BIGLANG bumilis ang tibok ng puso ni Ruthie. Nakakaramdam siya nang kakaibang kaba sa kanyang dibdib. Ilang saglit pa, nakarinig siya nang malakas na pagkalampag sa kabilang silid. Tinungo niya ito upang alamin ang buong kaganapan.
Halos maubusan siya nang hininga nang matanaw niya ang isang kabaong na lumulutang – biglang bumukas iyon hanggang sa magsilabasan ang mga ahas. Halos manindig ang kanyang mga balahibo. Tumakbo siya nang tumakbo subalit tila napagod na ang kanyang mga paa – hindi siya nakaka alis sa kanyang kinaroroonan. Bumagsak ang katawan niya hanggang sa salakayin siya ng mga ahas na tila uhaw sa dugo ng tao.
“H-huwaggggg!” isang malakas na sigaw ang kanyang pinakawalan na sumabay sa tila nakakakilabot na tahol ng asong gubat.
“Ruthie, a-anong nangyayari sa’yo?” Habol ang paghinga nang makabangon siya sa kama. Huminga siya nang malalim saka muling pinagmasdan ang buong paligid.
Panaginip lang ba ang lahat?
Anim na linggo na ang nakakaraan nang maganap ang kababalaghan sa kanilang buhay. Sa kabila ng kababalaghang naganap ay binigyan pa rin nila ng isang maayos na libing si Marco. Magmula nang mailibing ang lalaki ay nagkaroon ng katahimikan ang kanilang buhay.
Subalit, binabalot pa rin ng pag-alala ang puso niya. Pakiramdam niya nasa paligid lamang ang kaluluwa ni Marco. Nakamasid sa kanilang ginagawa. Humampas ang hangin sa kanyang mukha na siyang nagpakabog muli ng dibdib niya.
“Ate Sarah, natatakot ako!” Hinimas nito ang kanang pisngi niya bago siya niyakap nang mahigpit nito. Ramdam niya ang pagmamalasakit ng pinsan. Nang maghiwalay ang kanilang mga katawan ay agad itong ngumiti sa kanya.
“Simula na ito ng bagong buhay natin. Ruthie, ligtas na tayo.” Tila nabunutan siya ng tinik sa sinabi nito sa kanya. Mayamaya pa, lumabas ito ng silid na tila nagmamadali. Gustuhin man niyang habulin ito ay minabuti niyang mahiga na lang ulit sa kama.
NASAKLOT ni Sarah ang kanyang tiyan nang makatungo siya sa lababo. Nangangamba siya sa kanyang kalagayan. Kasabay nang paghilamos ang pagbakas ng takot sa kanyang mukha.
Ilang araw na niyang nararamdaman na may kakaibang nangyayari sa kanya. Hanggang sa maisipan niyang magpatingin sa isang doctor. Positive ang resulta na siyang nagpagulo sa kanyang isipan. Takot ang bumalot nang matuklasang nagbunga ang kahayupang ginawa ni Marco - buntis siya.
Akma na siyang tatalikod nang makaramdam siya nang kakaiba sa kanyang sinapupunan. Tila may mainit na palad na humihimas rito. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Nakiramdam sa paligid. At hindi nga siya nagkakamali may isang palad na humihimas sa kanyang tiyan.
Bigla siyang napapapitlag. “S-sino ka?” Humakbang siya paatras hanggang sa maramdaman niya ang malamig na hangin na humahampas sa kanyang katawan.
“Sarah, sumama ka na sa paraiso,” malamig na tinig ang kanyang narinig. Inilibot niya ang kanyang paningin subalit di niya matunton ang pinagmulan ng tinig.
“Magpakita ka sa akin,” aniya habang gumagala ang kanyang paningin. Napatukod siya sa mesa nang makaramdam ng pagkahilo. “S-sino ka?” aniya habang unti-unting napapaupo sa sahig ng kusina.
