“Lorilie, patawarin mo ako. Masakit para sa akin ang matuklasang hanggang ngayon si Alex pa rin ang bukam-bibig mo. Masakit para sa akin na sa konting panahon na muli tayong nagkita ay hindi mo nabanggit ang pangalan ko.
Nothing Gonna Change
Sa Panulat ni JonDmur
Chapter 5
TUMULO na ang mga luha ni Mang Alex. Muli niyang naalala ang nakaraan. Binabalutan ng pagsisisi ang kanyang puso. Itinapat niya ang lumang larawan sa kanyang dibdib. Kumupas na ang larawan subalit hindi ang kanyang alaala- ang alaala ng kahapon.
Lubog na ang araw nang makabalik si Joe sa bukid. Naabutan pa niya si Mang Alex na medyo nakakaidlip sa ilalim ng puno ng mangga at hawak nito ang isang lumang larawan na katulad ng larawan ni Lola Loring. Nang marinig ang ingay na likha niya ay agad itong tumayo.
“May balita ka ba? Joe, alam mo ba kung saan siya nakatira?” May kabang bumalot sa kanyang puso. Paano kung hindi nila matagpuan ang tirahan nito? Nalaman niyang naibenta na pala ang lupain ng pamilya nito sa isang mayamang pulitiko. At kung saan ito lumipat ay hindi niya matukoy. “Hahanapin ko siya katulad nang ginawa ko noon.”
“Sasama po ako.”
Kumakabog ang puso ni Mang Alex habang nilalakbay nila ang baku-bakong kalsada. Ayon sa napagtanungan ni Joe sa lumang hacienda nakatira si Lola Loring. Bumilib siya sa pinapakitang pagmamahal ng matanda. Dalawang oras ang nilalakbay nito araw araw makapunta lamang sa bukid. Lahat ng pagod ay tiniis makapunta lamang sa bukirin at balikan ang nakaraan. At higit sa lahat hintayin ang lalaking minamahal.
Nasasabik naman ang puso ni Mang Alex. Hindi ito mapakali habang naglalakad sila ni Joe. Sa kanyang isipan ay ginugunita niya kung ano na kaya ang ipinagbago ng pisikal nitong anyo. Makilala pa kaya niya ito? Makilala pa kaya siya ng babaeng minamahal? Batid na ng kanyang puso na kailan man ay hindi niya makakalimutan ang babaeng minahal niya. hindi man siya makilala nito, alam niyang kahit gaano pa ito tumanda ay makikilala at makilala pa rin niya ito. Ang tibok ng puso ang siyang tanging sandata para makilala niya ang babaeng minamahal.
Iniluwa sila ni Joe ng kalawanging pintuan. Matapos nilang matunton ang kinaroroonan ni Lola Loring ay agad naman silang pinapasok ng isang matabang babae. Nakakaramdam ng tuwa si Mang Alex. Nasasabik siyang makita ang babaeng minamahal. Subalit ang tuwa na nararamdaman ay napalitan ng lungkot nang matuklasan niya ang isang pangyayari.
ISANG pangyayari sa buhay ni Alexander ang hindi niya makakalimutan. Isang bagay na matagal na niyang hinahangad – ang makuha ang puso ni Lorilie.
“Pinapasaya mo ako sa tuwing nalulungkot ako. Alam mo, naisip ko.. kung ikaw ang unang minahal ko, siguro hindi na ako lumuha.”
“Dahil mahal kita… hindi kita sasaktan. Ikaw kasi di mo pinapansin ang ka-gwapuhan ko.”
“Bakit gwapo ka ba?”
“Oo naman! Tingnan mo.” Tumayo siya saka nag-pose na tila isang modelo sabay kindat sa harapan ng dalaga.
“Hmm! Ikaw talaga, ang yabang mo porke gwapo ka lang.”
“O, hayan! Eh di inamin mo na rin na napopogian ka rin sa akin.”
“Oo na!” Niyakap siya nito nang mahigpit. “Salamat, Alexander dahil pinapasaya mo ako.”
Lubos ang kaligayahan ni Alexander. Nakuha niya ang matamis na kasagutan ng dalaga. Kahit na batid niyang nilalaman pa rin ng puso nito ang dating kasintahan ay hindi na mahalaga. Tutulungan niya itong makalimutan ang sugat ng kahapon. Gagawin niya ang lahat para makalimutan lamang nito si Alex. subalit sa kanyang isipan ay may namumuong takot. Paano kung biglang bumalik ang kaibigan?
