap niya nang mahigpit. Naaawa siya sa anak. Gusto niyang sisihin ito sa maagang pagbubuntis noon, at sa pagpatol sa isang lalaking hindi naging mabuting ama sa kanya apo, subalit hindi niya magawang sisihin ito dahil kailan man hindi niya pinagsisisihan ang magkaroon ng isang mabait na apo. Kung hindi nagkasala ang kanyang anak, hindi siya mabibiyayaan ng isang anghel na nagbigay kasiyahan sa kanyang buhay – isang anghel na pumuno sa pangungulila niya sa sariling anak.
“Anak, mahal na mahal kita. Miss na miss ka ni nanay,” aniya sa kanyang anak. “Sally, salamat bumalik ka na.”

NAGHAHABULAN ang kanyang mga paa nang makarating siya ng ospital. Agad niyang nilapitan ang nurse upang itanong kung saan siya puwedeng magpakuha ng dugo para sa kanyang anak. Subalit nang mabanggit niya na galing siya ng biyahe ay tumutol na ito sa gusto niyang mangyari.
“Pasensya na po, gaya po ng sabi n’yo kagagaling n’yo lang sa byahe. Pero, magpa-test na rin po kayo_.” Hindi na niya pinatapos pa ang sasabihin ng nurse nang bigla niya itong iniwan. Sinalubong niya ang ina na nag-ayos pa ng kanyang mga bagahe.
“Nay, baka po mabigo akong magpasa ng dugo kay Macky, Ano po ang gagawin ko?” Naguguluhan na siya. “Nay, magpapa-test pa rin ako.”
“Anak, pupuntahan ko muna ang apo ko.” Nasaklot niya ang kanyang dibdib. Nang makabawi, kinausap niya muli ang nurse upang magpa-test ng dugo.

BUMAGAL ang takbo ng oras nang makuha niya ang resulta ng test. Napasandig siya hanggang sa mapaupo siya sa sahig. Halos maubos ang kanyang mga luha nang mabigo siyang maipasa ang kanyang dugo. Mahina pa siya upang mag-donate ng dugo. Naalala niya si Mohamed, ang batang nailigtas niya. Anak, patawarin mo ako, aniya sa kanyang sarili. 

Mabigat ang kanyang mga hakbang habang patungo sa silid ng kanyang anak. Kaya niyang ibigay ang lahat ng luho nito, lahat ng mga pangunahing pangangailangan nito. Bakit hindi niya kayang ibigay ang isang bagay na magdudugtong sa buhay nito. Habang naglalakad, hinihiling niya sa langit ang kaligtasan ng kanyang anak. Kung kinakailangang manawagan siya sa radio, sa TV, at sa dyaryo ay gagawin niya makahanap lamang ng blood donor.

NIlapitan niya ang anak na nahihimbing sa pagtulog. Hinamas niya ang mukha nito. Hinagkan ang maputlang pisngi nito. “Anak, pasensya ka na kung hindi ko kayang ibigay lahat lahat. Pasensya ka na kung hindi kita naaalagaan, pasensya ka na kung hindi ako ang naglalambing sa’yo, kung hindi ako ang nagtitimpla ng gatas mo. Pasensya na kung hindi ako ang kasama mo sa iyong pagtulog. Anak, kahit hindi ako ang nagpapaligo sa’yo, alam mo ba na hindi ka nawala sa puso ko. Huwag mong iiwan si mama ha. Kaya mo ‘yan. Hahanap ako ng taong makakatulong sa’yo.”


Pasensya na, inyong damit naglalaba’y iba
Di ko alam paborito ninyong meryenda
Ang homework n’yo, hindi ako katulong gumawa
Pag may sakit, hindi ako nag-aalaga


 Kinuha niya ang cellphone niya, naalala niya ang ama ng kanyang anak. Jude, parang awa mo na sagutin mo ang tawag ko. Naalala niya ang ama ng kanyang anak. Kung kinakailangang mag-makaawa siya, gagawin niya maging donor lamang ito. Subalit, napagod na ang kanyang mga daliri – walang sumasagot sa kanyang mga tawag.

Sa altar, doon niya ibinuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin. Nauubusan na siya ng lakas. Napatingin siya sa imahe ni Kristo. Hinawakan ang paa nito saka mataimtim na nanalangin.

