Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

Doon Lang - Part B


Note: Espesyal sa akin ang nobelang ito dahil dito ako unang nangarap na maging isang manunulat. Isinulat ko ito sa papel noong hight school ako at naibahagi ko ito sa internet noong 2008. Dito makikita kung paano ako unang nagsulat - ganito ako magsulat noon, kahit maraming grammar error eh sulat lang nang sulat. Dito nag umpisa ang paglawak ng aking imahinasyon....

 

Doon Lang
Sa Panulat ni Jondmur 



Part  III

"Anak gumising ka na, tanghali na!" naalimpungatan ako sa mahimbing na pagkakatulog. Sa pagdilat ng aking mga mata ang aking nanay ang agad kong nakita.
"Napasarap yata ang tulog mo." Nakangiting sabi ng nanay. Bumangon ako sa aking pagkakahiga.
"Nay nakatulog na po ako kagabi siguro sa sobrang pagod." sagot  ko sa aking nanay.
"Sinilip nga kita kagabi at gigisingin sana kita para tulungan akong magligpit ng mga gamit kaso nakita kong mahimbing ang pagkakatulog mo."
Kinuha ng nanay ang tuwalyang nakasampay sa tokador at iniabot sa akin.
"Maligo ka muna para presko ang pakiramdam mo."  Lumabas ang nanay at nanatili ako sa kwarto.
Naisipan kong humiga muli at inisip ko  kung ano ang gagawin ko sa buong araw. "Alam ko na!" mahina kong sabi at agad akong lumabas ng kwarto para maligo.
Naiisipan kong magbyahe ng trisikad para magkaroon ako ng pera. Hindi kasi ako humihingi ng pera sa nanay lalo na sa tatay. Kapag bingyan ako ng nanay malaki na pasasalamat ko.
Nakasalubong ko si Eric palabas ng banyo at mukhang bagong gising din.
"Eric wala ka bang pasok ngayon?" masaya kong bati kay Eric.
"Sabado ngayon walang pasok." Diretsong sagot ni Eric sa akin at agad itong pumasok sa kanyang kwarto.
Napangiti lang ako sa sinagot ni Eric. Malamang buong magdamag nasa kwarto lang ito at lalabas lang kapag kakain na.
Pumasok ako sa banyo para maligo at habang bumubuhos ang malamig na tubig na nagmumula sa shower ay nakaramdam ako ng pag-asa na may isang bagay na mangyayari sa aking buhay.
"KUYA Joe! Kuya Joe! Pasakay!" sigaw ng dalawang bata habang masayang kumakaway sa akin. Inihinto ko ang trisikad sa harapan ng mga batang babae.
 "O, Lilit musta na mukhang cute tayo ngayon ha?" ngumiti si Lilit sa biro ko.
"Kuya tagal naming 'di kayo nakita ha." Agad sabi ng kasama ni Lilit.
"Sige byahe na ako ha... pakabait na kayo." Pangiting sabi ko kay Lilit.
 "Eh kuya kaylan mo uli kami isasakay at iipasyal?" Pahabol ng batang makulit.
"Sa sunod na araw kapag may oras na ako." Sagot ko habang pinipidal ang trisikad palayo.
"Joe!" bati sa akin ng isang lalaking nakasalubong ko. Ngumiti lang ako bilang ganti sa pagbati sa akin. Sa lugar namin kilala na ako. Alam nila situasyon ko, ang iba naaawa sa kalagayan ko.
Noong bata pa ako ay maraming nanloloko sa akin lalo na yung mga kasing edad ko pero nang 'di nagtagal hindi na nila ako niloloko nakita kasi nila kung gaano ako kabait. Isa pa lahat ng mga kapit-bahay dito ay kaibigan ng nanay.
"Joe, Nanay mo pakisabi pasyal naman sa bahay marami akong chika hehehehe!" pasigaw ng isang babaeng nakatambay sa harap ng tindahan.
"Sige po Aling Nelia sabihin ko sa nanay.! Pasigaw kong sagot habang patuloy na nag mamaneho.
Habang nagsisikad ako hindi ko mapigilan ang pagmasdan ang paligid ng bayan. Malapit na ako sa parke at madadaanan ko ito. Itinuloy ko ang pagsisikad nagbabakasaling makahanap ako ng isang pasahero.
Sa hindi kalayuan may isang babae ang kumakaway sa akin. Natuwa ako dahil nakakita na rin ako ng pasahero. Habang papalapit ako sa pasahero hindi ko mapigilan ang aking sarili na humanga sa babaeng pumapara sa akin.
Naka t-shirt ang babae na bumagay sa ternong pantalon. Maganda ang hubog ng katawan at mahaba ang buhok na sinadyang inilugay. Huminto ang trisikad ko sa harap ng babae at agad itong sumakay.
"Kuya sa San Mateo lang po." Agad nitong sabi. Naisip ko na baka studyante ng San Mateo, isang kilalang Public School sa bayan. Habang nagsisikad ako lihim akong sumusulyap sa maamo niyang mukha.
"Kuya naman ang bagal magmaneho." Pabirong sabi ng babae.
"Miss naman bata pa ako Joe na lang itawag mo sa akin.   
"Ahhh Joe pala pangalan mo, alam mo minsan nakikita kita kaso lagi kang may pasahero."
"Talaga! Iba na kasi kapag pogi ang driver maraming sumasakay."
"Ah, ganun ba!" napatawa ang babae sa biro ko napangiti na lang ako habang lihim akong sumusulyap sa kanya.
"Sandali!" pagpigil ng babae.
"Dito na lang ako Joe salamat ha." Agad kong inihinto ang trisikad hindi ko namalayan nasa harap na pala ako ng San Mateo.
"Heto ang bayad ko!" sabay abot sa akin ng bayad.
"Wag na miss!" patanggi kong sabi.
"Sigurado ka?"
"Ok lang lakas mo sa akin."
"Sige na nga, salamat uli." Ngumiti ang babae at tumalikod sa akin. Sinundan ko ng tingin ang babae at  bigla itong lumingon sa akin.
"By the way I'm Leslie..." parang bumilis ang tibok ng puso ko ng malaman ko ang pangalan niya. Hindi ko man lubusang naintindihan ang english na salita alam kong pangalan niya ang tinutukoy niya.
Napangiti ako habang pinagmamasdan si Leslie papasok ng campus. Iilan lang tao sa loob ng paaralan sabado kasi malamang may mga activity silang gagawin.
Masaya ako habang nagsisiskad, masaya habang iniisip si Leslie. Parang iba ang nararamdaman ko parang ngayon ko lang nararamdaman.
"Huuuuu!" pahingal kong sabi. Tanghali na pala hindi ko man lang namalayan. Mataas na ang sikat ng araw. Nakaramdam ako ng gutom at naalala ko hindi pa pala ako kumakain. Ipinara ko ang sikad sa harap ng tindahan ni aling Nelia.
"Suki bakit ngayon ka lang?" masayang bati sa akin ni Aling Nelia.
"Ngayon lang kasi ako nagsikad." simpleng sagot ko. Kumuha lang ako ng softdrinks at agad na nagbayad.
"Huwag na Joe, sobra kasi ung sukli mo sa akin nung nakaraang sumakay ako sayo."
Napahiya ako sa sinabi ni Aling Nelia kaya minabuti ko na lang na umalis agad. Mahirap na baka ako lang mapansin ng mga tsismosa sa tindahan.
Naisipan kong pumunta sa parke. Doon malamig ang hangin bagay sa pawisan kong katawan.
Ipinara ko ang trisikad sa isang kanto at umupo sa isang upuang bato. Habang umiinom ako ng softdrinks hindi mawala sa aking isipan si Leslie.
"Sana magkita kaming muli." Bulong ko sa aking sarili. Kinapa ko ang aking bulsa at binilang ko ang mga baryang kinita ko sa pagsisiskad. "Singkwenta singko...okay na 'to!" kahit di ako nakapag aral marunong naman akong magbilang pero minsan nagkakamali din ako lalo na kung mabilisan ang bilangan.
Naalimpungatan ako ng makarinig ako ng tawanan ng mga bata. Nakaidlip pala ako sa kinauupuan kong malaking bato. Naisipan kong pumunta sa San Mateo University. Nagbabakasakaling uwian na ng mga estudyante.
Itinapat ko ang aking trisikad sa harap ng gate nagbabakasaling makita ko si Leslie. Malapad ang buong San Mateo, kilala bilang isa sa pinakamalaking paaralan sa buong suidad ng La Pricesa. Mula Elementarya hanggang Kolehiyo ang sakop ng University.
"Mama sasakay po!" sabi ng isang babae.
"Hindi po ako nagbyabyahe...doon sa kabila.! Patanggi kong sagot.
Napangiti ako ng may mga grupo ng kababaihan ang palabas ng campus. Halos humaba ang leeg ko sa kasisilip kung palabas na si Leslie.
"Mamang pogi pasakay naman." Sabi ng isang estudyante.
"Sa kabila...doon sa isa." Masungit kong sagot.
"Suplado!" sigaw ng babae. Nabigo ako dahil wala si Leslie sa mga nagsiuwian. "Nasaan na kaya siya?" bumaba ako sa trisikad at nagpalakad lakad at nakaramdam ako ng sobrang pagkainip. "Leslie lumabas ka na." sa isip ko. Halos hindi ko na namamalayan ang oras ang mahalaga makita ko si Leslie. Umupo ako sa isang upuang semento habang tinatanaw ang mga lumalabas sa gate ngunit walang Leslie ang lumabas.
"Hoy! kanina ka pa dyan ha..." sigaw ng guard.
 "Boss may hinihintay kasi ako...." Magalang na tugon ko sa guard.
 "Wala ng tao sa loob tapos na ang practice." Halos manlumo ang katawan ko sa narinig ko hindi ko man lang naabutan si Leslie malamang kanina pa yun nakauwi kasama ang mga kaklase niya.
Matamlay akong nagsikad pauwi ng bahay wala akong naramdaman kundi ang paghihinayang na hindi ko naabutan si Leslie.
Iginarahe ko ang trisikad sa pinakasulok ng garahe sinigurado kong hindi mababanggaan ng kotse sa oras na umatras ito.
Matamlay akong umakyat ng hagdanan at nakasalubong ko ang nanay pababa ng hagdanan at mukhang aalis. "Anak bakit mukhang matamlay ka? wala bang kita o naloko ka naman sa panunukli mo?" tanong ng nanay.
"Pagod lang po nay." Simpleng sagot ko.
"Sige alis muna ako pupunta ako sa tindahan, pahinga ka muna dyan...kumain ka muna baka gutom lang yan." pahabol ng nanay at tuluyan nang umalis. Napaupo ako sa sopa at iniisip si Leslie. "Bakit kaya ganito?" tanong ko sa aking sarili. Napahiga ako sa sopa at ipinikit ang aking mga mata.
"By the way I'm Leslie" mga katagang hindi mawaglit sa aking isipan. Isang bagay ang sumibol sa aking puso isang bagay na hindi ko maipaliwanag.
Binuksan ko ang bintana dumungaw at pinagmasdan ang paligid. Maraming bata ang naglalaro. Marami ang nakatambay sa tindahan. Napangiti ako ng makita ko ang nanay habang nakikipagkwentuhan sa mga kapit-bahay. "Ang nanay talaga!" pangiti kong sabi.
Pumunta ako sa kusina para magsaing alam kong mamaya dadating na si Eric at kakain agad bago magkulong sa kwarto. Kinuha ko ang kaldero at sinimulang magsaing. Hindi ko alam kung bakit kaninang matamlay ako ay napalitan ngayon ng sigla. "Hindi bale may bukas pa naman." Wika ko habang binubuksan ang gasul. Isinalang ko na ang sinaing.
"Eric musta ang eskwela mo?" bati ko kay Eric na kararating lang. Agad itong dumeretso ng kusina para kumuha ng malamig na tubig.
"Luto na ba.? tanong ni Eric.
"Maya maya pa kakasaing ko lang kasi." Pangiti kong sabi.
"Ano ngingiti-ngiti mo dyan para kang may sira."  Hindi ko na pinansin si Eric at tuluyan na kong iniwan sa kusina.
Nakarinig ako ng music. Si Eric ang nagpatugtug mula sa salas. Sumilip ako mula sa kusina at nakita kong pasayaw sayaw si Eric.
"Okay ang sayaw natin tol ha." Pasigaw kong sabi.
Tumingin lang sa akin si Eric at hindi na ako pinansin. Habang itinuloy niya ang pagsasayaw.
Hininahan ko ang gasul tamang tama para maluto ang sinaing. Binuksan ko ang isang kaldero at natuwa ako ng niluto ng nanay ang paborito kong ulam ang adobong manok.  Napatigil ako ng marinig ko ang music, isang love song.
"Bakit nga ba ang puso
Pagnagmamal na ay sadyang
Nakapagtataka...."
Hindi ko namamalayan na napapasabay na ako sa pagkanta.
Para ba ang lahat
Ay walang hangganan
Dahil sa tamis ng
Pagmamahalan.....
Napahinto ako sa pagkanta nang namatay ang music. Nakita ko si Eric na nakatayo sa pintuan ng kusina at pinagmamasdan ako.
"Maganda pala ang boses mo...buti nakakasabay ka sa pagkanta, kaya mo bang isulat ang kinakanta mo?
Hindi ako nakasagot sa tanong ni Eric siguro tama siya hindi ko kayang isulat ang binibigkas ko sa bibig.
"Kung tapos ka ng magsaing baka pwede maghain ka na, ang tatay parating na." wika ni Eric habang papalabas ng kusina.
Napangiti ako ng maalala kong sinabi ni Eric na maganda ang boses ko. alam ko sa aking sarili na kahit hindi ako nakapagaral ay may angking galing  ako, yun ay ang pag awit. Madalas akong kumakanta sa tabing dagat lalo na kung walang magawa. Kahit na hindi ako marunong magbasa nakakakanta ako. Marahil matalas lang memorya ko kapag nakakarinig ako ang isang awitin lalo na kung paulit ulit kong pinakikinggan.
Sa hapunan magkakasalo kaming lahat. Ang tatay tahimik na kumakain habang ang nanay ay kinakausap si Eric.
"Musta naman ang pag aaral mo Eric?"
"Okay naman po Nay!" simpleng sagot ni Eric.
"Kain lang kayo ng kain...masarap ang ulam." Pagaalok ng nanay habang sinasandok ng ulam ang tatay.
"Masarap ang manok Ricardo, o dagdagan mo pa."
"Hindi masarap ang kanin...kulang sa tubig." Matapang na pagkakasabi ng tatay.
"Nawalan na ako ng gana...." Sabay tayo ng tatay.
Natahimik kaming lahat.
"Si Joe po ang nagsaing tay." Wika ni Eric.
"Diba sinabi ko sayo Ester ikaw na ang magluto dito sa bahay."
"Tay tinulungan ko lang po ang nanay...." Agad kong tugon.
"Sa susunod nanay mo na magsasaing, wala ka na ngang pakinabang sa pagluluto hindi ka pa maaasahan. Mabuti na lang masarap ang pagkakaluto ng nanay mo sa manok.
"Ricardo si Joe ang ang nagluto ng manok."
Hindi nakasagot ang tatay tumuloy na ito sa kwarto. Ako ay natahimik na lang habang itinuloy ang pagkain. Alam kong sinabi lang yun ng nanay para ipagtanggol ako dahil siya talaga ang nagluto ng ulam.
Katahimikan ang bumalot sa hapag kainan lahat nakikiramdam. Lahat ayaw magsalita hanggang sa nakita namin ang tatay na palabas ng bahay. Marahil may pupuntahan. Narinig ko ang pagbukas ng gate at pagalis ng kotse.
