Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

SBA ENTRIES: Si Buknoy, Ang Batang Manika

Ito po ang entry ko para sa ika-3 Saranggola Blog Awards para sa kategoryang Kwentong Pambata

Si Buknoy, Ang Batang Manika
Sa Panulat ni JonDmur

NOONG unang panahon sa isang bayan ng San Rafael ay may isang batang makulit na itatago natin sa pangalang Buknoy, isang batang lalaki na ubod ng pasaway.
“Buknoyyyyy! H-halika dito!”  Isang malakas na sigaw ang kanyang narinig. Tatakbo pa sana ang ating bida upang tumakas subalit huli na ang lahat – naabutan na siya nito.
“P-patay!” agad niyang wika habang nakatayo sa harapan ng babae. “Aayaw ko pa umuwi. Lalaro pa ako lola,” wika niya rito habang nakasimangot.
“Naku! Tigilan mo ako sa drama mo ha. Kahit umiyak ka pa diyan eh, bubuhatin kita pauwi ng bahay. Tingnan mo tanghaling tapat nasa kalsada kang bata ka.”
“Eh, kasi naman ayaw ko matulog.” Tumalikod siya saka padabog na lumakad pauwi sa kanilang bahay. Gusto niyang tumakas ngunit natakot na siya; mapapalo na naman siya ng tsinelas kung tatakasan niya ito. “Kainis naman,” dugtong niya habang naglalakad.
Gusto niyang umiyak nang makapasok ng silid. Hihiga na naman siya sa kama saka matutulog.  Akma na siyang hihiga nang biglang bumukas ang pintuan. At iniluwa nito ang lolang mataba.
“B-buknoy? Matulog ka na! O, A-ano na naman ginawa mo? O, tingnan mo itong mga laruan mo nakakalat lamang kung saan saan.” Kinuha nito ang isang toy robot na nakapatong sa kanyang kama. “O, nasaan na ang ulo?” Natawa siya sa tanong nito. “Naku! Buknoy, makukurot kita sa singit.”
Niligpit nito ang mga laruang nakakalat sa sahig. Mayamaya pa, naikabit na nito ang ulo ng robot niya. “Nabuo ka na rin. Naku, pasensyahan mo na ang apo ko ha,” wika nito sa laruan.
Bigla siyang napapikit nang lumingon ito sa kanya. At katulad nang madalas niyang ginagawa, nagtutulug-tulugan lamang siya hanggang sa makalabas ito ng kanyang silid.
“Hay! Nakatulog din ang batang pasaway.” Iminulat niya ang isang mata, at nang matiyak na nakalabas na ang lolang masungit ay agad niyang iminulat ang isa pa niyang mata.
Bumangon siya sa kama saka inayos ang mga unan. Ilang saglit pa, pinatungan niya ng kumot ang mga unan na tila isang taong nagtatago sa loob ng kumot.
 Napangiti ang ating bida sa kanyang ginawa.
“Hindi na ito mahahalata ni yola. Akala niya ako ang unan.” Kinuha niya ang toy robot saka umakyat ng bintana. Mababa lamang ito kaya kayang-kaya niyang akyatin. At nang magtagumpay siya sa kanyang ginawa ay agad siyang tumakbo palabas ng bakuran.
Tahimik ang kalsada; ang mga bata ay tila nanahimik sa kani-kanilang tahanan, ang mga nanay naman ay abala sa pagkuha ng mga kuto sa buhok ng kinukutuhan nito, at ang mga lola naman ay natutulog sa ilalim ng puno ng bayabas.
“Aling Nora, nasaan po si Noknok?”
“Natutulog. Aba teka? Mamayang hapon na kayo maglaro.” Tumalikod siya saka naglakad nang mapadaan siya sa bahay ng isang kalaro. Lumaki ang kanyang mga mata nang mahagip ng kanyang paningin ang isang toy robot na hawak ng isang babae – ang nanay ng kalaro niya.
