LAZANDRO, bulong ng kanyang isipan. Nakaramdam ng kaba sa dibdib si Lope. Napako sa hawak na picture frame ang paningin niya. Pagkatapos ay lumipad sa dingding ng kuwarto. Napapikit siya at muling umalingawngaw sa kanyang isipan ang pagkamatay ng kanyang kabiyak.
"Bakit mo ‘ko niloko? Mahal na mahal kita," pasinghal na wika ni Lazandro.
"Maniwala ka wala akong ibang lalaki."
"Sinungaling!" Tumalikod ito. Mayamaya ay may inilabas itong punyal at agad na itinutok sa kanya. "Akala ko ako lang ang lalaki sa buhay mo."
Hindi alam ni Lope kung ano ang gagawin. Bakit ayaw siyang paniwalaan ng asawa? Buntis siya. At nakakatiyak siyang ito ang ama. Tila tinambol ang kanyang dibdib nang bigla siyang hinawakan nito sa magkabilang balikat. Napatingin siya sa asawa. Nanlilisik ang mga mata nito sa sobrang galit.
"Ahhhhhhh!" sigaw niya nang biglang hinatak nito pababa ang kanyang buhok. At malakas na itinulak pabagsak sa sahig. Lumapit ito sa kinabagsakan niya. At isang malakas na sampal ang pinakawalan nito.
"Baog ako! Niloko mo kooooooooo," malakas nitong sigaw. At mayamaya ay tumalikod ito para kunin ang isang galon sa ilalim ng lababo. Pumitlag ang puso niya nang matuklasang gasolina ang laman niyon.
"A-anong gagawin mo?" tanong niya rito.
Inilibot niya ang kanyang paningin sa loob ng kusina. Nagkalat na ang mga kasangkapan. Marami na ring basag na mga baso at ilang gamit na rin sa kusina ang nasira na. Nagkalat na rin ang mga pagkaing iniluto niya. Kani-kanina lamang ay masaya silang nagluluto nang sabihin niya sa asawa ang isang malaking sopresa. Masaya niyang ibinalita na nagdadalang tao na siya. Ang akala niya matutuwa ito subalit kabaligtaran ang ipinakita nito.
"La-lazandro......" Kita-kitang niya ang pagbuhos nito ng gasolina sa buong paligid. At ilang segundo ang nakalipas, napapaliguan na ito ng gasolina.
"Sumama ka sa akin sa impierno." Tila dagundong ng kulog na galit na boses ang kanyang narinig. At kasabay ng mga salitang binitiwan ang pagkalat ng apoy sa buo nitong katawan.
"Huwaggggggggg!"
Eksakto alas-sais nang hapon nang maganap ang isang malaking sunog sa isang bayan ng Capiz. Isang trahedya kung saan segundo lamang ang pagitan ng buhay at kamatayan.
TUMULO ang kanyang mga luha. Muli na naman niyang naalala ang isang trahedyang naganap sa kanyang buhay. Namatay si Lazandro at hindi na natagpuan ang mga labi nito. At ayon sa imbestigasyon marahil nasunog pati mga buto nito. Mahirap paniwalaan ang mga pangyayari. Lahat nagtataka sa resulta ng imbestigasyon. At wala na siyang magagawa pa kundi ang tanggapin ang katotohanang wala nang kikilalaning ama ang kanyang magiging anak.
Masaya siya dahil nakaligtas siya sa trahedya. Nailigtas din ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Ang anak ni Lazandro. At kung paano siya nakaligtas ay walang makapagbigay ng ulat. Nagising na lamang siyang ligtas at malayo sa panganib.
"Maniwala ka, anak mo ang sanggol sa aking sinapupunan," bulong niya sa larawan ni Lazandro saka masuyong hinalikan iyon.
Blog! Napakislot siya nang biglang nagsara ang bintana ng kuwarto. Lumipad ang kanyang paningin sa cabinet. Nakarinig siya ng kaluskos buhat doon. Kumakabog ang mga dibdib nang nilapitan niya iyon. At buong tapang na binuksan ang pintuan. Nasaklot niya ang kanyang dibdib nang biglang lumabas ang isang itim na pusa. Ang mga mata nito ay mabagsik na nakatutok sa kanyang sinapupunan.
"Ahhhh," daing niya. Nasaklot niya ang kanyang tiyan. Limang buwan na siyang buntis. At hindi ito ang oras ng kanyang panganganak. Napaupo siya sa kama hanggang sa mapahiga na siya. Ramdam niya ang matinding kirot habang mahigpit na nakakapit sa pinakagilid ng kama.
"A-aaaah." Isang malakas na sigaw ang kanyang pinakawalan. Nararamdaman niya ang tila pagtulo ng kung anong likido mula sa kanyang pagkababae. Nanganganak na ba siya? Sinulyapan niya ang suot na bestida. At nakahinga siya nang maluwag nang makitang malinis at walang bahid ng dugo.