ORAS ng orasyon nang maisipan ni Ruthie na bumaba ng hagdan. Kanina pa niya hinahanap ang pinsan niya subalit di niya ito mahagilap. Tumunog ang door bell kaya binuksan niya ang pinto. Tumambad rito ang kaibigan na matagal na niyang hindi nakikita.
“Sonia? I-ikaw nga!” Niyakap niya ito saka pinapasok sa loob ng bahay. “Kumusta ka na?” dugtong niya habang inaabot ang mga pasalubong ng kaibigan.
“Ito buhay pa rin! Nabalitaan ko ang nangyari. Sorry kung di ako nakapunta sa burol. Kumusta na si Sarah?”
Bigla siyang natigilan subalit di niya ito pinahalata sa kaibigan. Mayamaya, nahagip ng paningin niya ang malaking bag na naiwan sa tabi ng pinto.
“Ipasok natin ang bag mo,” aniya habang binubuhat ang isang maleta.
“Okay lang ba na magbakasyon ako dito? Alam mo na mahigit sampung oras ang byahe ko,” sabi nito sa kanya.
“Anytime welcome ka dito. Teka, ihatid na kita sa guest room para makapagpalit ka na ng damit.” Hinila niya ang maleta saka tumungo sa guest room na nasa first floor lamang. Sumunod naman sa kanya ang kaibigan.
“Hindi ba kayo nababagot dito? Ang tahimik kasi. Kung ako sa inyo sumama na lang kayo sa akin sa Maynila. Magbakasyon naman kayo,” sabi nito habang binubuhat ang isang plastic bag.
Pagkapasok sa kuwarto na matagal nang hindi nabubuksan ay tila nakaramdam siya nang kakaiba. Napangiti na lamang siya para ikubli sa kaibigan ang kabang nararamdaman. Pakiramdam niya may mga matang nakatingin sa kanila.
“Sonia, akyat tayo sa taas. Naisip ko mas masaya kung tabi na lang tayo. Maluwag naman ang kama. Isa pa, ang daming alikabok. Ang dumi dumi pa! Pasensya ka kasi matagal nang hindi nagagamit ang kuwartong ito.”
“Okay ka lang? Ang linis linis kaya!” Bigla siyang natigilan. Muli niyang inilibot ang kanyang paningin sa loob ng kuwarto; nagkalat ang mga lumang kasangkapan, makakapal ang mga alikabok at may mga tirang pagkain pa siyang nakita na matagal ng nabubulok.
Akmang uupo ang kaibigan sa kama nang pinigilan niya ito. “Labas na tayo! Halika sa labas,” utos niya rito. Naguguluhan man ito ay nasunod pa rin ang utos niya.
“Bakit? Bukas pa rin ba ang third eye mo? May multo ba sa loob ng kuwarto?”
“Wala! Naku. Nakakahiya naman sa’yo! Halika, doon tayo sa taas. Marami akong iku-kwento sa’yo.” Umakyat sila ng hagdan nang mahagip ng paningin niya ang isang lalaking lumabas mula sa loob ng guest room.
Bigla siyang napapitlag na siyang ikinagulat ng kaibigan. “B-bakit?” tanong ng kaibigan na tila kinakabahan na sa kanyang ikinikilos.
“Wala! Halika na nga!” Pagkapasok sa kanyang kuwarto agad na humiga sa kama ang kaibigan. “Hoy, magbihis ka muna.”
“Grabe! Nakakapagod ang byahe. Pero alam mo, may nagtulak sa akin para pumunta ako dito.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Ruthie, nakita ko ang lalaki kanina.” Natigilan siya sa sinabi nito sa kanya. “Kanina sa guest room nagulat ako nang biglang gumanda ang silid samantalang ang dumi dumi nang pumasok tayo. Ruthie, sa tingin ko nararanasan ko ang nararanasan mo. Pumunta ako dito para makausap ka. Sa tingin ko bukas ang third eye ko.”
Nagulat siya sa sinabi ng kaibigan. Mayamaya, tumayo ito saka hinawakan ang magkabilang kamay niya. “Sonia, naguguluhan na ako.”