"San kaya pupunta ang tatay? Pagbasag ko sa katahimikan.
"Kina kumpare Berto kaarawan yata ng asawa at may konting inuman." Matamlay na sagot ng nanay.
Pagkatapos nang hapunan agad kaming natulog. Sa loob ng kwarto ko ay bumalik sa aking alaala si Leslie. Habang nakahiga ako sa kama ay tanging si Leslie lang ang aking naiisip. Bukas alam kong magkikita kami. Isang pag asa ang sumibol sa aking puso. Pag-asang magkikita kami uli ni Leslie.
"Joe! Joe! Joe!" malakas na tawag sa akin ng nanay. Naalimpungatan ako sa mahimbing na pagkakatulog. Tiningnan ko ang orasang nakasabit sa dingding ng kwarto. Umaga na pala hindi ko man lang namamalayan sa pagkahimbing ko ng tulog.
"Joe, gising na samahan mo pa ako sa palengke." tawag ng nanay.
Bumangon ako at binuksan ang pintuan ng kwarto. "Nay, sandali lang po ligo muna ako." wika ko habang papunta sa banyo hawak ang tuwalya. "Mamaya ka na maligo at sandali lang tayo sa palenke."
"Nay naman kapag kayo pumunta sa palengke siguro magtatagal kayo." Inis kong sabi habang bumabalik sa aking kwarto.
"Magbihis ka na lang ng t-shirt mo at hihintayin kita sa baba." Tugon ng nanay. Nagpalit ako ng damit at nagsuklay ng buhok.
 "Joe bilisan mo na" malakas na sigaw ng nanay.
 "Si Nanay naman o....." patabog kong sabi. Bumaba na ako ng hagdanan at nakita ko ang nanay na nakaupo na sa aking trisikad.
"O, dali na nakabukas na ang gate." Agad na sabi ng Nanay.
 "Nanay naman para naman kayong mauubusan ng isda sa palenke." Patawa kong sabi kay nanay.
Habang nagsisikad ako ay palingon lingon ako sa paligid nagbabakasakaling makita ko si Leslie na papasok sa pinapasukan nitong paaralan. Natuwa ako dahil madaraanan namin ng nanay ang San Mateo papunta sa palengke. "Sana maabutan ko si Leslie" wika ko sa aking sarili. Bumabagal ang pagsikad ko na siya namang napansin ng nanay.
"Joe ano ba bakit ang bagal bagal mong magsikad..." sabi ng nanay.
"Nay baka gusto ninyo kayo na lang magsikad at ako uupo dyan." Pabiro kong sabi kay nanay. "Loko kang bata ka ha..." patawang sagot ng nanay.
Malapit na kami sa San Mateo at natigilan ako ng makita ko si Leslie na papasok sa gate ng Campus. Gusto ko siyang tawagin pero naalala ko ang nanay baka makahalata. Naghinayang ako sa mga oras na nagdaan.
"Joe bakit?" takang tanong ng nanay. Huminto pala ang pagsikad ko sa harap ng campus. "Wala po Nay, sige tayo na po.!" Agad kong sabi habang nagsikad palayo sa campus. "'di bale mamayang uwian" bulong ko sa aking sarili.
Isda! Isda! Isda! Mga sigaw na narinig ko sa palengke. Bawat tindera ay gustong makabenta.
"Suki bili na heto sariwa pa" hindi pinansin ng nanay ang tindera at patuloy kaming naglalakad.
"Nay ano po ba bibilhin natin.? Hindi sumagot ang nanay at patuloy kaming naglakad.
"Anak ano bang gusto mong ulam?" sabi ng nanay. Napaisip tuloy ako kung ano isasagot ko.
"Hoy Joe ano bat natulala ka na naman dyan." Pabiglang sabi ng nanay.
"Ha! kahit ano po!" gulat na sagot ko kay nanay.
 "Sige karne na lang ng baka ang uulamin natin mamaya." Bumili ang nanay ng isang kilo ng karne at nagpatuloy kami sa pamimili at halos mapuno na ang bayong na bitbit ko.
"Kumare kumusta ka na?" masayang bati ng babaeng nakasalubong namin marahil kaibigan ng nanay.
"Heto okay lang, kumusta mukhang hindi tayo tumatanda ah..."
"Naku mare wala lang tayong problema sa ngayon." Sagot ng babae habang pilit na tumatawa.
"Dami mo yatang pinamili?" wika ng nanay.
"Budget na mare sa dalawang araw, kasama mo yata anak mo?"
"Panganay ko mare!"
"Binata na pala anak mo, yung panganay ko nakatapos na ng marine....anak mo ano natapos?"
Saglit na natahimik ang nanay siguro hindi alam ang isasagot.
"Hindi po ako...." Mahina kong sabi..
"Siya si Joe, yung bunso ko kumukuha ng nursing." Sagot ng nanay. Pilit na umiiwas ang nanay na sabihin na hindi ako nakapag-aral siguro ayaw lang niya na mapahiya ako.
"Sige mare at kami ay uuwi na" paalam ng nanay sa kausap.
Habang naglalakad patungo sa pinag iwanan namin ng trisikad ay hindi ko napigilan ang sumama ang loob ko. Tumigil kami saglit sa bilihan ng bigas at hindi ko napigilan ang aking sarili.
"Nay, bakit hindi ninyo sinabi na hindi ako nakapagaral?" Napatingin sa akin ang nanay waring sinusuri ang nararamdaman ko. Tumingin ang nanay sa akin at hinawakan ako sa balikat.
"Anak ginawa ko lang yun para hindi ka mapahiya."
"Nay ginawa ninyo ba para hindi ako mapahiya o ginawa ninyo para wag kayong mapahiya...wag kayong mapahiya na nagkaroon kayo ng anak na tulad....." pinigilan ako ng nanay.
"Anak kaylan man hindi kita ikinahiya, maniwala ka sa nanay ha..." niyakap ako ng nanay at alam kong nasaktan ko siya sa aking sinabi.
"Hoy drama nyo ha...bibili ba kayo ng bigas." Pangiting sigaw ng tindera. Medyo napahiya ako at nailang sa pagkakayakap ng nanay bumitaw ako at inayos ang dala kong bayong.
"Limang kilo ng bigas nga." simpleng tugon ng nanay sa tindera.
Habang pauwi kami ng nanay ay wala kaming kibuan siguro pareho kaming nakikiramdam.  Binuhat ko ang limang kilo ng bigas paakyat ng bahay. Nilagay ko sa bigasan. Napatingin ako sa orasan 9am na pala ng umaga. Sumunod sa akin ang nanay bitbit ang bayong.
"Anak masama pa ba ang loob mo sa akin? Tanong ng nanay habang nilalabas sa bayong ang mga pinamili namin.
"Nay ok lang po yun...sorry na po sa isinagot ko kanina." Lumapit ako sa nanay at niyakap ko patalikod.
"Nay mahal na mahal ko po kayo..."malambing kong sabi.
 "Anak tandaan mo hindi kita ikahihiya" humarap ang nanay sa akin at hinalikan ako sa noo.
"Nay drama niyo!" kinurot ako ng nanay sa tagiliran.
"Nay sakit nyan!" patawa kong sabi. Kiniliti ko ang nanay sa baywang. "Ano ba itigil mo na nga yan... hahahaha." Patawang sabi ng nanay habang pinipigilan ang mga kamay ko. Sabay kaming nagtawanan ng nanay, mga tawang gumising sa katahimikan ng bahay.
Ang totoo may itinatago akong sama ng loob sa Nanay. Kahit noong bata pa ako ay hindi ko maiwasang magtanong kung ano nga ba ang dahilan at bakit niya hinayaang huwag akong paaralin ng tatay. Matitiis ba ng isang ina ang hindi makapag aral ang kanyang anak? Bakit hinahayaan niyang ganun ang pakikitungo sa akin ng Tatay?           
                                                           
