Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

Nothing's Gonna Change - Chapter 2

"Joe, huminahon ka! Naging tapat lamang si Marisa sa kanyang damdamin. Kung nasaktan ka, nasaktan din siya sa mga pangyayari." Sa kanyang itinugon ay tila nakahinga nang maluwag ang binata. Tumingin ito sa kanya na tila nangungusap ang mga matang nagmamahal.

Nothing's Gonna Change
Sa Panulat ni JonDmur

Chapter 2

ILANG taon na ang nakakaraan nang balutin ng sigla ang kabukiran. Ilang taon na nang huli niyang makitang masayang nagtatakbuhan ang dalawang lalaking naging bahagi ng kanyang buhay. Lumanghap si Lola Loring ng hangin. Nandoon pa rin ang sariwang hangin na madalas niyang nalalanghap noon. Ang puno ng mangga ay matatag pa ring nakatayo sa di-kalayuan. At ang mga ibon ay masayang nag-aawitan na tila nasasabik sa kanyang muling pagbabalik.

            Bigla siyang napasigaw nang tangayin ng hangin ang lumang larawang nakaipit sa kanyang bestida. “A-ang larawan.” Mahina man ang mga tuhod ay sinubukan niya iyong habulin subalit nabigo siya. Tinangay iyon sa ibabang bahagi ng bukid na kahit mababa lamang kung tatalunin ay hindi niya magawa. Ang kabang nararamdaman ay napalitan ng saya nang may lumabas na anino mula sa likuran ng puno ng mangga at agad itong lumapit sa kanya, saka iniabot ang napulot na larawan.

            “S-salamat, salamat! Alam mo ba na mahalaga sa akin ang larawang ito,” maluha-luhang wika niya sa `di pa nakikilalang binata.

            “Ako po pala si Joe. Lola, kayo lang po ba?” Itinuro niya ang kanyang sasakyan mula sa di-kalayuan na binabantayan ng isang matabang lalaki. “Oo nga po pala, kayo po ba ang babae sa larawan?” Sa sinabi nito ay nagkaroon siya ng lakas ng loob upang kilalanin ito. Niyaya niya itong maupo sa ilalim ng puno ng mangga.

            “Ako, si Alexander naman ang nakaakbay sa akin. At ang niyayakap ko ay si Alex.”

            “Ow! Pareho pong Alex ang pangalan nila.” Napangiti siya sa itinugon nito na tila nasasabik sa kanyang kuwento.

            “Oo, kaya nga minsan nagkakamali ako. Kasi naman minsan, Alex din ang tawag ko kay Alexander.” Sabay silang napangiti ng binata. “Joe, bakit ka pala nandito? Ano’ng ginagawa mo? Kanina ka pa ba?” litanyang usisa niya sa binatang tila nalungkot sa kanyang katanungan.

            Huminga ito nang malalim, saka isinandal ang likod sa puno ng mangga. “May hinihintay po ako, si Marisa. Magtatanan na sana kami kaso hindi niya ako sinipot sa lugar na ito. Sabi niya sa sulat, hindi niya ako mahal.” Tumulo ang mga luha ni Joe sa kanyang balikat na tila isang batang napagalitan ng ina. “Kung hindi niya ako mahal, sino ang mahal niya?” Sa itinanong ng binata ay tila bumalik ang alaala niya sa nakaraan. At ang kabiguan nito ay tumatak sa kanyang isipan. Ganito rin ba ang naramdaman ni Alexander nang binigo niya ito sa pag-ibig?

            MASAKIT na salita ang narinig ni Alexander mula sa bibig ni Lorilie. Mga katagang tumatak sa kanyang isipan. “Hindi ikaw ang mahal ko,” mga salitang binitiwan ng dalaga. Napasuntok siya sa puno ng mangga, dahilan para dumugo ang kanyang kanang kamao.
            “Sino ang mahal mo?” Alam na niya ang kasagutan subalit gusto niyang tiyakin ang isang hinala. Isang hinalang matagal na niyang nilalabanan. Makakaya kaya niyang tanggapin ang isang malaking katotohanan?
            “Si Alex, si Alex ang mahal ko.”

            NAGULAT si Lola Loring nang biglang pinagsusuntok ni Joe ang puno ng mangga. Dumugo ang kamao nito subalit hindi nito ininda ang sakit. “Alam niyo po, parang ang dali para sa kanya na sabihing hindi niya ako mahal.” Niyakap ni Lola Loring si Joe para maibsan ang sakit na nararamdaman.

            “Joe, huminahon ka. Naging tapat lamang si Marisa sa kanyang damdamin. Kung nasaktan ka, nasaktan din siya sa mga pangyayari.” Sa kanyang itinugon ay tila nakahinga nang maluwag ang binata. Tumingin ito sa kanya na tila nangungusap ang mga matang nagmamahal.

            “Nasaktan din po ba kayo nang biguin niyo si Alexander?”

           “Oo, dahil alam kong mahal niya ako. Subalit kung tatanggapin ko ang kanyang pag-ibig ay para ko na ring niloko ang aking sarili.” Pinunasan niya ang mga luhang namumuo sa kanyang mga mata. “Kung mahal ka niya, babalik siya para sa `yo. At kung mabigo ka sa kanyang pagbabalik, isa lang ang masasabi ko, palayain mo na siya.”

            Natahimik lamang ang binata sa kanyang isinagot. Mayamaya ay sumandig ito sa puno ng mangga.
            “Lola, ano pong nangyari nang biguin niyo si Alexander?” Pinunasan nito ang mga luha sa pisngi. “Minahal po ba kayo ni Alex?” Natahimik siya sa tanong ng binata. “Aba! Sa ganda ninyo malamang mamahalin kayo ni Alex.”

