DUMAGUNDONG ang malakas na kulog kasabay ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Tila galit na ipinaghahampas ng hangin ang bintana ng aking kuwarto hanggang sa magsara't bukas iyon. Nasaklot ko ang aking dibdib nang masilayan ko ang reflection ng isang demonyo sa salamin ng bintana. Ipinikit ko ang aking mga mata, at sa aking pagmulat ay wala na ito. Inisip ko na lamang na isang imahinasyon ang lahat.
Humugot ako ng isang malalim na hininga. At sa aking paglingon ay nagimbal ako sa aking nakita. Isang demonyo ang nakaupo sa aking kama habang ipinagpapatuloy nito ang nobelang isinusulat ko. Maya-maya ay humarap ito sa akin. Sumigaw ako ngunit walang boses na lumabas mula sa aking bibig. Humalakhak ito nang humalakhak. At kasunod niyon ang muling pagdagundong ng kulog. Ilang sandali pa ay nasa harapan ko na siya. Hinatak nito ang aking kanang kamay. At parang pinilipit ang buo kong katawan nang biglang itinarak nito sa aking palad ang matulis na panulat. Napaiyak ako sa sobrang sakit, at halos mapasigaw ako habang pinagmamasdan ang duguan kong kamay. Ilang segundo pa ay iniamba nito sa aking kanang mata ang hawak na panulat.
"H-huwag!" piping usal ko na sumabay sa tila angil ng mababangis na hayop. Namilipit ako sa matinding sakit habang binubunot ang panulat na bumaon sa aking kanang mata.
"Hindeeeeeeee!"
AKO si Onath, isang simpleng taong nangarap na maging isang manunulat, ngunit ang pangarap na iyon ay mailap sa isang taong tulad ko. Ako ay ipinanganak na mahina ang utak. Sa school, lagi na lang akong tampulan ng tukso. Sabi nila isa akong bobo na walang karapatang maging isang manunulat.
Taong 2004, Fourth year highschool ako nang sinubukan kong magpadala ng isang kuwento sa school publication namin. Akala ko ito na ang simula ng pangarap ko, subalit nagkamali ako. Ito pa ang naging simula ng panlalait sa aking kahinaan.
"Ang lakas ng loob magsulat. Eh, hindi naman tama ang mga grammar," malakas na wika ng mga kaklase ko. Kinuha nito ang manuscript na hawak ko at biglang pinunit sa aking harapan. "Ang pangit ng kuwento mo."
Habang pinupulot ko ang pira-pirasong papel, isinumpa ko sa aking sarili na magiging isang magaling na manunulat ako.
Sa taong 2008, naabot ko ang aking pangarap. Isa na akong magaling na manunulat. At nitong huli, naging abala ako sa pagsusulat ng isang bagong nobela. Isang kuwentong magbibigay ng ginintuang aral. At ito ay tatawagin ko sa titulong "Ang Libro ni Kristo."
Kanina, nabitiwan ko ang panulat habang nagsusulat. Nasaklot ko ang aking dibdib nang matuklasan kong naging kulay pula ang tinta nito. Pinagmasdan ko ito at halos tinambol ang aking dibdib nang matiyak kong dugo ang umaagos mula rito. Napatayo ako sa kamang kinauupuan ko. At kung may anong bagay na humihila sa akin para damputin ang panulat na nabitawan ko. Nanginginig ang aking mga kamay na tila nagkaroon ito ng sariling pag-iisip para damputin iyon.
"H-hindi ka magtatagumpay! Ayaw ko nang magsulat ng mga kuwentong likha ng isang demonyo," sigaw ko saka iniamba ko pataas ang aking mga kamay para itapon iyon, ngunit naiwan sa ere ang aking mga kamay. Nang tumingala ako, nakita ko ang imahe ng isang demonyo. Hawak niya ang aking mga kamay. Maya-maya pa ay ibinuka nito ang kanyang bibig at lumabas ang dila nito na tila ahas na pumulupot sa aking leeg.
"Hindi ka puwedeng tumigil," anang makapanindig-balahibong boses.
Taong 2007, nakilala ako bilang isang erotic writer. Ang mga kuwento ko ang nagmumulat sa kaisipan ng mga kabataan na mamulat sa romansa. Sumikat ako dahil naging laman ng pahayagan ang aking libro. Marami raw ang nalilibugan kaya marami ang nakakagawa ng krimen. Buwan ng Marso, isang dalagita ang ginahasa at pinatay ng isang lalaki. Nasundan pa ang ganitong pangyayari. At halos lahat ng biktima ay may hawak na libro, ang librong isinulat ko. Ayon sa mga nakakabasa pawang makatotohanan ang mga nilalaman ng libro ko. Nakakadala ng init ng laman. At dahil dito nabansagan akong best erotic writer, at naging best seller ang aking libro.
