NAKAHINGA nang maluwag si Ruthie nang matuklasang si Edyzr ang yumapos sa kanya. Kamuntikan na siyang mahulog sa hagdan kung hindi agad ito nakarating. Mabuti na lamang maagap ang binata – iniligtas siya nito sa anumang panganib na naghihintay sa kanya.
Iginala niya ang kanyang paningin saka huminga nang malalim. “Bumalik na sa dati ang lahat,” aniya na siyang nagpagulo sa isipan ng driver.
“Hindi kita maunawaan? Ano bang nangyari sa’yo? Muntik ka nang mahulog sa hagdan.” Bigla siyang kumalas sa pagkakayakap nito. Pakiramdam niya namula ang kanyang mukha. “Sorry! Sinalo lamang kita kaya napayakap ka sa akin. Ano ba ang ginagawa mo rito?”
Bigla niyang naalala ang pinsan niya. Inihakbang niya ang kanyang mga paa hanggang sa maka-akyat na siya ng second floor. Bumaba naman sa hagdan ang binata na tila naguguluhan sa ikinikilos niya.
Tumungo siya sa silid ng pinsan niya. Kinilabutan siya nang mabigo siyang matagpuan ito sa loob ng silid. Subalit, agad siyang nakahinga nang maluwag nang matuklasang nasa loob ito ng restroom.
“Nandito lang ako,” wika nito sa kanya. Kalalabas lamang nito sa banyo na tila malalim ang iniisip. Umupo ito sa kama saka nagsuklay ng buhok.
Lumapit siya rito saka hinawakan ang magkabilang pisngi nito. “Pasa ba ang nakikita ko? Kahit ilang beses kang maligo hindi mo mabubura ang bakas ng kalupitan ng asawa mo.”
“Mahal ko siya,” kaswal na sagot nito sa kanya.
“Martir ka! Ate Sarah, panahon na para iwanan mo ang asawa mo.”
“Hindi ko kaya! Natatakot ako.”
“Nandito ako! Tayong dalawa na lang natitira sa pamilya natin.” Hinawakan niya ang magkabilang kamay nito. “Sanay tayo sa hirap di’ba? Mabubuhay tayo kahit umalis tayo dito sa mansion,” dugtong niya habang namumuo ang mga luha sa kanyang mga mata.
“Ruthie, naguguluhan ako! Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa paligid ko.” Natigilan siya. Tama kaya ang kutob niya na nakakaranas din ito ng mga kababalaghan. Tumalikod siya saka huminga nang malalim. Kailangan niya nang lakas ng loob para malabanan ang takot sa dibdib.
GUMIHIT ang takot sa mukha ni Sarah. Malakas ang hinala niya na may nalalaman ang nakakabatang pinsan. Bata pa lamang ito ay mahilig na itong mag-kwento ng mga kababalaghan. Mga kuwentong nagmula sa yumao nilang lola.
“Ruthie, alam ko bukas ang third eye mo. Bata ka pa lamang may mga nakikita ka na.” Tumayo siya saka hinuli ang mga mata nito. “Minumulto ba ako?”
Ngumiti ito saka inagaw ang suklay na hawak niya. “Ano ka ba? Ate, sa panahon ngayon hindi na uso ang mga multo. Kung ako sa’yo magpaganda ka na lang.” Napangiti siya sa sinabi nito. “O, di’ba ang ganda talaga ang pinsan ko!” Kinurot pa nito ang magkabilang pisngi niya.
“Salamat!” Hinawakan niya ang kanang kamay nito. “Ruthie, kung wala ka baka matagal na akong nabaliw sa bahay na ito.”
“Kaya nga dapat na tayong umalis! Ate, may panahon pa tayo para makatakas.”
“N-natatakot ako?”
“Alisin mo ang takot!” Niyugyog nito ang magkabilang balikat niya. “Ate, hindi mabuting tao si Marco. Hindi ka niya mahal dahil kung mahal ka niya hindi ka niya sasaktan.”
“R-ruthie,” tanging nasambit niya. Nagulat siya nang hinila siya nito palabas ng kuwarto. “Saan tayo pupunta?”
“Ate, hindi lang asawa mo ang tatakasan natin,” wika nito na siyang nagpagulo sa isipan niya. Halos lumipad na ang kanyang mga paa sa ginawa nilang pagtakbo pababa ng hagdan. “Aalis na tayo! At wala tayong dadalhin,” dugtong nito habang binubuksan ang main door.