Napasulyap siya sa orasang nakasabit sa dingding. Eksakto alas-sais na nang hapon. Napahigpit ang kapit niya sa unan sa matinding sakit na nararamdaman. Basang basa na siya ng pawis. At humugot siya ng isang malalim na hininga nang maramdamang may isang bagay na lumalabas sa kanyang pagkababae. Napasulyap siya sa kanyang bestida. Bakit walang dugo? At patuloy sa pagliit ang kanyang tiyan.
"Hindeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee!"
MULA sa malalim na pagkakatulog, pakiramdam ni Lope ay bigla siyang naalimpungatan. Mabilis siyang nagmulat ng mga mata, muli siyang napapikit. Ilang beses siyang napakurap hanggang sa tuluyan nang na-adapt ng kanyang paningin ang buong paligid.
Sinubukan niyang bumangon at ramdam niya ang pananakit ng buong katawan at tila binabarena ang kanyang ulo. Kinapa niya sa kanyang utak ang mga huling alaala.
Oh, God! bulong ng kanyang isipan nang makapa niya ang kanyang tiyan. Bigla siyang napabangon sa kamang hinihigaan.
Nakunan ba siya?
Unti-unti nang pumapatak ang kanyang mga luha. Napahawak siya sa kanyang mahabang buhok. Pilit na ginulo sa pamamagitan ng kanyang mga daliri. Napasulyap siya sa kanyang bestida. At agad na natutop ng kanyang dalawang kamay ang bibig niya nang matuklasang walang bahid ng dugo. Pinilit niyang makababa ng kama. Isang paa muna ang itinapak niya sa sahig. Saglit siyang nahintakutan dahil pakiramdam niya ay isang mabalahibong bagay ang kanyang natapakan. Tumingin siya sa sahig. At halos masuka siya nang makitang patay na ang pusa. Lasug-lasog na rin ang katawan nito. Sumigaw siya ngunit walang ingay na lumabas sa kanyang bibig. Nagbara na yata ang kanyang lalamunan.
Kinuha niya ang unan para pansamantalang takpan ang duguang pusa. At bigla siyang natigilan nang makitang malinis ang sahig.
Imahinasyon lang ba niya ang lahat?
Bumangon siya sa kama saka binuksan ang bintana ng kuwarto. Nakahinga siya nang maluwag nang dumampya sa kanyang katawan ang malamig na simoy ng hangin. Iginala niya ang paningin sa buong paligid. Tanaw niya ang malawak na bukirin. Nasa bahay bakasyunan siya. Bahay na ipinamana sa kanya ni Lazandro. Ang isang bahay naman nila sa kabilang bayan ay nasunog dahil sa isang trahedyang ginawa nito. At kung paano siya nakaligtas ay hindi na niya nalaman pa.
Miyawwwwwwwwww! Napanganga siya sa kanyang narinig saka hinagilap ng kanyang paningin ang pinagmulan nito. Sinaklot na ng takot ang kanyang puso nang sa paglingon niya ay nasilayan niya ang duguang pusa. Nakatayo ito sa isang batuhang nasa labas ng bahay. Buhay at nanlilisik ang mga mata nito habang nakatutok sa kanya. Ang kanyang sigaw ay umeko sa buong bukirin. Ang mga ibon ay nagliparan. Kasunod niyon ang tila angil ng mababangis na hayop. At doon lamang niya napansin na eksakto alas-sais na nang hapon. Isinara niya ang bintana. At halos manginig ang buo niyang katawan nang mabigo siyang maisara iyon. May pumipigil sa dahilang hindi niya alam. Wala na siyang nagawa pa kundi ang hayaan na lamang ang bintanang bumukas ng kusa. Tumalikod siya. At laking gulat niya nang walang habas na sinakmal siya sa leeg ng kung sinong nilalang.
"Ahhhhhhhhhhhhhhhhhh!"
NAPABANGON siya sa kama. Habol ang kanyang paghinga. Nakita niya si Aling Bising. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala.
"Nanaginip ka Lope. Isang araw ka ng walang malay," sabi ng edad singkwenta anyos na katiwala.
"Ang anak ko?" Muli niyang kinapa ang kanyang tiyan. "Nasaan ang a-anak ko?"
"Lope, nakunan ka," tugon nito sa kanya saka niyakap siya nito nang mahigpit. Matagal nang naninilbihan sa kanya ang matanda. At sa pagkakaalam niya ay may lahi itong babaylan.
"Nagbalik na siya Lope.Nagbalik na siya." Napatingin siya sa mukha ng katiwala. Nasa mukha nito ang labis na takot. "Mahirap paniwalaan pero hindi tao ang isinilang mo."
"A-anong ibig niyong sabihin?" Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat.
"Isang patay na pusa ang isinilang mo."
"A-ah, a-ano?"
"Tayong dalawa lang ang nakakaalam ng lahat. Ako lamang ang saksi sa kababalaghang naganap sa'yo. Demonyo ang asawa mo, Lope. Demonyo si Lazandrooooooooo." Kasabay nang malakas na bigkas nito ang pagbuhos ng ulan. Umihip ng ubod lakas ang hangin na tila may delubyong paparating.