Nakikiusap ako, iligtas N’yo po ang aking anak. Pinapangako ko hindi ko na siya iiwan. Ibigay N’yo po ang kailangan ng anak ko upang mailigtas siya sa kapahamakan. Diyos ko, parang awa N’yo na po. Tulungan N’yo po kami.

Mabagal ang kanyang mga paa habang tinutungo ang silid ng anak. Ilang beses na siyang naki-usap sa doctor na ipasa na niya ang kanyang dugo kahit ikamatay pa niya. Subalit tumutol ito sa kanyang kagustuhan. Ngayon, sa langit na lamang siya aasa. Naniniwala siya na ililigtas ng Diyos ang kanyang anak. 

Binuksan niya ang pintuan. At halos magulat siya sa kanyang nasaksihan. Mahimbing na natutulog ang kanyang anak habang sinasalinan ito ng dugo. Napasulyap siya sa isang taong nagbigay buhay sa kanyang anak.  Isang taong nagbigay sugat sa kanyang puso – si Jude habang nakatingin sa kanya.

Tagos sa puso ang kaligayahang nararamdaman niya; para sa kaligtasan ng anak, at sa pagsagip ni Jude sa buhay ng anak. Natigilan siya nang may biglang humawak sa kanyang kanang kamay.
“Sally, I’m sorry!” Hinawakan niya ang kamay nito. Kumurba ng ngiti ang kanyang mga labi.
“Jude, napatawad na kita. Patawarin mo rin ako. Kasalanan ko naman diba? Pinilit kita, kahit alam kong hindi ako ang mahal mo. Ginusto kong mabuntis dahil mahal kita. Hayaan na natin ang nakaraan. Masaya ako na makita kang masaya sa piling ng asawa mo.”
“Sally, ako dapat ang humingi ng tawad. Hindi ako naging responsableng ama sa anak natin. Pinabayaan ko kayo.”
“Tama na, kung ano man ang pagkukulang mo noon. Nakabawi ka na, nailigtas mo ang anak natin.” Niyakap niya ang ama ng kanyang anak. “Paalam, Jude.” Tumalikod na siya upang lapitan ang anak. Gusto niyang umiyak subalit pinigilan niya. Kailangan niyang magpakatatag para sa anak. Ipapakita niya na kaya niyang harapin ang lahat ng pagsubok na pagdaraanan niya.

Bubuhayin niya ang kanyang anak. Itataguyod niya ito sa abot ng kanyang makakaya – nang nag-iisa. Patutunayan niya sa kanyang sarili na hindi siya nagkamali na piliin ang maging isang ina.


Pasensya na at TV ang taga-aliw twina
Ang gatas nyo hindi ako ang nagtitimpla
Darating ang panahon, trabaho’y tapos na
Pangako ko mga anak, tayo’y magsasama


“Mama, di ka na aalis?”
“Oo naman! Aba, ano ‘yang hawak mo?” Yumuko pa ang anak na tila nahihiya. Mayamaya pa, iniabot sa kanya ang bangkang papel. “Wow, ang ganda naman! Galing talaga ng baby ko.” Niyakap niya ang anak saka hinagkan ito sa pisngi. “O, liligo ka na ha,” dugtong niya.
“Mama, nahihiya ako.” Napanganga siya sa inasal ng anak. Hinuhubad niya ang brief nito subalit mahigpit ang pagkakahawak nito.
“Naku ha, nahihiya ka na sa mama ha. Bakit binata ka na ba?” Muli niyang niyakap ang anak saka hinalikan ito sa ilalim ng kilikili. Halos magpapalag ang anak sa ginawa niyang pagkiliti dito.

Lubos na ang kanyang kaligayahan. Kapiling ang anak ay wala na siyang maihihiling pa. Nagtagumpay na rin ang maliit na grocery story na itinayo niya, kung saan ang nanay niya ang namamahala.