Bigla siyang napapitlag nang bumulaga si Marco sa pintuan. “Saan kayo pupunta?” Kinilabutan siya. Halos magbara ang lalamunan niya. Lumapit ito sa kanya saka agad na lumuhod sa kanyang harapan. “I’m really sorry! I didn’t mean to hurt you!”
Lumambot ang puso niya. Tila may enerhiyang nag-uutos sa kanya na patawarin ito. Ngumiti siya bilang tanda na ibinigay niya rito ang pagpapatawad niya. Tumayo ito saka mahigpit siyang niyakap. Naamoy pa niya ang pabango nito na siyang nagpa-turn on sa kanya.
TUMAKBO si Ruthie palabas ng bahay. Gusto niyang sumigaw sa labis na poot na nararamdaman niya. Kumukulo ang dugo niya sa asawa ng pinsan niya. “D-demonyo!” aniya habang binubuksan ang gate. Nadagdagan pa ang inis niya nang maalala ang ginawang pagpapatawad ng pinsan rito. “Hay! Kung hindi lang kita pinsan malamang sinabunutan na kita. Ate Sarah, magising ka na sa pagiging martir mooooo,” malakas niyang sigaw na siyang umagaw ng atensyon sa mga kalalakihang dumaraan.
“Uy! May baliw! Kinakausap ang sarili,” panunukso na isang lalaking may malaking tiyan. Kumulo ang dugo niya. Kinuha niya ang isang tubo na nakita niya saka agad na itinutok sa limang kalalakihan.
Sumigaw siya saka malakas na hinampas ng tubo ang isang payat na lalaki pero agad itong naka-ilag. Sa takot ng limang kalalakihan ay agad itong lumayo sa kanya. “Mga duwag!” sigaw niya habang pinagtatawanan ang limang kalalakihan na tila asong naputulan ng buntot.
“Wow! Atapang na babae ah!” Napalingon siya saka tumaas ang kilay niya. Nasa likuran pala niya ang driver ng mansion. “Alam mo sa tapang mo kahit mga Engkanto matatakot sa’yo,” biro nito sa kanya.
“Tse! Alam mo ikaw! Nakaka-inis ka!”
“Bakit naman?”
“Hindi mo kasi ako ipinagtanggol sa mga lalaking ‘yun.”
“Alam ko naman na matapang ka! Kaya nga bilib ako sa’yo nang maisipan mong itakas si Ms. Sarah.”
Natigilan siya sa sinabi nito. Hindi niya alam kung paano nito nabatid ang plano niya. “Paano mo nalaman?”
“Anim na buwan na akong naninilbihan dito.” Pumitas ito ng dahon ng gumamela saka pinaglaruan sa mga kamay nito. “Kilala ko na si Marco kaya nararapat lamang na lumayo na kayo rito.” Gumuhit ang pag-alala sa mukha niya.
“Kuya, may nalalaman ka ba?”
“Ha? Teka, pupunta lang ako sa garahe,” sagot nito na tila umiiwas sa mga katanungan niya. Hinabol niya ito ngunit natigilan siya nang mahagip ng kanyang paningin si Marco – nakadungaw ito sa bintana habang nakatingin sa kanya.
Mata sa mata nang tinitigan niya ito. Matira matibay kung sino ang unang bibitiw. Nagtagumpay siya. Halos kapusin siya nang hininga nang tumalikod ito hanggang sa mawala ito sa paningin niya. “Hindi ako natatakot sa’yo!” aniya habang nakatitig sa sarado nang bintana.
ISANG masarap na hapunan ang nakahanda sa hapag kainan. Iba’t ibang putahe na siyang inihanda ni Sarah. Pasasalamat niya ito dahil naniniwala siya na bumalik na ang kabaitan ng asawa niya; ang dating mapagmahal, maalaga, at responsableng haligi ng tahanan.
“Gumawa ako ng Carbonara! Teka, kukunin ko lang,” wika niya sabay tungo sa kusina. Sumunod naman sa kanya si Ruthie saka agad siyang hinawakan sa kanang balikat niya.
“Anong drama ‘to? Thanks giving?”
“Ruthie, please ‘wag na nating palakihin ang issue. Alam kong concern ka sa akin pero believe me nagbago na si Marco.”
“Hanggang kailan?”
“Ikaw talaga! O, pakilagay naman itong orange juice sa mesa,” utos niya sa pinsan para maiba ang atensyon nito.
WALANG nagawa si Ruthie kundi sundin ang utos ng pinsan niya. Kinuha niya ang baso saka ipinatong sa mesa. Akma na niyang lalagyan ng juice ang baso nang mahagip ng paningin niya ang anino ni Marco na tila nagkakasungay. Tumingin siya sa dingding ng kusina hanggang sa matuklasan niya na may sungay ang anino nito.
