xmlns:og='http://ogp.me/ns#'> "NOTJUSTABLOG": Kwentong Holloween: Lalaking Buntis

Popular Post of the Week

Kwentong Holloween: Lalaking Buntis

MASYADONG maalinsangan ang panahon pero tila may bagyong sumasalakay at inaanod ng baha ang puso ng isang ina habang yakap nito ang katawan ng anak.

"Magbabayad siya! Ipaghihiganti ko ang ginawa niya sa'yo. Magbabayad siya," wika nito saka ubod ng pait na muli itong humagulgol. Maya-maya ay may hinugot itong isang larawan mula sa bulsa ng anak. "Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan ay magbabayad ka," dugtong nito saka umusal ng isang lumang wika. Pagkatapos ay dinuraan nito ang imahe sa larawan. Bawat daanan ng laway ay nalulusaw ito hanggang sa mawala na ang imahe. Lumipad ang paningin niya sa salaming nakasabit sa dingding ng kuwarto. Nanlilisik ang mga mata niyang titig na titig roon. Ilang sandali pa ay nabasag ang salamin at umagos ang sariwang dugo.







"MAHAL na mahal kita," wika niya sa binata habang hinila siya palapit sa dibdib nito. Napasinghap siya nang maramdaman ang init ng hininga nito.  Pakiramdam niya ay sinisilaban sa init ang kanyang mga pisngi. Gusto niyang itulak palayo sa kanya ang lalaki subalit walang lakas ang mga braso niya para pigilin ito.

Basa ang kanyang mukha ng mga luhang naibuhos niya. Kanina lamang ay kayakap niya ang lalaking iniibig. Ngayon, mag-isa na lamang siyang nababalutan ng puting kumot na nabahiran ng pulang mantsa.

"Bakit mo ako biglang iniwan?"

GUWAPO, matalino, at matangkad. Ang mga iyon ang katangian ni Alex. Matinik siya sa mga babae. At ilan sa mga iyon ay lumuha ng dahil sa kanya.

Lumaki siya sa Maynila. At dahil nasa wastong edad na siya ay malaya niyang inililibang ang kanyang sarili sa mga babaeng kanyang napupusuan. Ang babae sa kanya ay parang isang manika. Kapag pinagsawaan ay wala ng halaga. Lalo na kung nakuha na niya ang pagka-berhen nito.

Naglalakad siya sa kalsada nang maramdaman niyang may tila tumatawag sa kanya. Iginala niya ang kanyang paningin, at nang matiyak na walang ibang tumatawag sa kanya ay muli niyang ipinagpatuloy ang paglalakad bitbit ang kanyang maleta. Patungo siya sa bahay-bakasyunan nila sa isang liblib na lugar sa Iloilo. Pansamantala niyang iiwan ang buhay sa Maynila. Ang totoo ayaw niyang magawi sa kanayuan dahil malayo ito sa mga lugar na hilig niyang puntahan.

"Di bale marami namang magagandang babae rito," piping usal niya. Tama nga ang kanyang hinala, maraming magagandang dalaga siyang nakakasalubong sa daan. Mga dalagang malayo sa asal ng mga babaeng lumaki sa syudad.

Mula sa di-kalayuan ay natanaw niya ang isang bahay-kubo. Maya-maya pa ay may lumabas na isang matandang lalaki. At natitiyak niyang ito ang kanilang katiwala – si Mang Ambo.
"Mabuti at napadalaw ka. Eh, baka naman may tinatakasan kang babae," pabirong wika nito sa kanya. Isang buntung-hininga na lamang ang kanyang itinugon.

MASUNGIT ang panahon sa gabing iyon. Hindi siya makatulog kaya minabuti niyang dumungaw sa bintana. Maya-maya ay tila galit ang hangin na hinampas ang kanyang mukha. Ipiniid niya ang bintana ng bahay-kubo at naupo siya sa kawayang upuan. Natanaw niyang mahimbing na natutulog ang kanilang katiwala sa papag na kawayan. Naalala niya ang sinambit nito sa kanya kanina. Baka raw may tinatakasan siyang babae kaya siya napapadpad sa kanayuan. Muling nag-flashback sa kanyang utak ang mga huling tagpo nila ni Dolores.