Taong 2006, Ilang akda ko ang nabasura at nakatikim ng mga panlalait. Isa lang ang sinasabi nila. Hindi ako puwedeng maging isang manunulat. Ang salitang kanilang binitiwan ay bumaon sa aking isipan. Lahat nang iyon ay tiniis ko hanggang sa mabalitaan ko ang tungkol sa panulat ng demonyo. Ayon sa mga matatanda mahiwaga ang panulat, at matatagpuan ito sa pinakadulong bahagi ng kagubatan. Pupuntahan ko ito, sabi ng aking isipan.
PASUKAL nang pasukal na ang tinatahak kong gubat. Walang takot kong nilusob ang masukal na kagubatan. Hindi hadlang ang matatalim at matatalas na talahib. At ang buwan ang nagsilbing ilaw ko. Nilabanan ko ang takot, at umaasa na mapapasakamay ko ang panulat ng demonyo. Gagawin ko ang lahat maabot ko lang ang aking mga pangarap.
Pagkaraan ng may kulang-kulang isang oras ay tumigil ako. At mula sa di-kalayuan ay natanaw ko ang isang kuweba. Nang makalapit ako ay agad nang lumabas ang isang balbas saradong lalaki. Kinausap ako nito. At doon ko napatunayan na totoo nga ang panulat ng demonyo. Iniabot nito sa akin ang isang kakaibang panulat na sa tingin ko ay gawa mula sa sungay ng usa . Ang sabi niya ito raw ang magbibigay sa akin ng suwerte sa propesyong aking pinili. Ang tanong ko ano kaya ang kapalit? Ang tugon niya, balang araw malalaman ko rin.
Isang lingo ang nakalipas. Natupad ko ang aking pangarap. Tila nagkaroon ng sariling utak ang aking mga kamay. Isang kuwento ang nalikha ko. At nagimbal ako nang mabasa ko iyon. Isang demonyong gumahasa sa isang batang babae. Akala ko mabibigo akong mailathala ito, ngunit ito ang nagdala sa akin sa tagumpay.
"Wow! Pare ang ganda ng nobela mo. Laki ng improvement mo." Ito ang kadalasang nasasambit nila sa akin.
Buwan ng Marso sa taong 2006, may isang batang babae ang ginahasa sa gitna ng kagubatan. Ayon sa imbestigasyon hinalay ito ng isang binatilyo bago ito pinatay. At dahil sa nangyari ay napag-usapan ang aking libro. Ayon sa kanila, ang init ay kusang dadaloy sa katawan nang sino mang makabasa ng libro. Makatotohahan daw ang mga pangyayari at nakakadala ng emosyon. Malamang nalibugan ang bumasa nito kaya nakagawa ng krimen. At dahil sa mga pangyayari lalong sumikat ang aking libro. Lahat ay nagnanais na magkaroon ng kopya, at lahat ay gustong masaksihan ang misteryo ng libro.
Hating-gabi habang binabasa ko ang libro ay nakakaramdam ako ng kakaiba sa aking sarili. Nadadala ako sa mahahalay na eksena sa kuwento. Ilang segundo pa ang nakalipas ay nanghilakbot ako sa aking nakita. Sa pahina ng libro ay isang imahe ng demonyo ang nabuo. Maya-maya ay tila buhangin na nahawi ng hangin ang imahe. Natigilan ako sa aking ginagawa. At agad na binalutan ng kumot ang hubad kong katawan. Napapitlag ako nang makaharap ako sa salamin, dahil imahe ng demonyo ang nakikita ko. Gumalaw ako. Bakit ang reflection ko sa salamin ay isang demonyo? Ilang sandali pa ay hindi ko napigilan ang aking sarili. Ang mga hakbang ko ay kusang nasunod hanggang sa matagpuan ko ang isang batang babae sa lansangan. Kasabay ng pag-alulong ng aso ang pagdaing ng batang babae.
"De-demonyo, ‘wagggggggggggggg!" Maya-maya ay natigilan ako. Duguan ako, at butil-butil ang pawis ko sa noo. At sa aking paglingon ay nagitla ako sa aking nakita. Isang batang babae ang hubo’t hubad na wala ng buhay. Sa aking pagkabigla. Inihagis ko ang librong hawak ko. Lumipad ito papunta sa katawan ng batang babae.
"A-ako ba ang pumapatay?"
Ilang buwan ang lumipas ay nagpasya akong tumigil sa pagsusulat. Itinago ko ang panulat sa isang lumang baul kasama nito ang pagtago ko sa aking lihim. Kakalimutan ko ang lahat ng nangyari sa aking buhay. Isang lihim na itatago ko habang buhay.