“Aba! May bagong laluan pala si paleng Kelvin.” Binalot ng inggit ang puso niya nang matuklasang gumagalaw ang robot. Matagal na niyang pangarap ang magkaroon ng isang robot na gumagalaw subalit hindi siya binibilhan ng nanay niya. Bigla siyang napatingin sa toy robot niya. “Ayaw ko na sa’yo. Pangit pangit mo.”
Tumakbo siya papunta sa isang bakanteng lupa.  Pagdating niya roon ay agad niyang pinagmasdan ang toy robot niya. “Ang pangit mo! Papabili ako sa nanay ko ng bago. ‘yung gumagalaw.” Pinaikot niya ang kanang kamay nito hanggang sa maputol, isinunod niya ang mga paa nito, at nang maputol niya ang katawan nito ay agad niyang itinapon sa damuhan.
“Bata, bakit mo itinapon? Kawawa naman ang laruan mo.” Bigla siyang napalingon nang makarinig ng tinig. Isang batang babae, sira-sira ang damit nito na tila isang pulubi. Nahagip nang paningin niya ang manikang hawak nito.
“Hoy, bata! A-ano ‘yang hawak mo? Mangkukulam ka siguro no?”
“Hindi no? Manika ko ito. Alam mo ba na bigay pa ito ng nanay ko.”
“Talaga? Ang pangit naman!”
“Oo pangit siya, kamukha mo nga eh.” Umusok ang tenga niya sa narinig. Nilapitan niya ang batang babae saka inagaw ang manika nito. “A-akin na ‘yan,” maiyak-iyak na wika nito habang inaagaw niya ang laruan nito.
“Kamukha pala ha!” Hinila niya ang ulo ng manika hanggang sa maputol. Pagkatapos, hinubaran niya ito ng damit saka kinalas ang mga kamay at paa nito. “Pangit ng manika mo. Kamukha mo na siya ngayon.” Itinapon niya ang natitirang bahagi ng katawan nito sa lupa.
Umiyak nang umiyak ang bata samantalang natutuwa siya sa kanyang nakikita. Bigla niyang tinapakan ang kamay ng manika nang makitang pinupulot ng bata ang mga bahagi ng katawan nito. At nang matuklasan nito na tinapakan niya ang paa ng manika ay tinitigan siya nito. “Ang sama sama mo!” malakas na wika nito sa kanya.
Biglang dumilim ang paligid. Kasabay nito ang malakas ng pagkulog at pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Biigla siyang napasigaw nang umihip ng ubod lakas ang hangin. Napakapit siya sa puno ng bayabas subalit nabali ang sangang kinakapitan niya hanggang sa tangayin siya ng hangin.
IMINULAT niya ang kanyang mga mata. At tumambad sa kanya ang mga magagandang laruan; may mga manikang gumagalaw, mga robot na nagsasalita, mga kotseng bumubukas ang pintuan, at mga espadang umiilaw.
“Wow!  Ang ganda!” Napanganga siya nang matuklasang may mga nilalang na kanina pa pala nakamasid sa kanya. Ang mga mukha ay tila kakaiba; ang mga mata ay malalaki, ang ilong ay sobrang haba, malalapad ang mga tenga, at malalaki ang mga katawan na tila isang batang higante. “Tatay, gusto ko po ‘yong manikang lalaki na gumagalaw.”
Natigilan siya. Bakit manika ang tawag sa kanya?
Napatingin siya sa buong paligid. Bakit kakaiba ang kanyang mga nakikita? Nasaan siya? Tatakbo pa sana siya subalit nabuhat na siya ng isang malaking lalaki. At sa laki nito nagmukha siyang isang laruan lamang. Ilang saglit pa, ibinigay siya sa isang malaking babae. “Salamat Daddy! Ang cute ng manika ko. Gumagalaw siya!”
“H-hindi ako laluan at hindi ako manika.”
Napangiti ang babae. “Weeeee! Nagsasalita ang manika ko.”
