Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

Nothing's Gonna Change - Chapter 4

“Nandyan ka kung kailangan kita. Pasensya ka na, kung hindi ko nakita. Alexander, salamat dahil mahal mo ako.” Niyakap siya ng dalaga. At ang mga luha nito ay dumaloy sa kanyang mga balikat.  

Nothing's Gonna Change
Sa Panulat ni JonDmur
Chapter 4

            “AY! ALEX ano ka ba? Nakikiliti ako,” malakas na sigaw ni Lorilie habang masuyong nilalambing ng katipan. Mayamaya, habol ang paghingang napatingin sa bawat isa. Hinawakan ni Lorilie ang magkabilang pisngi ng binata. “Walang minutong hindi ako masaya basta’t kasama kita,” wika niya kay Alex. Isang matamis na halik ang iginanti sa kanya ng binata. Isang linggo na ang nakakaraan nang bumalik ito sa kanilang bayan. Niligawan siya na agad naman niyang sinagot. Magpapakipot pa ba siya? “Mahal na mahal kita, Alex!” dugtong niya, saka hinalikan sa pisngi ang binata.
            “Natutunan na kitang mahalin. Alam mo, tama si Alexander. Hindi ka mahirap mahalin.”

            MULA sa `di kalayuan ay nakamasid si Alexander. Natutuwa siya sa malaking pagbabago ni Lorilie. Nanumbalik ang dating sigla nito at ang mga ngiti ay walang humpay. Subalit aaminin niya sa kanyang sarili na nasasaktan siya. Nasasaktan siya habang nakikitang magkasama ang dalawa. Nagseselos siya dahil alam niyang mahal pa rin niya ang dalaga.

            NATIGILAN si Lorilie nang mapansin may lalaking nakatayo mula sa likuran ng puno ng mangga. Napangiti siya nang makilala ang lalaki.
            “Bespren, halika nga rito. Ano ba ang ginagawa mo riyan?” malakas na sigaw niya na ikinagulat ng binata. “Oh, baka naman gusto mo pang kami na lang ni Alex ang pumunta riyan?” Lumapit sa kanila si Alexander. Nakangiti ito na tila tanggap na ang sinapit na kapalaran sa puso ng dalaga.
            “Baka kasi nakakaabala lang ako sa inyo.”
            “Hindi naman. Masaya nga kung nandito ka, tol,” sagot ni Alex na kinamayan pa si Alexander. Umupo sila sa damuhan na nalalatagan ng isang malaking carpet. Sa gitna niyon ay ang mga masasarap na kakanin at prutas na utting pa ni Alex sa kanilang bakuran.
            Lihim na napangiti si Lorilie nang mapagmasdan si Alexander na pilit nilalabanan ang selos. Sa totoo lang ay bumilib siya sa binata sa ipinakita nitong katatagan. Mula nang maging sila ni Alex ay hindi na siya nito ginulo o pinilit pa sa pag-ibig nito.
            “Alexander, mayroon akong sasabihin sa `yo. Tinanggap ko na ang alok na kasal ng kumpare mo,” sambit niya na siyang ikinabigla ni Alexander.
            “Ikakasal na kayo?”
            “Ah, oo, tol! Huwag kang mawawala, ha?”

            NAPANGITI lamang si Alexander sa ibinalita ng dalawa. Pilit niyang kinakalaban ang kanyang damdamin. Ang selos sa kanyang puso ay pilit na winawaglit sa kanyang isipan. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at bahagyang iniunat ang kanyang mga kamay.
            “Parang gusto kong matikman ang mainit na kape.”
            “Hmm… Sige titimplahan kita,” ani Lorilie na agad namang nagbuhos ng mainit na tubig sa isang tasa. Tumayo ito at iniabot sa kanya ang kakatimplang kape. “Pasensiya ka na, matagal mong hindi natikman ang kape ko.” Napangiti lamang siya sa sinabi nito sa kanya. Ang totoo nasasabik na siya sa kape nito, at hindi lamang sa kape kundi pati na rin ang kulitan nila noong sila ay mga bata pa lamang.
            Tumayo si Alexander, saka lumapit kay Lorilie. Kitang-kita niya ang pagyakap nito sa likuran ng dalaga. Lingid sa dalawa ay patuloy pa ring nagluluksa ang kanyang puso. Para sa ikaliligaya mo, gagawin ko ang lahat. Kasama na ang pagpaparaya ko.
            Lumanghap siya ng hangin, saka muling pinagmasdan ang dalawang naghahabulan sa gitna ng taniman. Kanina lamang ay masaya itong naglalambingan hanggang sa mauwi sa masayang habulan. Ang kanilang mga tawanan ay tila bumabasag sa kanyang puso. Sana ako na lang… sana ako na lang…

