Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

Key Chain

PALUBOG na ang araw nang makalabas ako ng opisina. Kung tutuusin mas maaga na ‘yun sa karaniwang uwi ko. Dinukot ko ang bulsa ko saka kinuha ang susi ng kotse. Dumeretso ako sa parking lot habang pinaglalaruan ng kanang kamay ko ang key chain – hugis puso ito na tila nabiyak sa gitna.


“Sana ‘di traffic,” mahinang usal ko habang binubuksan ang pinto ng sasakyan. Pagkapasok sa loob, inayos ko muna ang ilang dokumento na nakakalat sa loob ng sasakyan. Pagkatapos, iniwan ko na ang madilim na parking lot hanggang sa makarating ako sa main road.


Binilisan ko ang pagmamaneho. Mabuti na lamang at ‘di gaanong traffic kaya narating ko ang isang ‘di kilalang coffee shop na madalas kong tambayan. Pagkababa ng sasakyan ay agad akong sinalubong ng isang batang lalaki.


“Kuyang pogi mabuti dumating ka na. Nagugutom na ako,” sabi nito sa akin habang sinisimulang punasan ang salamin ng kotse ko.


“O, sige na! Huwag mo ng punasan ‘yan.” Bigla itong napatingin sa akin na tila naguguluhan.


“Eh, kuya kung ‘di ko ito lilinisin baka ‘di mo ako bigyan ng pera.”


“Okay lang ‘yan!” Dumukot ako ng twenty pesos saka iniabot sa bata. “Okay na ba ‘yan?”


“Aba, galante ka yata ngayon kuya. Dati limang piso lang binibigay mo sa akin ngayon bente na,” tugon nito sa akin na bakas ang labis na tuwa sa matambok nitong pisngi.


“Bumili ka na ng pagkain mo. Mukhang gutom na gutom ka na.” Isang matamis na ngiti na lamang ang iginanti nito sa akin bago tumalikod saka patakbong tinungo ang isang karinderya.


Pumasok ako sa loob ng coffee shop saka umorder ng kape. Habang hinihintay ang order ko minabuti kong umupo na muna. Muli kong dinukot ang Key Chain ko saka pinaglaruan ulit ito ng mga daliri ko.


“Sir, ito na po ang coffee n’yo.” Napatingin ako sa tasa. May nakadikit na sticker dito kung saan nakasulat ang isang love quote. “Ang love parang coffee, lumalamig kapag napabayaan.” Napatingin ako sa nag serve ng coffee. “Nagustuhan n’yo po ba ang quote? Kaya kung ako sa inyo sir kapag may mahal kayo dapat huwag n’yong pabayaan na lumamig ang relasyon n’yo,” dugtong nito habang nakatingin sa akin.


“Thanks!” kaswal na sagot ko sa babae bago ito tumalikod at tumungo sa ibang customer. Hindi ko maiwasan na muling basahin ang love quote. Napapaisip ako. At isang tanong ang pumasok sa aking isipan. Saan ako nagkulang?


Akma ko nang iinumin ang kape nang may isang kamay na umagaw sa tasa ng kape ko. Umupo siya sa harap ko saka ininom ang kape na sana ako ang umiinom.


“Wow! Perfect! Alam mo ito ang nagustuhan ko sa coffee shop na ito. The coffee was perfect. Tama ang timpla. Hindi matapang. Hindi matamis.” Huminga ito nang malalim habang nilalanghap ang aromang nagmumula sa tasa. “Sarap! Alam mo coffee lover ako,” sabi nito habang nakatingin sa akin.


“Kaya ba ininom mo ang kape ko? Miss, hindi ka dapat nang-aagaw ng kape,” sagot ko na bakas ang inis sa boses ko.


“S-sorry!” Tila kinurot ang puso ko. Bakas sa tinig ng babae ang lungkot. ‘Di ko tuloy napigilan ang pagmasdan siya hanggang sa nagkrus ang aming mga paningin. “Masakit ba ‘yung maagawan ka?”


Napatingin ako sa tasa ng kape. “No, sa’yo na ‘yan!” sagot ko nang makitang ibinabalik niya sa akin ang tasa ng kape.


Napatawa siya sa sinabi ko. Sa isip ko ano kaya ang nakain ng babaeng ito? Mayamaya, muling sumeryoso ang mukha niya. Kinuha ang tasa saka muling ininom ang kape.


“Sana madaling sabihin ‘yung salitang ‘Sayo na ‘yan’ lalo na kung ipinagpalit ka ng taong mahal mo. Sabi nga ng iba, ibigay ang napaglumaan sa taong mas higit na nangangailangan.”


“Lalim ng hugot mo ah,” sagot ko habang tinititigan ang maamong mukha ng babae.