“Macky, drink your milk.” Natutuwa siya habang nakikitang umiinom ng gatas ang anak. Naaalala niya ang mga araw na nagtitimpla siya ng gatas. Hindi para sa anak kundi para kay Mohamed.
Biglang nag-ring ang cellphone niya. Kumunot ang kanyang noo nang di niya matukoy kung sino ang tumatawag.
“Hello?”
“Sally, how are you? This is Mohamed. Komusta kaw?” Napaluha siya sa labis na kaligayahan. Masaya siya na naaalala pa siya ng isang batang napamahal na sa kanyang puso.
“Mama, sino po kausap n’yo?” Niyakap niya ang anak habang kinakausap si Mohamed. Ramdam niya ang labis na kaligayahan – ang sarap maging isang ina.


WAKAS
Sa Panulat ni JonDmur




Pasensiya Na
Manilyn Reynes

Pasensya na, di ko kayo naipagluluto
Almusal ninyo, hindi ako’ng naghahanda
Sa umaga, hindi ako nagpapaligo
At ni minsa’y di naghatid sa inyong eskwela

Pasensya na, inyong damit naglalaba’y iba
Di ko alam paborito ninyong meryenda
Ang homework n’yo, hindi ako katulong gumawa
Pag may sakit, hindi ako nag-aalaga

Pasensya na ako ay palaging wala
Pasensya na bihira tayong magkita
Di n’yo alam, lagi akong nag-aalala
Ang puso ko ay nariyan, kahit ako’y wala

Hindi ako pinalaki sa karangyaan
Naranasan kong kumalam, ang aking tiyan
Kupas na uniporme, aking pinagtiyagaan
Butas ang sapatos papuntang eskwelahan

Bago ako nagdisisyong maging isang ina
Pinangako kong hindi kayo magdurusa
Ang buhay nyo ay magiging palaging masagana
Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya

Pasensya na at TV ang taga-aliw twina
Ang gatas nyo hindi ako ang nagtitimpla
Darating ang panahon, trabaho’y tapos na
Pangako ko mga anak, tayo’y magsasama

Mahal na mahal kayo ni mama

8 comments:

  1. wow, para namang story ko eto. Ibang bansa ga lamg, but the pain, the separation and everything. Yong luha ko tulo ng tulo habang binabasa ang story mo and the last part. Parang sulat ko rin sa mga anak ko. Para bang sinasabi ng mga anak ko kung ano ang naramdaman nila at ganon din ako.
    For many years ay halos ginawa ko na lang bato ang puso ko, for their future. Thanks God for his help, everything turned out alright.
    Continue with your good work.
    I am so happy knowing you!

    ReplyDelete
    Replies
    1. natouch naman ako kasi binasa mo kahit mahaba.. special sa akin ang story na ito kasi nagbuhos ako ng emosyon hehehe.. bilib din ako sayo kasi alam ko ung napagdaan mo.. hirap talaga pag nalayo sa anak.. wish ko na maging okay sayo ang lahat... thanks sa pag share sa comments.. happy na ako kasi prend na tayo.. Goodluck Sis! Godbless...

      Delete
  2. I was trying to hold on my tears while reading, but when I read Joy's comment, naiyak na talaga ako.

    Sobrang lungkot ng story. Na-suspense pa ako buti na lang ok din ang ending kundi lalo na akong mapapaiyak. Talagang ganun ang buhay, we need to make sacrifices for the good of our love ones. Thanks for sharing this story.

    Thanks also for following me in GFC and for leaving a comment on my blog. I followed you back, I'm your #29 :). You have one great site here!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks you so much sa pagbabasa ng story at sa pag visit sa blog ko... ^__^
      Nung sinulat ko ito iniisip ko ang mother ko... 12 yrs kasi siyang OFW... kaya nagbuhos din ako ng emosyon habang nagsusulat...

      teka... baka maiyak ako hehehe.... thanks ulit... lalo na sa pag follow... 29 na followers ko hehehe ... Godbless....

      Delete
  3. waaaaaaa


    napa iyak ako huhu
    ang gandaaaaaa

    da bestka tlga fafa love

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks Hanna ^^ hehehe buti naka pasyal ka dito.... thanks sa pagbasa ^__^

      Hugs ^^

      Delete
  4. hanna flah to hihi

    ReplyDelete
  5. Bro ngayon ko lang nabasa to. Kakaiyak! Ang galing ng mga eksena. Ibang klase ang pagsulat mo. Ang ganda bro. Patuloy kapang magsulat nang patungkol sating mga OFW. cheers!

    ReplyDelete

Comments