Bumukas ang pintuan ng kuwarto hanggang sa nagsara-bukas ito. Mahigpit siyang niyakap ng katiwala. "Lumayo ka masamang espirito!" malakas nitong sigaw na sumabay sa pagguhit ng kidlat sa kalangitan.
TUMAYO si Aling Bising saka kinuha ang palaspas na nakasabit sa dingding. Pilit niyang nilabanan ang takot na nararamdaman nang masilayan niya ang itim na pusa mula sa labas ng kuwarto. Lumabas siya. At buong tapang na hinarap iyon. Isang hagupit ng palaspas ang kanyang pinakawalan. Nakailag ang pusa hanggang sa nawala ito sa kanyang paningin. Naisip niya si Lope na naiwan sa loob ng silid. Muling binalot ng takot ang kanyang puso. Mayamaya pa ay patakbo niyang tinungo ang silid nang biglang nagsara ang pintuan. Tumahimik ang buong paligid. "Diyos ko," piping dasal niya. Nakahinga siya nang maluwag nang matuklasang hindi naka-lock ang pintuan. At sa pagbukas niya nito natutop ng kanyang kamay ang kanyang bibig nang makitang yakap-yakap ni Lope ang duguang pusa.
"Aling Bising, tingnan mo ang guwapo ng anak ko." Nasa mukha nito ang labis na kaligayahan.
"Bitiwan mo ‘yan Lope. Hindi sanggol ang kalong mo."
NATIGILAN si Lope sa sinabi ni Aling Bising. Nakita niya ang sanggol sa sahig at kinalong niya ito. Sa sinabi nito sa kanya ay biglang tumindig ang mga balahibo niya sa katawan. Unti-unti niyang ibinaba ang kanyang paningin sa sanggol na hawak. At halos himatayin siya nang matuklasang hindi na sanggol ang kalong niya. Patay na pusa. At ang katawan nito ay naaagnas na.
"Hindeeeeeeeeeeeee!"
KINABUKASAN eksakto alas-sais ng hapon nang makarating sila sa bahay ni Lolo Igme, ang kapatid na albularyo ni Aling Bising. Pumasok sila ni Aling Bising sa isang bahay-kubo. Naabutan nila ang matandang lalaki na nakaupo sa isang tumba-tumba habang tahimik na naninigarilyo. Nakasuot ito ng gula-gulanit na damit. Napasulyap siya sa matigas nitong buhok na umabot na sa balikat.
"Maupo kayo. Ibinulong sa akin ng hangin ang pakay ninyo." Huminga ito nang malalim. "Ikaw si Lope, hindi ba?" Isang tango na lamang ang kanyang isinagot rito. Kinuha nito ang kanang kamay niya. Mahigpit na hinawakan. Ilang segundo ang nakalipas umusal ng isang lumang wika. Binitiwan ang kanyang kamay. At biglang hinawakan ang magkabilang balikat niya.
"Wala ka nang magagawa pa kundi ang harapin ang mga pagsubok."
"A-anong pagsubok?" Binitiwan siya nito.
"Maganda ka. Maputi at makinis ang iyong kutis." Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa. "Kay ganda ng mahaba mong buhok." Kumurba ng isang ngiti ang labi nito. "Maraming nagkakagusto sayo, maraming gustong makuha ang pagkababae mo. At dahil doon hindi matahimik ang kaluluwa ng iyong asawa."
"Hindi ko kayo maunawaan? Ginugulo ako ni Lazandro."
"Dahil hindi siya ang ama ng anak mo. Makalipas ng anim na buwan mula nang siya ay mamatay. Siya ay magbabalik. At makalipas ng tatlong araw mula nang ikaw ay manganak lalong lalakas ang kapangyarihang taglay niya," malakas na sabi nito sa kanya.
"Si Lazandro ang ama ng dinadala ko. Patay na ang anak namin."
Itinapon ni Lolo Igme ang hawak na sigarilyo saka hinuli nito ang kanyang mga mata hanggang sa nagkatitigan sila.
"Hindi si Lazandro ang ama ng anak mo. Lope, Buhay na buhay ang anak mo."
"Hindi! Kung buhay ang aa-anak ko. Isa siyang pusaaaaaaaaaaaaaa."
"Imahinasyon ang nakikita mo. Kinuha na ng kanyang ama ang anak mo."
"Si Lazandro ang ama ng anak ko."
"Sigurado ka?" Natigilan si Lope sa sinabi ng matanda. Napapikit siya at binalikan ang unang gabi nila ni Lazandro.