"Buntis ako, at ikaw ang ama." Tila tinambol ang kanyang dibdib sa narinig. Buntis ang kanyang nobtya. At alam niyang hindi niya kayang panagutan iyon. Iniwan niya itong luhaan sa plaza. Alam niyang masama ang kanyang ginawa pero ito lamang ang paraan para makaiwas siya sa responsibilidad. Itinanggi niyang siya ang ama ng dinadala nito kahit pa alam niyang siya ang nakakuha ng pagka-berhen nito.

Ngayon, nandito siya sa kanayunan para tumakas. Ayon sa kanyang mga kaibigan ay hinahanap siya nito ngunit makalipas ng dalawang araw ay hindi na ito nagparamdam.

Natigilan siya nang makaramdam ng pagsusuka. Tumayo siya para buksan ang bintana at doon ilabas ang isusuka niya. Muli siyang naduwal hanggang sa masuka na siya. Habol ang paghinga nang maisuka niya ang lahat ng nakain niya. At sa kanyang pagtingala ay napaigtad siya sa kanyang nakita. Isang babaeng nakaputi ang nakatalikod mula sa di-kalayuan. Nakalutang ito sa hangin. Napaantada siya sa labis na sindak pagkasara niya ng bintana. Humugot siya ng isang malalim na hininga. At sa kabila ng takot ay nanaig ang kuryosidad niyang muling buksan ang bintana. Wala na ang babae. Nakahinga siya ng maluwag, at inisip na namamalikmata lamang siya. Nasaklot niya ang kanyang tiyan. Parang may mabigat na bagay na unti-unting nagpapaduwal sa kanya. Nahihilo siya na nasusuka. Napahiga siya sa papag hanggang sa nakatulog na siya.

"BUNTIS ako...." mahinang daing ni Dolores. Bakas ang pait sa kanyang mukha. Ibinigay niya ang lahat kasama na ang puso niya subalit ano ang napala niya. Iniwan siya ng lalaki, at itinangging ito ang ama ng dinadala niya. Mula sa isang pahina ng libro ay kinuha niya ang isang larawan ng lalaki.
"Alex, mahal na mahal kita," wika niya habang hinalikan ang lumang larawan. Maya-maya ay kinuha niya ang isang punyal. At agad itong iniamba malapit sa kanyang puso. "Mamatay kami ng anak mo ng dahil sa'yo. Magbabayad ka!"

Kasabay nang pagkalat ng dugo sa sahig ang pagdagundong ng kulog. Tila galit ang langit sa kanyang nasaksihan. Hanggang sa unti-unting bumuhos ang ulan na tila nakikiramay sa mga kaganapan.

MULA sa di-kalayuan ay nakaramdam ng pagkabahala si Aling Petra. Nakita niya ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Naalala niya ang anak na nagdadalang-tao. At napuno ng pag-aalala ang kanyang puso. Tila nagsusumbong ang langit sa nangyari sa kanyang anak. Mula sa kanyang bulsa ay hinugot niya ang isang maliit na bote na nasisidlan ng lana, at sa loob nito ang isang ulo ng ahas. Tila may ibinulong ito sa kanya. Isang bagay na siya lamang ang nakakaunawa. Bigla siyang napasigaw, at ang sigaw na iyon ay umeko sa buong kapaligiran.

TAKAM na takam si Alex habang namimitas ng mangga. Gamit ang panungkit ay nagtagumpay siyang makuha ang inaasam na bunga. Mas malaki kumpara sa mga naunang nasungkit niya. Nabalot ng asim ang kanyang mukha nang kagatin niya ang mangga. Ang sarap, nasabi niya sa sarili. Talo pa niya ang babaeng naglilihi kung masunggaban niya ang hilaw na mangga. Pagtingala niya ay nabitawan niya ang mangga. Isang babae ang kanyang natanaw mula sa di-kalayuan. Lumulutang sa hangin. Namamalikmata lang ba siya? Napapitlag siya nang humarap ito sa kanya. Titig na titig ang mga mapupulang mata nito. Sa labis na pagkasindak ay napasigaw siya.