Nagkibit balikat na lamang ako sa aking naisip at alam kong dadating ang araw na malalaman ko din ang tunay na dahilan.
"Joe pogi mo yata ngayon ha" sigaw ng isang babae sa tabi ng bahay. Siguro napansin niya na bagong paligo ako at maputi ang damit ko. "Pasakay naman Joe dyan lang sa parke." Sabi ng babae.
"Sige sakay na libre lang 'yan..."
"Bait talaga ni Joe, san ba lakad mo at pogi ka ngayon?'
"Hindi ako pogi! Maputi lang damit ko" pabiro kong sabi.
"Loko ka talaga!" patawang sabi ni Beth, ang kapit-bahay namin.
"Parke na to saan ka banda?"
"Dito na lang Joe, sige salamat ha." Pangiting wika nito habang bumababa sa trisikad.
Tinuloy ko ang pagsisikad hanggang makarating ako sa San Mateo. Hapon na at alam kong magsisiuwian na ang mga estudyante ng San Mateo. Tulad ng dati itinapat ko ang trisikad malapit sa gate ng campus.
Inayos ko ang aking sarili para nakahanda ako sa pagharap ko kay Leslie. Hindi na mahalaga sa akin kung ano man ang sabihin sa akin ng mga kaklase niya.
Natuwa ako ng magsilabasan na ang mga kolehiyo maaring isa sa kanila ay si Leslie. Halos hindi tumigil ang mga mata ko sa kahahanap kay Leslie. Mga grupo ng kababaihan, kalalakihan ay nagsilabasan na. Ngayon isa isa na lang ang nagsisilabasan. Parang mawawalan na ako ng lakas ng loob. "Baka kanina pa siya nakauwi." Bulong ko sa aking sarili. Napatingin ako sa gate ng magsilabasan ang grupo ng mga elementarya. Tinanaw ko isa isa ang mga babaeng lumalabas ng gate. Mga bata na kasama ang mga sundo o yaya. Sumakay ako sa trisikad mula sa pagkakatayo at nagbabakasaling isa si Leslie sa lalabas. Tatawagin ko siya at ihahatid pauwi sa kanila. Sasabihin ko na ako na ang maghahatid-sundo sa kanya at kahit walang bayad okay lang sa akin.
Nagsilabasan ang grupo ng mga grade one. Napangiti ako ng makita ko si Leslie nabuhayan ako ng dugo ngunit laking pagtataka ko dahil kasama niya ay mga bata.
Mula sa gate ay kita-kita ko si Leslie na inaalayan ang isang batang babae habang naglalakad. Masaya ang mga bata habang palabas ng gate.
"Maam Leslie uwi na po kami..." sigaw ng isang batang babae.
"Sige mga pupil mag-ingat kayo ha nandyan na ba mga sundo niyo? Pangiting sabi ni Leslie habang bumababay sa mga bata.
"Good bye maam Leslie." Paalam ng mga bata.
Mula sa kinaroroonan ko ay hindi ako makapaniwala na isang guro si Leslie. Nakaramdam ako ng hiya sa aking sarili. Isang bagay na hindi ko maipaliwanag. Nahihiya ako kay Leslie. Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko lalong bumaba ang pagkatao ko. Isang guro si Leslie samantalang ako ay isang tambay sa bahay. Matalino siya bobo ako.
"Joe!" tawag ni Leslie. Hindi ko alam ang gagawin pilit akong umiwas kay Leslie. Nagsikad ako palayo kay Leslie at hindi ako lumingon sa kanya. Parang hindi ko siya nakita, parang hindi ko siya narinig. Maraming tao sa paligid siguro akala niya hindi ko siya nakita...sana nga hindi niya napansin na nakita ko siya...sana nga....
Ahh! sigaw ko habang nagsisikad ako papunta sa parke. Sa puso ko nandon ang pagsisisi sa pagiwas ko kay Leslie. Siguro dahil nahihiya ako o nanliit sa aking sarili hindi ko kasi inaasahan na isang guro si Leslie. "Di bale babawi ako sa susunod". Bulong ko sa aking sarili. Nag alala ako na baka napansin ni Leslie na nakita ko siya. Baka nagalit at di ako pansinin sa susunod na magkita kami.
Inihinto ko ang trisikad sa tabi ng puno ng mangga. Pinagmasdan ko ang paligid marami ng tao at halos lahat ng makita ko ay pawang magkaka-partner. Napadako ang tingin ko sa dalawang magkasintahan na nakaupo sa damuhan. Napangiti ako habang pinagmamasdan ang dalawang nagmamahalan. Sa puso ko umaasa na balang araw ako at si Leslie ay mag-kasama.
"Inggit ka hehehehe!" pagulat na sabi ni Brock sa akin kanina pa pala siya nakatayo sa aking likuran.
"Kumusta ginulat mo ko ha...."patawang sagot ko kay Brock.
"Lika sakay ka dito," dugtong ko habang pinasakay ko si Brock sa aking trisikad. Masaya kaming nag-paikot-ikot sa buong parke di namin alintana kung pinagtitinginan kami ng mga tao sabagay halos kilala na kami sa buong bayan. Ang iba natutuwa habang pinagmamasdan kami ang iba naman ay may konting inis.
"Uy hindi sila bati!" sigaw ni Brock sa dalawang magkasintahan habang lihim na nag-aaway. Masakit na tumingin sa amin ang lalaki pero walang nagawa dahil mabilis akong nagsisikad.
"Heheheh hindi sila bati!" patawang sabi muli ni Brock. Inihinto ko ang trisikad malapit sa tabing dagat. Tumayo kami ni Brock at pinagmasdan ang paligid. Tahimik lang ako habang si Brock naman ay patalon talon sa tabing dagat.
Naisip ko si Leslie sana humarap na lang ako sa kanya kanina. Nahihiya ako, aaminin ko pero kaylangan dahil alam kong alangan kami sa isat-isa. Siguro sa pagkakaibigan muna ang dapat kong unahin. Pagkakaibigan na pwedeng mauwi sa pag-iibigan.
"Ikaw wala pa babae, ikaw inggit?" patawang biro ni Brock.
"Loko ka ha....bat naman ako maiinggit..." patawang sabi ko kay Brock.
Sa totoo lang tama si Brock naiinggit ako kapag nakakakita ako ng mga magkasintahan. Noon takot ako sa mga babae dahil alam kong hindi nila papatulan ang isang tulad ko. Sa buong buhay ko hindi pa ako naka nobya sana si Leslie na....
Tumakbo palayo si Brock at pinagmasdan ko na lang siya habang palayo sa akin. Ako nanatiling nakatayo sa tabing dagat umaasang magiging maganda ang kapalaran ko sa piling ni Leslie.
Linggo ng gabi kagagaling lang namin ng nanay para magsimba. Ang tatay at si Eric ay nanatili sa bahay. Naabutan kong nagbabasa si Eric.
"Tol ano yang binabasa mo?" masaya kong bati kay Eric habang nasa likuran niya ako. Hindi nya ko pinansin sa halip pinagpatuloy niya ang pagbabasa. Nagkaroon ako ng interest sa binabasa niya. Nakita ko ang picture sa libro larawan ng dalawang nagmamahalan.
"Tol ang ganda! Ano ba 'yang binabasa mo."
"Ano ba ang ingay mo kahit naman sabihin ko sayo hindi mo pa rin maiintindihan," patabog na sabi ni Eric sabay tayo sa kinauupuan niya.
"Nagtatanong lang naman ako...."
"Pwede ba 'wag ka ng magtanong dahil hindi mo rin maiintindihan." Pagalit na sagot sa akin ni Eric.
"Eric ano ba 'yan! bakit ba ganyan ka makasagot sa kuya mo." Pasigaw na sabi ng nanay.
"Sinisira niya pagbabasa ko....nawalan tuloy ako ng gana, hindi kasi marunong magbasa kaya tanong ng tanong..."
"Eric!" pagpigil ng nanay. Lumabas sa kwarto ang tatay at waring narinig ang pinag-aawayan namin sa labas.
"Ano bang kaguluhan to!"malakas na sabi ng tatay.
"Pinagsasabihan ko lang yang magaling mong anak na ayusin niya ang pagsasagot sagot sa kuya niya." Mahinahong sagot ng nanay.
"Tama lang si Eric kahit ako masisigawan ko yang anak mo sa katangahan niya...pagsabihan mo yan.! pasigaw na sagot ng tatay.
"Tama na po! Inaamin ko kasalan ko rin." Malumanay kong sabi. Napatingin sa akin ang nanay ganun din ang tatay. Si Eric nanatiling nakaupo at pinagpatuloy ang pagbabasa.
"May exam pa naman ako bukas...." Patabog na sabi ni Eric.
"Tingnan mo ang ginawa mo...iniisturbo mo ang pag aaral ng kapatid mo...palibhasa hindi ka nakapag-aral."
"Hindi ko naman kasalan kung hindi ako nakapag-aral, kayo ang may gusto...." Malakas kong sabi, lumapit sa akin ang tatay at
"Ahhhh! Malakas nitong sabi sabay hampas sa balikat ko.
"Kaylan ka pang natututong sumasagot sa akin ng ganyan ha...."
"Tay sinabi ko lang kung ano ang totoo..." tinagka uli ng tatay na hampasin ako ngunit pinigilan ng nanay.
"Ricardo tama na!" maiyak-iyak na sabi ng nanay habang pinipigilan ang tatay. Niyakap ng nanay ang tatay habang nakikiusap na tigilan na ang kasisigaw sa akin. Nanatili akong nakatayo sa isang sulok habang nakayuko. Hawak ang isang balikat na hinampas ng tatay.
"Tama na! tama na!" pakiusap ng nanay sa tatay. "
Pumasok ang tatay sa kwarto kasunod ang nanay at hindi ko na alam kung ano ang pinag-usapan nila. Tiningnan ko si Eric at magiti-ngiti siya habang nagbabasa. Kahit hindi ako nakapag-aral alam kong hindi libro ng paaralan ang binabasa niya.
 Matamlay akong pumasok sa aking kwarto. Umupo ako sa gilid ng kama. Tiningnan ko ang aking balikat. Pumula sanhi ng paghahampas ng tatay. Alam kong sasampalin ako ng tatay pero nakaiwas ako kaya sa balikat ko tumama. Naramdaman kong bumukas ang pintuan. Hindi ako lumingon dahil alam kong ang nanay ang pumasok. Umupo ang nanay sa tabi ko pareho kaming nakikiramdam sa isat-isa.
"Nay kasalan ko ba kung hindi ako nakapag-aral?" panimula ko.
"Anak diba napag-usapan na natin 'yan dati."
"Nay, gusto kong mag-aral pero ayaw ng tatay."
"Joe, sinabi ko na sayo ang dahilan diba?"
"Anong dahilan Nay? Na bobo ako at mahina sa klase kaya kinder lang ako....Nay alam ko kaya kong mag-aral kung pinayagan lang ako ng tatay.."
"Joe, makinig ka may dahilan kung bakit nagyayari ito."
"Nay, pumayag kayo sa kagustuhan ng Tatay."
Tumayo ako at lumapit sa harap ng salamin. Humarap ako sa nanay at... "Nay, gusto kong mag-aral alam nyo yun...Nay nahihirapan ako sa situasyon ko..bata pa lang ako marami nang nanunukso sa akin...minsan nahihirapan na ako...Nay, bakit? Bakit kayo pumayag? Hindi ko napigilan ang maiyak habang sinasabi ko kay nanay ang nararamdaman ko. Lumapit sa akin ang nanay at niyakap ako.
"Nay ayaw ko ng ganito....hindi ko kaya...." Nanatili akong nakayakap sa nanay. Alam kong naiintindihan ako ng nanay. Alam kong nauunawaan niya ako...
"Anak patawarin mo ako. Natakot ako na baka iwan ako ng Tatay mo.. Maraming babae ang Tatay mo. Hindi kita kayang pagaralin.. kapag iniwan ako ng Tatay mo pwede ka niyang kunin sa akin dahil wala akong ibubuhay sayo.. pumayag ako kasi mahal ko ang Tatay mo.. Mahal kita.. ayaw kong mapalayo sayo.. " Hindi napigilan ng Nanay ang mapaiyak.
"An-ak pinagsisihan ko ang pagpayag ko, naging mahina ako. Joe, patawarin mo ako."
Natahamik ako sa sinabi ng Nanay.
"Noong pinanganak ko si Eric. Isang Araw akong walang malay. AKala ko patay na ang kapatid mo dahil sa may diperensiya daw ito sa ulo. Nagpasalamat ako at buhay ang kapatid mo. Akala ko iiwan ako ng Tatay mo dahil ayaw niyang magkaroon ng anak na may kapansanan. Sa awa ng diyos normal ang kapatid mo...."
"Nay..."
"Joe, may babae ang tatay mo noon at balak niya akong iwan... hindi ko kaya... "
Niyakap ko ang Nanay at hindi ko na hinayaang magsalita pa ito. Ayaw ko an ring marinig pa ang mga sasabihin nito.. Aaminin kong nasasaktan ako sa bawat kwento ng Nanay.
Kung may lihim man sa aking pamilya alam kong malalaman at malalaman ko din... Ito ang aking aalamin.

PART IV

Maaga pa lang ay inihanda ko na ang aking sarili sa isang bagay na ikasasaya ng aking puso. Pupuntahan ko si Leslie kahit ano pang mangyari dahil gusto kong makita ang babaeng nagpapasaya sa akin. Sa ilang araw na hatid-sundo ko siya ay naging malapit na kami sa bawat isa. Kahit kaibigan lang muna masaya na ako.
"Para!" sabi ko sa jeep na sinakyan ko. Sinadya kong huwag dalhin ang trisikad dahil may plano akong pumasok sa loob ng campus.
Malapit na ako sa gate ng San Mateo at nakita kong may guard na nakabantay sa labas ng gate.
"Bosing puntahan ko lang po kapatid ko magrereses na kasi." Palusot na sabi ko sa guard. Pinagmasadan ako ng guard mula ulo hanggang paa at dahil bagong paligo ako at nakabihis naman ay pinayagan ako.
"Yes!" mangiti-ngiti kong sabi. Kahit hindi ko alam kung saang department ko matatagpuan si Leslie  ay patuloy ako sa paglalakad. Nakaramdam ako ng saya habang naglalakad. Pakiramdam ko isa akong estudyanteng pumapasok sa paaralan. Ganito pala ang pakiramdam kapag nasa loob ng Campus. Masaya at marami kang makakahalubilong kamag-aral. Sa aking paglalalakad napansin kong sa college department ako dumaan.
Napahinto ako sa aking paglalakad at habang pinagmamasdan ko ang mga kasing edad ko na nag-aaral. "Sarap sigurong mag-aral." tanging bulong ko sa aking sarili. "Buti pa sila!" dugtong ko kasabay ng isang buntong hininga.
 Pinagpatuloy ko ang ang paglalakad at marami akong nakakasalubong na mga estudyante. Natuwa ako nang  makakasalubong ko ang isang batang babae. Mukhang recess time na ng mga bata. "Cute, reses nyo na ba." pangiti kong sabi sa batang babae.
"Hmmmmp....opo!" masayang sagot ng batang babae.
"Grade one ka ba? kilala mo ba si Maam Leslie.?" Bumilog ang mga mata ng bata ng marinig ang pangalan ni Leslie.
"Si maam Leslie po? Nandoon po sa room 16, kaya lang po maya pa reses nila after 30 mins." Masayang sabi ng bata. nagkaroon ako ng sigla ng malaman ko kung nasaan si Leslie.
"Salamat ha..." sabi ko sa bata sabay talikod papunta sa kinaroroonan ni Leslie. Lumingon ako sa bata at nakita kong kumakaway ito sa akin. Nginitian ko ang batang babae at pinagpatuloy ang paglalakad. "Nasaan kaya dito ang room 16?"
"Pare, pwede bang magtanong?" tanong ko sa isang estudyante na sa tingin ko ay kasing edad ko lamang.
"Ano?" agad nitong sabi habang inaayos ang bag na dala.
"Saan ba dito ung room 16?"
Napatingin sa akin ang lalaki at parang nagiinsultong sumagot sa akin.
"Hindi mo ba nakikita nasa harapan ka ng room 13, magbilang ka na lang?
Tumalikod na ang estudyante.
"Suplado naman, parang nagtatanong lang." inis na sabi ko sa aking sarili. Naiisip ko kung nasa harapan na ako ng room 13 malapit na ang room nina Leslie. Nagpatuloy ako sa paglalakad at sinisilip ko na lamang ang mga gurong nagtuturo sa loob ng silid aralan.
"Opps, hindi si Leslie baka itong susunod na."
Halos bumibilis ang tibok ng puso ko habang papalapit ako sa isang silid aralan. Malakas ang pakiramdam ko na makikita ko na si Leslie at hindi nga ako nagkamali. Si Leslie na nasa harapan ng mga estudyante at masayang nagtuturo sa mga bata.
Nanatili akong nakasilip sa bintana at marahil sa abala si Leslie sa pagtuturo ay hindi niya ako napansin.
 "Children, may ipapakita ako sa inyong mga larawan ng mga hayop sabihin ninyo sa akin kung ano ang pangalan ng makikita ninyo."
"Yes maam!" malakas na sabi ng mga bata.
"Anong hayop ito?" tanong ni Leslie sa mga bata habang pinapakita ang larawan ng isang pusa.
"Maam Leslie, Cat"
"Very good Maricel!"
"Ok class anong hayop naman ito?" dugtong ni Leslie.
"Rabbit!" malakas na sagot ng mga bata.
Natutuwa ako sa mga nakikita at naririnig ko hindi ko namamalayan na sumasabay na ako sa pagsagot. Siguro ganito kasarap ang mag-aral.
"Ngayon naman sasabihin niyo sa akin kung ano ang English na pangalan ng mga hayop na babanggitin ko sa tagalog." Masayang tanong ni Leslie sa mga bata. Napanga-nga ako sa tanong ni Leslie alam ko sa aking sarili na mahina ako sa english.
"Class ano ang english ng buwaya?"
 "Crocodile po!"
"Ano naman ang english ng manok?"
"Chicken!" sabay sabay na sagot ng mga bata. Halos bumilib ako sa talino ng mga bata.
"Kids ano naman sa english ang pawikan?"
"Aaaa!" natahimik ang mga bata halatang nag-iisip ng isasagot.
"Ok uulitin ko ano sa english ang pawikan?"
Hindi ko napigilan ang sumabay sa mga bata at mag-isip ng sagot.
"Kids uulitin ko ano sa english ang pawikan? Sa isang kwento siya ang nagtanim ng saging."
"Maam!maam!....." isip ng mga bata.
"Kids ano ang sagot?!"
"ungoy! Ungoy!" malakas kong sabi. Hindi ko napigilan ang aking sarili ng sumigaw. Napatingin sa akin ang mga bata nagulat sa bigla kong pagsagot. Si Leslie naman ay mukhang nagtaka kung bakit ako nandirito.
"Hahahahahaha!" sabay sabay na nagtawanan ang mga bata. Natahimik ako sa aking pagkakatayo. Pakiramdam ko namula ang pisngi ko sa kahihiyan. Napatingin ako kay Leslie habang pinapatigil ang mga bata sa katatawa.
"Children stop it, tama na yan" pagpipigil ni Leslie sa mga bata.
Tiningnan ako ni Leslie halatang nagtataka kung bakit iyon ang isinagot ko. Wala akong nagawa kundi ang lumakad palayo sa kinaroroonan ni Leslie. Alam ko sa aking sarili na napahiya ako.
Mabilis ang mga hakbang na ginawa ko palabas ng campus hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko basta ang alam ko nahihiya ako kay Leslie.
Sa bahay ay ramdam ko pa rin ang kalungkutan. Parang nakikisabay sa akin ang panahon. Malakas ang ulan waring nagagalit. Kasabay ng pagbuhos nito ang malakas na pagkulog at pagkidlat. Binuksan ko ang bintana at tumama sa aking mukha ang malakas na dapya ng hangin.
Malamig ang hangin na tumama sa aking katawan pero hindi ko pinansin. Pinagmasdan ko ang mga batang masayang naliligo sa ulan.
"Kuya Joe, lika ligo po tayo!" sigaw ng isang bata habang tinatanaw ako sa may bintana.
"Sige kayo na lang" sagot ko sa mga bata.
Patuloy ang pagbuhos ng ulan at nanatili akong nakaupo sa tapat ng bintana at hinihintay ang pagtila nito. "Leslie!" daing ko.
"Anak heto mag kape ka muna, patila na ang ulan tingnan mo may sikat na ng araw." Sambit ng nanay.
"Nay sabi nila kapag umulan at sumikat ang araw may lilitaw na bahag-hari."
"Tingnan mo anak, doon sa dulo ng langit..." turo ng aking ina.
Isang bahag-hari ang aking natanaw at kasabay ng paglitaw ng bahag-hari ang pagtila ng ulan.
"Sa paglitaw ng bahag-hari ay may pag-asa....anak bakit di mo lakasan ang loob mo, bakit di mo subukan ang lumapit?"
"Nay?" tiningnan ko ang nanay sa mga mata parang alam niya ang nararamdaman ko para kay Leslie."
"Joe anak kita kaya alam ko kung ano ang nararamdaman mo... hindi ko man alam ang lahat nararamdaman ko na umiibig ka na..."
"Nay....natatakot ako na baka...."
"Anak bakit di mo subukan? Malay mo ikaw lang hinihintay niya?" Hinimas ng Nanay ang buhok ko.
"Umiibig na yata ang anak ko, tama ba? Ang lalim kasi ng iniisip mo at narinig kong binaggit mo ang pangalan niya." malambing na sabi ng Nanay. 
Napangiti ako sa sinabi ng Nanay. Narinig pala niya ang pagbigkas ko sa pangalan ni Leslie. Nakahinga ako ng maluwag pakiramdam ko isang kaibigan ang kausap ko.
Natigilan ako ng mapansin kong hindi mapakali ang Nanay.
"Nay, bakit parang hindi kayo mapakali diyan? patawang biro ko sa Nanay.
"Naku! Anak nakalimutan kong bumili ng kape." natatawa ako sa reaksyon ng Nanay. Pakiramdam ko para itong naubusan ng kape sa tindahan.
"Nanay may kape pa po tayo sa garapon." agad kong sabi sa Nanay.
"Malakas magkape ang Tatay mo lalo na kung tag-ulan." Agad na dumukot ang Nanay sa bulsa nito at napansin kong maraming barya ito. Napangiti ako dahil alam kong ang ilang barya ng Nanay ay galing sa akin mula sa pagsisikad ko at sa mga naiipon din niya. Agad itong kumuha ng payong at agad na lumabas para bumili ng kape. 
"Ang Nanay talaga!" tanging nasambit ko habang natatawa ako sa aking sarili. Laging ganoon ang Nanay ang laging gusto ay maraming pagkain sa bahay. Mas nakakatipid daw kapag maramihan ang pamimili at sinisigurado niya na lahat ng pagkaing hahanapin ng Tatay ay dapat nasa loob ng ref.   
Tumila na ang ulan at nag pasya akong pumunta ng parke. Dinala ko ang aking trisikad at habang tinutungo ko ang isang lugar na nagbibigay sa akin ng pag-asa ay nakaramdam ako ng konting ginhawa.
Habang papalapit ako sa parke ay may nararamdaman akong kakaiba parang bumibilis ang tibok ng puso ko. Inihinto ko ang trisikad malapit sa isang puno ng manga. Ikinadena ko para hindi mawala.
Naglakad ako at pinagmasdan ang paligid, tahimik at iilan lang ang mga taong namamasyal. Pinagpatuloy ko ang paglalakad hanggang sa makarating ako malapit sa dagat. Pinagmasdan ko ang paligid...kay ganda pagmasdan ang malakas na agos nito.
Napatigil ako ng makita ko ang isang babae na nakatayo sa batuhan sa tabi ng dagat. Pinagmasdan ko ang babae at bumilis ang tibok ng puso ko nang makilala ko kung sino ang babae....si Leslie. Dahan dahan akong lumapit habang pinagmamasdan ko si Leslie. Habang papalapit ako ay  nararamdaman ko ang bigat na nararamdaman niya. Nakita ko ang pagpahid niya ng mga luha sa kanyang mga palad.  Sa kanyang likuran nanatili akong nakatayo, nagmamasid... napansin ko ang pagluha ni Leslie ramdam ko ang kalungkutang dala niya.
"Kung nalulungkot ka nandito lang ako..." lumingon sa akin si Leslie at nagtama ang aming mga mata.
"Kung gusto mong umiyak malapad ang likuran ko doon pwede mong ibuhos ang sakit na nararamdaman mo." Tumalikod ako kay Leslie at hindi ko akalain na susundin niya ko.
Naramdaman ko ang pagsandig niya sa aking likuran, naramdaman ko ang bawat pagpatak ng kanyang mga luha. Nanatili akong nakatayo habang patuloy ang pagluha niya sa aking likuran. Nakaramdam ako ng kakaiba sa aking sarili. Sa unang pagkakataon ay may isang babaeng sumandig sa aking likuran. Nakaramdam ako ng saya sa aking puso at hindi ko maipaliwanag.
Bumitaw si Leslie sa aking likuran at umupo ito sa isang malaking bato.
"Tingnan mo nandoon pa ang bahag-hari" mahina kong sabi kay Leslie.
Napatingin kami sa bahag-hari at parang pinagdugtong ang langit at dagat. Napatingin ako kay Leslie habang nakaupo kami sa batuhan. Pinagmasdan ko siya habang nakatitig sa bahag-hari bakas pa rin sa mga mata niya ang kalungkutan.
"Hanggang saan ba ang dulo ng bahag-hari?" sambit ni Leslie.
"Sa walang hanggan...." Napatingin sa akin si Leslie at nagtama ang aming paningin.
"Ang buhay natin parang bahag-hari hindi natin alam kung saan nagsimula at hanggang saan magwawakas." Dugtong ko.
"Sana marating ko ang dulo ng bahag-hari...nagbabakasakaling doon matagpuan ko ang hinahanap ko." Mahinang sabi ni Leslie.
"Ano ba ang hinahanap mo?"
Natahimik si Leslie sa tanong ko pinagmasdan ko siya at nakita ko ang mga luhang unti-unting pumapatak sa kanyang mga mata.
"Nandito lang ako Leslie....kung kailangan mo ng masasandalan nandito lang ako....sabihin mo sa akin kung ano man ang dinadala mo...."
"Nandito ang kaligayahan ko....bakit kailangang ipagkait sa akin"
"Hindi kita maintindihan...anong ibig mong sabihin?" Tumingin si Leslie sa dagat pinagmasdan ang agos nito.
"Pinapauwi na ako sa amerika dahil ayaw ng pamilya ko na magturo ako dito."
"Nandito ang kaligayahan ko...mahal ko ang pagtuturo"
Tumayo si Leslie at nilanghap ang sariwang simoy ng hangin.
"Joe alam mo kapag nalulungkot ako dito ako pumupunta dahil nakakatulong sa bigat na nararamdaman ko." Tumingin sa akin si Leslie, tumayo ako mula sa batong kinauupuan ko at lumapit kay Leslie.
"Pareho pala tayo, dito ko rin nakikita ang sagot sa kalungkutan ko."
"Dito?" tanong ni Leslie.
"oo dito."
"Alam mo hindi pwede 'yun kasi akin ang batong kinatatayuan natin." Malakas na sabi ni Leslie habang nakapamaywang.
"Akin kaya to! Halika dito...." Hinila ko si Leslie sa dulo ng batuhan at ipinakita sa kanya ang isang bagay na iniingatan ko.
"Kita mo 'yan? 'yang nakaukit na puso ako ang gumawa niyan kaya akin 'to."
"Ganon? 'lika dito..." hinila ako ni Leslie sa kabilang dulo ng batuhan.
"Kita mo 'yan? Nakaukit dyan ang pangalan ko...LESLIE."
"Oo nga no?"
"Ngayon akin na lang 'to...." Pamamayabang na sabi ni Leslie.
"Akin 'yan eh!"
"Wala kang pangalan dito...puso lang."
"Kaya akin 'to?" dugtong ni Leslie.
"Sige sayo na nga." Malungkot kong sabi.
"Hmmmm....pero 'wag kang malungkot dahil nandito naman ang puso mo pwede kang pumunta paminsan minsan."
"Gusto mo sayo na lang puso ko."
Natahimik si Leslie sa sinabi ko parang hindi niya alam ang isasagot sa akin.
"Pwede ko namang ibigay kung gusto mo.."
"Talaga!"
"Oo naman ikaw pa."
"Alam mo Joe kung sa akin ang pusong 'yun hindi ko ibibigay sayo."
"Bakit naman?" malungkot kong sabi.
"Eh ikaw naman ang kunan ng puso eh, hindi ka kaya mamatay?"
"Hahahahaha!" malakas naming tawa ni Leslie. Mga tawang walang kupas waring walang iniindang sakit.
"Natawa ka din!" matawa tawang sabi ko kay Leslie.
"Nakakatawa ka kasi...pag binigay mo puso mo eh, namatay ka na...nabawasan na ng unggoy dito sa mundo." Malalakas na tawa ang narinig ko kay Leslie.
"Uy tama na yan baka atakihin ka pa sa puso." Patawang sabi ko kay Leslie. Sabay kaming nagtawanan waring kinalilimutan ang mga problema sa mundo.
"Sandali!Sandali!" patawang sambit ni Leslie.
"Oo nga pala bakit ungoy ang sinagot mo sa tanong ko kanina..."
"Ha!" sambit ko.
"Anong ungoy ungoy! hahahaha!" natahimik ako habang patuloy ang pagtawa ni Leslie. Umupo ako sa batuhan habang pinagmamasdan ko siyang nakatawa.
"Hoy! Serious mo ha...alam ko naman na biro mo lang yun." Lumapit sa akin si Leslie at umupo sa tabi ko.
"Totoo 'yun!"
"Anong totoo? Na ang english ng pawikan ay ungoy ungoy!" natawa uli si Leslie sa sinabi niya habang patuloy akong walang imik.
"Iyon ang totoo kasi hindi ko alam ang sagot."
"Ha! okay ka lang sa laki mong 'yan hindi mo alam."
"Hahahahaha!" patuloy uli ang pagtawa ni Leslie.
"Hindi ko talaga alam!" patuloy ko.
"Joe nakakatawa ka naman hindi mo alam para ka tuloy ungoy." patuloy ang pagtawa ni Leslie mga tawang nagbigay sakin ng sakit sa dibdib.
"Hindi ko talaga alam dahil....."
"Okay ka lang Joe hahahaha!"
"Hindi ko alam dahil....dahil hindi ako nakapag-aral"
Natahimik si Leslie sa sinabi ko tiningnan niya ako sa mga mata na parang inaalam kung nagbibiro lang ako.
"Joe!" mahinang sabi ni Leslie.
"Totoo yun...hindi kasi ako nakapag-aral."
"I'm sorry Joe, hindi ko sinasadya kasi akal....."
"Okay lang yun saka hindi ko ikinahihiya yun dahil kahit bobo ako hindi ako tanga hahahahahah.!"
"Okay ka lang Joe." Muli napatawa ko si Leslie at habang tumatawa siya hindi ko mapigilan ang humanga sa kagandahan niya. Tinitigan ko siyang mabuti bawat ngiti na binibitiwan niya ay kumikiliti sa aking puso.
"Ang ganda....ang ganda ng dagat." Napalingon ako kay Leslie 
"Alam ko maganda ang dagat pero may mas gaganda pa ba kaysa sa  sa i-...sa sikat ng araw?" napatingin si Leslie sa langit at nakita niya ang unti-unting paglubog ng araw.
"Ang ganda parang ginto ang araw, pero alam mo takot akong makita na palubog na ang araw."
"Bakit naman?" tanong ni Leslie sa akin habang nakatitig sa akin.
"Dahil pakiramdam ko matatapos na ang pangarap ko."
Natahimik kami ni Leslie habang pinagmamasdan ang unti-unting paglubog ng araw.
"Bata pa lang ako gusto ko na mag-aral kaso kahit ano gawin ko may tumututol.....hindi ko alam kung bakit...."
"Minsan pakiramdam ko hindi ako miyembro ng pamilya....Leslie kasalan ba kung ganito ako?"
Hinawakan ni Leslie ang aking mga kamay at tinitigan niya ako sa aking mga mata.
"Hindi pa huli ang lahat, may pagkakataon ka pa....."
"Hindi ka ba nahihiyang makilala ako kahit ganito ako."
"Hindi! Dahil alam kong mabait ka...dahil alam kong matalino ka...Joe nandito lang ako, hindi pa huli ang lahat."
"Salamat Leslie akala ko hindi mo ako mapapansin..."
"Kaibigan mo ako Joe tandaan mo 'yan."
Tumayo si Leslie at humarap sa dagat kasabay ng paglanghap sa sariwang simoy ng hangin. Medyo nalungkot ako sa sinabi ni Leslie na kaibigan niya ako pero natuwa na din ako kasi kahit papaano mapapalapit na ako sa kanya...kahit bilang kaibigan lang.
"Joe salamat ha!"
"Saan?"
"Pinagaan mo loob ko."
Isang matamis na ngiti ang ibinigay ko kay Leslie.
"Alam mo Joe cute ka kaso medyo...."
"Medyo ano? Bakit natahimik ka..."
"Wala, kasi sabi ng teacher ko dati kapag wala kang magandang sasabihin mas mabuting manahimik ka na lang." isang malutong na halakhak ang binitiwan ni Leslie na  kahit ako medyo natawa sa sinabi niya.
"ALam mo sa tuwing sinusundo mo ako at hinahatid sa campus natutuwa na ako sayo kasi mabait ka." Natuwa ako sa sinabi ni Leslie.
"Lika na Joe uwi na tayo baka pagalitan ako ng Kuya."
"Ilan kayong magkapatid?"
"Dalawa lang kami ng Kuya, ang mama at papa nasa amerika na nakatira. Kakalipat lang namin dito, sa maynila ang dati naming tirahan. Alam mo nang makalipat kami dito nag karoon ng sigla ang buhay ko. Ang ganda kasi dito. "
"Kaya pala ngayon lang kita nakita. Siguro mahal na mahal ka nila."
"Siguro..." sambit ni Leslie."
"Kung gusto mo ihatid na kita, pagabi na baka may magloko sayo sa daan."
"'Wag na! maglalakad na lang ako." Tanggi ni Leslie pero wala na siyang nagawa dahil agad ko siyang hinila palapit sa trisikad ko.
"Sige na nga lakas mo eh."
"Sakay na sa kotse natin hehehehe" pabiro ko kay Leslie.
Sinimulan ko ang pagsisikad at hindi ko mapigilan ang bawat sandali na sulyapan si Leslie. Parang nabibighani ang puso ko sa bawat ngiti na kanyang binibitiwan. Sinadya kong bagalan ang pagsisikad para sa matagal na pagsasama namin ni Leslie.
"Alam mo okay kang kasama."
"Bakit naman?' tanong ko kay Leslie.
"Siyempre bukod sa may kaibigan na ako may driver pa ako."
"Ah ganon!" nasambit ko.
"Baka gusto mo ako na maghatid-sundo sayo, kahit walang bayad okay lang." dugtong ko.
"Baka malugi ka niyan."
"Hindi basta ikaw okay lahat sa akin."
"Sige, pero minsan kasi hinahatid ako ng kuya sa kotse niya pero minsan hindi rin."
"hmmmm." Sambit ko.
"Pero kadalasan wala ang kuya dahil minsan out of town ang trabaho sa kumpanya nila, kaya pwede mo akong ihatid."
"Ah, ano yung out of...." Takang tanong ko kay Leslie.
"'Yun yung sa malayo sila nagtratrabaho dahil nililipat sila ng kumpanya."
"Ahhhh galing mo talaga may natutunan ako sayo."
"Joe kakanan ka ha." utos sa akin ni Leslie. Papasok kami sa isang subdivision. Halos mabilog ang mga mata ko sa mga magaganda't malalaking bahay na nakikita ko.
"Joe tigil na dito na tayo."
"Saan ang bahay ninyo?"
"Heto!" sabay turo sa gawing likuran ko. Natahimik ako ng makita ko ang bahay nila Leslie. Malaki, maganda at masasabing mayaman ang nakatira. Walang binatbat ang bahay namin. Makabagong disenyo kasi ang bahay nila Leslie.
"Ang ganda pala ng bahay mo."
"Bahay 'yan ng magulang ko."
"Bahay mo na din 'yan."
"'Lika pasok ka muna." Paanyaya ni Leslie.
"Naku wag na! nakakahiya naman saka baka mawala trisikad ko dito."
"Hahahaha okay ka lang Joe walang kukuha nyan dito ikaw talaga!"
"Sige papasok na ako sa loob..."
"Salamat na lang sa sunod na lang baka hanap na din ako sa amin."
"Sige kung ayaw mo talaga." Sambit ni Leslie.
"Leslie uwi na ko..."
"Sige Joe..." sinimulan ko na ang pagsisikad at sa pag alis ko.
"Joe!" malakas na sabi sa akin ni Leslie. Napalingon ako at inihinto ang pagsisikad.
"Salamat Joe....Ingat ka ha...." isang matamis na ngiti ang ibinigay sa akin ni Leslie, mga ngiting baon ko sa aking pag-uwi.
"Umuwi ka pa!" malakas na sabi ng tatay sa pagpasok ko pa lang ng pintuan. Naabutan ko silang kumakain ng hapunan.
"Tay nagsikad po kasi ako." Mahina kong sagot.
"Magkano kinita mo?"
"ah...eh wala po."
"Hahahaha loko ka talaga Joe..." patawang sabi ni Eric.
"Sinasayang mo lang oras mo sa lakwatsya...kung tinulungan mo ang nanay mo sa gawaing bahay." Matigas na sabi ng tatay habang tinititigan ako.
"Anak maupo ka na, kumain ka na." wika ng nanay.
"Mamaya  ka na kumain baka mawalan ako ng gana, pasok ka sa kwarto." Pautos na wika ng tatay.
"Sige po...." Agad akong pumasok sa aking kwarto at agad na nahiga sa aking kama. Hindi ko na pinansin ang sinabi ng tatay ang alam ko masaya ako dahil kay Leslie. Hindi ko makakalimutan ang araw na nakasama ko siya..Hindi ko makakalimutan...
I believe
Na ikaw lang at ako
Kung kaya't tayo ay pinagtagpo
I believe
Ang kapalaran mo'y ako
At sana ay ganun din ang puso mo.....


Napapikit ako ng marinig ko ang awiting pinatugtug ni Eric.
Noong una ay hindi mo ako gusto
Kaibigan lang ang turing mo
Paano na ako...


Niyakap ko ang unan at inisip ang mga sandaling kapiling ko si Leslie.

"Masaya ako dahil kaibigan kita" mga katagang  binitiwan ni Leslie na hanggang ngayon ay nakakatatak pa rin sa aking isipan.
Araw araw maghihintay
Hawak lamang ang sinabi mong
Baka mahal mo rin ako
Tama na sa'kin ang minsa'y
Binigyan mo ng pag-asa
Basta't mahal kita....


Maghihintay ako kahit gaano katagal basta ang mahalaga mahal ko siya....
 "Leslie!" pangalan ni Leslie ang nasambit ko habang patuloy kong pinakikinggan ang musika.
"Tok! Tok! Tok!"
"Anak kumain ka na." tawag ng nanay mula sa labas ng pintuan.
"Sige po Nay labas na po ako."
"O sige at ako'y matutulog na, ano ba ginagawa mo't ayaw mo buksan ang pintuan?"
"Opo!" nanatili akong nakahiga sa kama at naramdaman ko na wala na ang nanay sa may pintuan.
"Mamaya na ako kakain." Sabi ko sa aking sarili.
Lumabas ako sa kwarto at napansin kong patay na ang mga ilaw tanging si Eric lamang ang napansin kong gising pa dahil sa mga ingay na nilikha nito buhat sa kanyang silid. Maya-maya pinatay na ni Eric ang sterio kaya bumalot ang katahimikan sa buong kabahayan. Tumungo ako sa kusina para kumuha ng maiinom.
"Ahhhh!" sarap ng tubig." Naisipan kong kumain na lang ng tinapay at sa kuwarto ko na lang kainin. Dala ang sandwich bumalik ako sa kuwarto. Napansin kong may nag-uusap sa kwarto nila tatay. Lumapit ako malapit sa may pintuan at narinig ko na nag-uusap sina tatay at nanay.
"Bakit hanggang ngayon pinipilit mo sa akin ang bagay na iyan." Mahinang sabi ng tatay.
"Ricardo maniwala ka..." Maiyak-iyak na sabi ng nanay.
Idinikit ko ang aking tenga sa may pintuan para lubusan kong maintindihan ang kanilang paguusap.
"Ako ang magsasabi sa kanya kung hindi mo kaya."
"Ricardo hindi ako nagsisinungaling sayo maniwala ka...."
"Kahit ano pa sabihin mo alam kong -."
Bawat sandali ng aking buhay
Pagmamahal mo ang aking taglay
Sa'n man mapadpad ng hangin
Hindi magbabago aking pagtingin....


Isang musika ang narinig ko mula sa kwarto ni Eric dahil doon hindi ko na narinig ang pag-uusap nina tatay. Hindi ko na pinansin kung ano man ang narinig ko dahil hindi ko lubos na naunawaan. Bumalot sa aking pagkatao ang pag-ibig ko kay Leslie lalo na sa musikang aking naririnig.
Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig
Maghintay ka lamang, ako'y darating
'Pagkat sa isang taong mahal mo nang buong puso
Lahat ay gagawin makita kang muli
Makita kang muli...


Pumasok ako ng kuwarto habang sumusunod sa awitin. Sinarado ko ang pintuan at tuluyang nahiga sa kama. Hindi ko na nakain ang sandwich na dinala ko inilapag ko lang sa maliit na mesa na katabi ng kama ko.
"Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig."
  
Sumabay ako sa awitin ngunit pinatay na uli ni Eric ang sterio at bumalot na naman ang katahimikan sa buong kabahayan.Tuluyan na akong nahiga sa aking kama at ipinikit ang aking mga mata.
"Sana mapanaginipan ko Si Leslie.....sana....."

No comments:

Post a Comment