"Sweety, shower muna ako," malambing na wika ni Lazandro. Itinapis nito ang tuwalya saka tumungo sa banyo. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Ilang minuto ay nakaramdam siya ng isang mabigat na bagay na dumagan sa hubad niyang katawan. Lihim siyang napangiti dahil alam niyang si Lazandro ang masuyong humahalik sa buo niyang katawan. Napaungol siya sa bawat yakap at halik nito. Sa sobrang sarap na nararamdaman ay hindi na niya nagawang imulat pa ang kanyang mga mata. Ramdam niya ang katawan ng asawa. Matipuno at malapad ang dibdib. Ang mga halik nito ay nagpapabilis ng tibok ng kanyang puso. Bawat halik, bawat yakap ay sadyang mahalaga hanggang marating nila ang kaligayahan. Natigilan siya nang biglang bumukas ang ilaw. Iminulat niya ang kanyang mga mata. Nagulat siya nang makitang nakatingin si Lazandro sa hubad niyang katawan. Kakalabas lamang nito mula sa shower room at basa pa ang buong katawan.
Sino ang nakatalik niya?
Niyakap siya ni Lazandro. At pilit binura sa kanyang isipan ang kababalaghang naganap. Inisip na lamang niya na isang imahinasyon ang naganap. Masyado yata siyang na-excite sa pagtatalik nilang mag-asawa kaya kung ano-ano na ang pumapasok sa kanyang isipan.
"Makinig ka Lope!" Napamulat siya sa sinabi ng matandang albularyo. Naisip niyang tama kaya ang matanda. Hindi si Lazandro ang ama ng anak niya? Sino ang nilalang na nakabuntis at humalay sa kanya? Nasaan ang sanggol?
"Kuya Igme, nahihirapan na si Lope. Sino ang nakabuntis sa kanya? Isa bang demonyo?" usisa ni Aling Bising habang hinihimas ang likuran ni Lope.
Huminga nang malalim ang matandang albularyo. "Wala ka bang nararamdaman bago kayo ikinasal ni Lazandro?" Muli siyang napapikit para balikan ang nakaraan.
"Minsan nararamdaman ko na may kasama ako. Ramdam ko ang malamig na hangin. At parang hindi ako nag-iisa. Akala ko sinasamahan lang ako ng namatay kong lolo. Mahal na mahal ko ang lolo. Sa tuwing nakakaramdam ako ng kakaiba sa buong paligid. Naiisip ko na lolo ko ang nagpaparamdam sa akin." lintanya niya sa albularyo. Hindi niya napigilan ang mapaiyak nang maalala ang lolong namayapa na isang taon na ang nakakaraan.
Hinawakan ng matanda ang kaliwang kamay ni Lope. "Hindi lahat ng nagpaparamdam ay multo. At hindi lahat nang hindi nakikita ay espirito." Nasa mga mata nito ang takot. "Lope, ang ama ng iyong anak ay isang......."
"Lolo Igme......"
"Isang........ Isang Timawo."
NAPAKAGANDA ng tanawin. Maraming bulaklak sa paligid. Ang mga rosas ay makukulay na sadyang itinanim para magbigay kulay sa paraiso. Sariwa ang hangin. At maraming ibon at paro-paro ang lumilipad sa buong kapaligiran. Napakaraming prutas at masasarap na pagkain ang nakahain sa hapag kainan. Isang lugar kung saan ang mga nilalang ay masasaya.
Ito ang daigdig ng mga Timawo, mga nilalang na nabubuhay sa isang bahagi ng mundo. Sila ang mga nilalang na nahahanay sa lahi ng mga engkanto. Katawang tao, ugaling tao at kilos tao pero hindi sila nakikita sa mundo ng mga mortal. Maaaring kasama mo sila sa iyong pagtulog. At sa iyong paglalakbay. Nandyan na siya nandyan na siya pero hindi mo nakikita.
"Saan ka galing kaibigan?" Napatingin ito sa isang sanggol na hawak ng kanyang kaibigan.
"Kaibigan, siya ang aking anak," masayang tugon nito.
"Siya ba ang anak ng babaeng mortal?"
"Oo, anak siya ng babaeng iniirog ko. Si amang, nakita mo ba?"
"Nasa dulo ng paraiso."
Masaya siyang naglalakad habang tinutungo ang ama. Naabutan niya itong nakatayo at nakatingin sa kawalan.
"Ama, narito na po ang inyong apo."
Humarap ito sa kanya. "Anak, ang pag-ibig mo sa babaeng mortal ay magdadala ng panganib."
"Pero, amang marami na po sa atin ang umibig sa mortal na tao. At karamihan sa atin ay hindi nabigo. Kapalit ng kayamanan sa naiwang pamilya ay pipiliin nilang manirahan sa ating daigdig. Amang, alam kong dati kayong mortal na tao."
"Tama ka, isa akong mortal na lalaki. Inibig ako ng iyong Ina. Hindi ko siya nakikita pero naririnig ko ang kanyang boses. Nahahawakan ko siya at nakakausap. Niyaya niya akong sumama sa paraiso. At hindi na ako bumalik sa aking daigdig."
"Bakit Amang?"
"Maganda ang buhay dito. Tahimik at walang problema. Kapalit ng paninirahan ko dito ang magandang kinabukasan ng aking pamilya. Mahirap lamang kami. Nang ako ay nanirahan dito. Umasenso ang buong angkan ng lahi ko."
"Napakaganda ng nangyari sa inyo Amang. Minahal kayo ni Inang at patuloy pa rin kayong nagmamahalan hanggang sa ngayon. Ano ang sinasabi ninyong panganib?"
