Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

Salbabida

Ilang buwan na ang nakakaraan nang maabot ko ang aking mga pangarap. Mababakas sa mga mata nina ama at ina ang labis na kaligayahan habang pinagmamasdan nila ang aming bagong tahanan. Mula sa pagiging barung-barong, naging matatag ang haligi nito, at ang ilaw ang siyang nagbigay liwanag para masilayan ang mga bagong kasangkapan. 

Nagsimula ako bilang isang kargador sa isang bigasan sa bayan. Sa bawat pawis na kumakatas sa aking katawan ay katumbas ng pisong ikinukubli ko sa lumang alkansya. Umaasang mapupuno iyon at makakabili ng isang sakong palay. Hindi ako nabigo, sa pagkakabiyak ng kawayan ay isang sakong palay ang katumbas niyon hanggang ang palay ay naging bigas, at ang bigas ay lumago hanggang sa mapuno nito ang maliit na barung-barong. 

Napuno ng ligaya ang puso ko habang nasisilayan ang matamis na ngiti ni ina, katulad ng mga ngiti ko noong ako ay musmos pa lamang. Sa tuwing sinasalubungan niya ako ng isang matamis na tinapay. Ang sabi ni ina, kahit ilang sakong labada tatanggapin niya, matikman ko lang ang masarap na tinapay. 

Lumipad ang paningin ko sa kulubot na mukha ni ama, ang kanyang tatlong paa ay nahihirapang mag-lakbay sa sementadong sahig. Sa bawat hakbang, tungkod ay kaagapay. Lumapit ako sa kanya, at ako ang nagsilbing tungkod, katulad sa pag-alalay niya sa akin noong ako ay bata pa lamang. 

Mababakas sa kanilang mga mukha ang labis na kaligayahan habang pinagmamasdan ang mga masasarap na putaheng aking inihain. Aming nilasap ang mga bagong putaheng bago sa aming panlasa, katulad nang pagtikim sa bagong buhay na aming nilalasap. Subalit, katulad ng pagkaing aking inihanda, may hangganan kung hanggang kailan ito sariwa. 

Biernes ng gabi. Kasabay ng pagdagundong ng kulog ang pagkabog ng aking dibdib. Isang delubyo ang lumusob sa aming bayan. Isang bagyo na ang hatid ay panganib sa mga residenteng ang tanging hangad ay maka-ahon sa hirap ng buhay. 

Malupit ang bagyo, lahat ng residente ay kanyang binulabog. Lahat ay sinira ng hanging kanyang taglay, at ang tubig baha ay tila magnanakaw na sa isang iglap hinakot ang mga kasangkapang ipinundar. Walang itinira, kahit ang nabiyak na alkansya ay kanyang itinangay. 

Ang bubungan na dati’y aming silungan, ngayon ay aming tinatapakan. Naghihintay ng awa sa mga taong sasaklolo. Subalit, sa kabila ng lahat sa Diyos kami ay nanalig. Si ama at ina, magkayakap na nananawagan sa Poong Maykapal, na sana’y anak nila ay makaligtas sa panganib. 

Mula sa di-kalayuan, aking natanaw ang isang batang lalaki. Palutang-lutang sa gulong na kinakapitan. Ako’y nahabag sa batang paslit, at aking pansamantalang iniwan ang magulang na nananawagan sa Poong Maykapal. 

Ako ay lumusong sa mapanganib na baha. Ang dumi ay aking kinalimutan mailigtas lamang ang bata sa panganib. At sa muling pagdagundong ng kulog, ang ulan ay lalong nagalit. Ang alon na kanyang hatid ay ubod lakas na humampas sa matipuno kong katawan. Ako’y napakapit sa salbabida ng batang paslit, subalit, nasaan na ang batang paslit? Ako’y napalingon sa kinaroroonan nina ama at ina, ako’y natigilan. Bakit hindi ko na sila natatanaw? at ako’y nabigla sa bilis ng pangyayari, na ang bayang sinilangan ay nagmistulang lawa, na tila nabura na sa mapa ng maynila. 

Ngayon, kasing lagkit ng putik ang mga luhang bumabalot sa aking pisngi, katulad ng mga putik na bumabalot sa malamig na bangkay nina ama at ina. At kasabay ng pagtulo ang aking mga luha ang paglaho ng aking mga pangarap. Ang pangarap na kay tagal hinangad, bakit nang makamtam, kay bilis naglaho? 

********* 

Lumipas ang mga araw. Natagpuan ko ang aking sarili na naglalakbay sa maputik na lansangan. Binalot nito ang mga paang walang tiyak na patutunguhan. Sa aking isipan, aking naitanong… Paano ako magsisimula kung wala na ang mga taong naging dahilan ng aking pagsisikap? Bakit kailangang magbuwis ng buhay sina ama at ina? 

Sa aking likuran, ako’y napalingon. Aking natanaw ang batang paslit. Siya ay yumakap sa marumi kong katawan. Ako’y napangiti nang aking matuklasan. Ang batang tinangay ng baha ay ligtas na sa panganib. Ang salbabidang kanyang ibinahagi ang siyang nagligtas sa akin. Salamat sa Poong Maykapal! 

Ako’y napaluha nang magtama ang aming paningin. Ang mata’y nangungusap na sana’y siya ay aking kupkupin. Ang sabi niya, Kuya, ‘wag mo akong pababayaan ha? At aking niyakap ang manipis niyang katawan. 

Sa paglipas ng araw, kalungkutan ay nanaig sa aking pagkatao. Ang pagkawala ng mga ari-ariang kay tagal ipinundar ay aking dinibdib. Ako’y niyakap ng batang paslit. At ang sabi niya, Hindi pa huli ang lahat. 

Siya ay kumawala sa aking bisig, at kanyang itinuro ang salbabidang nasa di-kalayuan. Ang salbabidang nagligtas sa akin sa pagtaas ng tubig baha. At muling binalot ng katanungan ang aking isipan. Paano siya nakaligtas nang wala ang salbabida? Sa aking paglingon ang bata ay tumakbo, tila isang ibong malayang lumilipad. 

Sa aking paglalakad patungo sa salbabida, aking natanaw ang isang bangkay ng isang nilalang. Ako’y kinilabutan nang aking makilala ang marumi nitong kasuotan, at sa aking pagtingala, aking natanaw ang batang paslit. Kumakaway ito sa akin, at sa isang iglap tila buhanging itinangay ng hangin sa kalawakan. Salamat kina ama at ina, sa anghel na kanilang ipinadala. At doon ko natuklasan na si Haring Araw ay sumikat na pala. 

Babangon ako! Hindi pa huli ang lahat… babangon ako, at muling haharapin ang hamon ng buhay. 


WAKAS


Salbabida

Sa Panulat ni JonDmur

Isinulat noong 2010



23 comments:

  1. Maganda ang mood ng ending ng post na ito...

    TAMA, Bangon lang...

    At upbeat na ang tugtog... Good!

    ReplyDelete
  2. Naku...na-sad naman ako sa One Day in Your Life ni Michael Jackson... I love MJ...

    ReplyDelete
  3. Kinilabutan ako sa batang paslit.. nakakahabag ang mga pangyayari, sa iyong mga magulang.. gusto kong isipin na ito'y kathang isip mo lamang at hindi ito totoo. Hindi ito riyalidad, ngunit... kung may pinagdadaanan ka tulad ng nararamdaman ko habang binabasa ko ito, tama ang huling mga kataga, may bukas at pag-asa pa BUMANGON KA.

    "Fall seven times, stand up eight!"

