Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

Si Tatay, si Nanay

“HAPPY Birtday!” Napuno nang malalakas na palakpakan ang buong bakuran ng isang munting tahanan. Kasabay nito ang pag-ihip sa lingas ng kandilang nakapatong sa isang kiddie cake. “Happy 8th Birthday Janjan!” Hindi mapantayan ang kaligayahang nadarama ng isang munting anghel nang bumungad sa kanyang harapan ang isang toy robot.




“Dada, ang ganda!” Niyakap ng bata ang kanyang ama. “Thank you po! Akala ko di n’yo po bibili ang dream toy ko.”

“Pwede ba namang hindi eh, ikaw lang ang baby ko,” wika ng kanyang amang tuwang tuwa habang pinagmamasdan siya. Ginulo pa nito ang maayos na pagkakasuklay sa kanyang buhok.

“Dada, thank you po!” Isang halik sa pisngi ang iginanti niya sa kanyang ama. “Alam n’yo po ang wish ko?”

“Hmmmm! Ano wish ang baby ko?” Napangiti siya sa tanong ng ama. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi.

“Dada, sana po magkaroon na ako ng mommy.” Lahat nang nakarinig ay nagulat, ang iba naman ay lihim na natatawa.

NATIGILAN si Jobet sa wish ng anak. Ang ngiti sa kanyang mga labi ay pansamantalang naglaho. Batid niya sa kanyang sarili na hindi niya kayang ibigay ang hiling ng anak. Huminga siya nang malalim saka hinimas ang maamong mukha nito.

“Aba! Tama na ang drama! Kumain na tayo,” malakas na sambit ng isang matabang babae na tila natatakam na sa lechon na nakahain sa hapag kainan. Napangiti siya sa kanyang narinig kaya muli niyang ginulo ang buhok ni Janjan, isang bagay na madalas niyang gawin sa tuwing nilalambing niya ito.

“Oo nga naman anak, gutom na ang mga bisita mo.”
“Diba po may parlor games pa?”
“Oo naman! After nating kumain. O, sige yayain mo na mga kaibigan mo.” Sa sinabi niya ay masayang tumalikod si Janjan saka nilapitan ang mga batang kalaro. Lihim siyang napaluha na kanyang ikinubli sa likod ng kanyang eyeglasses. Natutuwa siya nang makitang masaya ang anak, subalit sa tuwing naaalala niya ang bakas nang kahapon ay lungkot ang kanyang nadarama.

“Ano, iiwan mo sa akin ang bata? Okay ka lang?”

“Jobet, ito ang tama. Hindi pa ako handa para maging isang ina.” Niyakap siya nang kaibigan. Mahigpit na tila nasasakal siya sa problemang kanyang kinahaharap.

“Tama na!” Kumalas siya sa pagkakayakap nito. “Sandra, paano ko palalakihin ang bata. Paano ako magiging ama at ina sa kanya? Mas makakabuti kung ikaw ang magpapalaki sa kanya kasama ang lalaking magiging asawa mo.”

“Hindi ko kaya. Jobet, unawain mo ang kalagayan ko.”

“Sandra, kilala mo ako. Hindi makakabuti sa bata kung sa akin siya lalaki.”

“Jobet, mas mabuti kang tao kaysa sa akin. Alam ko na kayang mong tumbasan kung ano man ang kaya kong ibigay sa kanya.” Ginulo nito ang pagkaka-ayos sa kanyang buhok. “Wala naman sa kasarian  ‘yan eh!”

“Hay! Naku! Ano pa ba ang magagawa ng beauty ko. Tingnan mo ang ganda ko. Isa pa love ko si baby janjan.”

“Ang swerte ni Janjan dahil beauty queen na ang magiging ina niya.”Isa siyang beauty queen na ang tanging pangarap lamang sa buhay ay maghakot ng mga trophy na kanyang mapapanalunan. Subalit, isang pangyayari ang naganap. Paano niya gagampanan ang maging isang ama at ina? Makakatakas ba siya sa problemang kanyang hinaharap? Paano niya sasabihin sa bata ang tunay niyang kasarian? Paano niya ipapaliwanag na siya ay isang Ms. Gay Beauty Queen?