Lumipas ang mga buwan na tila nakalimutan na ni Lorilie ang damdamin niya sa dating kasintahan. Sa tulong ni Alexander ay muling nakangiti ang pusong matagal nang nananamlay. Minamahal na niya ang lalaking nagmamahal sa kanya nang lubusan. Subalit sa kabilang bahagi ng kanyang puso batid niyang naroroon pa rin ang alaala ni Alex. Mahal pa rin niya ang lalaki subalit pipilitin niyang kalimutan ito sa tulong ni Alexander. Kanina lamang nang masayang mamasyal sila ng binata, at doon pansamantalang nawala sa kanyang isipan ang dating kasintahan.
Hating gabi na ngunit hindi pa rin magawang makatulog ni Alexander. Nag-aalala ang kanyang puso. Kanina lamang nanag makauwi siya ay isang mensahe ang kanyang natanggap mula kay Alex - isang sulat ang ipinadala nito sa kanya. Isang liham na nagsasabing gusto nitong makausap si Lorilie. Samahan niya sa Cebu para doon magkitakita silang tatlo. Papayag ba siya? Pinunit niya ang sulat saka itinapon sa labas ng bintana. Hindi siya papayag na muling maagaw ng kaibigan ang babaeng nagmamahal na sa kanya ngayon.
NGAYON ay hindi na masisilayan ni Lola Loring ang lalaking naging bahagi ng kanyang buhay. Isang lalaki ang iniluwa ng pintuan subalit hindi niya masilayan. Tanging mga yabag lamang nito ang kanyang naririnig. Lorilie…. Napaangat ang kanyang ulo mula sa pagkakahiga hanggang sa mapasandig siya sa kanyang higaan. Kay tagal nang panahon mula nang huling marinig niya na may tumawag sa kanya sa pangalang Lorilie. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay na tila nag-aalok na lumapit sa kanya ang lalaki.
“A-alex? I-ikaw ba ‘yan?” Pumatak na ang kanyang mga luha. Mayamaya pa ay naramdaman niya ang mainit nitong palad. Ilang saglit pa ay iniabot sa kanya nito ang isang bagay na batid niyang isang larawan. “Itinago mo ang larawan? Alex, a-lex ikaw nga!” Hinuli niya ang mga kamay ng lalaki palapit sa kanya hanggang sa mayakap niya ang matipuno nitong dibdib. Gumanti sa kanya ang lalaki na batid niyang lumuluha na rin sa kaligayahang nararamdaman.
“Lorilie, kumusta ka?”
Mahigpit na mahigpit ang mga yakap ni Mang Alex. Kay tagal niyang hinintay na muling mayakap ang babaeng minamahal niya. Gusto niyang hingin ang kapatawaran nito. Pinunasan niya ang mga luhang malayang umaagos sa kulubot nitong mukha. Tama ang kanyang hinala. Nakilala niya agad ito kahit na tumanda na sila. Ang tibok ng puso nito ay hindi niya maaaring makalimutan. Nalulungkot siya dahil hindi na siya nasisilayan nito. Nabulag dahil sa isang karamdaman. Nahagip ng kanyang paningin ang mga gamot na nakapatong sa maliit na table nito. Mayamaya ay naramdaman niya ang panginginig ng katawan nito. “L-lorilie,” wika niya saka muling pinahiga ito sa kama.
Natuklasan niya mula sa katiwala nito na may sakit si Lola Loring at di na raw magtatagal ang buhay nito. Nagpakilala siya sa katiwala, at natuwa ito nang matuklasang siya si Alex.
“Alam nyo po, sa loob ng 20 years na nanilbihan ako dito eh, walang araw na hindi niya kayo nababanggit. Kaya siguro tumandang dalaga na si maam.” Masayang kwento nito sa kanya. “Bakit po ba hindi kayo sumipot sa araw ng kasal ninyo?” Pinunasan nito ang maliit na sisidlan. “Naku! Kung hindi pa nagkasakit si Lola Loring baka araw-araw na siyang pumupunta ng bukid. Ngayon lang siya napadalas sa pagpunta sa bukid nang medyo gumaling ang sakit. Eh, matigas ang ulo kaya ‘yon nabinat yata at lumala pa ang sakit.” Huminga ito nang malalim. “Kayo po kasi ang hinihintay,” dugtong pa nito na tila nag-e-enjoy sa pagsasalita.
Natahimik lamang si Mang Alex sa mga sinabi ng katiwala. Nagkaroon ng pag-alala ang kanyang puso. Mapapatawad pa ba siya ni Lorilie? Aaminin na niya ang totoo. Sasabihin na niya ang buong katotohanan.
ISANG katotohanan ang sumampal sa mukha ni Lorilie. Mula sa pira-pirasong papel na napulot niya mula sa bintana ni Alexander ay natuklasan niyang gusto siyang kausapin ni Alex. Subalit nawala na ang kaputol ng sulat kaya di niya matukoy kung nasaan na ang binata.