"Ang demonyo ang magdadala ng panganib sa Ina ng iyong anak."
"Ililigtas ko siya, Amang," tugon niya sa amang nakatingin sa kawalan.
"Hindi mo siya kayang talunin." nag-aalalang tugon nito.
"Gagawin ko ang lahat, Amang."
"Ayaw kong matulad ka sa iyong kaibigan. Nagkatawang tao. At ngayon nasasapian ng espirito ng demonyo.
TATLONG araw na ang lumipas buhat nang isinilang ni Lope ang kanyang anak. Binalot siya ng pag-aalala. Paano kung totoo ang sinasabi ng matanda? Paano niya tatanggapin ang lahat?
"Diyos ko, tulungan Ninyo po ako," piping usal niya. Isang malakas na ihip ng hangin ang humampas sa kanyang katawan. Nanindig ang kanyang mga balahibo. Napalingon siya sa kanyang likuran nang makarinig siya ng iyak ng sanggol.
"Gusto mo bang makapiling ang anak natin?"
"Sino ka? N-nasaan ang anak ko?" Iginala niya ang buong paningin sa kabuuan ng silid. "Ahhh!" Napapikit siya nang maramdamang may yumakap sa kanya. Napapikit siya. At doon niya napatanto na isang lalaki ang yumayakap sa kanya. Nakakapa niya ang buong katawan nito. Tanda niya ang laki at lapad ng dibdib. At hindi siya nagkakamali ito ang lalaking nakatalik niya sa unang gabi nila ni Lazandro. Iminulat niya ang kanyang mga mata. Nakagat niya ang kanyang labi dahil hindi niya nakikita ang anyo nito. "Sino ka? Ano ka?" Naramdaman niya ang paghawak nito sa kanyang mukha.
"Ako ay isang nilalang na nagmamahal sayo. Patawarin mo ako. Umiibig ako sa iyo. At ako ang ama ng iyong anak"
Sapat na ang kanyang narinig para maniwala kay Lolo Igme. Isang timawo ang ama ng kanyang anak. Naalala niya ang mga kwento ng kanyang lolo tungkol sa mga timawo.
"Mababait ang mga timawo apo ko. Hindi sila dapat katakutan." Ngumiti ito. "Kapag nagustuhan ka nila isasama ka nila sa kanilang paraiso. Kapalit mo ay kayamanan na maiiwan sa iyong naiwang pamilya. Kapag nakarating ka sa kanilang paraiso. Huwag na huwag kang kakain ng pulang kanin kung hindi ka pa handang manirahan sa kanilang paraiso. Sa oras na kainin mo ang pulang kanin hindi ka na makakabalik sa iyong mundo.
"Nagkakatawang tao po ba sila, Lolo?"
"Oo, huwag lang silang masakop ng demonyo. Kapag sila ay nasakop ng demonyo sila ay mabagsik at dapat katakutan. Kailangan nilang makabalik sa kanilang mundo para mawala ang espirito ng demonyo.
Natigilan siya nang makakitang may sumilay na munting liwanag mula sa di-kalayuan. Naramdaman niyang may humawak sa kanyang kanang kamay.
"Sumama ka sa paraiso para makapiling mo ang ating anak."
"Huwag! Layuan mo ako!" Nawala ang liwanag. Nasaklot niya ang kanyang dibdib. At pinahid ang mga luhang pumatak sa kanyang mga mata. Aaminin niyang gusto niyang makita ang kanyang anak subalit nanaig ang takot sa kanyang dibdib.
SA KABILANG dako naman ay hindi makapaniwala si Aling Bising sa natuklasan. Mababakas sa mukha niya ang matingding pag-aalala para kay Lope.
"Lolo Igme, paano namin magagapi ang espirito ng demonyo?" Natahimik ang matandang albularyo. Hawak nito ang pulang libro. Maya-maya ay humugot ito ng hangin.
"Puntahan mo si L-lope," utos nito sa kanya. " Nanganganib ang buhay niya. At kinakailangan niyang labanan ang takot para magapi ang demonyo. Pabalikin niya si Lazandro sa tunay na mundo nito." Dumagundong ang malakas na kulog. At kasunod niyon ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan.
NAPATAYO si Lope nang matuklasang limang minuto na lang ay alas-sais na ng hapon. Naalala niyang pumunta si Aling Bising sa bahay ng kapatid nito para maghanap ng lunas kung paano kakalabanin si Lazandro. Ito na ang ika-tatlong araw mula nang siya ay nanganak. Lalakas na ang kapangyarihan ni Lazandro. At hindi niya alam kung ano ang magagawa nito sa kanya.
Lumabas siya ng bahay. At buo na ang kanyang loob na kalabanin si Lazandro. Kinakailangan niyang puntahan si Lolo Igme para humingi ng tulong. Kanina pa nakaalis si Aling Bising at hanggang ngayon ay hindi pa ito nakakabalik. Muling binalutan ng takot ang puso niya sa matinding pag-aalala sa katiwala.