Nagkaroon ako ng pangamba na baka maputol na ang pangarap kong maging isang manunulat. Subalit, nagsikap ako para matuto. At gumamit ng ibang panulat na nabili ko sa isang boutique. Nahirapan ako. Pakiramdam ko hindi ko makuha ang tamang teknikalidad ng pagsusulat. Hindi ako nawalan ng pag-asa hanggang sa isang kuwento ang natapos ko. At ito ang kwentong tungkol kay Kristo. Isang kuwentong magtuturo ng tamang landas. Pinag-aralan ko ang bawat salita na ginamit ko. At umaaasa na maililimbag ko ito sa abot ng aking makakaya.
NGAYON, sa taong 2008 ay nasa harapan ko ang demonyo. Tumututol sa pagbabagong buhay ko. Gusto niyang ipagpatuloy ko ang pagsusulat gamit ang kanyang panulat.
"Hindi ka puwedeng tumigil......"
Halos mabaliw ako sa takot habang pinagmamasdan ko ang aking kanang kamay. Lumalaki ang sugat nito. Maya-maya ay nalulusaw na ito. Duguan na parang nasabugan ng paputok. Napalunok ako sa sakit na nararamdaman ko. At halos mapasigaw ako nang mahagip ng aking paningin ang panulat na unti-unting bumabaon sa aking kanang mata.
"Ahhh! daing ko sa sobrang sakit. Nasaklot ko ang aking kanang mata. Duguan at hindi na makakita. Humalakhak ito habang nakikitang nahihirapan ako.
Napasigaw ako nang umangat ang aking dalawang paa mula sa sahig. At napadaing nang tumama ang manipis kong katawan sa matigas na dingding ng kuwarto. Pinilit kong makatayo nang mahagip ng aking paningin ang demonyong bumalibag sa akin. Ang mga mata nito ay tila bolang apoy na nagliliyab.
"Panahon na ng aking paniningil." Humalakhak ito na sumabay sa buhos ng ulan, umihip ng ubod lakas ang hangin dahilan para mabuksan niyon ang bintanan ng aking kuwarto. Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon, binuksan ko ang pintuan at sa ginawa kong pagtakbo ay napatid ako. Pagtingala ko ay nakita ko siya na nasa harapan ko na. Muling umihip ang hangin dahilan para liparin ang ilang kagamitan sa loob ng bahay. Nawalan na ako ng pag-asa nang sakmalin nito ang aking leeg. At naramdaman ko ang matulis nitong dila na gumapang sa aking mukha.
Pinilit kong makatayo para makatakas sa demonyong dumurog sa aking kanang kamay at bumulag sa aking kanang mata.
"Diyos ko, patawarin n'yo po ako sa aking nagawang kasalanan." piping dasal ko. Sa panahong ito pakiramdam ko Diyos lamang ang makakapitan ko. Humarap ako sa demonyo at lumakas ang loob ko.
"In Jesus name mamatay ka..." naisigaw ko. Narinig ko ang paghiyaw niya. Nasulyapan ko ang bibliya na nakakalat sa sahig. Kinuha ko ito sa pamamagitan ng aking kaliwang kamay. Itinapat ko ito sa demonyo. Nagliwanang ito at kumalat ang liwanang sa buong paligid. Nahagip ng aking paningin ang panulat na nabitawan ng demoyo na ngayon ay nakatutop ang dalawang kamay sa mga mata nito. Mabilis kong dinampot ang panulat at agad na ipinako sa dibdib ng demonyo. Napatili ito hanggang sa nagsaitim na usok iyon at lumipad palayo. Habol ko ang paghinga na tumingala sa itaas. At taimtim na nagpasalamat. Sa kabila ng lahat ay may pangamba sa aking dibdib. Putol ang aking kanang kamay at bulag ang kanang mata. Paano ako magsusulat?
Walong buwan na ang nakalipas nang maganap ang kababalaghan sa aking buhay. Ngayon ay napangaralan ako bilang isa sa mga mahuhusay na manunulat. Ang bagong nobela ko ay nabigyan ng parangal. Mga kuwentong nagbibigay ng inspirasyon sa lahat. At nagtuturo sa tamang landas. At ito ang libro ni Kristo.
Nagtagumpay ako sa sariling sikap para matuto. At hindi hadlang ang pagkaputol ng aking kanang kamay at pagkabulag ng kanang mata dahil may kaliwang mata at kamay pa naman ako. At marahil ito na rin ang kabayaran sa aking lihim.
WAKAS
Panulat ni JonDmur
No comments:
Post a Comment