“Ahhh! A-ano ba?” Napapitlag siya nang biglang tumayo si Marco. Basa ang sando nito na siyang ikinagalit nito. “Sa susunod ayusin mo ang pagiging tanga mo,” singhal nito sa kanya.
“Okay lang maging tanga kaysa maging demonyo!” segunda niya rito. Lumapit naman si Sarah para pigilan ang mga kamay ng lalaki na tila handang sumampal sa kanya.
“Baka nakakalimutan mo nakatira ka sa pamamahay ko!” Natigilan siya hanggang sa mapaiyak siya. Agad siyang tumalikod saka patakbong umakyat ng hagdan.
Habol ang paghinga nang marating niya ang ikalawang palapag ng bahay. Napahawak siya sa poste hanggang sa masaklot niya ang kanyang dibdib. “D-diyos ko! Anong kababalaghan ito?” Biglang nag-flash back sa kanya ang kuwento ng kanyang lola.
“Lola Lope, bakit may demonyo sa mga kuwento n’yo? Di po ba ang pinag-uusapan natin ay mga Engkanto?” usisa niya sa matanda.
“Ikaw talaga, Batang Ruth! Ang Timawo ay may dalawang klase; ang isa ay nahahanay sa mga anghel samantala ang isa naman ay nabibihag ng demonyo. Maraming kababalaghan ang puwedeng maganap.”
“Katulad nang?”
“Mas nabibihag ng demonyo ang isang Timawo na nagkatawang tao,” napanganga ang bata sa sinabi ng lola niya.
“Talaga po? Nakakatakot po pala!”
“Alam mo ba na may normal na tao ang nabibihag din ng demonyo kapag ipinagbili nito ang kanyang kaluluwa? Kapalit ng kayaman o magandang buhay?”
“Hindi ko po kayo maunawaan.Lola, makikita ba natin ang mga Timawo?”
“Bata ka pa! Darating ang panahon na mauunawaan mo din ako. Apo ko, bukas ang third eye mo. Hindi lang multo ang puwede mong makita.” Napatayo siya saka mahigpit na yumakap sa matanda. “Hindi porke’t nakakakita ka ng isang imahe na hindi nakikita ng iba, hindi ibig sabihin na multo na ang nakikita mo. Hindi lahat ng hindi nakikita ay multo. Hindi lahat nang nagpaparamdam ay kaluluwa. Iba sa kanila ay mga Engkanto.”
NAPADAING si Ruthie nang bumalik sa realidad ang isipan niya. Bumalik na naman sa alaala niya ang bakas ng kahapon. Kinikilabutan siya sa naalala niya – paano kung totoo ang hinala niya? Ipinagbili ba ni Marco ang kaluluwa para magkaroon ito ng yaman?
Demonyo o Engkanto? Kanino siya dapat matakot?
Biglang humampas ang malakas na hangin. Lumingon siya upang tiyakin kung may nakabukas na bintana – pero nakasarado lahat. Nilakasan niya ang kanyang loob. Kailangan niya ito para malabanan ang kababalaghang nagaganap sa buhay niya.
Tumungo siya sa kanyang silid. Kinuha ang powder saka ibinuhos sa sahig. Ayon sa mga matatanda, kapag may multo o anumang nilalang na naglalakbay sa iyong silid ay makikita mo ang bakas ng kanilang mga paa sa tulong ng abo o powder.
Napuno ng powder ang buong sahig. At halos mangalisag ang kanyang mga balahibo nang matanaw niya ang mga paang tumatapak sa sahig. Bigla siyang napa-atras nang matuklasang tumigil ito sa kanyang harapan. “S-sino ka?” Pumikit siya saka huminga nang malalim. Pagkamulat niya, halos tumigil ang pagtibok ng kanyang puso – isang malabong imahe ang kanyang natatanaw.
Bigla itong nawala sa kanyang paningin. Umiyak siya nang umiyak hanggang sa mapa-upo siya sa kama. Kinikilabutan na siya sa misteryong nagaganap sa kanyang buhay. Napasigaw siya nang biglang bumukas ang pinto.
“R-ruthie? Umiiyak ka ba?” Lumapit sa kanya ang pinsan saka agad itong umupo sa tabi niya. “Pasensya ka na sa asawa ko. Sa susunod huwag mo na siyang tatapunan ng juice ha?”
“Hindi na! Dahil sa susunod holly water na ang ibubuhos ko sa kanya,” agad niyang sagot rito.