"Tulungan n'yo ako Lolo Igme," tanging bulong niya sa kanyang sarili habang tumatakbo sa gitna ng bukirin. Madamo ang paligid at maputik ngunit hindi hadlang para takbuhin niya ang lawak ng kabukiran. Kailangan niyang makausap si Lolo Igme para ipaalam na nagpakita sa kanya ang ama ng kanyang anak. At humingi ng tulong para kalabanin si Lazandro sa masama nitong balak.
Nagliparan ang mga ibon at paniki. At sinasalitan iyon ng mga tila angil ng mababangis na hayop. Nabakas ng takot ang mukha niya. Natigilan siya sa kanyang pagtakbo nang makakita siya ng isang kumunoy. Tinatanglawan ito ng liwanang ng buwan. Napatingin siya sa kanyang relo. Alas-sais na ng hapon pero ang buwan ay litaw na litaw na sa kalangitan. Ilang Segundo pa ang nakaraan ay pansamantalang binalutan iyon ng itim na ulap. At sa paglabas nito ay parang bolang apoy na nagliliyab.
"God!" Natigilan siya nang mahagip nang kanyang paningin ang isang nilalang na umaahon sa kumunoy. Dahan-dahan hanggang sa makaahon ito. At hindi siya maaaring magkamali. Isang demonyo ang kanyang nasisilayan sa gitna ng dilim.
"Grrrrrrrrrrrr!" Kasunod ng sigaw nito ang pag-alulong ang mga aso sa kagubatan.
Lumapit ito sa kanyang kinatatayuan. Gusto niyang sumigaw pero may tila bumara sa kanyang lalamunan. Ayaw niyang ikurap ang kanyang mga mata. At halos manginig ang kanyang katawan nang makilala ang anyo ng demonyo. Hindi siya pwedeng magkamali, si Lazandro!
Muli siyang tumakbo. Kahit pagod na pagod na ay hindi niya hinayaang tumigil sa pagtakas. Kailangan niyang makarating sa bahay ni Lolo Igme.
"Lope!" Lumingon siya sa kanyang likuran. Nakita niya si Aling Bising na palapit sa kanya.
"Dumating na ang araw na kinatatakutan ko. M-mabuti at nahabol kita. Kailangan mong malaman na isang dating timawo ang asawa mo."
"A-ano?"
"Lope, nakausap ko si Kuya Ig---." Nagulat siya nang biglang natumba si Aling Bising. At may kung anong bagay na humila sa paa nito.
"A-aling Bising, humawak kayo," sabi niya sabay hawak sa mga kamay ng matanda. Inubos niya ang natitirang lakas para makawala ito sa isang bagay na humihila rito. At nang siya ay nagtagumpay, wala na silang inaksayang minuto kundi ang tumakbo nang magkahawak-kamay.
"Ahhhh!" daing ni Aling Bising. Natigilan silang dalawa nang mapansing patuloy sa paglakad ang kanilang mga anino. Niyakap siya ng matanda habang nakatayo sila sa putikan. Ang kanilang mga anino ay patuloy sa paglalakad nang biglang nawala sa kanyang paningin ang anino ni Aling Bising. Napatingin siya kay Aling Bising na mahigpit na yumayakap sa kanya.
"Ahhhhhh!" sigaw niya nang matuklasang si Lazandro na ang yumayakap sa kanya. Nag-aapoy ang mga mata nito at labas ang matulis na dila na siyang humahalik sa kanyang pisngi. Inilibot niya ang kanyang paningin sa buong paligid at napalunok siya nang makitang duguan si Aling Bising at lasug-lasog na ang katawan nito.
Dumagundong ang malakas na kulog. At kasabay nito ang halakhak ni Lazandro. Napadaing siya nang hinila nito ang kanyang mahabang buhok hanggang sa kaladkarin siya patungo sa kumunoy.
"Huwag! Maawa ka Lazandro," sigaw niya nang mapansing ihuhulog siya ni Lazandro sa kumunoy. "Ahhhhh," naramdaman niya ang malamig na bagay sa kanyang paanan. At hindi nga siya nagkakamali. Unti-unti na siyang lumulubog sa kumunoy. Nawala sa kanyang paningin si Lazandro. Nasaan na kaya ang demonyo?
Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Itinaas ang kanang kamay. Naghahanap ng makakapitan subalit bigo siya. Hindi niya maikilos ang kanyang katawan.
"Tulungan mo ako. Saan ka man naroroon nakikiusap ako tulungan mo ako." Ibinulong niya sa langit ang kanyang panalangin. Umaasang makakaahon pa siya sa kumunoy. Napapikit siya nang makaramdam siya ng malamig na hangin. Naramdaman niya ang mainit na bagay na humawak sa kanyang kamay. At doon niya natuklasang unti-unting siyang nakaka-ahon sa kumunoy. Iminulat niya ang kanyang mga mata. Hindi niya nakikita ngunit ramdam niya ang mainit nitong palad. Alam niyang ito ang ama ng kanyang anak.