“JANJAN, totoo ba na dating beauty queen ang dada mo? Sabi kasi ni mommy siya raw ang Ms. Barangay 2004.” Tumaas pa ang kilay ng batang babae saka pinagmasdan ang kanyang dada habang pinapakain ang mga bisita. “Pero diba, babae ang beauty queen?”

Ngumiti si Janjan. “Alam n’yo bilib ako sa dada ko. Kasi kahit lalaki siya naaalagaan niya ako. Marunong siyang maglaba, mamalantsa, at masarap magluto. Kayo ba, kaya  ba y’un ng daddy n’yo?” Napanganga ang mga batang nakapalibot sa kanya. Ang mga matatandang nakarinig ay labis na nagulat sa kanyang winika. “At ito pa! Ang sabi ng dada ko, mapalad ako kasi mahal niya ako. At kahit wala akong mommy okay lang kasi siya ang mommy at daddy ko.”

“Eh, diba bading ang dada mo?” sambit ng isang batang lalaki habang pinipigilan nito ang matawa. Isang matandang lalaki ang pumigil dito saka hinila palayo sa kinatatayuan niya.

“Hmmmm! Oo bading ang dada ko!” Nagulat ang lahat sa malakas na boses na kanyang pinakawalan. Ang iba ay natuwa sa magandang reaksyon niya.Hindi nila akalain na ang isang batang katulad niya ay maipagmamalaki ang pagkatao ng dada niya. “Love na love ko ang dada ko!”


MABILIS lumipas ang mga oras. Ang hapag kainan na kanina lamang ay napapalamutian ng mga masasarap na pagkain, ngayon ay malinis na. Nawala na rin ang mga taong kanina lamang ay humuhusga sa kanyang pagkatao. Napangiti si Jobet nang matuklasang natapos na niya ang mga hugasin sa kusina.

“Dada_” Bigla siyang napalingon nang marinig ang boses ni Janjan. “Dada, ano po ang ginagawa ng bakla? Magiging bakla din po ba ako? Saka ano pong trabaho ang beauty queen? Halos mabitiwan niya ang hawak na pinggan sa tanong ng anak. Kanina lamang ay masaya itong ipinagmamalaki na bakla ang kanyang dada na siyang ikinatuwa ng mga tao.

“Ha? Ah.” Nagbara na ang kanyang lalamunan. Gustuhin man niyang magsalita ay hindi niya magawa.

“Daya naman ni dada. Tatahimik na naman.” Nakabawi siya sa kanyang pagkakabigla. Lumuhod siya upang magtagpo ang kanilang mga paningin. Humarap siya sa anak saka ginulo ang buhok nito.
“Diba, sabi ko sa’yo mahal kita. Ako ang nanay at tatay mo. Sana anak, di magbago ang pagtingin mo sa akin.”Tumulo ang kanyang mga luha. “Paglaki mo, mauunawaan mo ang lahat. Sana tandaan mo kahit ganito ako mahal kita.”

Tumawa si Janjan na siyang ikinagulat niya. “Tama po pala si Aling Selya, ang galing n’yo pong umarte. Tingnan n’yo po luluha kayo.”

“Ah ganun?” Hinawakan niya ito sa magkabilang baywang saka hinila palapit sa kanya. Lumipad ang kanyang mga labi sa batok nito na siyang nagbigay kiliti sa bata. Ang simpleng tawa ay nauwi sa masayang halakhakan, mga tawang bumasag sa katahimikan ng gabi, at mga tawang nagbigay saya sa kanyang puso.

“I love you anak!” Niyakap niya ang anak saka binuhat papasok ng silid. Pagkapasok, pina-upo niya ito sa kama. “Matulog ka na ha! Nag brush your teeth ka na ba?”

“Opo! Marunong na po ako. Kahit wala kayo kaya ko nang mag-brush my teeth,” pagmamalaking wika nito sa kanya.

Nakaramdan siya nang lungkot. Palaki na ang kanyang anak. Dumating kaya ang araw na magbago ang pakikitungo nito sa kanya? Nagkaroon nang pangamba ang kanyang dibdib. Magbago kaya ang pagtingin sa kanya nito kung maunawaan nito ang tunay niyang pagkatao.

“O, mag pray na tayo ha.”