Hawak ang larawan ay pinagmasdan niya si Alex. Mas matimbang pa rin ang binata sa kanyang puso. Kahit na masaya siya sa piling ni Alexander ay hindi nawaglit sa kanyang isipan ang alaala ni Alex. Ngayon na nabatid niyang gusto siyang kausapin nito ay hindi siya magdadalawang isip upang alamin kung ano nga ba ang dahilan kung bakit hindi ito nakasipot sa kanilang kasal.
“Nasaan ka Alex?
“NARITO ako.” Napangiti si Lola Loring nang marinig ang boses ni Mang Alex. Sa kanyang paggising ay ito na agad ang kanyang hinanap. Naramdaman niya ang mainit nitong kamay na humimas sa manipis niyang mukha. “Mahal na mahal kita Lorilie. Sana mapatawad mo ako.” Hinalikan niya ang kanang kamay nito. “Mahal na mahal kita Alex. Kay tagal kitang hinintay… kung saan saan kita hinanap noon… Alex, wag mo akong iiwan. Malapit na akong magpaalam… sana naroon ka sa aking pag-alis.” Isang halik sa pisngi ang kanyang naramdaman. Mayamaya ay muling hinawakan ang kanyang magkabilang kamay. “Hinanap din kita. Kung alam mo lang ang hirap na dinanas ko. Masaya ako at natagpuan na kita Lorilie.”
KUNG SAAN SAAN na nakarating si Lorilie subalit hindi niya mahagilap kung nasaan si Alex. Tinahak niya ang lungsod ng Maynila at umaasa na matatagpuan niya ang binata.
Nakatayo lamang si Alexander sa puno ng mangga. Hinihintay niya ang pagbabalik ni Lorilie. Alam niyang mabibigo lamang ang dalaga.” Inilihim niya ang lahat kay Lorilie. Hindi niya sinabi kung nasaan si Alex. Pupuntahan niya ang kaibigan. Alam niyang nasa Cebu ito at nakikituloy sa malayong kamag-anak. Pupuntahan niya si Alex. Susumbatan sa ginawang panloloko kay Lorlie. “Alex, bakit ka pa nagparamdam?”
“NAGBALIK ka na Alex. Masaya ako sa iyong pagbabalik,” mahinang wika ni Lola Loring kay Mang Alex. kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya. Kinakapa niya ang mukha ng lalaki at sinasalamin ang anyo nito sa kabila ng hindi niya ito nasisilayan. Ilang segundo pa ay iniabot sa kanya ang larawan – ang nakuhang kopya nito noon na hanggang ngayon ay iniingatan pa rin. Bumitaw ito mula sa pagkakahawak niya, at naramdaman niya na umupo ito sa gilid ng kanyang kama saka muling hinawakan ang magkabila niyang kamay.
“Alam mo? Noon, masama ang loob ko dahil hindi ako nakakuha ng kopya. Umaasa ako na sana balang araw magkaroon ako.” Natigilan si Loring sa sinabi ni Mang Alex. Ano ang ibig nitong sabihin?
“Lorilie, hindi ako si Alex… ako si Alexander!”
Sapat na ang narinig niya upang bumalik muli ang sakit ng kahapon. Pumiglas siya sa pagkakahawak sa kanya ng lalaki. Gusto niyang magsalita subalit tila nagbabara ang kanyang lalamunan. Isang hagulgol na lamang ang kanyang isinagot.
“Lorilie, patawarin mo ako. Masakit para sa akin ang matuklasang hanggang ngayon si Alex pa rin ang bukam-bibig mo. Masakit para sa akin na sa konting panahon na muli tayong nagkita ay hindi mo nabanggit ang pangalan ko. Umaasa ako na sana kumustahin mo ako kahit minsan lang. Kay tagal kitang hinanap.. patawarin mo ako Lorilie sa nagawa kong paglilihim kung nasaan si Alex.”
Nagkaroon ng lakas ng loob si Lola Loring upang magsalita. Inipon niya ang natitirang lakas upang iparating dito ang kanyang saloobon. “Lumipas na ang panahon… hindi ako tumigil sa paghahanap.. nakikiusap ako sabihin mo sa akin kung nasaan si Alex. P-parang awa mo na!” Nagmamakaawa na siya sa lalaki. Katulad ng mga araw na ito ang nagmamakaawa upang mahalin niya. Ngayon… lumipas na ang panahon hindi na siya mahihiyang humingi ng awa. “Alexander, parang awa mo na… nasaan si Alex… kahit ngayon lang… bago ako mamatay…”
No comments:
Post a Comment