Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

SBA ENTRIES: Si Toti, ang Bespren ni Bosing

Magandang araw! Ako po si Toti, isang asong payat. Buntot ko ay mahaba at makinis ang mukha. Nakatira ako sa isang bahay – sa isang pamilya. Si Aling Mirna, si Kulet, si Bravo, at si Bosing ang mga nakakasama ko.


Isang araw, lumabas si Bosing kasunod ni Bravo, ang asong imported. Nahulaan ko na kung saan sila pupunta – sa plaza.

Tumahol ako.

Lumingon siya pero ‘di niya ako pinansin. Bossing, sama ako! sigaw ng isipan ko. Napaupo ako hanggang sa mapahiga. Nalulungkot ako kasi iniwan na naman ako ni Bosing.

Papa God, sana makapunta rin ako sa plaza, dasal ng aking isipan.

Tumayo ako saka tumakbo. Gustuhin ko mang makawala sa kadenang  nakatali sa leeg ko ay hindi ko magawa.

Nasakal ako.

“K-kawawa ka naman!” Binuhat ako ni Aling Mirna saka inayos ang pagkakatali ng kadena sa leeg ko.

Akala ko pakakawalan niya ako pero inayos lang niya ang pagkakatali sa leeg ko. Napahiga na lamang ako saka hinintay ang pagdating ni Bosing.

PALUBOG na ang araw nang makauwi sila Bosing. Bakas sa kanyang mukha ang magkahalong saya at pagod.

Tumahol ako. Naghihintay na lapitan ni Bosing. Lumingon siya subalit ‘di niya ako pinansin.

Nagtampo ako.

Lumapit sa akin si Kulet, ang anak ni Bosing. Lumapit siya sa akin saka hinimas ang ulo ko. Natuwa na rin ako. Kahit alam kong hindi ako ang favorite niya.

“Toti, ang baho baho mo na!” reklamo niya sa akin. “Mommy, paliguan n'yo nga po si Toti kasi baho baho na!” sigaw niya na siyang ikinalungkot ko.

Gusto kong maiyak kasi pakiramdam ko hindi ako member ng family. Iba ang pagtrato nila sa akin. Kailanman ‘di ko naranasan ang makatikim ng dog food, hindi ko naramdaman ang mainit na dibdib ni bosing, at hindi ko man lang naranasan ang mamasyal sa plaza.

Sumilip ako sa gate. Maraming pusa ang naglalakad sa kalsada. Malaya nilang nagagawa ang mga bagay na gusto nila. Kung saan saan sila nakakapunta. Siguro kung ‘di ako pinulot o inampon ni Bosing malamang malaya ako.

Malaya akong makakapunta sa mga lugar na gusto kong puntahan. Sana nakita ko kung gaano kaganda ang probinsya ng Iloilo.

Napahiga ako. Naghihitay na sana may makapansin sa akin. Papa God, sana ipasyal din ako ni Bosing.

TANGHALING tapat. Naiinip ako. Gusto kong makipaglaro sa kapwa ko aso pero ‘di ko magawa.

Naglakad ako hanggang sa makita ko ang isang bagay. Pinaglaruan ko ito hanggang sa magkalasug-lasog. Nawala sa isip ko na baka may magalit sa akin.

Isang malakas na hampas sa likod ang natanggap ko.Tahol ako nang tahol sa labis na sakit hanggang sa mapasiksik ako sa isang sulok.

“Mirna, b-bakit mo hinayaang sirain ng aso na ito ang sapatos ko?” Bakas sa mukha ni Bosing ang labis na galit.

Nakakatakot ang kanyang mukha. Nanlilisik ang kanyang mga mata habang nakatingin sa akin. Takot na takot ako!

Sorry, Bosing! Sorry! sigaw ng isipan ko.

Hinila niya ang kadena ko hanggang sa mahila niya ako. Isang sipa ang natanggap ko. Tumama ang paa niya sa ulo ko.

Hindi ako makatahol.

Lumapit si Kulet sa daddy niya. “Daddy, tama na! Kawawa naman si Toti.”

“Maawa? Nagsisi nga ako kung bakit ko pinulot ang aso na ‘yan!”
Natigilan ako. Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Bosing, ‘di ba love mo rin ako?

Lumapit siya sa akin saka muli akong hinila. At sa kauna-unahang pagkakataon pinakawalan niya ako sa matagal na pagkakadena.

Nagulat ako.

Binuksan niya ang gate saka sinipa ako. Hindi ako pumayag na makalabas ng gate. Tumakbo ako saka lumusot sa ilalim ng sasakyan.

Sumigaw si Bosing.

Kinuha niya ang isang tubo saka pinagpapalo ako hanggang sa lumabas ako sa pinagtataguan ko. “Layas!” malakas niyang sigaw.

