"ANAK, imulat mo na ang iyong mga mata." Kabado si Josefa habang iminumulat niya ang kanyang mga mata. Sampung taon na ang nagdaan mula nang mabulag siya sa isang aksidente, at ngayon isang operasyon ang isinagawa upang manumbalik ang kanyang mga paningin.
Sumilay ang liwanag nang maimulat niya ang kanyang mga mata. Subalit, malabo ang mga imahe na kanyang nasisilayan na tila replika sa isang basang salamin - hindi niya maaninag ang mukha ng kanyang ina. Muli siyang napapikit, at sa kanyang muling pagmulat ay unti-unting nagkakaroon ng linaw ang kanyang mga paningin hanggang sa mabuo ang mga imaheng kanyang pilit na inaaninag.
"Nay, nakakakita na po ako!" Puno ng galak ang kanyang tinig. Niyakap niya ang kanyang ina. At sa kanyang palingon ay halos manindig ang kanyang mga balahibo nang mahagip ng kanyang paningin ang isang bangkay ng babae. Awtomatikong kumabog ang kanyang dibdib. Bakit may bangkay sa loob ng ospital? Kamamatay lamang ba nito? Napako ang kanyang mga mata sa mukha nito. Mayamaya, nasaksihan niya ang pagmulat ng mga mata nito. Napapitlag siya, dahilan para kumalas ang inang mahigpit na yumayakap sa kanya.
“Anak b-bakit? May bahid ng pag-alala sa mukha ng kanyang ina. Natulala siya subalit panandalian lamang iyon. At nang muling lumipad ang kanyang paningin ay wala na ang bangkay ng babae.
“Nay, kanino po galing ang aking mga mata?”
“Patay na siya anak.” Nakaramdam siya ng takot na tila kinukutuban siya sa kanyang sarili. Bakit nakakaramdam siya nang takot. Pakiramdam niya, ibang tao pa rin ang nagmamay-ari sa kanyang mga mata. Diyos ko! Ano po itong nararamdaman ko?
Tumayo siya saka inihanda ang sarili sa bagong buhay na kanyang haharapin. Nais niyang makita ang mga bagay na matagal na niyang nais na masilayan; ang bahay nila na kahit niluma na nang panahon ay itinuturing na niyang kayamanan, ang mga kaibigan na dumamay sa kanyang kapansanan, at higit sa lahat ang makita ang sarili sa harap ng salamin.
SA SALAMIN, natanaw niya ang maamo niyang mukha; maganda at balingkinitan ang kanyang katawan. Ngumiti siya saka hinawi ng mga daliri niya ang mahaba niyang buhok. Maganda nga ako! aniya sa kanyang sarili. Umikot siya upang pagmasdan ang hubog ng kanyang katawan. At sa ginawa niyang pag-ikot ay tila nakaramdam siya nang pagkahilo. Muli siyang napaharap sa salamin. Duguan at luwa ang kanang mata niya. Halos balutin ng sindak ang buo niyang pagkatao. Sumigaw siya nang sumigaw hanggang sa matagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na humahagulgol sa balikat ng kanyang ina.
“Ang mga mata ko. Ang mga mata ko,” malakas niyang sigaw.
“Anak, huminahon ka! A-ano bang nangyayari sa’yo?” natigilan siya. Kinapa niya ang kanyang mga mata saka humarap sa salamin. Imahinasyon lamang ba ang lahat?
“Nay, lumuwa kanina ang mga mata ko. Ang daming dugo.”
“Ha? Anak, imahinasyon mo lamang ang lahat. Baka naaalala mo lamang ang operasyon mo kung saan inilipat sa’yo ang mga mata mo.” Nakahinga siya nang maluwag sa sinabi ng kanyang ina. Gustuhin man niyang paniwalaan ang kanyang nakita ay natalo na siya ng takot sa dibdib.
MALAMIG ang gabi. Malakas ang ihip ng hangin na sinabayan ng mga malalakas na pagkulog ng kalangitan. Kinakabahan si Aling Marta sa bawat pagkulog na tila may gustong ipahiwatig sa kanya. Natatakot siya na tila may tinatakasang delubyo. Biglang nagbukas ang bintana ng bahay na siyang nagpapasok sa malamig na hampas ng hangin.
Lumapit siya upang isara ang bintana nang may biglang pumigil sa kanyang mga kamay. “Ahhhh! S-sino ka?” Nakahinga siya nang maluwag nang makilala ang matandang lalaking nakatayo sa labas ng bintana. “Ka Lando, ginulat n’yo ako ah! Aba! Basang basa kayo ng ulan.” Pinapasok niya ang matandang lalaki saka pinaupo sa kawayang upuan. Mayamaya, tinimplahan niya ito nang mainit na kape.
