Biglang may kumalabog sa loob ng aking kuwarto. Nakaramdam ako ng kaba sa aking dibdib. At dahil sa kuryosidad, tinungo ko ang aking silid. Pagkabukas ko ng pintuan ay tumambad sa akin ang manipis kong pangangatawan: isang malaking salamin ang kumulong sa aking imahe. Pumasok ako sa loob ng aking kuwarto. At halos balutin ng takot ang buo kong pagkatao nang sa aking paglingon, ay isang patay na sanggol ang aking natagpuan. Nangingitim na ang kulay nito na tila ilang oras nang namayapa.
At sa kabila ng takot ay nagawa ko pa ring lapitan ito saka hawakan. Bigla akong napapitlag nang makarinig ako ng iyak ng sanggol. Lumingon ako sa pinagmulan niyon subalit nabigo akong matunton iyon. Ibinalik ko ang aking paningin sa sanggol, at halos mapasigaw ako nang makita kong nakamulat na ito. Nanlilisik ang mga mata nito na parang nasasapian ng isang demonyo.
Tumakbo ako upang tumakas, subalit naka-lock na ang pintuan ng kuwarto. Kinalampag ko iyon hanggang sa mapagod ang aking mga kamay. Hindi ko iyon nabuksan. Huminga ako nang malalim saka nag-ipon ng lakas ng loob upang harapin ang kababalaghang nagaganap sa aking buhay. Kailangan ko ng tapang upang malabanan ang takot sa aking dibdib.
“S-sino ka?” Natigilan ako nang matuklasan kong wala na ang sanggol. Mayamaya, may kumakatok sa pintuan. Pabilis nang mabilis at palakas nang palakas na tila nagbabadya ng panganib.
“Leo, nandyan ka ba?” Nakahinga ako nang maluwag nang makilala ko ang tinig na iyon. Si Yaya Norma, na ilang taon na ring naninilbihan sa aming pamilya. Mula nang mamayapa ang aking mga magulang sa isang aksidente ay siya na ang tumayong nanay at tatay ko.
Binuksan ko ang pintuan. “Yaya, bakit po?” tanong ko sa kanya.
“Sulat para sa’yo. Nakita ko sa labas ng gate.” Ngumiti ito bago iniabot sa akin ang sulat. At mayamaya pa, nagpaalam na itong tumungo sa kusina upang magluto ng aming hapunan.
Kumunot ang aking noo. Kanino galing ang sulat? Bakit walang pangalan? Pinunit ko ang sobre saka binuklat ang papel upang malaman ang nilalaman niyon.
HUMANDA KA SA AKING PAGHIHIGANTI!
Kinilabutan ako sa aking nabasa, at ang takot ay kusang dumapo sa aking dibdib. Ano ang ibig ipahiwatig ng sulat? Kanino galing ito? Muli akong pumasok sa aking silid saka ubod lakas na isinara ang pintuan. At sa aking paglingon tumambad sa akin ang isang imahe ng isang babae. Napasigaw ako sa sobrang pagkasindak. Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Nakalutang ang babae na parang dinadala ng hangin. Wasak ang mukha nito na parang nasabugan ng asido, at duguan ang puting bestidang bumabalot sa naaagnas nitong katawan.
Sumigaw ako subalit nakulong lamang ang aking tinig sa loob ng aking kuwarto - walang nakarinig. Lumaki ang aking mga mata nang makita kong humaba ang mga kamay nito saka biglang sinakal ang aking leeg. Nagpumiglas ako subalit kulang ang aking lakas sa enerhiyang bumabalot sa katawan ng babae.
“M-magbabayad ka!” Nakakakilabot na tinig ang aking narinig na parang nagmula pa sa ilalim ng lupa. Sa isang iglap, hinila niya ako hanggang sa nagkalapat ang aming mga dibdib. At doon nagtama ang aming mga paningin. Pakiramdam ko pumasok ang aking kaluluwa sa kanyang mga mata. Hinihigop ang aking alaala hanggang sa makarating ako sa bakas ng kahapon.
“Huwag maawa ka! Pakawalan n’yo ako,” malakas na sigaw ni Veron habang nakahiga ito sa isang papag. Ang mga kamay niya ay nakagapos habang ang kanyang mga mata ay walang sawang lumuluha.
“H-huwag kang gumalaw,” wika sa kanya ng lalaking manghihilot. At ang mga kamay nito ay malayang pumipisil sa kanyang sinapupunan. Nakaramdam ako ng takot habang isinasagawa ang hilot, subalit natatakot ako sa responsibilidad na gagampanan ko. Kailangang mamatay ang sanggol.
“Maawa kayo sa akin. Maawa kayo sa anak kooooooo.”
Kitang kita ko kung paano umagos ang sariwang dugo mula sa kanyang pagkakababae, at halos maawa ako sa sakit na kanyang nararamdaman. Ang kanyang mukha ay may bahid ng galit - pagkapoot sa ginawa kong kasalanan. Tumulo ang kanyang mga mata habang binibigkas ang isang panalanging hindi ko maunawaan, at mayamaya pa ay isang malakas na sigaw ang kanyang pinakawalan.
"M-magbabayad ka." Ang kanyang boses ay tila nagkaroon ng lakas upang mabasag nito ang salamin sa soob ng bahay-kubo. Ang mga ibon ay nabulabog na parang nakakaramdam ng anumang panganib. Mayamaya pa, nakita ko sa kanyang mga mukha ang labis na panghihina. Pagod na pagod na parang naubusan na siya ng lakas.
Ilang minuto ang nakalipas ay namatay na rin si Veron. Natakot ako sa aking ginawa at kinabahan sa maaaring mangyari. Hindi maaari, wika ko sa aking sarili. Kinausap ko si Ka Domeng, inutusan ko siyang buhusan ng asido ang mukha ni Veron. Ilang minuto ang nakalipas, itinapon namin ang kanyang bangkay sa ilog.
Habol ang paghinga nang makawala ako sa mga kamay na sumasakal sa akin. Muli akong napatingin sa babae. At halos mapaiyak ako nang manumbalik ang dating ganda nito - si Veron habang kalong nito ang isang sanggol.
“Minahal kita. Mahal ka namin ng anak mo. Bakit mo kami pinatay?”
“Hindi ko kayo pinatay! Aksidente lamang ang lahat.” Sa sinabi ko ay biglang napasigaw ang multo ni Veron. Muli kong naramdaman ang matulis niyang kuko na muling sumasakal sa akin.
“H-hayop ka! Pagbabayaran mo ang lahat ng itoooooo.” Humampas ang manipis kong katawan sa pader ng kuwarto sa ginawa niyang paghagis sa akin. Nasaklot ko ang aking ulo sa sobrang sakit nang pagkakauntog ko. Tumama ang aking tuhod sa matigas na semento hanggang sa mapahiga na ako.
Narinig kong muli ang iyak ng sanggol. Ang iyak nito ang siyang nagpalambot sa aking puso. Pakiramdam ko ginamot nito ang aking puso. Naalala ko ang tamis ng pag-ibig ko kay Veron, subalit naglaho ito nang magbunga ang aming pagmamahalan dahil natakot ako sa aking responsibilidad.
“Anak, patawarin mo ako.” Tumulo ang aking mga luha. At ilang saglit pa, tumayo ako saka hinarap ang nakalutang na katawan ni Veron.
“Patawarin mo ako.” Lumuhod ako saka nagsambit ng dasal. Sa langit inihingi ko ng kapatawaran ang aking nagawa. Nagsisisi sa kasalanang tinakasan ko. Nakaramdam ako nang malamig na hangin na humampas sa aking mukha. Iminulat ko ang aking mga mata: wala na ang multo ni Veron.
Ako si Leo, 30 years old. Umamin sa aking kasalanan. Nakulong ako sa salang pagpatay sa aking mag-ina. Tumulo ang aking mga luha. “Veron, balang araw magkikita tayo, at doon sa kabilang buhay gagampanan ko ang pagiging ama ko sa ating anak. Huwag kang mag-alala mamahalin ko kayo ngayon hanggang sa buhay na walang hanggan. Patawad mahal ko.”
______________________
Malakas na palakpakan ang aking narinig. Ang mga kapwa ko bilanggo ay hindi makapaniwala sa kababalaghang aking naranasan. Sa loob ng bilangguan, aking natutunan na ang babae ay dapat minamahal, ang anak ay dapat panagutan, at ang abortion ay isang kasalanang dapat pagbayaran.
WAKAS
Panulat ni jondmur
No comments:
Post a Comment