Kumurba ng ngiti ang kanyang labi nang makarinig ng iyak ng sanggol. Hinagilap ng kanyang mga kamay ang pinagmulan ng boses. Muli siyang napaiyak nang mahagip ng kanyang kamay ang hindi nakikitang sanggol. Niyakap niya ito nang mahigpit. At kahit hindi niya nakikita ang kanyang anak ay sapat na dahil nahahawakan niya ito. Naramdaman niya ang pag-akbay ng lalaki sa kanyang kanang balikat.
"Sumama ka na sa amin sa paraiso." Sa sinabi nito ay hinila siya papunta sa liwanang. Ito kaya ang lagusan papunta sa paraiso?
Bumuhos ang malakas na ulan. Umihip ang malakas na hangin na tila galit na pinaghahampas ang mga puno sa paligid. At kasabay nito ang pagdagundong ng kulog at pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Naramdaman niyang kumalas ang kamay na nakahawak sa kanyang balikat. Napa-atras siya nang makarinig ng halakhak ng isang demonyo. Hinigpitan niya ang hawak sa kanyang anak.
"Maawa ka huwag mong idamay ang anak ko," malakas niyang sigaw.
"Huwag kang matakot narito lang ako sa iyong tabi." Nakahinga siya ng maluwag. Alam niyang nasa tabi lamang nila ang ama ng kanyang anak.
Muling dumagundong ang malakas na kulog kasabay ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Isang malaking ahas ang biglang sumulpot sa kanyang harapan. Nakakatakot ang anyo nito. Ang mga mata nito ay nagbabaga na parang apoy. Ang malaking katawan nito ay gumagapang palapit sa kanyang kinatatayuan. Muling kumidlat at tumama iyon sa katawan ng ahas. At sa bawat madaanan nito ay nagkakahugis tao. Nasaklot niya ang kanyang dibdib nang nang mapansing unti-unting tumayo ang ahas at nag-katawang tao. Ngayon, isang nilalang na nababalutan ng apoy ang kanyang nasisilayan. Umalulong ang mga aso. At kasabay nito ang malakas nitong halakhak.
"Traidor ka kaibigan," malakas na sigaw ng demonyong nababalutan ng apoy.
Natigilan siya sa kanyang narinig. Tama kaya si Aling Bising na isang timawo si Lazandro. Muling umalingawngaw sa kanyang isipan ang sinabi ng kanyang lolo. Ang timawong nagkatawang tao na nasakop ng demonyo ay matatalo lamang kung makakabalik ito sa paraiso.
Nakita niya na parang may nilalaban si Lazandro. Dalawang timawo ang naging bahagi ng kanyang buhay. Si Lazandro, naging asawa niya ngunit wala itong pamilyang ipinakilala sa kanya. At kung ito ay isang dating timawo kailangan niyang pabalikin sa paraiso para magapi ito.
Paano?
Nagkaroon ng pangamba sa kanyang dibdib nang makita niya na papalapit si Lazandro sa kanyang kinatatayuan. May malaking ahas na nakapasan sa balikat nito. Umaapoy ang mga matang nakatutok sa kanya. Nasaan na ang ama ng kanyang anak? Natalo kaya ni Lazandro?
"Huwag mong idamay ang anak ko!" galit na sigaw niya. Naramdaman niya na may humawak sa kanyang balikat.
"Ikaw lang ang makakatalo sa aking kaibigan. Pabalikin mo siya sa paraiso. Lope, mahal na mahal kita."
Napaiyak siya nang marinig ang boses ng ama ng kanyang anak. Humugot siya ng malalim na hininga. Yakap ang sanggol ay inihakbang niya ang kanyang mga paa. Pansamantalang nagkaroon siya ng pag-asa nang matanaw niya ang munting liwanang na nagmumulang lagusan. Malapit lamang sa kinatatayuan ni Lazandro.
"Hindi n'yo ko maiisahan bhahahahahhaha," malakas na sigaw nito habang palayo sa liwanag ng lagusan.
Lalong lumakas ang buhos ng ulan. Ramdam niya ang lamig ng hangin. Ipinako niya ang kanyang paningin kay Lazandro. At ilang saglit nakita niya ang malaking ahas na gumagapang palapit sa kanyang kinatatayuan. Palapit nang palapit hanggang gahibla na lang ang layo nito sa kanyang paanan. Pakiramdam niya tumigil ang pagtibok ng kanyang puso nang puluputan siya nito sa kanang paa paakyat sa baywang hanggang sa makarating sa kanyang leeg. Nanginginig na ang kanyang buong katawan sa sobrang takot. Nagaalala siya para sa kanyang anak. Umiiyak na ito sa sobrang lamig na dulot ng hangin at malakas na ulan. Mahigpit niya itong niyakap para malabanan nito ang lamig.
"Ahhhhh!" Nakita niya ang ulo ng ahas na nakatingin sa sanggol na hawak niya. Hindi siya makakapayag na masaktan nito ang kanyang anak. Lalo siyang nabahala nang biglang nawala sa kanyang pagkakahawak ang sanggol. At hindi na niya ito nahahawakan pa. "Hayop ka, nasaan ang anak ko?"