“Ruthie, sa panaginip ko nakikita ko kayo ni Sarah. May babala sa panaginip ko. Nakikita ko ang panganib na posibleng mangyari.”
“Patay na si Marco.”
“Nandito pa rin ang kaluluwa niya.”
“Hindi ako natatakot.”
“Matakot ka para sa pinsan mo.” Kumabog ang kanyang dibdib. “Nasaan si Sarah?” Nasaklot niya ang kanyang dibdib hanggang sa mapa-upo siya sa kama.
“Hindi ko alam. Kanina ko pa siya hinahanap.” Tumayo siya saka humarap sa salamin. “Ahhhhh!” daing niya nang makita sa salamin ang isang imaheng nababalutan ng hiwaga.
“Ruthie, may kasama tayo!” Biglang tinambol ang puso niya. Pabilis nang pabilis ang pagkalabog niyon na tila nakakaramdam nang anumang panganib.
Napatingin siya sa kaibigan. Batid niya na may lahing albularyo ito. At marahil ngayon lang nito nagagamit ang pambihirang kakayahan. Napahawak siya sa kamay nito. “S-sonia, kailan matatapos ang lagim sa buhay namin?”
“Tutulunga kita! Narito ako para tumulong sa inyo.” Huminga ito nang malalim. “Sa panaginip ko, isang sanggol ang kukunin ng mga engkanto.”
“S-sanggol?”
MAGAAN ang pakiramdam ni Sarah nang maimulat niya ang kanyang mga mata. Bumangon siya sa malambot na kama hanggang sa matanaw niya ang kagandahan ng paligid; maraming bulaklak na siyang nagpakulay sa loob ng silid, mula sa di kalayuan naman ay may mga pagkain na nagpagutom sa kanya. Tumayo siya saka lumapit sa hapag kainan.
“Nagugutom ka na ba?” Lumingon siya hanggang sa matanaw niya ang isang lalaki. Maamo ang mukha nito na tila isang anghel. Mayamaya, unti-unting nabubura ang imahe nito hanggang sa balutin ng liwanag ang maamo nitong mukha.
“S-sino ka?”
“Sarah, ako ang ama ng iyong anak.” Kumabog ang dibdib niya sa narinig. Inilibot niya ang kanyang paningin hanggang sa matuklasan niya na nasa ibang daigdig siya.
“Nasaan ako?” Ngayon lamang niya natuklasan na nasa panganib ang kanyang buhay. “Panaginip lang ito. Alam ko panaginip lang ito.” Tumalikod siya subalit maagap ang lalaki. Nahawakan siya nito sa kanang balikat niya.
“Totoo ito! Hindi ito isang panaginip. Akin ka na ngayon Sarah. Magmula nang ini-alay ka sa akin ng iyong asawa.”
“A-alay?”
“Isang taon na ang nakakaraan nang magsagawa ng ritual ang asawa mo.” Napapikit siya hanggang sa maaalala ang mga panahong umangat ang kabuhayan nila ni Marco. Lumaki sila ni Ruthie na may magandang buhay subalit ang lahat ng iyon ay naglaho sa dahilang hindi niya alam. Nakilala niya si Marco subalit sa isang barung-barong sila nanirahan. At makalipas ng isang taon – biglang gumanda ang pamumuhay nila.
“H-hindi ako sasama sa’yo,” aniya sa lalaki.
“Sarah, wala ka ng magagawa.” Tumulo ang kanyang mga luha. Humarap siya sa lalaki saka hinawakan ang mainit nitong mga palad.
“Kung mahal mo ako palalayain mo ako. Nakiki-usap ako sa’yo, pakawalan mo na ako.” Natigilan ang lalaki hanggang sa maramdaman niya na unti-unting naglalaho ito sa paningin niya.
HABOL ang paghinga ni Sarah nang makabangon sa kama. Nasaklot niya ang kanyang dibdib. Mayamaya, natigilan siya nang mapansin ang isang dahon na kumapit sa kanyang damit. Kinuha niya iyon saka iniisip kung saan nanggaling ang napitas na dahon.