"Alex, a-anong nangyayari sa'yo?" pag-aalalang wika sa kanya ni Mang Ambo, ang katiwala nila. Pinainom siya nito ng tubig saka pinaupo sa isang kawayang upuan. "Baka namamaligno ka lamang?" Napatingin siya sa matanda. Ang totoo hindi siya naniniwala sa mga maligno, pero ngayon gusto na niyang maniwala.

Tumayo siya nang biglang umasim ang kanyang sikmura. Tumakbo siya para sa banyo isuka pero hindi na niya nagawa. Nahihilo siya na naduduwal hanggang sa bumigay na siya. Isinuka na niya ang nilalaman ng kanyang tiyan. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang paghimas ng matanda sa kanyang likuran.

"Dadalhin kita kay Aling Selya," wika nito sa kanya. Tumanggi siya. Ayaw niyang magpatingin sa isang albularyo. Sa isang klinika malapit sa bayan siya nagtungo. Kulang-kulang isang oras ang ginawang pagsusuri sa kanya. Hanggang sa pina-ultrasound siya. At ang resulta ay gumimbal sa buong klinika.
"B-buntis ka," hindi makapaniwalang wika sa kanya ng doktor.

ISANG linggo na ang nagdaan nang madatnan ni Aling Petra ang kanyang anak na dalaga na nakahandusay sa sahig. May punyal sa dibdib nito at naliligo sa sariling dugo. Umusal siya ng lumang wika saka kinuha ang isang lumang larawan. Maya-maya ay binuhusan niya ito ng lana na gawa sa katas ng ahas. Muling nagsambit ng lumang wika, at sa kanyang pagtingala ay lumabas mula sa kanyang bibig ang malapot na laway. Pumatak iyon sa larawan. Bawat madaanan nito ay nalulusaw ang imahe ng isang lalaki.
"Mamatay ka! Mamatay ka!"

BUTIL-BUTIL ang pawis sa noo ni Alex nang bumangon siya sa kama. Habol ang kanyang paghinga. Nakapa niya ang kanyang tiyan. Lumaki na ito na parang isang babaeng buntis. Apat na araw na ang nakakaraan nang suhulan niya ang doktor ng malaking halaga para huwag ikalat ang kababalaghang naganap sa kanya. Buntis siya. Paano nangyari ito? Tatayo na sana siya sa kama nang biglang sumakit ang tiyan niya. Napasandig siya sa kama hanggang sa mapahiga na siya. Nabalot ng sindak ang puso niya nang mapansing tila lobong lumalaki ang kanyang tiyan hanggang sa magsilabasan ang mga ugat nito. Hindi, piping usal niya. At sa kanyang paglingon ay labis ang kanyang pagkabigla nang matanaw niya ang isang babaeng nakalutang sa hangin. Humarap ito sa kanya. At halos mangalisag ang balahibo niya sa katawan nang makilala niya ito.

"D-dolores?" Lumaki ang mga mata nito na tila bolang apoy na nagliliyab.

"Oo, ako nga," Nakakapanghilabot ang boses nito. "Hindi ako matatahimik hanggang hindi ka nagbabayad sa ginawa mo sa akin." Iyon lamang ang nawika nito nang tila pulbos na nilipad iyon ng hangin.

Nasaklot niya ang kanyang tiyan nang makaramdam ng isang bagay na gumagalaw mula sa loob nito. Maya-maya ay tila napupunit ang kanyang tiyan hanggang sa magsilusutan ang mga uod, kasunod niyon ang mga bulateng lumalabas sa butas ng kanyang pusod. Nasakmal na ng takot ang kanyang pagkatao. Nagsisigaw siya ngunit tila walang nakakarinig sa kanya.