Dear Papa Jesus, salamat po sa mga blessings na natanggap namin ni dada. Salamat po sa toy robot na gift niya sa akin. Mahal na mahal ko po ang dada ko kaya huwag n’yo po siyang pabayaan ha. Paglaki ko I promise na hindi po ko siya iiwan.” Ngumiti ito sa kanya saka isang halik sa pisngi ang naramdaman niya. Mayamaya pa, humiga na ito sa kama saka ipinikit ang mga mata. Nagmistula itong anghel sa kanyang paningin. Isang anghel na ibinigay nang langit sa kanya upang magbago ang kanyang pananaw sa buhay – ang dating beauty queen ngayon ay isa nang barbero sa isang kilalang Barber Shop ng kanilang bayan.


Humarap siya sa salamin. Pinagmasdan ang imaheng kanyang natatanaw. Isang adan ang kanyang nasisilayan, isang adan na may pusong eba. Napangiti siya saka umikot-ikot sa harapan ng salamin; nawala na ang kurba ng kanyang baywang, nabawasan na rin ang kinis ng kanyang balat, at wala na rin ang mahabang buhok na matagal niyang inalagaan. Muling bumalik sa kanyang alaala ang mga araw na sumasali pa siya sa mga beauty contest. Isang kabanata ng kanyang buhay na mahirap nang balikan.

Lalaki ang kanyang pananamit subalit ang kanyang kilos at tinig ay hindi kayang ikubli ng kanyang pagkatao. Lumalabas pa rin ang kanyang tunay na pagkatao – ang pagkilos nang malamya at pagpilantik ng kanyang mga daliri. Ganunpaman, iniiwasan niya ang mga palatandaang iyon sa tuwing kaharap ang anak.

“Maganda pa rin ako kahit walang lovelife!” Kumembot pa siya saka muling umikot sa harapan ng salamin na tila isang babaeng rumarampa sa isang beauty contest.

“Dada, ano po gawa n’yo?” Napanganga siya hanggang sa namula ang kanyang mga pisngi. Kanina pa pala nanonood ang anak na hindi pa natutulog.

“Ha? Ah eh!” Idinaan na lamang niya sa lambing ang lahat. Nilapitan niya ito saka muling kinumutan. Mayamaya pa,  kinantahan niya ito katulad nang ginagawa niya noong sanggol pa lamang ito.

Sana’y di magmaliw ang dati kong araw
Nang munti pang bata sa piling ni nanay
Nais kong maulit ang awit ni inang mahal

Hindi niya mapigilan ang maiyak habang pinagmamasdan ang natutulog na anak.

Sa aking pagtulog na labis ang himbing
Ang bantay ko’y tala, ang tanod ko’y bitwin
Sa  piling ni nana yang langit ang buhay

Isang halik sa pisngi ang kanyang iginawad sa lumalaking anak. Mayamaya pa, pinatay na niya ang ilaw saka lumabas ng silid na may mga ngiti sa labi.


MABILIS lumipas ang mga taon; katatapos lamang ng 13th Birthday ni Janjan, natupad na rin ang pangarap ni Jobet na magkaroon ng sariling negosyo – ang bagong Barber Shop na kanyang itinayo.

“Oh, magpapagupit ka ba? O ba’t ganyan mukha ng binata ko?” masayang bati ni Jobet sa nagbibinatang anak.

“Dada naman, sa dinamidami ng negosyo bakit Barber Shop pa?”

“Aba! A-ano naman ang masama? Marangal na trabaho naman ang ginagawa ko.” Tumalikod ito saka humarap sa salamin. “Teka, baka naman may pinaghugutan ang pagiging emotero mo ngayon?”

“Wala, nabasted lang ako.” Lumaki ang kanyang mga mata sa isinagot ng anak.

“Teka! Tama ba ang narinig ko? Binasted ka? Di mo yata sinasabi sa akin na may nililigawan ka na.”

“Bakit po? Kapag sinabi ko ba, matutulungan n’yo ba ako kung paano manligaw?” Natigilan siya sa tanong nito. Dumating na ba ang kinatatakutan niya? Bakit tila nagbabago na ang pakikitungo sa kanya ng anak. Nawala na ang lambing sa boses nito, nabawasan na rin ang masasayang kuwento nito sa mga bagay na nadidiskubre nito, at bakit naglilihim na ito sa kanya.

