Maraming dahilan kung bakit maraming
naghihiwalay sa isang relasyon. Lalo na kung nagiging kumplikado ang lahat.
Nagiging malaki kasi ang maliit na issue kaya minsan nauuwi sa pagtatalo.
Minsan akala mo kayo na talaga pero isang
akala lamang ang lahat. Naghiwalay kasi kayo para matapos na ang alitan ninyo
na paulit-ulit lamang. Kaya nga mas mabuti nang matapos ang isang relasyon
kaysa ipagpatuloy pa ito.
Sayang ang ilang taong pinagsamahan kung
mauuwi lamang sa wala. Bakit kailangang tuldukan kung kaya pa namang
pag-usapan? Sabagay, depende kasi iyan sa situation.
Kung gusto mong tumagal ang relasyon n’yo
eh, magbibigay ako ng ilang tips para mapanatili ang sparks ng relationship at
makaiwas sa hiwalayan.
Dapat sincere ka kay Adan. Magbigay ka rin
ng limitations sa pagiging malambing mo. Kung dati nagagawa mong makipagharutan
sa mga besprend mong lalaki dapat ngayon limitado na. Sino ba naman ang
matutuwa kung mas sweet ka pa sa besprend mo? At higit sa lahat kung gusto mong
maging tapat siya sa’yo eh dapat tapat ka rin sa kanya.
Iparamdam mo sa kanya na isa siya sa mga
priorities mo. Huwag mo siyang balewalain kahit sa maliliit na bagay lamang.
Huwag kang makalimot sa mga occasions or anniversaries n’yo. Kahit busy ka sa
trabaho mo dapat naisisingit mo siya para sa isang romantic dinner. Lalo na
kung siya naman ang taya! Nabusog ka na! Nakalibre ka pa!
Habang kinikilala mo siya alamin mo ang
mga interest niya. Mas magiging makulay kasi ang samahan ninyo kung alam ninyo
ang likes and dislikes ng bawat isa.
Ipakita mo sa kanya na proud ka sa kanya.
Wala naman masama kung paminsan-minsan sinasabi mo sa mga kaibigan mo na mahal
mo siya. Huwag mo siyang ikahiya sa harapan ng maraming tao. Kahit umutot pa
siya dapat dedma mo pa rin.
Kapag galit siya dapat lambingin mo. Huwag
kang sasabay sa init ng ulo niya. Lalo lang magkakagulo kung putak ka nang
putak. Lambingin mo para mawala ang galit niya. Kung sa tingin mo malala na ang
problema, kausapin mo siya sa oras na malamig na ang ulo niya.
Maglambing ka! Naniniwala ako na
kailangang may anghang ang isang relasyon. Kaya kung gusto mong tumagal kayo,
aba, maglambing ka naman!
Bawasan ang pagiging selosa kung wala
namang basehan. Minsan kasi sa selos nagmumula ang pagtatalo.
Huwag kang umasta na parang nanay niya.
Kulang na lang paluin mo siya sa puwet para sundin ka niya. Aba, nobya ka lang
niya!
Kung may nagawa kang kasalanan sabihin mo
na agad sa kanya. Mahirap kasi kung siya pa ang makakatuklas. Kung mahal ka
niya mapapatawad ka niya. Yun lang yun!
Kung nagkamali siya. Timbangin mo ang
sitwasyon. Kung kaya mo pang magpatawad bigyan mo pa siya ng isa pang
pagkakataon.
Bawasan ang pag-assume ng negative. Wala
kang mapapala kung puro negative ang naiisip mo. Puro ka hinala kulang na lang
maghinala kang mahal niya ang nagtitinda ng isda sa palengke.
Iparamdam mo sa kanya na mahal na mahal mo
siya. Dapat hindi nawawala ang communications. Kahit malayo kayo dapat updated
kayo sa mga bagay-bagay.
Marami pang paraan para tumagal ang isang
relasyon. As long na nagmamahalan kayo eh, wala kayong masyadong magiging
problema. Ang problema lang kung nagtataksil ang isa. Aba! Kung ikaw lang ang gumagawa ng paraan para tumagal kayo eh,
magising ka na. Hindi pwede ang ganyan! Dapat dalawa kayong gumagawa ng paraan
para tumagal ang relasyon n’yo.
Kung mahal mo pa siya at nararamdaman mong
lumalamig na siya sa’yo. Isipin mo kung ano ang pagkukulang mo. Nawawalan ka ba
ng oras sa kanya? Alamin mo ang dahilan para ayusin mo habang maaga pa. Lahat
naman nadadaan sa mabuting usapan.
Tandaan! Kung nagmamahalan pa kayong
dalawa huwag hayaang masira ang isang relasyon sa maliit na bagay lamang. Baka
naman konting selos lang break na agad. Tandaan mo na ang bawat relasyon ay
pinatitibay ng mga pagsubok.
By Jondmur
No comments:
Post a Comment