Muling pumasok sa kanyang isipan ang kanyang kasintahan. Si Dolores, isang babaeng nakilala niya sa tabing dagat, na ngayon ay minumulto siya. Paano namatay ito? Kailan pa? Sa kabila ng sakit na nararamdaman ay nagawa niyang makabangon sa kama. At sa pagtapak niya sa sahig ay muling tinambol ang kanyang dibdib nang matapakan niya ang mga malalaking uod sa sahig. Gusto niyang masuka nang mabahiran ng kung anong malapot na likido ang kanyang mga paa. At sa kanyang pagtingala ay natanaw niya ang kaluluwa ni Dolores. Titig na titig ito sa kanya. Ilang sandali pa ay nasa harapan na niya. Ang matutulis nitong mga kuko ay sumayad sa kanyang malaking tiyan. Tila may plano itong dukutin ang ano mang bagay na nais nitong makuha.

MABILIS ang mga hakbang na ginawa ni Mang Ambo. Alam niyang nasa panganib ang buhay ng kanyang amo. Nakita niya kung paano ginawa ng albularyo ang ritual. Mula sa isang kumukulong tubig sa palayok ay natanaw niya ang isang babaeng nagpatiwakal, at isang matandang babaeng may hawak na lumang larawan. Ayon sa matandang albularyo ay nasa ilalim ng kulam ang binata.
Ngayon, ay patungo siya pabalik sa bahay-kubo para sagipin ang buhay ni Alex. Kasunod niya si Aling Selya na bitbit ang mga kagamitan sa panggagamot. Pansamantala siyang natigilan nang marinig ang malakas na hiyaw ng binata. Patakbo na nilang tinungo ang bahay-kubo.

Halos masuka siya nang madatnang inu-uod ang tiyan ni Alex. Malaki pa rin ang tiyan nito na sa tingin niya ay lalo pa itong lumobo. Nakita niyang namimilipit sa sakit ang binata. Tila isang babaeng manganganak na.

Nilapitan ito ni Aleng Selya saka umupo sa tabi ng binata. Umusal ito ng isang dasal saka binuhusan ng langis na gawa sa dugo ng kobra ang tiyan ng lalaki. Maya-maya ay tumili ito na siyang pumukaw sa mga ibong namamahinga sa sanga ng kahoy. Ang tili nito ay umeko sa buong kagubatan. Tila nagkahugis ang boses na siyang itinangay ng hangin sa kalawakan.

"HINDEEEEE!" hindi makapaniwalang nawika ni Aling Petra. May kumokontra sa kanyang kapangyarihan. Mas malakas kaysa sa kapangyarihang taglay niya. "Dapat siyang mamatay." Umeko ang boses nito na tila nagsa-usok hanggang sa liparin ng hangin ang mahiwagang tinig na siyang sumabay sa isa pang tinig. Nagkasalubong ang dalawang tinig hanggang sa balutin ng dilim ang kalangitan. Kasunod niyon ang pagguhit ng kidlat sa langit.

HABOL ang paghinga ni Aling Selya. Batid niyang mas malakas ang enerhiyang taglay niya kaysa sa kumulam sa binata. Nagtagumpay siyang isalba ang buhay nito subalit isang bagay ang hindi niya kayang kalabanin. Ang paglabas ng sanggol sa sinapupunan nito.

NAPAKAPIT si Alex sa magkabilang gilid ng papag. Pawisan na siya. At sa pakiramdam niya ay hindi niya kayang pigilan ang isang bagay na gustong kumawala sa kanyang tiyan. Hubot-hubad na siya. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari. Manganganak ba siya? Paano?

Muli siyang napatili nang makaramdam ng kirot. Timigas ang kanyang malaking tiyan, na tila nauunat ang balat nito. Sa kabila ng hirap ay nagawa niyang magdasal sa panginoon. O, Diyos ko! Huwag n’yo po akong pababayaan,” dasal ng kanyang isipan.

"Sige, i-ere mo," malakas na sigaw ni Aleng Selya. Sumigaw siya ngunit walang boses na lumabas. Tumulo ang kanyang mga luha. Naaalala niya ang mga babaeng naging bahagi ng kanyang buhay, mga babaeng niloko niya, at ang babaeng nabuntis niya. Dolores, patawarin mo ako, piping usal niya. Kasabay ng malamig na hangin ang muling pag-ire niya. Isa, dalawa, tatlong ire hanggang sa matanaw niya ang kaluluwa ni Dolores. Umiiyak habang nagmamasid sa kanya. Binalot ng takot ang puso niya nang mapansing lumalaki ang butas ng kanyang pusod, na tila doon lalabas ang sanggol na isisilang niya. "Ahhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!" Kasabay ng kanyang sigaw ang pagsilang ng isang malusog na sanggol.