            MAAGA pa lamang ay nasa bukid na si Joe. Hinihintay niya ang dalawang taong naging bahagi na rin ng kanyang buhay. Naunang dumating si Mang Alex na mababakas ang galak sa puso.
            “Ninong, makikilala pa kaya ninyo si Lola Loring?” Isang simpleng ngiti lamang ang iginanti sa kanya nito. Malaki ang itinanda ni Lola Loring kumpara sa kakisigan ni Mang Alex. Kaya naman Mang Alex ang tawag dito ng mga taong napalapit na rito at hindi na nakasanayan ang tawagin itong Lolo Alex.
            “Sa tingin po ninyo, makikilala pa kayo ni Lola Loring? Eh, binata pa kayo noon,” dugtong pa niya rito.
            “Kapag mahal mo ang isang tao, kahit gaano pa kayo katagal hindi magkita, makikilala at makikilala mo pa rin siya.” Lumapit ito sa puno ng mangga, saka pumitas ng dahon. “Saksi ang punong ito sa lahat ng nangyari sa aming dalawa.”
            “You mean, may nangyari sa inyo ni Lola Loring sa ilalim ng punong `yan?” pilyong tanong ni Joe.
            “Loko ka talaga! Alam mo, dito kami madalas tumatambay noon. Ako, si Alexander at si Lorilie.”
            “Kaya pala araw-araw na pumupunta si Lola Loring dito. Inaalala niya ang nakaraan.”
            Lihim na binalutan ng pag-alala ang puso ni Joe. Mataas na ang sikat ng araw subalit hindi pa rin dumarating si Lola Loring. Hindi katulad noong mga nakaraang araw, maaga pa lamang ay nasa bukid na para magpahangin at magpainit sa sikat ng araw. Nasaan na kaya si Lola Loring? Hindi man lang niya naitanong dito kung saan ito nakatira. Bumagsak ang mga balikat niya nang mapansing tahimik si Mang Alex. Lumapit siya rito, saka nagpaalam na uuwi muna para ayusin ang nalalapit nilang kasal ni Marisa.

            PAPALUBOG na ang araw. Nakatayo si Mang Alex sa tabi ng puno ng mangga. Kanina pa nakauwi si Joe para ayusin ang nalalapit nitong kasal. Minabuti niyang magpaiwan dahil umaasa siyang darating ang kanyang hinihintay. Ilang taon din ang nakalipas nang huli siyang dumalaw sa lugar na ito para umasang darating ang babaeng naging bahagi ng kanyang buhay.
Sana hindi na lang ako pumunta ng Amerika, sabi niya sa sarili na mababakas ang paghihinayang sa kanyang puso. Kung naghintay lamang siya nang matagal ay baka nagtagpo na ang kanilang mga landas. Umupo siya sa ilalim ng puno ng mangga. Sumandal siya sa puno, saka ipinikit ang kanyang mga mata.  Nakakaramdam siya ng inip subalit pilit niya iyong nilalabanan hanggang sa bumalik sa kanyang alaala ang nakaraan. Ganito rin kaya ang nararamdaman ni Lorilie? Takot utting walang dumating?

            “NASAAN ka, Alex?” mahinang bulong ni Lorilie habang nakatayo sa puno ng mangga. Suot nito ang utting damit. “Bakit hindi ka sumipot sa araw ng kasal natin?” Mula sa kanyang likuran ay may mga yabag na paparating. Agad niya iyong tiningnan subalit si Alexander ang may likha ng ingay.
            “uttingang mawalan ng minamahal. Narito lang ako, bigyan mo lang ng pagkakataon at hindi kita iiwan. Gagamutin ko ang sugat na nilikha ni Alex.”
            “Hindi! Nangako siya… nangako siya na pakakasalan niya ako. Nangako siya na hindi niya ako iiwan.”
            “Gumising ka na. Kung mahal ka niya, sana sumipot siya sa kasal niyo. Pakakasalan kita, Lorilie. Lahat gagawin ko makalimutan mo lamang siya.”
            “Umalis ka na.”
            “L-lorilie.”
            “Umalis ka na!” malakas na sigaw niya na ikinabigla ng lalaki. “U-umalis ka na. Nakikiusap ako… gusto kong mapag-isa.” Napapikit siya nang tumalikod ang binata at bagsak ang balikat na naglakad palayo sa kanya.
            Magdamag na naghintay si Lorilie. Umaasa na babalik si Alex. “Alex, bakit mahal kita? Bakit mo ako niloko? Ano’ng nangyari sa `yo?” Napasandal siya sa puno ng mangga hanggang sa mapaupo na siya. Nabahiran na rin ng putik ang utting kasuotan niya. Sumigaw siya nang sumigaw hanggang sa umeko iyon sa kabukiran. Masakit para sa kanya ang nangyari. At aaminin niya sa kanyang sarili na parang natauhan na siya sa kanyang kahibangan. Kailangan utti niyang tanggapin ang kabiguan?

            TULUYAN nang lumubog ang araw subalit hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Mang Alex na muling makita ang babaeng naging bahagi ng kanyang buhay. Hahanapin niya si Lorilie katulad ng mga araw na hinanap niya ito. Umaasa siya na balang araw matutupad ang pinapangarap niyang muling makita ito.
Lorilie, kumusta ka na? mahinang tanong niya sa sarili. Nasasabik ang kanyang puso sa muling paghaharap nila ni Lorilie. Subalit mapapatawad kaya siya nito sa mga bagay na inilihim niya?

            GALIT ang nararamdaman ni Alexander para kay Alex. Gusto niyang sapakin ang dating kaibigan subalit hindi niya ito matagpuan. Sinubukan na rin niyang puntahan ito sa Maynila ngunit umuwi siyang hindi nakakausap si Alex. Sa ginawa nito ay muling bumalik ang kanyang pag-asa na ipaglaban ang kanyang pagmamahal para sa dalaga.
            Nagkaroon siya ng pagkakataon na makausap ang dalaga nang minsang maabutan niya itong nag-iisa sa ilalim ng puno ng mangga. Ikinatuwa niya nang hinarap siya nito at pumayag na makipag-usap sa kanya. Hinawakan niya ang kanang kamay ni Lorilie, saka hinuli ang mga mata nito.
            “Kahit konti lang, bigyan mo ako ng konting puwang sa puso mo, kahit ngayon lang… puwede ba? Kahit ngayon lang,” ang mahinang wika niya sa dalaga.

            “Nandiyan ka kung kailangan kita. Pasensiya ka na kung hindi ko nakita. Alexander, salamat dahil mahal mo ako.” Niyakap siya ng dalaga. At ang mga luha nito ay dumaloy sa kanyang mga balikat.

No comments:

Post a Comment