Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

IWAG

Iwag
Sa Panulat ni Jondmur

Nakakapukaw-damdamin ang pumailanlang na musika sa ere habang nakadungaw ako sa bintana ng sasakyan. Tumatagos sa puso ko ang kantang sumasalamin sa himig ng pasko. Napangiti ako nang mapagmasdan ko ang buong paligid. Ibat-ibang kulay ng liwanag ang bumabalot sa simbahan, at ang mga puno na nakapaligid sa plaza ay tila binalutan ng mga munting bituin. Magkahalong emosyon ang nararamdaman ko dahil nasaksihan ko na naman ang nakakabighaning kinang ng mga Christmas lights – sumapit na kasi ang Iwag.


Ang IWAG: FESTIVAL of LIGHTS ay ang taunang selebrasyon na idinadaos sa bayan ng Pototan Iloilo. Ito ay isang selebrasyon kung saan ipinapakita ang kagandahan ng bayan;  sa pamamagitan nang paglalagay ng Christmas lights sa buong paligid ng plaza, ang pagtayo ng isang dambuhalang Belen, at ang muling pagsayaw ng tubig sa fountain. Idagdag pa ang mga sari-saring paninda at pagtatanghal ng mga sikat na celebrity.

May humawak sa aking kamay – si Boyet. Madalas siya ang kasama ko magmula nang magbakasyon ako rito sa Iloilo. Mas bata siya sa akin ng five years pero parang barkada o kapatid na ang turingan naming dalawa. “Kuya, baba na tayo!” sabi niya habang inaalalayan ako.

Kinuha ko ang aking saklay saka bumaba ng jeep. Hindi lamang si Boyet ang umaalalay sa akin pati na rin si manong driver. Nakalimutan ko tuloy na may kapansanan ako – mabilis akong nakababa na baon ang isang matamis na ngiti.


Na-focus ang atensyon ko sa pagkinang ng mga Christmas lights. Buhay na buhay ang plaza; kumikislap ang bawat posteng nadaraanan ko. Elegante ang mga ilaw na siyang nagbibigay liwanag sa buong paligid. Hanep! Ang museum ay nagmistulang palasyo, pati na rin ang munisipyo ay hindi nagpatalo, lahat napapalamutian ng Christmas  lights pati na ang bahay ng dating mayor.

Hirap man sa paglakad ay pinilit kong makarating sa paborito kong destinasyon, ang fountain. Isa ito sa hinahangaan ko. Idol ko kasi ang serena na gawa sa semento. Sabi ng lola, ang serena daw ang nagbabantay sa tubig. Pwede ka raw mag-wish.


Halos isang taon din ang hinintay ko para muling makabisita sa Christmas Capital of the Western Visayas – ang Pototan Iloilo. Kaya naman happy ako dahil nakita ko na naman ang ipinagmamalaki ng bayan. Hindi na ako magtataka kung dayuhin ito ng mga parokyano. Katulad ng mga nakikita ko ngayon - may mga kanong nagpapapicture sa tabi ng isang estatwang kalabaw.

Marami na ang tao sa plaza; may naglalakad na kasama ang buong tropa, may naka-upo habang kumakain ng pop corn, may naghahabulan, at may mga pulubing bata na namamalimos sa mga taong namamasyal.

Saglit akong tumigil saka dumukot ng pera sa aking bulsa. Tinawag ko ang isang batang pulubi na tila isang taon nang hindi naliligo. “Isa ka gatos?” Napanganga siya. Gulat na gulat sa halagang iniabot ko sa kanya. ‘Di niya siguro inaasahan na bibigyan ko siya ng one hundred pesos.

Napapitlag ako nang bigla niya akong niyakap. Kamuntikan na akong matumba subalit  nasuportahan ako ni Boyet. “O, bakit ka umiiyak? Tears of joy ba ‘yan?” tanong ko sa bata. Umangat siya ng tingin saka doon ko nakita ang smile ng batang bungi. Mayamaya, kumalas siya sa akin saka agad na tumakbo palayo sa kinatatayuan ko.

“Laki naman ng binigay mo. Na-shock yata ang bata kaya napa-iyak. First time lang yata makatanggap ng ganung halaga,” sabi ni Boyet na tila naghihinayang sa perang ibinigay ko.

“Maliit na bagay lang ‘yon Boyet,” tugon ko sa binata. Nasa mukha pa rin niya ang paghihinayang. Siguro iniisip niya na sana sa kanya ko na lamang ibinigay ang pera.

Hirap man sa paglalakad ay nakarating ako sa kabilang side ng fountain. Umupo ako sa isang sementadong upuan saka nagpahinga. “Kuya, tagal mo ring nawala. Buti nakapag-bakasyon ka ulit dito,” sabi sa akin ni Boyet habang hinahawakan ang saklay ko.

“May gusto lang akong ayusin,” sagot ko sa binatilyo. Tumaas ang kilay niya na para bang nagtataka sa isinagot ko sa kanya.

“Ayusin?”