“Hugot agad? ‘Hindi naman bumaon. Ewan ko ba sa lalaking ‘iyon. Hindi ko lang ibinigay ang virginity ko aba, naghanap agad ng iba.”


“Gaano na ba kayo katagal?”


“Hmmm! Two years. Actually, kakahiwalay lang namin last week. Iniwan niya ako kasi may lumandi.”


“Kung mahal mo siya dapat ibibigay mo ang lahat ‘diba?”


“Kung mahal niya ako dapat irerespeto niya ang pagkababae ko.” Bigla siyang natigilan nang inilapag ng waitress ang order kong kape. Binasa niya ang nakasulat sa tasa. “Marupok ang pagmamahal niya kaya ka niya iniwan,” sabi niya habang binabasa ang love quote.


“Baka natukso lang siya. Bakit ‘di mo siya bigyan ng isa pang pagkakataon?”


“Kung mahal niya ako ‘di siya gagawa ng isang bagay na makakasakit sa akin. Bakit kayong mga lalaki, kapag may lumandi sa inyo agad n’yong pinapatulan?”


Tumawa ako na siyang ikinainis niya. Kinuha ko ang tasa saka hinigop ang mainit na kape.


“Depende,” simpleng sagot ko.


“Depende? ‘Yun lang ang sagot mo?”


“Well, depende kung maganda ang lumalandi,” pilyong sagot ko sabay kindat sa kanya.


“Loko ka talaga!” Hinampas niya ako na tumama sa kanang kamay ko. Nasagi ko tuloy ang tasa ng kape. “Sorry,” tumayo siya saka pinunasan ng tissue ang polo shirt ko. Mabuti na lamang at mabilis akong nakaiwas sa natapong kape – konting mantsa lang ang dumikit sa damit ko.


“Kapag naitapon na minsan mahirap ng ibalik,” sagot ko sa kanya. Hindi ko napigilan ang mahawa sa pagiging emotera ng kausap ko. Naalala ko ang EX ko na iniwan ko.


“Okay, let’s go!”


“Ha? Saan?” tanong ko. Tila may magnetong nagtulak sa akin para sumunod sa kanya. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na hawak niya ang kaliwang kamay ko patakbo palabas ng coffee shop.






Ako pala si Miguel. Edad 25. Gwapo, matalino, matangkad, at isang Civil Engineer. Sabi nga ng iba perfect boyfriend ako. Sabagay, ano pa ba ang hahanapin nila sa isang katulad ko. Kung hindi n’yo naitatanong, ako rin ang pinakamabait at pinagkakatiwalaan noong grade one ako. Kaya nga ‘yun ang dalawang first major awards ko.


Mabait ako. Pero hindi ko inaakala na darating ang pagkakataon na makakasakit ako ng isang babae. Niloko at iniwan ko ang babaeng nagmahal sa akin ng tapat. Ang problema, siya pala ang totoong mahal ko. Kaya ‘yun bumalik ako pero tama nga sila, hindi lahat ng binabalikan mo ay makukuha mo pa.






“Eh, gago ka pala! Iniwan mo tapos babalik ka na parang walang nangyari. Ano ‘yun, temporarily deactivate ang love story n’yo?”


“Sobra ka naman! Bumalik ako kasi mahal ko siya. Kaya ako bumalik para itama ang pagkakamali ko,” sagot ko habang kinukuha ang isang maliit na bato saka inihagis sa tabing dagat.


“Bumalik ba siya?” Natahimik ako sa tanong niya. “Sabagay, kung ako ang EX mo malamang ‘di na kita babalikan.”


Napatingin ako sa kanya. “Kahit humingi na siya ng forgiveness?”


“Paano ko ibibigay ang forgiveness kung bumalik lang siya nang iniwan na siya ng ipinagpalit niya sa akin? Paano, lumandi rin sa iba ang higad,” sagot niya kasunod ng isang malutong na halakhak. Mayamaya, tumigil ito saka huminga ng malalim. “Ano ako option? Babalik siya dahil iniwan na siya? Nganga siya! Minahal ko siya pero kaya ko siyang pakawalan.”


“Talaga lang ha?” Bigla siyang napatingin sa akin. Nakakunot ang noo nito na tila binabasa ang laman ng utak ko.


“Tama ka! Mahal ko pa rin siya kaya nga ang lalim ng hugot ko. Oo, mahal ko siya pero it doest’nt mean na matatanggap ko ulit siya. Parang kape, kapag naitapon mo hindi mo na maibabalik sa dati.” Bumuga siya ng hangin saka muling naglakad. “Kasi nagkalamat na ang tiwala ko sa kanya,” dugtong niya.






Natahimik ako. Nang matukso ako sa iba iniwan ko ang GF ko. Ang akala ko kasi hindi na ako masaya sa kanya. ‘Yung feeling na lumalamig na ang relasyon namin. Kaya nang may lumandi sa akin pinatulan ko na. Ang sabi ko, kung saan ako masaya dapat naroon ako.