    ReplyDelete
  4. ang lungkot ng nangyari..at malungkot lalo kasi nangyari talaga ito, sa mga kababayan natin. ang masaya lang ay hindi sya sumuko, may pag asa pa rin at ito ay kanyang di binalewala. I love this story Jon, full of hope! Good morning!! :)

    ReplyDelete
  5. grabe taas balahibo ko! :)

    madapa man sa buhay patuloy pa rin tayo sa ating buhay.

    ang buhay natin ay hindi nawawalan ngpag-asa :)

    ReplyDelete
  6. Waaah grabe sir Jon. This is story really moved me. Nag goosebumps din ako pramis. Nakakaiyak yung nangyari dun sa bida ng kwento pero diba sa bawat dilim ay may liwanag din, pagkatapos ng unos ay may bahagharing naghihintay, lahat ng pangyayari sa ating buhay ay kalooban ng Diyos hindi upang tayo ay ilugmok kundi para lalo tayong patatagin sa bawat hamon ng buhay. Yeah, habang may buhay may pag-asa. Kapit lang lagi sa kanya. Wag bibitiw.

    *sniff*

    ReplyDelete
  7. wow another good short story ehehehe... COngrats jon :)

    ReplyDelete
  8. Patuloy lang...kahit anumang bagyo o baha o pag-subok ay makakaraos din. Harapin ang mga hamon ng buhay- yan ang the best na gawin : )

    ReplyDelete
  9. Kinilabutan ako dito. Tumindig ang mga dapat tumindig sa akin. Marahil ay naging totoo ito sa panahon ngayon, kung saan may mga kababayan tayong binagyo.

    ReplyDelete
  10. goosebumps ganda ng pagkakasulat as expected of you parekoy
    job well done
    ganda ng ending kahit devastated my pag asa pa din
    ganyan ang pinoy

    ReplyDelete
  11. Nalala ko tuloy ang mga nasalanta ng tsunami dito at ang mga kuwentong aking narinig. Hindi nga huli ang lahat, dahil laging may pag-asa anu pa man ang mangyari. Maraming anghel sa ating buhay kung bukas lamang ang ating mga mata at pag-iisip.

    ReplyDelete
  12. Nagustuhan ko ang kwentong ito ser! Laging may pag-asa! :D

    ReplyDelete
  13. salamat sa magandang kwento sir Jon ^__^

    ReplyDelete
  14. The lesson " we should never give up no matter what, coz there is always help from above!

    ReplyDelete
  15. Full of hope ang story na ito... Pwedeng ihanay sa kwento ng "The Life of Pi"

    Don't loose hope!

    ReplyDelete
  16. The upbeat mood of the music adds up to the promise of clinging to hope this story brings. As I always say, you inspire me to write a short story or a novel as well. Your chronology of thoughts is awesome. Congratz! and more to blogging.

    Always be inspired in life. God bless you always Jon.

    ReplyDelete
  17. ako nasa process na muling pagbangon!

    ReplyDelete
  18. Ang lungkot... pero ang mahalaga sa lahat may tanda ng pag-asa at paglaban...

    Ang galing mo talaga magsulat Jon..

    ReplyDelete
  19. Nakakalungkot naman nito. Kinilabutan din ako. Mabuti na lamang at hindi sya nawalan ng pag-asa. Sa bawat bahang dumarating sa ating buhay kung mapagod man tayong lumangoy may salbabidang handang sumaklolo sa atin.

    Bangon lang tayo sir Jon :)

    ReplyDelete
  20. Jondmur grabeh namang trahedya to. Pero naiisip ko ang nagyari sa cdo at iligan pati dito sa dumaguete nong bahain kami. Grabeh! Kinilabutan ako don sa batang paslit

    ReplyDelete
  21. Gawa pa kayo ng short story so amzing talaga wala akong masabi..;)

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks sa pagbasa... ^^ sana nga makapagsulat na ulit ako... busy busy kasi minsan...

      Delete
  22. Are You In Financial Crisis And You Need a Loan?? If Yes?? We give out loans to business people and individuals for just 2% interest rate. We give out local and international loans to any body all over the world. We give out loans via account transfer to whatever country you are. contact us via email. (wecaremoney1986@gmail.com) for more details. We Give Out A Minimum Amount Of 3,000.00 to A Maximum of 100,000.000 for any currency round the world.

    ReplyDelete