Katahimikan.

Nag-iisip ako kung ano ang isasagot ko sa binatilyo. Ano ba talaga ang tunay na dahilan kung bakit ako bumalik ng Pototan?

“….dahil sa Iwag,” simple kong sagot. Kasunod niyon ang pagpawi ng mga ngiti sa aking labi. Mayamaya, na-focus ang atensyon ko sa tubig na ibinubuga ng fountain. Pakiramdam ko sumasayaw ang tubig – naglalakbay sa ibat-ibang direksyon.

Lumingon ako hanggang sa matanaw ko ang isang babaeng papalapit sa kinaroroonan namin. Isang babae na nababahiran ng dumi sa katawan. Gula-gulanit ang kanyang kasuotan, makapal ang hibla ng kanyang mga buhok, at ang tsinelas ng kanyang mga paa ay napudpod na sa mahabang paglalakbay.

“Siya si Iwag!” sabi ni Boyet  sa akin.

“I-iwag?”

“Magmula nang mabaliw siya, Iwag na ang tawag sa kanya ng mga tao. ‘Yun din kasi ang madalas niyang sabihin kapag itinatanong kung ano ang name niya.”

Kinurot ang puso ko sa natuklasan ko. Kawawa pala si Iwag.

“Kuya, punta lang ako sa museum ha,” paalam sa akin ni Boyet. “I-text mo lang ako kapag kailangan mo ako. Huwag kang mag-alala. Mabilis lang ako,” dugtong niya sa akin.

“Sige, Boyet i-text kita. Naka-unli ako.”

Nang makaalis si Boyet. Lihim kong pinagmasdan ang babae. Mahaba ang kanyang buhok kaya natatakpan nito ang marungis niyang mukha. Nakatalikod na siya sa akin habang pinapanood ang tubig sa fountain.

Dumukot siya sa kanyang bulsa saka kinuha ang isang coins. Mayamaya, binulungan niya ito saka itinapon sa tubig.

Nag-wish si Iwag! Ano kaya ang wish niya? Bilib ako sa babae kasi ang saya saya niya. Hindi mo nga mababakas sa kanyang kilos ang labis na paghihirap.

May pumasok sa aking alaala. Isang nakaraan kung saan may isang babae na mahilig maghulog ng coins sa fountain.

Katulad ng ginagawa ni Iwag - umaasa na matupad ang wish niya.

Kinuha ko ang aking saklay saka agad na tumayo. At sa ginawa kong paghakbang ay natisod ako. Napa-upo tuloy ako sa lupa. Nagulat ako nang may umalalay sa akin – ang babaeng sintu-sinto. Nagtama ang aming mga mata hanggang sa kumurba ng ngiti ang kanyang mga labi.

Nagulat ako.

Napangiti siya.

Napalunok ako.

Niyakap niya ako. Mahigpit na mahigpit.  “Ako si Iwag!” may galak sa kanyang mga tinig. "Kung saan saan ako nagpunta mahanap lang si Nonoy," dugtong niya bago naghiwalay ang aming mga katawan.

“I-iwag……” sambit ko habang sinusuri ang kanyang mukha. Nagkukubli ang kanyang kagandahan sa duming bumabalot sa kanyang mukha.

Kinurot ang puso ko. Na-guilty ako. Ilang taon na ang nakakaraan nang makaranas ako ng matinding pagsubok - ang pagtakas sa pamamagitan ng paglalakbay.

Tumalikod siya saka agad na tumakbo. Ang bilis ng kanyang mga hakbang hanggang sa maglaho siya sa aking paningin. “I-iwag! Hintayin mo ako!” sigaw ko subalit ‘di na niya narinig ang tinig ko.

Pinilit kong makalakad gamit ang aking saklay. Hirap man sa paglalakad ay hindi ito hadlang upang maikot ko ang plaza. Habang naglalakad ako nagfla-flash back sa utak ko ang aking nakaraan. Ang bilis kong tumakbo noon – sa panahong kompleto pa ang aking mga paa.

Kung saan saan ako nakakarating. Naikot ko na yata ang buong syudad ng Iloilo. At sa aking paglalakbay ay may mga pagkakataong nadapa ako.

Nagkamali.

Tumigil ako nang makarating ako sa di-mataong lugar ng plaza. Nasa likod ako ng museum. Nagulat ako nang makita ko ang sintu-sinto na naka-upo sa isang bakanteng upuan. Nilapitan ito ng isang batang lalaki – ang batang inabutan ko ng one hundred pesos.

Natigilan ako.

“Kuya, anak siya ni Iwag.” Napalingon ako. Nasa likod ko na pala si Boyet. “Nabuntis si Iwag noon. Tinakasan siya ng lalaki.”

Napalunok ako.

Muli kong pinagmasdan ang mag-ina. Kumakain sila ng pansit na may kasamang pop cola. Ang saya saya nilang pagmasdan. Mayamaya, nagyakapan pa sila. Umiyak pa si Iwag saka kumanta ng isang Christmas Song.

Napa-iyak ako.

Sumigaw ang bata. “Palangga ko nanay koooo!” Halos ipagsigawan nito kung gaano niya kamahal ang kanyang ina.

Hindi ko napigilan ang mapaiyak dahil sa madramang eksenang nasaksihan ko. Kinuha ko ang panyo saka ipinahid sa mga mata ko. Mayamaya, lumapit ako sa kinaroroonan ng mag-ina.
Tumayo ang batang bungi.

Sumunod sa akin si Boyet. “Kuya, anong gagawin mo dito?” Lumingon ako sa kanya. Huminga ako ng malalim saka hinawakan ang kanang balikat niya.

“Nandito ako para ayusin ko ang pagkakamali ko. Narito ako para makita si Iwag,” napanganga ang binatilyo.

Nagulat siya sa isinagot ko.

Minsan na akong nadapa, nauntog, nawalan ng paa, nagsisi. At ngayon, bumalik ako para itama ang aking pagkakamali. Salamat sa Iwag Festival dahil muli kong nakita ang babaeng tinakasan ko noon.

“Kilala kita. Bumalik ka na? Natupad ang wish ko,” sabi ni Iwag sa akin. Lumapit sa akin ang bata saka tinitigan ako.

Napangiti ako.

Hinila ko ang bata saka mahigpit na niyakap. “Patawarin mo si tatay ha,” sambit ko kasabay ng aking mga luha. “G-gusto mo pasyal tayo. Ipapasyal ka ng tatay. Anak, babawi ako. Kukunin ko na kayo at ipapagamot natin ang nanay mo.”  

Napangiti ang batang bungi.

Ang sarap ng ganitong pakiramdam. Sa pamamasyal ko naayos ko ang isang pagkakamali. Ngayon, alam ko na kung bakit ako nawalan ng isang paa – para balikan ang isang responsibilidad na tinakasan ko.

Ako nga pala si Nonoy, isang pilay na mahilig maglakbay. At ang Iwag Festival ang pinaka-paborito ko sa lahat. Bakit? Dahil dito ko nakilala, iniwan at binalikan ang isang babaeng nagbigay sa akin ng isang batang bungi.

WAKAS


Ang kwentong ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 4 para sa kategoryang maikling kwento.










13 comments:

  1. PArang gusto ko ding maexperience yang Iwag na yan... yung literal at yung istorya :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks sa pagbasa ^^ maganda talaga ang Iwag... kung nasa Pinas lang ako uuwi ako sa Iloilo para saksihan ang Iwag...

      Delete
  2. Maraming magagandang lugar sa Pilipinas, mas pinapakulay pa ito ng iba't ibang pagdiriwang tuwing sasapit ang kapistahan.Pagkaminsa'y negatibo ang iniiwan nitong (kapistahan) impresyon dahil magastos hindi naman matatawaran ang kasiyahan naidudulot sa ating mga Pilipino.

    Habang binabasa ko ito, at pinakikilala sa akin ang mga karakter, pumasok sa aking isipan na ito ba'y hinabing kuwento o totoo? Nagtatagpo kasi ang kuwento sa katotohanan dahil sa lugar kung saan binuhay ang mga karakter ni Iwag at ang kaniyang anak, maging ang bidang lalaki.

    Malikhain.

    :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tama ka diyan! Marami talagang magagandang lugar sa Pinas... at karamihan nagiging makulay sa pagsapit ng Pasko.

      Salamat sa Komento ^_^

      Delete
  3. Goodluck tol. Susungkitin mo na naman ba ang awards sa SBA ngaun. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Di naman tol! hehehe manalo talo oks lang... thanks sa pagbasa ^^

      Na miss ko na rin ang Iloilo... sana next year maka uwi ako sa Dec...

      Delete
  4. Nasa iloilo ako nung dec 2011 hehe nadaanan namin to at nagstop over kami kasi kinunan namin mga bahay na puno ng xmas lights, grabe bongga ang Iloilo sa ganito. Btw ni-like ko pala to sa facebook link ng saranggolablogawards, pa-like din naman sir o :) maikling kwento hanapin mo haha

    ReplyDelete
  5. ang gnda ng story mr.jon,very touching nkkaiyak ung part n nkita nya ang mgnanay nya.gudluck mr.jon:) its me mr.jon,rinah gabion sv kc ni ate nerissa lagyn dw ng name pr kilala mu hehe

    ReplyDelete
  6. grave iyak q dun ah.ganda ng story.at ang ending.happy ending.goodluck jon.God bless.nerissa cruz.

    ReplyDelete
  7. Ang ganda nman ng story..kakaiyak eh.goodluck sau jon..& merry Xmas..GOD BLESS YOU

    Jetmeg Macadagat

    ReplyDelete
  8. madaming emosyon sa kwento, Goodluck sa maginang si Iwag at sa batang bungi at kay Nonoy!

    Ayos ang kwento Sir! Goodluck sa Patimpalak!

    ReplyDelete