NAALIMPUNGATAN si Alex nang makarinig ng iyak ng sanggol. Nababalutan siya ng puting kumot na nabahiran ng pulang mantsa. Nanganak siya, at hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala. Puno ng pagsisisi ang puso niya. At ngayong alam na niya kung gaano kahirap ang manganak, ipinapangako niya sa kanyang sarili na paninindigan na niya ang babaeng mabubuntis niya. Sa kanyang pagtingala ay pansamantala siyang nabigla. Ang takot ay nawala nang makilala ang babaeng nakaputi. Lumapit sa kanya ang kaluluwa ni Dolores.

"Pinapatawad na kita. Alagaan mo ang anak natin. Wala siyang kasalanan." Iyon lamang ay nawala na sa kanyang paningin ang babaeng ina ng kanyang anak. Tumingala siya sa itaas at taimtim na nagpasalamat. Nagsisi sa kanyang kasalanan, at humingi ng tulong na harapin ang kanyang buhay kapiling ang kanyang anak. Tinanggal niya ang puting kumot na bumabalot sa hubad niyang katawan. Napangiti siya sa kanyang natuklasan. Bumalik sa normal ang laki ng kanyang pusod at tiyan. Salamat, Diyos ko! ang dasal ng kanyang isipan.

“Maraming salamat, Dolores! Napatawad mo ako,” bulong niya sa hangin.

Minsan ang kababalaghan ay nagaganap na hindi natin inaasahan. Mga kaganapan na kay hirap paniwalaan. At sa kabila ng lahat, sa Diyos ikaw ay manalig! Matakot ka sa karma! Hindi lahat ng mga babae ay kaya mong lokohin. Mag-ingat, baka ikaw na ang sumunod!


WAKAS

Note: ang larawan ay nakuha sa Google Images. Ito ay hindi ko pag-aari. 

32 comments:

  1. Inumpisahan ko basahin, pero tumigil ako kasi natakot ako. Baka di ko makatulog mamaya gabi. Hu hu

    ReplyDelete
    Replies
    1. hala may mumo.... Happy Halloween po... musta halloween diyan... may kakaibang celebration po ba? dito sa ksa wala talaga... normal na araw lang.... pero sa Pinas... un punta sementeryo at magluluto ng kakanin... na miss ko tuloy kumain ng biko....

      Delete
    2. parang ang layo ng reply ko sa post at sa comments hehehe

      Sana wag na matakot.... ^____^

      Delete
    3. I miss din na magbisita sa mga loved ones na namayapa na. Dito puro halloween din at katatakutan. Pero wala na nag pupunta dito sa akin for trick or treat. ALam na ng neighborhood na I don't participate in any of it coz it's from the dark sides kahit katuwaan lang para sa iba.
      I just don't feel that it is for me. ANyway, eveybody has the right to decide for themselves.
      On saturday, nag imbita ang mga friends to a halloween party. Mag wear daw ng customes na hindi nakakatakot if someone wants it. I still don't know kung pupunta ko. I love to be with them, pero... hay ang hirap mag decide.
      Anyway, siguro pag tapos na halloween, di na nakatakot ang kuwento mo. hi hi.
      Gusto ko mga story an pinaiiyak mo ako at may moral lessons. Hay, siguro dahil grandma na ako. hihi

      Delete
    4. ito muna ang last horror ko hehehe.... ako din po na miss ko na din ang pagpunta sa sementeryo.... saka ung mga kakanin na madalas gawin sa probinsya...

      Godbless po!

      Delete
  2. Ayieeh, ang ganda.. Hindi ako natakot... :D

    Hahahahahah..

    Good job kuya, try ko rin kayang magsulat ng kababalaghan.. Hahahahaha

    ReplyDelete
    Replies
    1. uo try mo hehehe.. kaya mo yan.. welcome sa pagiging blogger hehehe

      Delete
    2. Ayieeh, welcome sa sarili ko.. Lol..

      Delete
  3. wah! ayan nakarma. inisip ko nung una kung saan lalabas ang baby! :)

    nice one jondmur! :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks Zai ^^ hehehe ako din nag-iisip kung saan dapat lumabas hehehe

      Delete
    2. ako rin Zai nag-isip. buti na lang sa pusod. ang gross naman kasi kung sa iba lumabas lol

      nice story kapatid! naalagaan ang suspense (at dito nako naki-comment kay ZaiZai ha ha

      Delete
    3. una ko nga naisip baka sa pwet..kawawang baby! haha :) buti na lang sa pusod :)

      Delete
    4. hahaha uo nga kawawa si baby kung sa pwet lalabas hehehe

      Thanks sa pagbasa Balut and Zai ^___^

      Delete
  4. at least napatawad din siya ni dolores...

    akala k osa pwet lalabas ang baby eh... lolz

    happy halloween :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehehe uo nga atlest napatawad siya...

      thanks sa pagbasa... Happy Holloween din ^_^

      Delete
  5. hahahaha ngayon gusto ko malaman kung ang sanggol ba ay magiging tiyanak hahahah

    ReplyDelete
    Replies
    1. cute na tiyanak ang baby hehehe

      thanks sa pagbasa ^^ Happy Halloween ^^

      Delete
  6. yan ang bagay sa mga play boy ako din naisip ko nung una san lalabas eeh

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehehe napaisip ba pre... nakakakilabot pag nangyayari talaga... hirap manganak hehehe

      Delete
  7. hehe .. nice .. talgang binasa ko hanggang sa matapos .. masama talga ang dulo kapag masama ka rin na walang awa sa mga taong nasasagasaan mo, mga niloko at patuloy na niloloko.. kaya nagkakaroon ng mga kababalaghan ...


    salamat din po sa pagbisita mo sa blog ko ..
    lagi narin po akong nandidito basta may new post ..

    :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks sa pagbasa ha.. ^^ Happy Holloween!

      Delete
  8. di ko alam kung matatawa ako o matatakot sa kwento..lol

    salamat sa pag landing sa aking blog
    #follow na din kita :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehehe thanks din sa pagbasa ^___^

      at sa pag follow ^^

      Delete
  9. Ser bukas ko nalang babasahin, Mukhang nakakatakot e. 11:30pm na kasi dito at ako nalang ang gising. bukas ng umaga. promise. lol

    ReplyDelete
    Replies
    1. tol musta hehehe sige wait ko yan... baka matawa ka dito hehehe

      Delete
  10. hindi naman nakakatakot kasi pinatawad sya ni dolores. pero nag wonder ako bakit eri sya ng eri eh sa pusod pala lumabas. kala ko tuloy para lang toothpaste. hahaha

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehehe parang toothpaste ba ^__^ umaaray siya kasi masakit daw hehehehe... hirap siguro pag lalaki nanganganak hehehe

      Thanks sa pag read ^^

      Delete
  11. Paano kaya kung may ganito talaga noh?! Ano kaya ung position sa loob nung lalake ung baby?...hehe nice story...nakaka takot tsaka pwede talaga maging totoo...:)


    xx!

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks xoxo_grah ^^ hirap manganak... kaya nakakabilib mga babae kasi kaya nilang manganak...

      Kung kulam posibleng mangyari..... ^^

      Delete
  12. Bakit nabuntis yun lalaki? Nakulam? Haha.. hindi ko binasa, sorry naman, takot ako eee

    ReplyDelete
    Replies
    1. uo nabuntis ung lalaki hehehe wag na basahin baka di ka maka tulog hehehe mag isa ka pa man din diyan hehehe ^__^

      Sa kulam.... posibleng mangyari... pero kung malakas kapit kay God.... di tatalab un hehehe

      Delete
  13. Yes, lahat ng mga maling ginagagwa natin ay may consequences. Kung ano nga daw ang itinanim ay siyang aanihin. (Grabe no pati lalaki nabuntis hehe). Nice!

    ReplyDelete

Comments