“Natatakot ako Marta.”
“N-natatakot?”
“Para ko na kayong pamilya. Alam kong mapanganib ang ginawa mo. Nakita ko ang lahat Marta. Nakita ko sa aking mga panaginip.” Namula ang kanyang mukha. Ang takot sa kanyang dibdib ay hindi maikukubli ng kanyang mukha – gumugit ang sindak sa kanyang pagkatao.
“Hindi ko kayo maunawaan. Umalis na po kayo.” Tumalikod siya saka kinuha ang payong na nakasabit sa likod ng pintuan. Agad niyang binuksan ang pinto saka pinalabas ang matandang lalaki.
“Makinig ka Marta. Ang lahat ng kinuha ay may kapalit.” Ang tinig nito ay sumabay sa malakas na kulog ng kalangitan. Nakatingin ito sa kanya na tila sinusuri ang kanyang kaluluwa. Isinara niya ang pintuan nang makalabas ang lalaki. Diyos ko! aniya sa kanyang sarili habang saklot niya ang kanyang dibdib. At nang makabawi, agad niyang sinilip ang kanyang anak na mahimbing nang natutulog. Nilapitan niya ito saka masuyong hinagkan. Mahal na mahal kita anak, bulong niya rito.
DALAWANG araw na ang lumipas. Malaya nang nakakalabas ng bahay si Josefa. Kagagaling lamang niya sa bahay ng mga kaibigan nang madaanan niya ang isang lamay ng patay. Binalot ng kuryosidad ang utak niya kaya nakipagsiksikan siya sa mga nakikiramay. Dahan dahan siyang lumapit sa kabaong. Halos mapasigaw siya subalit agad niyang natutop ang kanyang bibig. Walang mga mata ang babaeng nakahimlay sa kabaong. Mayamaya pa, nakarinig siya nang paghikbi subalit di niya mawari kung saan iyon nagmumula.
“Ang bait ni Ela, alam n’yo ba na ang hiling niya ay i-donate ang kanyang mga mata kung sakaling mamatay siya.” Napalingon siya sa pinagmulan ng tinig. Dalawang babae ang nag-uusap. “At dahil sa hiling niya, may natulungan siya.” Muling lumipad ang kanyang tingin sa kabaong, at halos mapapitlag siya nang matuklasang wala na ang bangkay sa kabaong. Tumalikod siya, at sa kanyang paghakbang ay nahagip ng kanyang paningin ang multo ng babae.
“Ahhhhhhhh!” Napasigaw siya na siyang ikinagulat ng mga taong nakikiramay. Lahat nakatingin sa kanya. Biglang nagbara ang kanyang lalamunan. Humakbang siya, at nang makabawi ay agad niyang nilisan ang lamay ng patay.
HABOL ang paghinga nang makauwi siya ng bahay. “Anak, dapat nagpapahinga ka pa. Baka mabinat ka. Alalahanin mo kakaopera mo pa lamang,” lintanya ng kanyang ina na nagsasampay ng labada. Hindi na siya nakasagot pa. Agad siyang pumasok sa bahay saka nahiga sa papag. Natatakot siya sa kanyang nasaksihan. Anong kababalaghan ang kanyang nararanasan?
Tumayo siya saka humarap sa salamin. Pinagmasdan niya ang kanyang mga mata na tila gusto nang magpakawala ng mga luha. Sino ang unang nagmamay-ari sa kanyang mga mata? Ilang saglit pa, nakaramdam siya nang pagkahilo. Bumalik siya sa kama saka nahiga. Mayamaya, nakaramdam siya nang kakaiba sa paligid. Bakit tila inililipad siya sa ulap? Ipinikit niya ang kanyang mga mata hanggang sa magdilim ang kanyang paningin.
NAKARAMDAM ng kaba si Aling Marta. Biglang dumilim ang langit na kanina lamang ay nagliliyab sa sobrang init. Pumasok siya sa loob ng bahay. Bakit tila wala siyang naririnig? Bakit parang mabigat ang kanyang mga hakbang. Sumilip siya sa siwang ng pintuan upang tingnan ang anak na dalaga. Halos manindig ang kanyang mga balahibo nang matuklasang duguan ang mga mata ni Josefa. Agad siyang pumasok saka ginising ang natutulog na anak. Niyugyog niya ito subalit nananatiling walang malay ang dalaga.
“Josefa, gumising ka!” Biglang nagdilim ang buong paligid. Wala siyang maaninag na kahit anong liwanag. Mahigpit niyang niyakap ang kanyang anak. Mayamaya pa, nagkaroon ng liwanag na nagmula sa lingas ng kandila. Umihip ang hangin subalit nananatiling buhay ang kandila. Ang usok na nagmumula rito ay tila nagkakahugis ng isang imahe ng demonyo. Inilipad niya ang kanyang paningin sa anak, at halos mapasigaw siya nang matuklasang hindi na si Josefa ang kayakap niya. Isang babaeng naaagnas at bulag ang mga mata. Pumiglas siya sa pagkakayakap nito subalit tila napako na ang mga kamay nito sa kanyang katawan.