“Sa paraiso?” Biglang lumiwag ang paligid. Naramdaman niya na may tumabi sa kanya sa kama saka hinawakan ang malambot niyang palad.
“Sarah, kung hindi ka sasama sa akin sa paraiso. Kukunin ko ang ating anak sa takdang panahon.” Binalot ng takot ang puso niya. Napatayo siya sa kama habang hawak hawak ang tiyan niya.
“Hindi mo siya makukuha! H-hindi ko siya ibibigay sa’yo,” singhal niya sa nilalang na hindi nakikita. Sumigaw siya nang sumigaw hanggang sa bumukas ang pinto ng kuwarto. Halos mapaluhod siya nang yakapin siya ng pinsan. “Ruthie, kukunin niya ang anak koooo!”
“A-anak?”
“B-buntis ako! Kukunin niya ang anak ko!” Natigilan siya nang biglang lumapit si Sonia saka pinasuot sa kanya ang isang kwintas. “S-sonia, mabuti nandito ka!”
“Sabi ng nanay ko, ang kwintas na ito ay pangontra sa mga engkanto. Hindi ka nila malalapitan,” sabi nito na siyang nagpagaan ng pakiramdam niya.
“Salamat!” sambit niya habang niyayakap ang kaibigan.
ISANG ritual ang isinagawa ni Sonia. Natutunan ito ng dalaga sa yumaong ina. Umusal ito ng dasal saka pinahiran ng lana ang pinto ng kuwarto. Bawat madaan ng kamay nito ay tila nag-iiwan ng bakas. Napatingin naman si Ruthie sa ginagawa ng kaibigan.
“Sabi ni nanay, mabisa ang ritual na ito para hindi makapasok ang mga engkanto,” sabi ni Sonia habang nakatingin kay Ruthie.
“Paano ang mga ligaw na kaluluwa o demonyo?”
“Hindi pa ito ang takdang panahon para bumalik ang kaluluwa ni Marco. Ang dapat nating paghandaan ang pagsilang ni Sarah.” Kinuha nito ang bote ng lana saka iniabot sa kanya. “Ruthie, sa panaginip ko kukunin ng mga Timawo ang anak ni Sarah.”
“Paano kung hindi namin ibigay?”
“Buhay ni Sarah ang mawawala.”
“Hindi ako papayag!”
“May isang paraan pa para mailigtas ang mag-ina.”
“A-ano?” Natigilan ito saka muling tumingin sa kanya. “Anong paraan?”
“Kailangan mong mag-alay kapalit ng mag-ina.” Tila nagbara ang lalamunan niya sa sinabi ng kaibigan. “Ruthie, tao ang iaalay mo sa mga Timawo,” dugtong nito na siyang nagpakaba muli ng dibdib niya.
“Alam ko na kung sino ang i-aalay ko.”
“S-sino?”
“I-ikaw!” Isang batok ang natanggap niya sa kaibigan. “Joke lang ikaw naman! Basta! Gagawa ako ng paraan para mailigtas ang baby ni Sarah,” sabi niya sa kaibigan.
“Huwag kang mag-alala tutulungan kita.” Napangiti siya sa sinabi nito sa kanya. Mayamaya, tumalikod siya para tumungo sa kusina. Nakaramdam siya nang kakaiba nang makarating ng kusina. Pakiramdam niya may sumusunod sa kanya.
Nilakasan niya ang kanyang loob. Binuksan niya ang ref saka kumuha ng malamig na tubig. Kumuha siya ng baso at akma na niyang lalagyan ng tubig nang mahagip ng paningin niya ang kaluluwa ni Marco. Nabitiwan niya ang baso dahilan para tumama ang bubog sa kanyang kanang paa.
Nasaklot niya ang kanyang dibdib. Muli niyang hinagilap ang kaluluwa ni Marco subalit naglaho na iyon sa kanyang paningin. “D-diyos ko! Palakasin n’yo pa ang loob ko,” dasal niya habang pinupulot ang mga bubog na nagkalat sa sahig.