“Anak, may problema ba?”

“Wala po,” kaswal na tugon nito. Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa. “Alam n’yo po noong bata pa ako lagi ko kayong ipinagmamalaki. Kahit ano pa ang sabihin ng mga tao, ipinagtatanggol ko kayo. Siguro dahil hindi ko pa lubos nauunawaan ang lahat.”

“Hindi kita maintindihan.” Halos kumabog ang kanyang dibdib. Hindi niya alam kung paano haharapin ang anak.

“B-bakla po ba kayo?” Halos manikip ang dibdib niya sa tanong nito. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang anak. “Bakla po ba kayo?”
Huminga siya nang malalim upang makaipon ng lakas ng loob. Hinuli niya ang mga mata nito na tila nangungusap.

“Oo, bakla ako! Pero diba, sabi mo sa mga prayers mo noon, na kapag naunawaan mo na ang lahat hindi ka magbabago?” Bumigat ang talukap ng kanyang mga mata hanggang sa tuluyan na itong dumaloy sa kanyang mga pisngi. “Anak, kahit ganito ako pinalaki kita nang maayos saka__.” Hindi na niya natapos pa ang sasabihin nang bigla itong tumalikod saka iniwan siyang lumuluha. Masakit para sa kanya ang nangyari – ang lumayo ang loob ng anak dahil sa naunawaan na nito ang tunay niyang kasarian.

HALOS maghabulan ang mga paa ni John habang tumatakbo. Galit ang nararamdaman niya sa tuwing naaalala ang mga panunukso sa kanya ng mga kaklase niya. Dating beauty queen daw ang kanyang ama. Nasaan daw ang nanay niya? Tumigil siya sa pagtakbo nang maalala ang babaeng bumigo sa kanyang puso. Binasted siya dahil sa pamilyang kinalakihan niya. Bakla raw ang ama niya kaya hindi matanggap ng babae ang  pag-ibig niya.

Sa tabing dagat siya dinala ng kanyang mga paa. Kasabay nang paglubog ng araw ang pagtulo ng kanyang mga luha. Matagal na niyang naunawaan ang tungkol sa kasarian ng kanyang ama, ang hindi lang niya matanggap ay maging dahilan ito ng kanyang kabiguan.  Pumikit siya, at naalala niya ang unang pagkakataon na tinanong niya ang kanyang ama kung bakla nga ba ito? Naghahanap lang ba siya ng katiyakan?


KASABAY nang pagtangis ng kalangitan ang pagtangis ng puso ni Jobet. Kaharap niya ngayon ang matalik na kaibigan na naging gabay sa kanyang pagbabago.

“Ginawa ko naman ang lahat para magbago. Hindi na ako nakipag-relasyon, hinubad ko na ang mga gown  at magagandang sapatos, iniwan ko na ang buhay ng isang beauty queen. Bakit pa niya binabalikan ang nakaraan?”

“Brother, lahat ng bagay ay may dahilan. Habang lumalaki si John maraming bagay siyang natutuklasan. Ipagdasal mo na lang na buksan ng ating panginoon ang kanyang puso at isipan upang tanggapin ka at maunawaan ang lahat.”

“Paano kung isang araw magulat na lamang ako na hinahanap na niya ang kanyang ina. Hindi ko kayang malayo sa anak ko.”

“Huminahon ka!” wika ng kanyang kaibigan habang hinihimas ang kanyang likuran. “Diba, matagal mo nang hinahanap si Sandra? Natahimik na lamang siya sa tanong ng kaibigan. Nagkaroon ng takot ang dibdib niya. Paano kung sumama ang anak niya sa ina nito? Mayamaya, pinagmasdan niya ang  toy robot  na hawak niya - ang iniregalo niya noong 8th Birthday ni John.


“Hmmmm! Oo bading ang dada ko!” Nagulat ang lahat sa malakas na boses na kanyang pinakawalan. Ang iba ay natuwa sa magandang reaksyon niya.Hindi nila akalain na ang isang batang katulad niya ay maipagmamalaki ang pagkatao ng dada niya. “Love na love ko ang dada ko! Hindi ko siya iiwan kahit lumaki pa ako.”


LUMIPAS ang mga buwan ay patuloy ang paglayo ng loob ni John sa kanyang ama. Lahat nang pagbabalewala sa pinapakita nitong kabutihan ay nagawa na niya; nandyan ang pag-reject niya sa iniregalo nitong relo, ang hindi niya pag-imbita sa PTA meeting nila, at ang pagsagot niya ng mga masasakit na salita. Kinahihiya niya ang pagkatao ng kanyang ama, at minsan nang pumasok sa kanyang isipan na kung mabibigyan lamang siya nang pagkakataong mamili ng ama ay ginawa na niya.

Bigla siyang natahimik. Posible kayang ampon siya? Bakit wala siyang nanay? At kung bakla ang ama, paano ito nagkaroon ng anak? Aalamin niya ang totoo. Hahanapan niya ng kasagutan ang mga tanong na matagal nang bumabagabag sa kanyang isipan.

Malalim na ang gabi nang makauwi siya ng bahay. Ang akala niya mahimbing na ang tulog ng dada niya. Subalit nakatayo ito malapit sa kusina, ang mga mata ay tila nagtatanong kung saan siya nagmula.

“Saan ka galing?”

“Sa labas,” kaswal na tugon niya.

“Lagi ka yatang ginagabi?”

“Malaki na ako alam ko na ang ginagawa ko?” Lumakas ang kanyang tinig na siyang ikinabigla ng ama.

“Alam ko, hindi ka na bata pero ama mo pa rin ako.”

“Anak n’yo ba ako?”

“A-anong klaseng tanong ‘yan?”

“Pwede ba, huwag na kayong magpanggap. Paano kayo magkaka-anak kung bakla kayo.” Isang sampal ang tumama sa kanyang kanang pisngi. Nagulat siya. Halos kumabog ang pintig na kanyang puso na malayo sa normal na pintig nito – galit ang naging bunga nito sa kanya.

NATIGILAN si Jobet. Sa unang pagkakataon ay nasaktan niya ang anak. Hindi niya akalain na magagawa niya iyon. Diyos ko, gabayan n’yo po ako! dasal niya sa kanyang sarili. Sa pagkakataong ito kailangan niya ang presensya ng Panginoon upang makontrol ang emosyon na nararamdaman niya ngayon.

I’m sorry! H-hindi ko sinasadya. Janjan, nakikiusap ako sa’yo unawain mo ako.”

“Hindi n’yo sinasadya? Nagawa n’yo na. Pwede ba lumayo kayo sa akin.”

In Jesus Name! Huminahon ka!”

“Pwede ba huwag kayong magdasal. Kahit ano pa ang gawin n’yo nakakadiri kayo. Kahit ano pa ang gawin n’yo hindi na kayo magbabago.”

“Anak, naniniwala ako na mabait ka. Buksan mo ang puso mo para maunawaan mo ang lahat. A-anak_.” Hindi na niya natapos pa ang sasabihin nang bigla itong tumalikod saka mabilis na tumungo ng silid. Sinundan niya ito at nagulat siya nang matuklasang nagbabalot ito ng mga damit.
“Aalis ka?” Nanatiling walang kibo si Janjan habang mabilis na nag-iimpake ng mga gamit sa maleta.
“Aalis ka?” Huminga siya nang malalim. “A-aalis kaaaa! Pasigaw na ang kanyang tinig na siyang ikinabigla ng anak.

“Oo, aalis na ako!” Lumapit ito sa kanya hanggang sa gahibla na lang ang pagitan nila. Nakita niya sa mga mata nito ang labis na galit. “Bakit pipigilan mo ako? Sawang sawa na ako sa mga panunukso sa akin. Sawang sawa na ako sa mga tanong kung bakla nga ba ang tatay ko? Alam mo ba na nahihiya na ako? Dahil sa’yo, nasisira ang buhay ko.”

In Jesus Name, hindi ko sinisira ang buhay mo.”

“Tama na! tigilan mo na mga dasal mo. Hindi ka ba nahihiya sa mga ginagawa mo? “

“Hindi mo alam ang sinasabi mo. Tama na! Lahat ginawa ko para ibigay ko sa’yo ang lahat.” Tumalikod ito saka binuhat ang maleta. “Nakikiusap ako.”

“Gusto mong huwag akong umalis?” Binitiwan nito ang hawak na maleta saka humarap sa kanya. “Sige, hindi ako aalis kung sasabihin mo sa akin kung anak mo nga ba ako? Sabihin mo sa akin ang totoo? Ampon lamang ba ako?”

Natahimik siya subalit nagkaroon siya nang lakas ng loob. Alam niyang ito na ang tamang panahon upang malaman ng anak ang katotohanang matagal na niyang ikinubli.

“John, A_” Biglang sumigaw si Janjan na siyang ikinagulat niya. Mayamaya naramdaman niya ang mga palad nito na tumama sa kanyang dibdib. Itinulak siya nito dahilan para mapasandig siya sa pader ng kuwarto.

“Sabihin mo sa akin kung sino ang ama koooo.” Nakita niya sa mga mata ng anak ang labis na poot. “S-sinoooo?”

“Anak, ako ang ama mo. Nakikiusap ako sa’yo makinig ka sa akin.”

“Sinungaling! Paano ka magkaka-anak kung bakla ka. Nasaan na ang nanay ko?”

“Wala na siya! Iniwan ka na niya. Hindi mo ba naiintindihan? Iniwan ka niya dahil ayaw niya sa’yo.” Nabigla siya sa kanyang sinabi. At halos mangatog ang tuhod niya nang makita sa mukha ng anak ang labis na pagdurusa na tila hindi makapaniwala sa mga bagay na nasabi niya. “Anak, hindi ko sinasadya. John, balang araw mauunawaan mo rin ako.”

Tumakbo si Janjan na siyang hinabol niya. Nagpumiglas ito nang maabutan niya. Inubos niya ang lakas niya upang hindi makawala ang anak sa kanyang pagkakayakap.

“Anak, magdasal tayo katulad nang ginagawa natin noon. Maayos pa natin ito diba?” Walang kibo ito habang nagpupumiglas. At habang tumatagal ay parang nauubusan siya nang lakas hanggang sa makawala ito sa kanya.

“Tama na! Gusto kong makilala ang tatay ko. Gusto kong maramdaman ang pagmamahal ng isang ama na hindi ko naramdaman sa inyo.” Tumalikod ito saka pabagsak na isinara ang pintuan. Napaluhod siya sa sobrang sakit na nararamdaman. Saan siya nagkulang? Hindi pa ba sapat ang pagiging ama at ina niya sa kanyang anak?

Panginoon, pinupuri kita. Buksan n’yo po ang isipan ng anak ko. Huwag N’yo po siyang pababayaan. Nakikiusap po ako sa inyo, iligtas n’yo po ang anak ko sa anumang panganib na haharapin niya.

Nakarinig siya nang malalakas na sigawan sa labas ng bahay. Biglang kumabog ang kanyang dibdib. Napatayo siya hanggang sa naglakbay ang kanyang mga paa. At halos sakluban ng takot ang kanyang dibdib nang maabutang nakabulagta ang duguang katawan ng kanyang anak. Pakiramdam niya bumagal ang takbo ng oras. Gustuhin man niyang sumigaw ay hindi niya magawa. Nilapitan niya ang duguang katawan ni John saka niyakap niya ito. Mayamaya pa, natuklasan na lamang niya na binubuhat na ito ng mga tao saka isinakay sa ambulance car.

Panginoon, bakit ganito? Saan po ako nagkulang? Ginawa ko naman ang lahat para maging isang mabuting ama at ina sa kanya. Kung meron man akong pagkakamali, sana mapatawad niya ako katulad ng pagpapatawad ko sa kanya. Kinalimutan ko na po kung ano man ang mga masasakit na salitang binitiwan niya. Panginoon, iligtas mo po ang buhay ng anak ko.

Halos manikip ang kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang anak. Nakahiga ito sa kamang nababalutan ng puting tela. Nababalutan ng benda ang ilang parte ng katawan nito. Nilapitan niya ito saka hinagod ang maamong mukha. Bigla niyang naalala ang araw na dumating ang sanggol sa kanyang buhay – isang kabanata ng kanyang buhay na hindi niya inaasahan. Isang bagay na hindi kapanipaniwala sa isang taong tulad niya.

“Ibabalik na kita sa nanay mo. Huwag kang mag-alala, sa piling niya makikilala mo ang isang lalaking tatayo bilang ama mo. Alam kong pangarap mo ang magkaroon ng isang amang magtuturo sa’yo kung paano manligaw. Isang amang maipagmamalaki mo sa lahat. Sana anak, huwag mo akong kalimutan.” Hinalikan niya ito kasabay ng mga luhang pumatak sa kanyang mga mata. Masakit man para sa kanya ay gagawin niya – ibabalik na niya ang anak sa kanyang ina.


GUSTONG umiyak ni John subalit hindi niya magawa. Nakakarinig siya subalit hindi niya maikilos ang kanyang katawan. Madilim ang paligid na tila nilamon nang kadiliman – hindi niya maimulat ang kanyang mga mata.

Mainit na  palad ang nagpakabog sa kanyang dibdib. Kasabay nito ang isang tinig na ngayon lamang niya narinig. Isang tinig na nagbigay saya sa kanyang puso. Bakit mo ako tinawag na anak? bulong ng kanyang isipan nang marinig ang boses ng isang babae.

Lumipas ang mga araw, buwan at taon. Nagkaroon siya ng isang masayang pamilya. Nagkaroon siya ng isang amang malayo sa amang nakasanayan niya. Isang amang nagtuturo sa kanya kung paano manligaw, isang amang napagsasabihan niya ng mga problema sa babae, at isang amang maipagmamalaki niya sa lahat.

Binuhat niya ang kahon hanggang sa mahulog mula rito ang isang toy robot. Biglang bumalik sa kanyang alaala ang isang taong naging bahagi na ng kanyang buhay. Magmula nang makalabas siya ng ospital ay hindi na niya ito nakita pa dahil sa pagmulat ng kanyang mga mata ay nasa lupain na siya ng mga puti – sa Amerika nagkaroon siya ng bagong buhay.

Sa Amerika, nasagot ang ilan sa mga bagay na matagal nang gumugulo sa kanyang isipan. Iniwan siya ng kanyang ina sa dahilang natakot ito na hindi matanggap ng mga magulang. Maraming tanong  pa ang gumugulo sa kanyang isipan hanggang sa magbukas ang pinto upang matuklasan niya ang isang katotohanan.

“Anak, alam ng Diyos na mahal kita. Minsan na akong nagkamali sa’yo. Ayaw ko nang dagdagan pa ang aking kasalanan.”

“A-about what?

Carlos is not your real father.” Tila bombang sumabog sa kanyang pandinig. Ang akala niya tunay niyang ama ang napangasawa ng kanyang ina. “Ibinigay kita kay Jobet dahil natakot ako na  baka hindi ako matanggap ni Carlos. Nagkamali ako. Last year, nagkaroon ako ng lakas ng loob upang sabihin sa kanya ang tungkol sa’yo.”

Nagbara ang kanyang lalamunan. Hindi siya makatingin nang diretso sa kanyang ina. Gustuhin man niyang magalit ay tila napako na siya sa kanyang kinatatayuan.

“Laking pasasalamat ko nang makatanggap ako ng tawag mula kay Jobet. Nakikiusap siya na sa akin ka na tumira para mabigyan ka ng isang masayang pamilya.”

“Sino po ang tunay kong ama?” pansamantalang tumahimik ito na tila nag-iipon pa ng lakas upang magsalita.

“Alam mo, mabuting tao si Jobet. Noon, pangarap niya ang maging isang beauty queen subalit nagbago ang lahat nang ipinanganak na kita. Tinanggap ka niya kahit alam niyang mahihirapan siya. Alam ko minahal ka niya bilang anak dahil siya ang tunay mong ama.” Halos mangatog ang kanyang mga tuhod sa natuklasan. Hindi siya makapaniwala sa narinig. “Isang pagkakasala ang naganap sa namin nang lamunin ng espirito ng alak ang aming mga katawan. Nagising na lamang kami na nangyari na ang lahat. Natakot ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Gusto niya noon na ako ang mag alaga sayo dahil ayaw niya na lumaki kang makitang ganun ang tunay niyang pagkatao. Hindi ako pumayag dahil ikakasal na ako kay Carlos. John, iniwan ng ama mo ang buhay niya noon para sa’yo. Mahirap man ang magpakalalaki ginawa niya. John, kung bakla man ang ama mo, para sa akin tunay siyang lalaki dahil tinaguyod ka niya. Inalagaan ka niya. Minahal ka niya.”

Sa sinabi nito ay tila nanlambot ang kanyang puso. Nagsisisi siya sa kanyang ginawa. Kailan ba niya pinasalamatan ang taong nagmahal sa kanya? Kailan niya huling niyakap ang tunay niyang ama? Pumatak ang kanyang mga luha, at sa muling nagkakataon naalala niya ang Panginoon. Kailan ba siya huling nagdasal?


TAHIMIK ang paligid nang makarating si John sa lugar na matagal na niyang kinalimutan. Matapos ang mahabang paglalakbay ay narating na niya ang bahay na minsan nang naging bahagi ng kanyang buhay. Nagkaroon ng galak ang kanyang puso nang marinig ang boses ng ama. Mula sa bintana natanaw niya ito habang nakaharap sa altar habang mataimtim na nananalangin.
Panginoon ko, kayo po ay pinupuri ko. Bigyan mo po ng magandang buhay ang nag-iisa kong anak. Mahal na mahal ko s’ya. Iligtas n’yo po siya sa lahat ng panganib. Diyos ko, naniniwala ako na darating ang araw na makakasama ko siya. Salamat, Panginoon ko sa anghel na ipinagkaloob mo sa akin.

Tagos sa puso ang mga katagang narinig niya. Tatawagin sana niya ang ama nang bigla siyang natigilan. Nasaklot niya ang kanyang bibig. At ang mga luha ay tuluyan nang dumaloy sa kanyang mga mata. Nakatayo na ang kanyang ama, may hawak na baston at isang bulag na nakikiramdam sa paligid. Nakapa niya ang kanyang mga mata. Bakit nabulag ang kanyang ama?

“John, ikaw na ‘yan? Dumating ka na ba? Naririnig ko ang pagdaing mo. John, halika pumasok ka.” Mahirap man ipaliwanag pero tila may magnet ang tinig nito. Lumapit siya sa ama saka bigla niya itong niyakap. “Diyos ko, tinupad ng Diyos ang panalangin ko.”

Naalala niya ang minsang nanganib ang kanyang buhay. Nagising siyang madilim ang mundong ginagalawan. Isang operasyon ang isinagawa hanggang sa muling nanumbalik ang kanyang mga paningin.

“Dada, patawarin n’yo po ako.” Muli niyang niyakap ang ama hanggang sa naramdaman niya ang mainit nitong palad na gumugulo sa kanyang buhok – isang bagay na nagpalambot sa kanyang puso. Ngumiti siya hanggang sa nauwi iyon sa malakas na halakhak. Katulad noong bata pa siya, masaya silang naglalambingan sa kalagitnaan ng gabi.

Panginoon, salamat po sa pagbigay n’yo sa akin ng isang natatanging ama. Pinapangako ko, hindi ko siya pababayaan hanggang sa pagtanda niya. Ako ang magiging mata niya sa kanyang paglalakbay. Salamat po, sa pagkakataong nakilala ko ang aking ina. Samahan n’yo po siya sa piling ng kanyang asawa’t mga anak. Masaya na po akong makapiling ang isang amang katulad ni dada Jobet. Aalagaan ko siya katulad nang pag-aalaga niya noong ako ay bata pa. At kung dumating man ang araw na manghina siya, ako ang magiging tungkod sa kanyang paglalakbay. Katulad nang pag-alalay niya sa akin noong ako ay bata pa lamang. Salamat po! Maraming maraming salamat po!”



WAKAS

Sa Panulat ni Jondmur


8 comments:

  1. salamat sa pagbasa.... ^_^ thanks francis sana mabasa mo pa ang ibang stories.....

    ReplyDelete
  2. Tama si francis kakaiyak nga....hayz (T_T)Tama si francis kakaiyak nga....hayz (T_T)

    ReplyDelete
  3. maganda at makabuluhan ang iyong sinulat, kahit mahaba ay hindi nakakasawang basahin. :) nice to meet to sir!

    ReplyDelete
  4. salamat ng marami brod kiko... buti nabasa mo... wag na sir hehehe... jons na lang ^_^

    ReplyDelete
  5. hindi nasayang ang oras ko sa pagbasa. worth it.

    thanks for sharing, author.

    mat_dxb

    ReplyDelete