“Pwede ba robot na lang?”
“Ayaw ko! Kasi mas mukha kang manika.” Napasigaw siya dahil hindi niya matanggap na manika ang tingin sa kanya ng malaking babae.
Kawawa ang ating bida dahil isa na siyang manikang gumagalaw sa paningin ng babae. At sa labis na tuwa nito sa kanya ay pinaglaruan na siya nito; may sandaling inihahagis siya, hinuhubaran, pinipitik, at hinihila ang ilang parte ng kanyang katawan.
Napapagod na siya.
Natigilan siya nang inilapag siya sa sahig. Hindi niya maigalaw ang kanyang katawan. Gusto niyang tumayo pero hindi niya maigalaw ang kanyang mga kamay.  
Nasasaktan na siya.
Naalala niya ang kanyang mga laruan. Nasasaktan din kaya ang toy robot niya?
“A-ayoko nang maging laluan.” Napapikit siya nang may pumulot sa kanya. Ang akala niya muli na naman siyang paglalaruan subalit laking gulat niya nang inihiga siya sa kama. Iminulat niya ang kanyang mga mata hanggang sa makita niya ang isang higanteng lola.
“Kawawa naman ang laruan. Sige mahiga ka muna diyan. Bukas paglalaruan ka na naman ng apo ko.”  Muling pumatak ang kanyang mga luha. Naalala niya ang kanyang lola na madalas niyang naaabutang inaayos at nililigpit ang mga laruang nasira niya.
Biglang nabuhay ang isang malaking TV na tila nasa loob lamang siya ng isang sinehan. At lalo siyang nagulat nang mapanood niya ang kanyang mga magulang.
“Matutuwa na si Buknoy sa toy robot na binili natin para sa kanya. Kahit mapagod ako sa kalalako ng mga kakanin ay okay lang basta maging masaya lamang ang anak natin.”
“Nelma, matutuwa anak natin kasi gumagalaw na ang toy robot niya.”
Kinurot ang kanyang puso. At ngayon lamang niya nabatid na labis ang hirap ng kanyang mga magulang maibili lamang siya ng mga laruan.
Bumangon siya sa kama saka lumuhod sa sahig. “Papa God, Sorry po kung naging pasaway ako. Sorry po, kasi sinisira ko mga laluan ko.” Tumingala siya sa langit saka muling pumatak ang kanyang mga luha. “Papa God, ayaw ko na pong maging laruan.”
Napasigaw siya nang may biglang bumuhat sa kanya. Hawak na siya ngayon ng malaking babae na tila nagtataka kung bakit siya umiiyak. “Manika, halika laro tayo.” Binalot ng takot ang puso niya.  Ano kaya ang gagawin sa kanya nito?
“M-maawa ka! Hindi ako laruan!”
Laking gulat niya nang hinagkan siya nito. “Sorry ha! Huwag kang mag-alala hindi na kita sasaktan.” Napangiti siya sa itinuran nito.
Biglang dumilim ang buong paligid, at sa kanyang pagmulat ay nahagip ng kanyang paningin ang mukha ng kanyang ina. “Buknoy, gising na! May regalo si nanay sa’yo.” Tumambad sa kanya ang isang toy robot na gumagalaw.

Bigla niyang niyakap ang kanyang ina. At nangako rito na iingatan na niya ang mga laruang ibinibigay nito sa kanya.
Simula sa araw na iyon, ang ating bida ay maalaga na sa kanyang mga laruan; hindi na niya sinisira at nililigpit na niya ito ng maayos.
Kaya mga bata, ingatan ang mga laruan upang huwag matulad kay Buknoy, na naging manika sa mundo ng Higante Land. Magpapakabait kayo ha!
Wakas


Ito po ang aking lahok para sa ika-3 Saranggola Blog Awards

www.saranggolablogawards.com



No comments:

Post a Comment