“Nandiyan ka lang pala.” Napatayo siya nang marinig ang boses ni Sonia. “O, bakit parang nakakita ka ng multo?” dugtong nito habang kumukuha ng tubig sa ref.
“Nakita ko siya.”
“Alam ko! Narito lang siya Ruthie pero huwag kang mag-alala may ginawa akong ritual upang hindi na siya makagulo sa inyo. Ang sabi nga ng mga matatanda, matakot ka sa buhay hindi sa multo.”
“D-demonyo si Marco.”
“H-hindi pa ito ang panahon sa kanyang pagbabalik. Kulang pa ang kanyang lakas. R-ruthie, ang sanggol ni Sarah ang dapat nating iligtas.”
Bigla siyang natahimik sa sinabi nito. Huminga siya nang malalim saka agad na tumalikod. Patakbo niyang inakyat ang hagdan saka dumeretso sa silid ni Sarah.
“Ate?” Natigilan siya nang matanaw ang pinsan na natutulog sa kama. Halos manindig ang kanyang mga balahibo nang ma-focus ang kanyang paningin sa tiyan nito. “D-diyos ko,” aniya habang pinagmamasdan ang lumalaki nitong tiyan.
Kanina lamang nang sabihin nito na nagdadalang tao ito – ngayon tila siyam na buwan na ang dinadala nito. Napapitlag siya nang may tumapik sa kanyang kanang balikat.
“Ruthie, anak ng Timawo ang dinadala ni Sarah. Mamaya, manganganak na siya,” sabi ni Sonia na siyang nagpasindak sa kanya.
“Imposible!”
“Walang imposible sa mga engkanto. Kung gusto nilang makuha ang sanggol gagawa sila ng paraan. Hindi na sila makapaghintay kaya manganganak na si Sarah.”
NATIGILAN si Sarah. Pakiramdam niya nanggaling siya sa isang mahabang panaginip. Bumangon siya. At halos mapasigaw siya nang matuklasang lumaki na ang kanyang tiyan. Akma na siyang tatayo nang may pumigil sa kanyang mga kamay.
“A-ate, malapit ka nang manganak.” Natigilan siya sa sinabi ng pinsan. Tumingin siya rito saka binasa ang sinasalamin ng mga mata nito.
“I-imposible! Ilang buwan pa lang akong nagdadalang tao.”
“Walang imposible sa anak ng engkanto!”
“Natatakot a-ako!” Akma na siyang tatayo nang maramdaman niya ang tila sumasakal sa kanyang sinapupunan. Napadaing siya sa sobrang sakit. “Ahhhhh! Hindeeeee!” Napapikit siya hanggang sa mapahiga muli sa malambot na kama.
Isang malakas na sigaw ang kanyang pinakawalan na tila sumabay sa malakas na alulong ng mga aso sa kalsada. Natanaw niya si Sonia na may dalang gamit ng panganganak. “D-diyos ko! Manganganak na ba ako?”
Hapahawak siya sa mga kamay ng pinsan nang matanaw niya ang isang nilalang na nababalutan ng liwanag – ang lalaking naka usap niya sa paraiso.
“Kukunin ko na ang anak ko,” isang malamig na tinig ang pinakawalan ng nilalang.
“Hindi mo siya makukuha!” Napapikit siya nang maramdaman ang malamig na hangin na humampas sa kanyang katawan.
HALOS lumipad na ang mga paa ni Ruthie habang bumababa ng hagdan. Nakita niya ang Timawo na kinakausap ni Sarah – ang ama ng sanggol na dinadala nito.
Kinuha niya ang isang halamang gamot na inihanda niya. Buo na ang kanyang pasya, ililigtas niya ang mag-ina lalo na ang sanggol ni Sarah.
Lumabas siya ng bahay saka patakbong tinungo ang kagubatan. “Nasaan ka? Magpakita ka sa akin! Hindi ako natatakot sa’yo.” Isang malakas na hangin ang sumampal sa kanyang mukha. “Narito ako upang i-alay ang aking sarili kapalit ng mag-ina!”
Isang liwanag ang sumilaw sa kanya. Mayamaya pa, isang mainit na palad ang naramdaman niyang humimas sa kanyang mukha. Pagkamulat niya, halos mabaliw siya sa ibat-ibang imaheng nakikita niya. Tila nakasakay siya sa isang feris wheel – pabilis nang pabilis na tila dinadala siya sa ibang daigdig.
“Huwagggggg!”
HABOL ang paghinga ni Sarah nang makalabas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Hawak hawak ito ni Sonia habang pinapaiyak ang sanggol.
“Ang anak ko!” Kinuha niya ang sanggol saka niyakap nang mahigpit. “Hindi kita ibibigay sa kanya. Akin ka lang! Pangako hindi kita iiwan!”
Napaiyak siya habang pinagmamasdan ang kanyang anak. Pinapangako niya sa kanyang sarili na hindi niya pababayaan ang kanyang anak.
“Ate Sarah, si Ruthie!” Natigilan siya nang makita sa mukha ni Sonia ang labis na pagkabahala. “Nawawala si Ruthie!”
“Hindeee! Baka nasa labas lamang siya. Hanapin mo siya Sonia. Hanapin mo ang pinsan ko,” paki-usap niya sa kaibigan.
NAPAMULAT si Ruthie nang maramdamang may humalik sa kanyang noo. Pagkamulat niya natanaw niya ang isang lalaking pamilyar na sa kanyang alaala subalit di niya matukoy kung saan niya ito unang nakita.
“Maligayang pagdating sa paraiso!”
Bumangon siya saka pinagmasdan ang buong paligid. Natitiyak niya na nasa mundo na siya ng mga engkanto. “Pumapayag na akong manirahan dito kapalit ng kaligtasan ng mag-ina.” Tinungo niya ang hapag kainan na may ibat-ibang pagkain. Kumuha siya ng kanin – ang pulang kanin na madalas i-kwento sa kanya ng kanyang lola.
Buo na ang kanyang loob. Kakainin niya ang pulang kanin upang mapanatili siyang nasa loob ng paraiso. Subalit, pinigilan siya ng lalaki.
“Bilib ako sa pagmamahal at pagmamalasakit mo sa mag-ina. Ruthie, timawo ang ama ng anak ni Sarah. Balang araw kukunin ng timawo ang kanyang anak.”
“Sino ka ba? Ikaw ba ang ama ng anak ni Sarah?”
“Hinde!”
“S-sino ka? Ligtas na ba ang sanggol?”
“Nakaligtas sila magmula nang inialay mo ang sarili mo. Natutuwa ako dahil muli kitang nakita. Nasasabik ako sa’yo.”
“Hindi kita maunawaan! S-sino ka?”
“Ruthie, ako ang iyong ama!” Tila nangalisag ang kanyang mga balahibo sa natuklasan. Naalala niya ang kuwento ng kanyang lola Lope – na bumalik na sa paraiso ang kanyang ama.
“I-ikaw?” Niyakap siya nito na tila nagpagaan sa kanyang pakiramdam. Mayamaya, bumitiw na rin ito sa pagkakayakap sa kanya.
“Anak, mas magiging masaya ako kung babalik ka sa mundo ng mga tao.”
“Paano sila Sarah? Hindi ako papayag na makuha ang anak niya.”
“Sa ginawa mong alay ay hindi nangangahulugan na tuluyan nang maaangkin ni Sarah ang kanyang anak. Kukunin namin ang para sa amin.”
“Hindi ko kayo maunawaan.”
“Sa takdang panahon! Kukunin namin ang para sa amin. Sa ginawa mo, binigyan mo lang nang pagkakataon si Sarah na makapiling ang kanyang anak sa mahabang panahon.”
“Hindi ko kayo maunawaan!” Biglang lumiwanag ang buong paligid. Mayamaya, tila umikot ang buong paligid. Nahilo siya na siyang dahilan para matumba siya sa kanyang kinatatayuan.