Nasaktan ako. Mas masakit ang salitang binitiwan niya. Tiningnan ko si Bosing. Tumagos sa puso ko ang mga katagang binitiwan niya. Kahit aso ako may damdamin akong nasasaktan.
Bosing, ikaw ang bespren ko 'diba?

Akma niya akong sisipain nang pinigilan siya ni Kulet. Tumulo ang luha ko kasi ipinagtanggol ako ng batang makulet.

Sumigaw si bosing saka kinuha ang isang patpat na pamalo. Natakot ako kaya mabilis akong tumakbo palabas ng bahay. Pabilis nang pabilis ang mga hakbang ko.

Habol ang paghinga nang makarating ako ng plaza. Nagulat ako sa nakita ko. Maraming tao sa paligid. Magkahawak-kamay habang naglalakad.

Sariwa ang hangin.

Mayamaya, may isang bata na nagbato ng tinapay sa akin. Inamoy ko iyon. Ang sarap! Ngayon lamang ako nakatikim ng brownies.

Napatahol ako. Hindi ko akalain na makakahinga ako nang maluwag. Ilang taon din akong nakabilanggo. Papa God, samahan n’yo po ako sa aking paglalakbay, dasal ko habang nilalabanan ang takot na nararamdaman.

LUMIPAS ang mga araw nang makita ko ang kagandahan ng paligid. Maraming puno ang nakatanim sa paligid ng plaza at ang mga bulaklak sa paligid ng simbahan ay sadyang napakaganda. Nakakahinga na ako nang maluwag - wala na ang kadenang nakatali sa aking leeg. Napupuntahan ko na ang mga lugar na gusto kong pasyalan.

Subalit, may hinahanap ako. Hindi ko makita sa paglalakbay na ginagawa ko. Nasasabik akong makita ang family ko.

Muli akong nalungkot.

Kahit ‘di nila ipinararamdam na member ako ng family mahalaga sila sa akin.

Kahit sinasaktan ako ni Bossing.

Mahal ko siya.

Kahit tinik ang pinapakain sa akin ni Kulet

Nami-miss ko siya.

Hanggang isang araw, naisipan kong pumunta sa pinanggalingan ko. Tuwang tuwa ako habang nakikita ko ang bahay nila Bosing.

Tahol ako nang tahol.

Umaasa na baka mapansin nila ako. Lumabas si Kulet. “T-toti? Nagbalik ka?” Natuwa ako sa expression niya. Feeling ko welcome na ulit ako sa family.

Akmang lalapit si Kulet sa akin nang biglang lumabas si Bosing. Tumalikod ang bata saka pumasok sa loob.

Si Bosing?

‘Di niya ako pinansin. Napapitlag ako sa lakas ng kalabog ng gate. Bosing, kumusta ka na? sigaw ng isipan ko.

Naalala ko nung unang araw na nagkita kami. Basang basa ako ng ulan dahil itinapon ako ng isang matandang lalaki sa basurahan.

Tuta pa lamang ako noon. Takot na takot sa dilim. Natatakot na baka kainin ako ng isang malaking pusa. Natatakot na baka gawin akong pulutan ng mga tambay sa kanto.

Nagulat ako nang may isang lalaking bumuhat sa akin. Ipinasok niya ako sa loob ng sasakyan saka iniuwi sa bahay nila.

Siya si Bosing, ang lalaking umampon sa akin. Kahit iba ang pagtrato niya sa akin mahal ko siya. Kasi dahil sa kanya naranasan ko ang tumira sa loob ng bahay, kumain ng pagkain ng tao, at maranasang paliguan kahit minsan lang.

Lumabas si Bosing kasama si Bravo. Ang yabang ng asong mataba. Siguro maglalaro na naman sila o mamamasyal sa plaza.

Sinundan ko sila.

Hindi ko tuloy maiwasan ang mainggit sa nakikitang pagmamahal ni Bosing kay Bravo. Yung feeling na ….. sana ako na lang.

Kung saan saan sila dumaan hanggang sa marating nila ang plaza. Naghabulan pa sila saka naglaro ng bola. Ang yabang ni Bravo kasi nagagawa niyang saluhin ang maliit na bolang inihahagis ni Bosing.

Nag-enjoy ako sa nakikita ko. Nagseselos sa kabilang bahagi ng puso ko.

Ang saya ng mga mata ni Bosing. Enjoy na enjoy siya habang nakikipaglaro sa asong mataba. Mayamaya, tumilapon ang bola sa kalsada.

Tumakbo si Bosing upang kunin ang bola samantalang humiga sa damuhan si Bravo. Napagod yata sa ginawang pagtakbo.