Sa sobrang galit na nararamdaman ay nagkaroon siya ng pag-asa. Naalala niya ang sinabi ng kanyang lolo. Nagkakatawang ahas ang demonyo. Tumingin siya kay Lazandro. Nakatayo ito sa di-kalayuan at walang imik. At doon niya naisip na ang ahas ang tunay na si Lazandro.
"Manahimik ka na Lazandro. Bumalik ka na sa pinanggalingan moooooooooo." Kasabay ng kanyang pagsigaw ang pagtakbo niya. At kahit hirap sa pagkakapulupot ng ahas sa kanyang leeg ay pinilit niyang makarating sa liwanang. Hinawakan niya ang bahaging katawan ng ahas at sabay talon sa lagusan ng paraiso.
"Ahhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!"
NAPAMULAT si Lope. Ramdam niya ang malambot na bagay na hinihigaan niya. Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata. At doon niya naalala ang lahat. Nasaan siya? Nasa paraiso na ba? Iminulat niya ang kanyang mga mata. Bumangon sa kanyang hinihigaang kama na punong-puno ng talulot ng rosas. At sa kayang pagtayo sa kama ay nahagip ng kanyang mata ang mga masasarap na pagkain sa mahabang mesa. Nakita niya ang pulang kanin, ang kanin ng mga timawo. Alam niyang hindi na siya makakabalik sa kanyang daigdig kung kakainin niya ang mga iyon.
Iginala niya ang paningin sa buong paligid. Maganda ang tanawing nakikita niya. Mararaming magagandang bulaklak. Nagulat siya nang makitang lumulutang ang isang pulang rosas.
"Para sa iyo, aking mahal." Napangiti siya nang muling marinig ang boses ng lalaking naging ama ng kanyang anak. Inabot niya ang pulang rosas.
"Nakikita mo ba ang mga masasarap na pagkain. Kapag kinain mo ang pulang kanin ay hindi ka na makakabalik sa iyong daigdig."
"Kung ito lamang ang paraan para makasama ko ang aking anak pumapayag akong manirahan sa inyong paraiso," tugon niya rito.
"Ang ating anak ay nasa mundo ng mga mortal na tao. Nagkatawang tao na ang ating anak."
Sa kanyang narinig ay niyakap niya ito. Muli niyang naramdaman ang mainit nitong yakap. Kinapa niya ang mukha nito. Gusto niyang makapa ang mga labi nito.
"Lope, bumalik ka na sa iyong daigdig kapiling ang anak natin. Mahal na mahal kita."
"Paano ka? Bakit hindi ka magkatawang tao?"
Hindi na niya narinig ang boses nito at nakakita na siya ng liwanag. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. At sa kanyang pagmulat nasilayan niya ang isang binatilyong lalaking nakangiti sa kanya.
"Mama, maligayang pagbabalik!" Ayaw niyang paniwalaan ang kanyang nakikita. Binata na ang kanyang anak. Lumakad ito palabas ng kwarto at ang paalam nito ay kukuha ng malamig na tubig.
Naramdaman niya ang malamig na hangin. Tumayo siya sa kanyang hinihigaang kama. At halos mapasigaw siya nang makita sa malaking salamin ang kanyang anyo. Tumanda na siya. Napatingin siya sa kalendaryo. Labis niyang ikinagulat ang natuklasan, 20 yrs na ang nakakaraan. Ganoon lang ba kabilis ang lahat?
Naramdaman niya ang pag-akbay ng isang nilalang sa kanyang balikat. "Ang isang araw mo sa paraiso ay katumbas ng 20 yrs sa inyong daigdig. Lope, narito ako para magkatawang tao."
Unti-unting nagkaka-anyo ang nilalang na kanyang nahahawakan. Aaminin niyang natutuwa siyang masilayan ang ama ng kanyang anak. Napatingin siya sa paanan ng lalaki. Nakikita na niya ang anyo niyo. Itinaas niya ang paningin. Sa tuhod, sa baywang at doon niya natuklasan na walang saplot ang lalaki. Muli niyang itinaas ang kanyang paningin hanggang sa maabot nito ang dibdib, ang leeg at halos himatayin siya nang masilayan ang mukha nito.
"Lazandro?"
Walang pagbabago sa mukha ni Lazandro. Batang bata pa ang mukha nito. Parang hindi sumabay sa panahon. Mukha ni Lazandro ang kanyang nasisilayan. Paano nangyari ito?
"Hindeeeeee!"
MINSAN sa ating buhay ay may misteryong nagaganap. May mga nilalang na namumuhay sa ating daigdig na hindi natin nakikita. Nandiyan na siya... nandiyan na siya.... Pero hindi mo nakikita. Malay mo nasa paligid lamang siya. At nagmamasid sa iyong ginagawa. Handa ka na bang makapiling ang TIMAWO?
WAKAS
Sa Panulat ni JonDmur
No comments:
Post a Comment