            MAGANDA ang mga bulaklak sa paligid. Ang mga paruparo ay tila nabibighani sa dalagang namimitas ng bulaklak. Napalingon si Lorilie nang makarinig ng ungol ng kalabaw na tila nasasabik na masilayan ang kanyang kagandahan. Napatalon ang puso niya nang matuklasang si Alex ang sakay ng kalabaw, subalit ang saya ay napalitan agad ng pangamba nang mapansing tila binagsakan ng lupa ang mukha ng binata.

            “Bakit mo naman sinaktan si Alexander? Mahal na mahal ka niya. Akala ko ba may pag-asa siya sa `yo? L-lorilie, bigyan mo pa siya ng pagkakataon,” lintanyang wika nito habang nakaharap sa kanya.

            Napaluha siya sa hindi sinasadyang pagkakataon. Paano niya sasabihin sa lalaki ang tunay niyang damdamin? Tumalikod siya sa binata upang ikubli ang namumuong luha sa kanyang mga mata.

            “Mahal ka niya. Alam mo, mga bata pa tayo ikaw na ang gusto niya. Ano ba ang ayaw mo sa kaibigan ko? Ano ba ang problema?”

            “I-ikaw!” Ang lakas ng loob ay napagtagumpayan niya. Buong tapang na hinarap niya ang binata. “Ilang taon… ilang taon akong naghintay… hindi ko na kaya.” Akma na siyang tatalikod nang pinigilan siya nito.

            “Lorilie, ano ba’ng problema?” matigas na tanong sa kanya ng binata. Bahagya niyang pinahiran ang kanyang mga luha, saka hinarap niya ang lalaki. “Bakit hindi mo nararamdaman? Bakit hindi mo nakikita? Bakit hindi na lang ikaw? Sana ikaw na lang… s-sana ikaw na lang ang nagmahal.” Tila binuhusan ng malamig na tubig ang binata sa kanyang itinugon. Pumalag siya hanggang sa tuluyan na siyang nakawala sa makapit nitong pagkakahawak. Patakbo na niyang tinungo ang bahay-kubo at naiwan ang binata na tila naghahanap pa ng pagkakataon para makabawi sa natuklasan.

            Isinara niya ang pintuan, saka tinungo ang kanyang silid. Niyakap niya ang malambot na unan, saka umiyak nang umiyak. Nang makabawi ay agad siyang tumayo upang silipin ang binata subalit nabigo siya sa kanyang inaasahan – utting nasa labas ang binata at naghihintay sa kanya. Sa kabiguan ay naalala niya ang larawan nilang tatlo na nakasabit sa kawayang pintuan. Kinuha niya iyon mula sa pagkakasabit. “Sana, ikaw na lang,” tanging nasambit niya habang tinititigan ang imahe ni Alex sa larawan. Sa kanyang isipan ay sana nakakasandig siya sa malapad na balikat ng binata. At doon niya ibubuhos ang lahat ng hinanakit niya sa buhay.

            NAPATAKAN ng luha ang lumang larawan. Nakaramdam ng awa si Joe sa matanda. Niyakap niya ito, saka isinandal sa kanyang balikat. Matutulad kaya siya sa matanda? Hanggang kailan siya maghihintay? Mahal niya si Marisa at umaasa siya sa pagbabalik nito. Nararamdaman niya na babalik ang dalaga para ipagpatuloy ang kanilang nasimulan. Naniniwala siya na babalik ito sa kanya. Malakas ang kanyang pakiramdam na matatagpuan din niya kung nasaan si Marisa.

            Tumingala sa kanya si Lola Loring hanggang sa magtama ang kanilang mga mata. Hinawakan siya nito sa kanang kamay, saka hinuli ang kanyang mga mata.          “Nakikiusap ako, hanapin mo siya,” ang pagsusumamo nito sa kanya. Nangako siya sa kanyang sarili na hahanapin niya si Alex Madrigo. Tutulungan niya si Lola Loring na matagpuan ang lalaking matagal nang hinihintay. Katulad ng paghahanap niya kay Marisa na umabot na sa kalagitnaan ng Maynila hanggang sa mapudpod na ang kanyang sapatos at maubos ang laman ng bulsa.

            Hinanap niya si Alex Madrigo. Sa panawagan sa utti siya nagsimula hanggang sa pagtatanong sa bawat taong kanyang makakasalubong, subalit walang magandang resulta ang kanyang paghahanap. Pinatay na niya ang utti sa dahilang humihina na ang baterya nito.

           Palubog na ang araw. Minabuti niyang dumaan ng bukid at nagbabakasakaling bumalik si Marisa. Katulad ni Lola Loring na matiyagang naghihintay at umaasang balang-araw ay mapadpad doon ang lalaking iniibig. Paano kung minsan nang pumunta roon ang lalaki at hindi lang nagkatagpo ang mga ito? Nalaman niyang mahigit tatlong taon ding hindi nakapunta ang babae sa dahilang nagkasakit daw ito. Sana muli pang magkita ang dalawa.

         Pinagmasdan niya ang paligid. Maganda at napapaligiran ng mga mabeberdeng kulay ang kapaligiran. Hinihintay niya si Lola Loring subalit tuluyan nang lumubog ang araw ay walang aninong dumarating. Aalis utting siya nang may biglang tumawag sa kanyang pangalan. Natigilan siya at pansamantalang natahimik. Hindi siya makapaniwala. Si Marisa ay nasa di-kalayuan. Kumakaway at nakatingin sa kanya ang mga matang puno ng pananabik.


            “M-Marisa?”

1 comment: