Habol ang paghinga nang tumigil sa paglalakad si Alex. Pakiramdam niya ay tila hinahabol niya ang isang napakatuling tren subalit kahit paliparin na niya ang kanyang mga paa sa paggawang pagtakbo ay hindi niya ito maabutan. Katulad ng kanyang mga pangarap na tila mababaon na lamang sa hukay.
Huli na nang kanyang natuklasan na naloko siya ng isang travel agency sa Pilipinas. Sa nangyari, gusto na niyang patayin ang matabang recruiter na nagkumbinse sa kanya para tahakin ang buhay sa gitnang silangan. Subalit ano pa ba ang magagawa niya ngayong nakatapak na siya sa lupain ng mga arabo?
**********
Naghalo na ang luha, pawis at dugo sa kanyang mukha. Hindi na nakayanan ng maskulado niyang katawan ang init ng disyerto, unti-unti na siyang nanghihina hanggang sa nagsanib na ang buhangin at ang kanyang dibdib. Ilang segundo pa ang lumipas ay tuluyan nang bumigay ang mga matang naubusan na yata ng luha. At kung kailan ito muling makakakita ng liwanag ay hindi na niya alam.
**********
As Salam Ale Kum! Ito ang unang salitang narinig niya nang lumapag ang eroplano sa Airport. Binalot ng saya ang puso niya habang bumababa siya ng eroplano. Ang kaba sa dibdib ay pinipilit niyang kalabanin para mapanatiling matatag ang kanyang loob. Subalit, hanggang kailan niya malalabanan ang kaba kung sa paglubog ng araw ay walang aninong sumusundo sa kanya?
**********
Nakaramdam nang ginhawa si Alex nang madampian ng tubig ang kanyang mga labi. Mayamaya, iminulat niya ang kanyang mga mata saka lumipad ang paningin sa isang lalaki na hindi niya matukoy kung ito nga ba ay isang Pakistani o Indiano. Agad siyang bumangon subalit parang mabigat ang kanyang katawan. Bakit hindi niya maikilos ang kanyang mga kamay? Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata hanggang sa bumalik sa kanyang diwa ang malagim na nakaraan.
Putahe, ang tawag sa kanya ng mga baklang naghahangad na matikman ang karneng taglay niya. Call boy ang pangunahing bansag sa kanya. Isang lalaking mababa ang lipad, mga lalaking tumatambay sa kahabaan ng Malate saka maghihintay ng kotseng hihila sa kanila. Hanggang kailan niya ibebenta ang kanyang dangal? Hanggang kailan niya matitiis ang ganitong buhay? Ang hirap na nararamdaman ay nabuhayan ng pag-asa nang magkaroon ng pagkakataong mangibang bansa. Sa Gitnang Silangan, doon nga ba niya maaabot ang mga pangarap?
************
P-putang ina! Nasambit ni Alex nang mapasandig siya sa isang sulok ng airport. Nakalubog na ang araw subalit wala pang sumusundo sa kanya. Ilang dasal na ng mga muslim ang dumaan subalit walang aninong lumalapit sa kanya. Napagod na rin ang mga kamay na kanila lamang ay may hawak na plakard. Wala na ang mga pinoy na kanina lamang ay tulad niyang naghihintay ng sundo. Wala na rin ang makulit na indiano na kanina lamang ay kinakaibigan siya. Nasaan na sila? Bakit sila lang ang sinundo? Binalot ng pangamba ang puso ni Alex. May hinihintay ba siya? Mayamaya, may isang lalaking lumapit sa kanya na tila nasalamin ang pangambang kanyang nararamdaman. “Sadeq, any problem?” usisa nito sa kanya.
Magtitiwala ba siya? Lihim niyang pinagmasdan ang paligid. Halos pinaliligiran na siya ng mga arabong naghahanda para sa huling dasal. Kasabay ng malalim na hininga, tinanggap niya ang tulong ng lalaki. Bahala na! bulong ng kanyang isipan.
**********
Isang buwan na ang nakakalipas nang kumalat ang balitang may pinatay sa Saudi Arabia. Subalit ang balita ay hindi na kumalat sa labas ng bansa. Ayon sa imbestigasyon walang awang pinatay ang di pa nakikilalang lalaki. Lasug-lasog ang katawan nito na tila kinatay na karne ng baboy.
**********
Kahapon nang matuklasan niyang walang bisa ang working visa niya. Sa tulong ng lalaki ay nabigyan siya ng pansamantalang hanap-buhay. Under the table kung ito ay tawagin. Sa isang maliit na tindahan siya ay napadpad kasama ang mga pakistanong abala sa paghiwa sa karne ng baka.
Ngayon, sari-saring karne ang nakahain sa kanyang harapan katulad ng mga araw na kumakain silang mag-ina: kaldereta, dinuguan, menudo at mga pagkaing paborito ng kanyang ina. Mga pagkaing nabili sa pamamagitan ng paglalako ng sariling laman. Subalit, kakaibang putahe ang nasa kanyang harapan. Isinubo niya ang karne, halos masuka siya nang lunukin niya ito. Iba sa panlasa niya subalit pinilit niyang lunukin para makatakas sa isang pagkakasala.
Natigilan siya. Bakit tila masusuka siya? Muli niyang pinagmasdan ang karneng nakahain sa kanya. Pumikit siya saka muling isinubo. Naalala niya ang mga panahong siya ang nagpapakain ng sariling laman sa mga baklang pinagsisilbihan niya.
**********
Sa bawat minutong napagmamasdan niya ang paligid ng Saudi ay sari-saring alaala ang bumabalik sa kanyang isipan. Ang ina niyang may karamdaman na labis ang kaligayahan nang mabalitaang mangingibang bansa na siya, ang mga baklang bumibili ng kanyang pagkatao, at ang mga bagay bagay na pinapangarap niya, katulad nang makakuha ng diploma kahit man lang sa High School at itong huli nga ang makapagtrabaho sa Saudi bilang waiter sa isang sikat na restaurant.
Sa loob ng lumang sasakyan, lihim niyang pinagmasdan ang Saudi. Maganda subalit mas hinahanap niya ang pulusyon ng Maynila, ang mga buhul-buhol na trapiko at ang mga pulubing namamalimos sa lansangan. Napatingin siya sa langit. Matindi na ang sikat ng araw kahit alas-siete pa lang ng umaga. Kanina lamang ay nakipag-unahan siya sa mga indiano habang pumapakyaw ng mga bagong katay na baka. Katulad ng mga gabing nakikipag-unahan ang mga matrona’t bakla sa kanyang katawan.
Napasulyap siya sa lalaki, ang lalaking nagbigay sa kanya ng trabaho. Mukhang mabait kahit na pasigaw kung magsalita. Bakit kaya siya tinulungan? Ano kaya ang kapalit? “Sabagay, mukha namang hindi bakla,” wika niya sa kanyang sarili.
Mahaba na ang byahe hindi katulad noong papunta pa lamang sila sa katayan. Sa tingin niya mahigit dalawang oras na ang binabyahe nila. Kumabog ang dibdib niya nang mapansing tila naiba ang direksyon ng nilalakbay nila. Mayamaya, napansin niyang disyerto na ang kanilang kinaroroonan.
“Hello Sadeq!” Kumabog ang kanyang dibdib nang mapansing hinihimas ng driver ang pag-aari nito na tila patatas na nababalutan ng putik.
“P-putang ina mo!” malakas niyang sigaw na parang ikinatuwa pa ng driver at ng lalaking kasama niya. Matitiis niya ang mabahong amoy nito na tila nabubulok na bayabas ngunit ang ipakita ang ari nito ay hindi na niya kayang tingnan. Totoo nga pala ang balita na maraming manyak sa Gitnang Silangan. Inakbayan siya ng lalaki saka hinimas ang kanyang kanang binti. Nagkamali yata siya ng akala. Bakla ba ang lalaki? Papayag ba siya? Isa siyang Call Boy, subalit nanaig ang takot sa kanyang dibdib. Nang pumarada ang sasakyan ay sinamantala na niya ang pagkakakataon. Agad siyang bumaba ng sasakyan upang makatakas sa dalawang demonyong naghahangad ng kanyang laman. Isang mabagsik na tingin ang ipinukol niya sa dalawa saka ipinakita ang malalaking masel sa kanyang katawan. “Taal , Sadeq! Taal !” malakas niyang sigaw na tila naghahamon ng away.