“Ikaw talaga! Mag-dinner ka na! Masarap ang Adobo,” sabi nito sa kanya.
“Ate, umalis na tayo rito!”
“Ruthie, wala tayong pupuntahan. Si Marco ang bumubuhay sa atin.”
“At siya rin ang papatay sa atin,” sagot niya rito.
“Please, huwag na nating palakihin ang issue. Bumaba ka na saka kumain. Magtatampo ako kapag di mo tinikman ang niluto ko.” Huminga siya nang malalim saka tumingin rito na tila nakiki-usap sa kanya. “Smile na!”
Tumayo siya saka agad na lumabas ng kuwarto. Kung hindi lang siya sanay makakita ng multo malamang umalis na siya sa mansion. Pagkababa ng hagdan may napansin siyang kakaiba sa paligid; nakakabingi ang katahimikan habang nakabukas ang telebisyon.
Kinuha niya ang remote – naka full volume ito. Dumungaw siya sa bintana hanggang sa matanaw niya si Edyzr na may kinakausap sa Cellphone. Tawa ito nang tawa subalit hindi niya marinig. “Napahawak siya sa magkabilang tenga niya. Sumasakit ang kanyang ulo – nabibingi siya sa katahimikan ng paligid.
NAGUGULUHAN si Sarah nang makuha ng atensyon niya ang nagkalat na powder. May mga bakas na paa siyang nakikita. Nilapitan niya ito saka masusing tinitigan iyon. Ilang saglit pa, napansin niya na nadagdagan ang mga bakas ng paa. Bigla siyang napatayo hanggang sa mapasandig siya pinto. Nang makabawi sa pagkasindak ay agad niyang kinuha ang kumot saka ginawang basahan para ipunas sa sahig ng kuwarto.
“Imahinashon mo lang ito Sarah,” mahina niyang bulong sa kanyang sarili.
MAINGAT ang mga paang naglalakbay sa likod ng mansion. Iniiwasan ni Edyzr na makalikha nang anumang ingay. May sinusundan ang kanyang mga paa- isang lalaking papasok sa gitna ng kagubatan. Bigla siyang nagtago sa likod ng malaking puno para saksihan ang nakasanayang tagpo.
Halos masuka siya nang makitang dinukot ng lalaki ang mata ng itim na pusa. Sumigaw ito na tila sumabay sa angil ng mga mababangis na hayop ng kagubatan. Mayamaya, nawala ito sa paningin niya. “Nasaan na siya?”
KUMUNOT ang noo ni Ruthie nang biglang nawala si Edyzr. Kanina lamang may kausap ito sa cellphone. Kinuha niya ang remote saka pinatay ang TV – nabasag na kasi ang katahimikan.
D-diyos ko, piping sambit niya habang isinasara ang bintana. Kinuha niya ang cellphone niya saka tinawagan ang kaibigan. “Hello!” aniya sa kabilang linya.
“Hello! Bruha ka ang tagal mong di nagparamdam.”
“Divine, pwede mo ba akong samahan bukas kay Madam Jane?”
“Bakit? Don’t tell me may nagpapakita na naman sa’yong multo. Guwapo ba?” sagot nito na siyang ikinainis niya.
“Ano ka ba? Please, hindi ko na kaya. Kailangan ko nang humingi ng tulong. Divine, hindi lang multo ang nakikita ko.”
“Ha? Eh ano?”
“Engkanto,” agad niyang sagot. “Hello? Divine? Hello?” Nawala ang kaibigan. Sinubukan niya itong kontakin muli subalit out of coverage area na ang signal nito.
Agad siyang napapitlag nang matuklasang nasa likuran niya si Marco. Duguan ang damit nito. Tinitigan niya ito sa mata hanggang sa bumaba ito ng tingin.
“Mag-iingat ka!” sambit nito na siyang nagpakabog ng dibdib niya.
Babala sa mga mambabasa sa kuwentong ito: Maraming kababalaghan ang puwedeng maganap. Hindi ka ba nagtataka? Minsan pakiramdam mo hindi ka nag-iisa? Bakit di ka lumingon? Bakit di ka makiramdam?
Lakasan mo ang iyong pakiramdam. At ito ang tandaan mo, hindi lang multo ang pwedeng magparamdam sa’yo.
Nasa paligid lamang sila. Nagmamasid habang binabasa mo ang kuwento nila. Huwag kang magpakita ng takot. Huwag kang sisigaw. At huwag kang matutulog nang nag-iisa. Nandiyan lang sila….
Psssst! Psssst! Nararamdaman mo ba?
No comments:
Post a Comment