Sumigaw siya nang sumigaw hanggang sa mapaos ang kanyang tinig. Mayamaya, nakita niya ang kanyang anak na nakalutang sa hangin. “Maawa ka! Huwag mong idamay ang aking anak.”
“Maawa?” Isang tinig ang kanyang narinig na tila nanggaling pa sa hukay. Nakahinga siya nang maluwag nang matuklasang nakalaya na siya sa pagkakayakap ng babae. Nakatayo na ito sa kanyang harapan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. At sa kanyang pagmulat ay nag iba ang lugar na kanyang kinaroroonan. Isang lugar na minsan na niyang pinanggalingan – ang ospital ng bayan, kung saan nakuha niya ang mga mata ng kanyang anak.
“Nurse! Nurse! Ang babae nahulog sa hagdan,” malakas niyang sigaw.
Biglang nagdilim ang paligid at sa muling pagsilay ng liwanag ay bumalik sa dati ang lahat. Nakalutang ang kanyang anak sa hangin habang nakatayo sa kanyang harapan ang multo ng babae.
“Patawarin mo ako. Kailangan namin ng eye donor para muling makakita ang anak ko. Nang mamatay ka, nakiusap ako sa iyong mga magulang na ibigay nila ang iyong mga mata.”
“Sinungaling!”Kasabay ng sigaw nito ang pagkulog ng kalangitan. Humampas ang hangin sa manipis niyang katawan na siyang ikinatumba niya.
Napapikit siya. At doon nakita niya ang pagtulak niya sa babae hanggang sa mahulog ito sa hagdanan. Diyos ko! Patawarin n’yo po ako!
“Nay, kapag namatay po ako i-donate n’yo po ang aking mga mata ha.”
“Ela, ‘wag ka ngang magsabi ng ganyan. Hindi ka puwedeng mamatay.”
“Basta! Gusto ko po kung sakali mang kunin ako ni Lord, gusto ko po maging buhay ang aking mga mata.”
“O, sige! Teka! Dadaan muna ako sa drug store. Mauna ka na sa parking area.”
Muli siyang napamulat. At sa tulong ng salaming nakatapat sa kanya ay muli niyang nasaksihan ang pagtulak niya sa dalaga.
“Ang babae, ang babae nahulog sa hagdan,” malakas niyang sigaw upang ikubli ang kasalanang nagawa.
Ilang araw na ang nakakalipas buhat nang marinig niya ang usapan ng mag-ina. Ilang araw na rin siyang binabagabag ng kanyang konsensya. Pinatay niya ang babae upang makuha ang mga mata nito.
Yumanig ang buong paligid. Pakiramdam niya mahahati ang lupa sa lakas ng pagyanig. Tumingala siya, at doon nakita niya ang anak na dalaga na nakalutang sa hangin. “Maawa ka! Ako na lang ang pahirapan mo.” Lumuhod siya saka tumingala sa langit. “Diyos ko! Handa po akong magbayad sa kasalanang nagawa ko. iligtas n’yo lamang po ang aking anak.”
Tumigil ang pagyanig nang paligid. Bumalik na ang lahat sa dati; maayos na ang mga kagamitan ng bahay na kanina lamang ay nakakalat na, wala na ang multo ni Ela, at wala na rin ang mga mata ng kanyang anak. Niyakap niya si Josefa na mahimbing na natutulog na tila walang naramdamang panganib. Tumingala siya sa langit. “Salamat! Buhay ang aking anak.”
Makalipas ng ilang taon:
BINALOT ng tuwa ang mukha ni Josefa nang masilayan ang ina. Hinagkan niya ito saka mahigpit na niyakap. Ramdam niya ang pagkasabik sa mga yakap nito.
“Nay, marami po akong pasalubong sa inyo.” Inilabas niya ang mga pagkain na pasalubong niya sa inang nakabilanggo, isang inang nagkasala ng dahil sa kanya, at isang ina na nagbigay sa kanya ng pangalawang pagkakataon para muling makakita.
“Anak, di man kita nakikita. Nararamdaman ko ang iyong pagmamahal. Salamat anak ko. Maraming salamat sa iyong pagmamahal.”
“Nay, ako po ang dapat na magpasalamat sa inyo.” Muli niyang niyakap ang kanyang ina habang ang mga luha sa kanyang mga mata ay tuluyan nang nagparaya.
WAKAS
Sa Panulat ni JonDmur
No comments:
Post a Comment