“Sinayang mo ang two years na minahal ka ng GF mo. Kung ako ang GF mo malamang pinutulan na kita.”


“Aray naman! Putol talaga?”


“Oo, para magulat ang mga higad na lalandi sa’yo. Imagine, walang embutido ang nilalandi nila.” Hindi ko napigilan ang mapatawa sa sinabi niya. Hanggang sa sabay na kaming nagtatawanan na tila wala ng ibang tao sa park. “Alam mo ngayon lang ako tumambay sa park na ito. Maganda, tahimik, malinis ang hangin.” Humarap ako sa dagat. “Ang sarap pakinggan ang alon ng dagat.”


“Dito kami unang nagkakilala ni Rafael,” aniya habang lumalapit sa isang malaking bato. “Dito ko rin siya nakitang may kasamang ibang babae.” Sumigaw siya ng ubod lakas saka pinagsisipa ang malaking bato. “P-putang ina! Saksi ang batong ito sa kahalayan nilang dalawa. Imagine, wala silang pambayad sa motel.” Ang mahinang pagiyak ay nauwi sa isang halakhak. Lumapit siya sa akin hanggang sa gahibla na lamang ang pagitan ng aming mga mukha. “Alam mo kung ano ang ginawa nila?”


“What?”


“Eh, ‘di tumakbo ng hubut-hubad. Paano tinago ko ang mga damit nila.” Tumalikod siya saka muling lumapit sa malaking bato.


“Pilya ka pala!”


“Pasalamat nga sila ‘yun lang ang ginawa ko. Bakit kayong mga lalaki ang bilis n’yong matukso?”


“Siguro dahil may lumalandi sa amin.”


“Kung may mahal ka bakit ka magpapalandi sa iba?” Natamik ulit ako sa isinagot niya sa akin.






Naalala ko si Rebecca. Iniwan ko siya dahil natukso ako sa ibang babae. Inaamin ko, iniwan ko siya kasi nawalan siya ng oras sa akin. Pakiramdam ko kasi umiikot lang ang buhay niya sa career niya. Naging selfish ako sa relasyon namin.






“Mahal mo pa ba siya?”


“Oo,” agad kong sagot.


“Kaya bumalik ka pero wala na siya?”


“Nawala na ang tiwala niya sa akin. Parang ikaw, bakit ayaw mo nang balikan ang EX mo kung bumalik naman siya para ibalik sa dati ang lahat?”


“Kasi natatakot ako na maulit ang nangyari. Gaya nga ng sabi ko kanina, kung mahal niya ako ‘di niya ako lolokohin.”


“Kung mahal mo pa siya dapat bigyan mo pa siya ng isa pang pagkakataon.”


“Para saan?”


“Para sa happy ending,” sagot ko. Tumalikod siya sa akin saka itinaas ang magkabilang kamay. “Hoy, anong ginagawa mo?”


“Nagwiwish na sana nga may happy ending,” aniya habang nakatingin sa dagat.


“Makukuha mo lang ang happy ending kung marunong kang magbigay ng second chance.


Tumingin siya sa akin. “Totoo ba na mahal mo pa ang EX mo? Bumalik ka ba para sa happy ending?”


Ngumiti ako subalit agad iyon nabura sa pisngi ko. “May happy ending kung bibigyan pa niya ako ng isa pang pagkakataon.”






Lumapit siya sa akin saka bigla akong niyakap. Mahigpit na tila iyon na ang huli naming pagkikita. Mayamaya, kumalas siya sa pagkakayakap saka agad na tumalikod. Tumakbo siya palayo sa kinatatayuan ko. Gustuhin ko mang habulin siya ay tila napako na ang mga paa ko sa lupa.


Mayamaya, tumigil siya saka lumingon sa akin. Isang ngiti ang binaon ko sa aking paguwi.






“Para sa happy ending, kung mahal mo siya babalikan mo ang taong iniwan mo.” – Jondmur






Bakit ko nga ba iniwan si Rebecca? Ngayon alam ko na ang dahilan. Iniwan ko siya kasi naging marupok ako. Natukso ako dahil sarili ko lang ang iniisip ko. Hindi ko inisip na may pagkukulang din ako.






“M-miguel?”






Pinagmasdan ko ang babaeng una kong minahal. Isang babae na sinaktan ko. “I’m sorry,” sabi ko habang nakatingin sa kanya.


“Bumalik ka?”


“Matatanggap mo ba ako?” Hindi siya nakasagot sa tanong ko. Pansamantalang binalot ng katahimikan ang buong paligid. “I’m sorry kung nasaktan kita. I still in love with you. Matatanggap mo pa ba ako?”


