True love conquers all... may it be eternity...
Nothing’s Gonna
Change
By: Jondmur
M
|
ALAKAS ang buhos ng ulan na tila may
bagyong paparating. Sumasabay ang damdamin ni Lola Loring sa dalamhati ng
panahon. Hinimas niya ang lumang larawan. Mababakas sa kanyang mukha ang labis
na pangungulila.
Gumuhit ang kidlat sa kalangitan, at
kasabay niyon ay ang malakas na hampas ng hangin na tumama sa kanyang mukha. Alex, hanggang kailan kita hihintayin? Muli
niyang pinagmasdan ang larawan na napatakan na ng kanyang mga luha. Huminto ang
kanyang paningin sa isang babaeng nasa pagitan ng dalawang lalaki.
Parang
kailan lang, bulong ng kanyang isipan. Sumilay ang mga ngiti sa kanyang mga
labi nang biglang mag-flash back ang
tamis ng kahapon.
“WOW!” malakas na sigaw ni Lorilie nang mag-flash ang
kamera. Mayamaya, inayos niya iyon hanggang sa unti-unti nang lumalabas ang
larawan sa isang polaroid camera na
minana pa niya sa kanyang yumaong ama. Tatlong kopya ang iniluwa nito subalit
ang isa ay nilamon ng tinta na kung saan ay kumalat sa imahe ng larawan. Kinuha
niya ang isa at iniabot niya kay Alex ang isa pang kopya samantalang ang
nasirang kopya ay itinapon niya sa isang sulok.
“Paano ako?” pagtatampong wika ni
Alexander na nalungkot nang mapansing dalawa na lang ang kopya ng larawan.
Bagsak ang dalawang balikat na humarap ito sa kanya.
“Huwag kang mag-alala. Kapag
nalagyan ng bagong film ang kamerang
ito, eh, picture ulit tayo at ikaw
naman ang bibigyan ko ng kopya.” Tumalikod ang binata at naiwan siya na tila
nag-e-enjoy sa pagtatampo nito. Ilang segundo pa, lumipad ang paningin niya sa
isang binatang masayang pinagmamasdan ang nakuhang kopya. Mayamaya pa, nakita
niya itong tumakbo palapit kay Alexander na tila nang-iinggit pa sa kaibigan.
“Tol! Gusto mo? Ayaw ko nga!”
patawang wika nito, sabay bungisngis. Lumabas tuloy ang dalawang dimples sa pisngi nito.
“A-alex! malakas na sigaw ni Lorilie.
Kinabahan siya na baka ibigay ni Alex ang larawan kay Alexander.
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni
Alexander. “Ako ba ang tinatawag mo? Siguro ibibigay mo na ang kopya mo sa akin,”
malambing nitong wika na tila isang batang nagpapa-cute. “Sige na, akin na lang
`yan.”
Magkababata silang tatlo. Si Alex,
ang lihim niyang iniibig. Makisig ang pangangatawan nito na bumagay sa
kayumangging kulay. At ang mga mata nito ay mapupungay na bumagay sa matangos
nitong ilong. Si Alexander, ang masugid niyang manliligaw. Guwapo, at makisig din
ang pangangatawan na maihahalintulad din kay Alex. Sabi nga ng iba magkamukha
ang dalawa. Idagdag mo pa na pareho sila ng pangalan.
Pumasok ang pagkapilya ni Lorilie.
Patakbo niyang tinungo ang kinaroroonan ng dalawang lalaki at agad na hinablot
ang sombrero ng dalawang binata. “Habulin
niyo ako!” malakas niyang sigaw na ikinatawa ng dalawang binata. Sumabay ang langit sa tuwang nadarama ni Lorilie;
ang bahaghari ay tila nagkaisip at bigla itong ngumiti sa kalangitang naiiyak
na sa labis na kaligayahan, at ang mga ibon ay tila nag-aawitan sa sayang
nadarama. Lumulundag ang kanyang puso sa tuwing nakakapiling ang lalaking
minamahal.
Sa ginawang paghakbang ni Lorilie ay
bahagya siyang natisod subalit maagap si Alex. Sinalo siya nito at agad na
inalalayan. Pagkatapos ay itinulak siya nito palapit sa malapad nitong dibdib.
Bumilis ang tibok ng kanyang puso na tila tinatambol sa tuwang nadarama. Nilabanan
niya ang titig ng binata – gusto niyang tiyakin ang isang hinala, na ito ay may
pagtingin din sa kanya at nagpaparaya lamang ito sa kaibigan.
“Oh, baka magselos na ako niyan!”
malakas na sabi ni Alexander na parang nagseselos na nga ito.
Nanatiling nakatayo si Lorilie
habang pinagmamasdan ang dalawang lalaking naging bahagi ng kanyang buhay.
Na-focus ang atensiyon niya sa mukha ni Alex. Lihim siyang napangiti. Kailan
kaya siya liligawan ng binata? Sana ito na lang ang nanliligaw sa kanya.
Hanggang kailan kaya siya maghihintay sa pagmamahal nito?
No comments:
Post a Comment