Pagkamulat niya tila nanibago siya sa paligid. Pakiramdam niya lumipas ang mahabang panahon sa kanyang paglalakbay.
NAPAIYAK si Sarah nang maikabit niya ang isang picture frame – larawan ni Ruthie. Mayamaya pa, hinalikan niya ito. “Salamat dahil iniligtas mo kami! Mahal na mahal ka namin!”
Bigla siyang napapitlag nang marinig ang malakas na sigaw ni Sonia. Agad siyang lumabas ng kuwarto upang lapitan ang kaibigan.
“Ate Sarah, nakita mo ba si Mateo?”
“Ha? Baka naglalaro lang sa labas? Teka, ako na maghahanap sa labas.” Binuksan niya ang pinto. At halos mapasigaw siya nang biglang bumungad ang isang matandang babae.
“Ate Sarahhhhh!” Nasaklot niya ang kanyang dibdib. Pakiramdam niya may misteryong dala ang mga mata ng matanda. Agad niyang isinara ang pinto saka nilapitan si Sonia.
HINDI maipaliwanag ni Ruthie kung bakit ganoon na lamang ang takot sa kanya ng pinsan. Ilang oras lamang siyang nawala sa mundo ng mga tao. Mayamaya, may isang batang kumalabit sa kanya.
“Lola, sino po kayo?” Natigilan siya. At doon lamang niya natuklasan na nagbago na ang kutis ng kanyang mga balat. Kinapa niya ang kanyang mukha hanggang sa masalat niya ang kulubot niyang pisngi.
“Hindeeee!” Isang malamig na hangin ang humalik sa kanyang pisngi. Pumikit siya hanggang sa marinig niya ang tila bulong na nanggaling sa kawalan.
“Lola, okay lang po ba kayo?” Napamulat siya. Akma na siyang magsasalita nang biglang bumukas ang pinto.
“L-layuan mo ang anak ko!” sigaw ng pinsan habang hinihila ang anak. Napaiyak siya nang ibinagsak nito ang pinto.
“A-anong kababalaghan ito?” Tumalikod siya hanggang sa matanaw niya ang isang anino na dumaan sa kanyang harap. Pumasok ito sa loob ng bahay nila Sarah. “Diyos ko, kambal ang anak ni Sarah?”
Humampas ang malakas na hangin sa kanyang mukha. At mula sa di kalayuan ay nahagip niya ang isang nilalang na may malabong imahe.
“Anong kababalaghan ito? Naguguluhan ako?”
TILA nakonsensya si Sarah sa ginawa niya sa matanda. Sumilip siya sa bintana hanggang sa matanaw niya ito. Naalala niya ang pagtawag sa kanya nito ng ate Sarah. May takot man ay minabuti niyang puntahan ito.
Kumakabog ang kanyang dibdib habang nilalapitan ang matandang nakaupo sa naka-tumbang puno ng akasya.
“S-sino ka?” Humarap ito sa kanya hanggang sa magtama ang kanilang mga paningin.
“Sarah, mag-iingat ka!”
“A-anong ibig n’yong sabihin?”
“Kambal ang anak mo!”
“Ha?”
“Sino ka?”
“Hindi na mahalaga kung sino ako. Ito lang ang tandaan mo. Kukunin pa rin ng Timawo ang anak mo.” Natigilan siya. Gustuhin man niyang habulin ang matanda ay hindi niya magawa.
HALOS maubusan ng lakas si Ruthie habang naglalakad palayo sa pinsan. Buo na ang kanyang loob – hindi na siya magpapakilala.
WAKAS
BABALA: May mga bagay na walang wakas. May mga bagay na nababalutan ng hiwaga. Hindi mo matukoy kung ano ang kababalaghang nagaganap sa iyong buhay. May mga pangyayaring posibleng makagulo sa iyong isipan. Hindi mo alam kung ano na ang susunod na kaganapan.
Timawo
Sa Panulat ni Jondmur
No comments:
Post a Comment