**********
Ang matinding singaw ng disyerto ang unti-unting nagpabagsak sa kanyang katawan. Ang pulang buhangin ang naging saksi sa kanyang paghihirap. Nasaan siya? Saang disyerto siya napadpad? Halos mag-unahan na ang kanyang mga paa sa ginawa niyang pagtakbo subalit kahit anong bilis ang kanyang gawin ay hindi sapat upang makatakas siya sa disyerto na tanging sasakyan lamang ang makakalampas. Natigilan siya! Habol ang kanyang paghinga na tila mauubusan na siya ng hininga. Nagkaroon ng pangamba sa dibdib niya nang matanaw ang sasakyan na tila sumusubaybay sa kanya. Makalayo kaya siya? Totoo kaya ang balitang maraming pinoy ang ginagahasa sa Gitnang Silangan?
Gutom at matinding uhaw ang naramdaman niya sa gitna ng disyerto. Marahil kung may halaman lamang na biglang tutubo sa disyerto ay kinain na niya. Takot ang bumalot sa puso ni Alex. Saan siya pupunta? Hindi na siya babalik sa tahanan ng lalaki. Gagawin niya ang lahat makauwi lamang ng Pilipinas kahit magmakaawa na siya sa mga pinoy na makakasalubong niya. At sa kanyang pag-uwi, Ano na lamang ang sasabihin niya sa kanyang ina. “Nay, namasyal ako sa disyerto?” napaluhod siya habang nakatukod sa pulang buhangin.
Mayamaya, napansin niyang papalapit na ang sasakyan ng dalawang demonyo na tila masaya sa larong sinimulan nito. Galit ang naramdaman niya sa lalaki. Sana hindi siya nagtiwala sa isang taong hindi pa niya nakikilala. Masisisi ba niya ang sarili niya?
Gusto niyang lumaban, subalit nauubusan na siya ng lakas. Pakiramdam niya nanghihina na ang mga paang tila napapaso na sa init ng lupa. Ipinikit niya ang kanyang mga mata hanggang sa bumagsak na ang matipuno niyang katawan.
************
Ang katawan na malaya niyang naiaalok sa mga baklang naghahanap ng panandaliang aliw ay ngayon ay pinagpapasapasahan ng mga lalaking tila uhaw sa laman. Gusto niyang lumaban subalit hindi niya magawa. Mga hayop sila! Sarap na sarap ang lalaki habang nagsasawa ang mga labi nito sa katawang nakatali sa matigas na papag. Ang mga kamay niyang nakagapos ay tila nag-iipon ng lakas para makawala sa demonyong nakapatong sa kanya. Ang lalaking nag-alok ng tulong ay naningil na ng bayad. Ito na ang kabayaran sa trabahong ibinigay sa kanya – ang pagpasok ng katawan nito sa kanyang pagkatao. Naalala niya ang mga araw na nakapatong siya sa likuran ng isang mayamang bading, sa bawat minuto ay katumbas ng pera. Magkano ba ang kailangan niya sa pagbabagong buhay?
************
Hinawakan niya ang itak saka ubod lakas na tinaga ang karneng nasa kanyang harapan. Pinutol hanggang sa pinakadulo nito. Tinadtad ng pinung-pino hanggang sa magkalasug-lasog ang laman nito. Kinuha ang kawali saka isinalang sa mainit na apoy. Binuhusan ng mantika saka iginisa ang bawang at sibuyas. Kinuha ang karne saka hinalo sa kumukulong mantika. Ang malambot na karne ay tila longanisang namumula sa pagkakaluto.
Unti-unti na siyang nasasarapan sa putaheng nakahain sa kanya. Kailangan na niyang kainin pati ang butong taglay nito. Isinubo niya ang karne, pinilit na malunok sa pamamagitan ng malamig na tubig. Mayamaya, tumayo siya upang sumandok ng putahe. Uubusin niya hanggang sa huling katas nito.
Katulad sa pag-ubos sa kanyang lakas na tila hinigop na ang huling katas ng kanyang pagkalalaki. Tiniis niya ang sakit sa bumabaon sa kanyang likuran. Wala na siyang magagawa dahil nakuha na ng demonyo ang inaasam nito – ang magsanib ang kanilang mga katawan. Nangyari na ang dapat na maganap at wala na siyang magagawa. Katulad sa mga babaeng nag-alay sa kanya ng pagkaberhen, iniwan siyang lumuluha.
Nakaupo siya sa kama. Malaya na ang mga kamay na kanina ay nakagapos pa. Tahimik na pinagmamasdan ang hubad na katawan sa salaming nasa kanyang harapan. Call boy nga ang tawag sa kanya subalit may natitira pa namang dangal sa kanyang sarili. Ito na nga ba ang kabayaran sa pagbenta niya ng katawan?
Naalala niya ang kanyang ina. Kumusta na kaya si Nanay? Gusto niyang sumigaw subalit tila nagbabara ang kanyang lalamunan. Gusto niyang yakapin ang kanyang ina at dito ibuhos ang sakit na nararamdam. Katulad ng gabing ipinagtapat niya sa kanyang ina ang lihim niyang hanap-buhay.
“Anak, magbago ka na!” pakiusap nito sa kanya.
Ang pakikipagsapalaran sa Gitnang Silangan ang siyang tanging paraan upang makaahon siya sa putikan. Subalit, ano ba ang nangyari? Anong kapalaran ang naghihintay sa kanya?
**********
Hiniwa-hiwa niya ang karne. Gamit ang itak ay ubod lakas niyang hiniwa ang karneng nasa kanyang harapan. Tumambad sa kanya ang katawan ng lalaki. Duguan at putol ang ari nito.
Isang lingo ang nakaraan, isang bangkay ang natagpuan. Lasug-lasog ito at nawawala ang ilang parte ng katawan. Ang masaklap, nawawala ang ilang bahagi ng katawan ng biktima
Iginisa niya ang bawang at sibuyas. Nilagay ang karne saka binuhusan ng maraming toyo. Tumingin sa kawalan at muling binalikan ang kahapon. Ang kahapong hawak niya ang patalim saka ubod lakas na tinaga ang lalaking natutulog. Hiniwa-hiwa ang buong katawan saka inilagay sa kumukulong tubig. Adobo, menudo, dinuguan at kaldereta hanggang sa maubos ang huling hibla ng karne. “U-ubusin ko ito para w-wala silang makita,” wika ni Alex na tila asong nasasarapan sa putaheng nakahain. Mata’y namumula at sa malayo nakatingin.
Ngayon, siya ay nasa disyerto, pinipilit takasan ang bakas ng kahapon. Takbo! Lakad! Takbo! Hanggang sa magsawa ang mga paang tila napapaso na sa init ng disyerto. Paano siya makakatakas? Paano niya sasabihin sa kanyang ina? Paano na ang kanyang buhay? Ang lahat ng tanong ay walang tiyak na kasagutan. Hawak ang ulo saka ubod lakas na sumigaw. Ang sigaw ay umeko sa buong disyerto hanggang ang sigaw ay tila naging isang halakhak.
Sa kanyang paglalakbay, may mga aninong sumusunod sa kanya. Mga aninong nagmamasid sa karneng taglay niya. Mahuhuli na ba siya? Ano na ngayon ang kapalaran niya?
Ang luha ay pumatak nang di sinasadya. Saan siya nagkamali? Siya ay napalingon ng sa di kalayuan ay may mga taong papalapit. Makakatakas ba siya?
Huwag!
Kinabukasan, sa katahimikan ng disyerto ay may natagpuang bangkay. Isang pinoy ginahasa saka pinatay ng mga di-kilalang tao. Lasug-lasog ang katawan na tila kinatay na karneng baboy. Ang masaklap, nawawala ang ilang bahagi ng katawan nito. At tanging pulang buhangin lamang ang saksi sa krimeng naganap.
Sa Pilipinas, isang ina ang nananalangin na sana ang kanyang anak ay nasa mabuting kaligtasan. Kumusta na kaya si Alex?
Paano haharapin ni Aling Dolores ang sinapit ni Alex?
WAKAS
Panulat Ni JonDmur
nakakatakot naman hehehehe nagustuhan ko oarang movie ang kwento
ReplyDelete