Napatahol ako nang makita kong may papalapit na sasakyan. Nakatalikod si Bosing kaya ‘di niya napansin ang sasakyan.

Tumahol ako upang mapansin ni Bosing ang sasakyan. Subalit masyadong mabilis ang eksena.
Tumalon ako ng ubod taas saka itinama ko ang aking mga paa sa dibdib ni Bosing. Bumagsak ang katawan niya sa lupa.

Kasabay nang malalakas na sigawan ng tao sa highway ang pagbagsak ko. Duguan ang aking katawan.

Lumapit sa akin si Bosing. Bakas sa mukha niya ang labis na pagkagulat. Binuhat niya ako saka mahigpit na niyakap.

First time in my life na niyakap niya ako. Tumakbo si Bosing habang buhat buhat ako. Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin.

Tiningnan ko siya. Nagtama ang aming mga paningin. Bosing, h-huwag mo akong pababayaan ha, sigaw ng isipan ko.

Dumilim na ang paligid. Naglakbay ako sa kawalan. Tahimik. Payapa. Nasa heaven na ba ako?

_______________ o ______________

Mula sa ‘di kalayuan nakikita ko si Bosing. Kasama niya ang member ng family. May lungkot sa kanilang mga mata. Mayamaya, sinindihan ni Bosing ang candles. “Paalam, Toti! Thank you for saving my life. Dahil sa'yo nakita ko ang mga pagkakamali ko. Sorry, kung hindi ikaw ang naging favorite ko. Kung nabubuhay ka lang, ipapasyal kita. Toti, alam mo isang foundation ang itinayo ko para sa mga asong katulad mo.”

Napaiyak ako. Touch na touch ang puso ko. Tumingala ako saka nakita ko si Papa God na nakangiti sa akin.

Napatahol ako.

Bosing, ikaw ang bespren ko! sigaw ng isipan ko. At ako’y naglakbay sa bagong tahanan ko.

Ang heaven…..

Ako si Toti, kahit aso lamang ako may puso akong nagmamahal, nasasaktan, at umaasa na sana maging member ako ng family – hindi sasaktan at hindi gagawing azucena.

WAKAS
Sa Panulat ni Jondmur


34 comments:

  1. Ang ganda tol. naiyak ako dito :) Magaling :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks! Ito rin ang favorite ko sa lahat ng nasulat ko... medyo may emotion kasi nung sinulat ko... hehehe kung tao si Toti... minsan masakit ung maramdaman mo na parang hindi ka member ng family hehehe....

      Delete
  2. Galing mo naman. Naka touch ang story mo. Thanks for sharing:)

    ReplyDelete
  3. Thanks Joy ^_^ salamat sa pagbasa at sa comment ^^

    ReplyDelete
  4. hehe .. nakakatuwa basahin .. magugustuhan talaga ng mga bata .. tulad ko :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks Daisy ^_^ sige ikaw na ang bata hehehe ^___^

      Delete
  5. Mrs. CatchMe IglesiasOctober 13, 2012 at 2:26 AM

    Ang ganda nito.. Naiyak ako.. T_T

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks Mrs. CatchMe ^_^ buti nabasa mo na ^^

      Delete
  6. ang ganda..:) nakakaiyak..bakit kailangan pang mamatay ni toti bago marealize ng wenyang amo nya na imp0rtante din sya..

    ....france..:D

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks France ^_^ uo nga eh minsan ganyan talaga ^^

      Delete
  7. wow! thanks sa pagbasa... bigyan na lang kita tissue hehehe

    ReplyDelete
  8. napakaganda ng kuwento nato.sana maisama mo sa book mo ito saka un saranggola.more power

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks sa pagbasa at comments ^^ sana balang araw ma publish ^___^

      Delete
  9. Hala! Naiyak ako..
    Ang ganda po..
    Ang galing naman..

    #lorraine

    ReplyDelete
  10. Weee! thanks Earl, JH and Mareng Balut ^_^ nagulat ako sa announcement hehehehe.. nakakatuwa naman kasi nabigyan ng karangalan hindi lang ung first place hehehe ^_^

    Excited ako sa badge and certificate hehehe!

    Thanks to all... lalo na sa mga nag votes sa akin ^__^

    ReplyDelete
  11. mag pakanton ka na at magpahipon. hehehe.

    ReplyDelete
  12. Congrats! Now ko lang nabasa 'to at muntik na ko maiyak, ramdam na ramdam ang emosyon sa kwento. Galing sir, congrats ulet! :)

    ~Tal
    (tinamad na mag-login, hehe)

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks hehehe bigyan sana kita ng tissue hehehe....

      Godbless ^___^

      Delete