Ngumiti siya saka hinawakan ang kanang kamay ko. “I forgive you! Kahit masakit. Kinaya kong kalimutan ang lahat. Two years! Minahal kita ng sobra sobra pero Miguel, hindi lahat ng binabalikan ay babalik sa’yo.”


“Rebecca?”


“I’m sorry, mahal kita pero kaya kitang pakawalan. Matatanggap kita bilang kaibigan. Sana maintindihan mo. Thanks for loving me,” sagot niya saka isang halik sa pisngi ang natanggap ko. Tumalikod siya saka agad na lumayo sa kinatatayuan ko.






“Hindi lahat ng binabalikan ay babalik sa’yo.” – Jondmur










Lumipas ang mga araw. Sinubukan kong kausapin si Rebecca subalit wala na siya. Balita ko nasa ibang bansa na siya. Masakit man subalit tinanggap ko na sa sarili ko na hindi lahat ng binabalikan ay makukuha mo pang muli. Kaya kapag nagmahal ulit ako, ipinangako ko sa aking sarili na hindi ko hahayaang matapos ang isang relasyon dahil sa isang marupok na dahilan lamang.






“Kuyang pogi, musta na po? Tagal n’yong nawala ah? Alam n’yo po may naghahanap sa inyong magandang babae,” masayang sabi sa akin ni Tikboy habang bumababa ako sa aking kotse.


“Talaga?”


“Opo kuya!” Inabutan ko ng one hundred peso bill ang bata na siyang ikinatuwa nito. “Aba, kuya sana magkita na kayo ulit ni miss ganda,” sabi nito sabay takbo patungo sa isang karinderya.






Pumasok ako sa loob ng coffee shop saka umorder ng kape. Umupo ako saka pinaglaruan ang Key Chain. Mayamaya, nabiyak ang hugis pusong Key Chain. Kinuha ko ang kaputol niyon saka pinagmasdan. Maibabalik ko pa ba ang nasira na?


Tinanggal ko ang susi sa kabiyak ng Key Chain. Hindi ko na maibabalik sa dati ang lahat kaya minabuti kong itapon na lamang. Akma ko itong itatapon sa bintana nang may pumigil sa aking kamay.


“Bakit mo itatapon kung pwede pang maayos ang lahat?” Napatingin ako sa pinagmulan ng boses. Hindi ko inaakalang makikita ko muli ang babaeng uminom ng kape ko.


“Hi!” Napakamot na lamang ako sa ulo ko. Hindi ko alam kung sadyang nakalimutan ko ang pangalan niya o talagang hindi namin alam ang pangalan ng bawat isa.


“Hi!” sagot niya sa akin.


“Hi! By the way, I’m Miguel!”


“Akalain mo, hindi pa tayo magkakilala. Kumusta ka na?” Umupo ito sa harapan ko saka ininom ang kapeng kakalapag lang ng waitress. “Walang pagbabago, masarap pa rin ang kape.”


Napangiti na lamang ako. Lihim ko siyang pinagmasdan. Ang totoo, ngayon ko lang napansin na maganda siya. Naisip ko, bakit ang gaan ng loob ko sa kanya?


“Hinahanap mo raw ako?”


“Ha? Hoy, huwag kang assuming ha!” Tumawa siya saka hinampas ako sa balikat. “Namiss kita.”


Napangiti ako. “Ako rin! Na miss ko ang kakulitan mo,” sabi ko sa kanya. “Kumusta na ang love life mo?”


Bigla siyang natahimik. Kasunod niyon ang pagtayo niya. “Kanina pa kita hinihintay.” Lumingon ako. At isang matangkad na lalaki ang nakatayo mula sa aking likuran.


“Miguel, si Marco. Nagkabalikan na kami.” Tila binuhusan ako nang malamig na tubig. Hindi ko alam kung matutuwa ako o masasaktan sa natuklasan ko.


“Nagkabalikan na pala kayo?”


“Yes! After nang pag-uusap natin noon. I realized na hindi pa huli ang lahat para bigyan siya ng second chance. Hinanap kita Miguel para personal na magpasalamat sa’yo.”


Hindi na ako nakasagot hanggang sa nagpaalam na sila sa akin. Mayamaya, napansin ko ang love quote na nakasulat sa tasa ng kape.



“Nasaktan ka kasi akala mo may happy ending ka na. Hindi lahat ng binabalikan mo ay para sa’yo.” – Jondmur


Ako si Miguel. Edad 25. Still single! Kapag nagka girlfriend ako promise ‘di ko na lolokohin. Hindi ko hahayaang masira ang relasyon namin dahil sa isang mababaw na dahilan lamang. Kailangan kong maging matatag para sa babaeng mamahalin ko.






-WAKAS-

Key Chain by Jondmur


1 comment: