HINDI nakatulog si Andrew dahil tinapos pa niya ang kanyang article para sa unang laban ni Super SB at Bitterman. Isang linggo na rin ang nakalipas mula nang umpisahan niya ang bagong article.
Tumayo siya saka iniunat ang kanyang mga kamay. Sumuntok pa siya sa hangin na tila may kinakalaban. Mayamaya pa, nag-log out na siya saka itinabi ang laptop sa kanyang mini cabinet.
Humarap siya sa salamin saka masuyong pinagmasdan ang kanyang sarili. Half-Korean siya dahil isang Koreano ang kanyang ama. Ilang saglit pa, pinatigas niya ang kanyang masel sa braso saka pinagmasdan ang kanyang matipunong katawan.
Natigilan siya nang mag-ring ang kanyang cellphone. Kinuha niya ito saka tiningnan kung sino ang tumatawag – si Noorell, ang EX GF niya na hiniwalayan niya dahil kumplikado na ang relasyon nila. Gustuhin man niyang ayusin ang lahat ay hindi na niya ginawa dahil natuklasan niya na nagkaroon ito ng secret love affair sa kapatid niya.
“Minahal kita pero niloko mo ko, ngayon babalik ka para sabihing ako ang mahal mo?” sabi niya habang pinagmamasdan ang cellphone na walang sawang nag-ri-ring.
NAALIMPUNGATAN si Zaira sa mahimbing na pagkakatulog. Na-badtrip siya sa tunog ng cellphone. Bumangon siya saka lumabas para tumungo ng banyo. At habang naka-upo sa trono ay hindi niya mapigilan ang mapa-isip kung sino ang tumatawag kay Gwapito.
“Bakit kaya di niya sinasagot?” Akma na siyang tatayo nang may biglang kumatok sa pinto ng banyo.
“May tao ba?” boses ni Andrew ang narinig niya.
“Oo, pasok!” Bigla niyang nasapo ang kanyang bibig. “Este, wag kang papasok!” Kinagat niya ang kanyang labi saka sinabunutan ang kanyang buhok.
Behave! Behave! Behave!
Huminga siya nang malalim saka inayos ang sarili. Nag-spray pa siya ng Glade para bumango ang loob ng banyo. Pagkabukas niya ng banyo ay wala na si Gwapito. “Ay! Nasaan na siya?”
Humakbang siya papunta sa kabilang pintuan ng kusina. Napansin niya kasing naka-bukas iyon. Lumapit siya para isara subalit bigla siyang natigilan. Nakita niya si Gwapito na umiihi sa likod ng bahay.
“Sayang nakatalikod siya!” Napapikit siya habang ini-imagine na sana nakaharap sa kanya si Gwapito habang umiihi. “Zaira, mag-behave ka!” utos niya sa kanyang sarili.
Bigla siyang napapitlag nang lumingon ang binata. Palapit sa kanya ito habang isinasara ang buntones ng boxer shorts nito. Ngumiti siya subalit isang tango lamang ang isinagot sa kanya ng binata.
Napaupo na lamang siya sa labis na pagka-inis. Nasusupladuhan na siya sa binata. Hindi man lang siya kinausap o nginitian man lang. Tumayo siya saka tumungo sa kanyang silid. “Ano kaya ang ginagawa niya?”
Lumuhod siya saka tinanggal ang picture frame na nakasabit sa kanyang kuwarto. At halos lumaki ang kanyang mga mata nang matuklasang natakpan na ang butas. Bigla naman siyang natauhan. “Naku! Zaira, gusto mo bang magkakuliti ulit? Behave!” aniya sa kanyang sarili habang pinagmamasdan ang butiking gumagapang sa dingding ng kanyang kuwarto.
HINDI naman mapakali si Andrew habang nakikiramdam sa mga yabag na nagmumula sa kuwarto ni Zaira. Na-guilty siya sa pag-dedma sa beauty nito. Sino ba naman ang hindi maiinis kung nilakaran lamang niya ito? Napaka-ganda pa naman ng ngiti ng babae na nasayang lamang dahil tinalikuran lamang niya.
Bigla siyang napangiti nang maalala ang matamis na ngiti ng dalaga. Simple pero may natatanging ganda na malayo sa EX GF niya. Huminga siya nang malalim saka tiningnan ang cellphone niya – 10 missed calls mula kay Noorell.
NAG-RING ang cellphone ng bruhildang naka- high heels. Gustuhin man niyang sagutin ang tawag ay hindi niya magawa dahil panay ang kamot niya sa kanyang singit. Lalo pa siyang nainis nang maramdamang may kumagat sa maitim na bahaging iyon ng kanyang katawan.
“Lintek na kuto ‘to! Bumaba na,” inis na sambit nito habang tinitiris ang kuto.
“Hihihi! Nagka-kuto na ang bukid mo,” panunukso ng isang bruhilda. Babatukan pa sana ito ng isang bruhilda nang dumating ang pinaka-pinuno nila, ang bruhildang mahilig mag pirata ng mga stories.
“Makinig kayo! Nalalapit na ang pag-aalay natin ng isang matipunong lalaki para lalong humaba ang ating buhay.” Itinaas nito ang kanang kamay saka nag-usal ng isang dasal. Mayamaya pa, may kumislap sa mga kamay nito na tila unti-unting nagkaka-apoy. Ilang saglit pa, pinakawalan nito ang apoy na nagmumula sa mga kamay nito hanggang sa may magliyab na apoy sa isang bahagi ng kuweba.
Halos magtatalon sa labis na tuwa ang dalawang bruhilda. Senyales iyon nang nalalapit nilang paglusob sa mundo ng mga mortal para kumuha ng mabibiktima.
“Takam na takam na ako sa lalaking may abs,” sigaw ng isang bruhilda.
“Hihihi! Sa abs lang ba?”
“Syempre sa dakilang patotoy,” agad na sagot ng bruhildang naka-high heels.
NAGISING si Zaira nang maka-amoy ng itlog. Pakiramdam niya isang tapsilog ang gumising sa natutulog niyang diwa. Bumangon siya nang may ngiti sa kanyang mga labi; di niya inaasahan na ipagluluto siya ng kanyang nanay bago magsimba.
Iniunat niya ang kanyang mga kamay. Kumembot siya saka agad na nag-split. Nang makatayo, agad niyang binuksan ang bintana saka lumanghap ng hangin. Bigla siyang natigilan nang mahagip ng paningin niya ang isang uri ng ibon.
“Hmmmm! Mukhang isda?” Tumaas ang kanyang kilay nang mapansing kumakaway sa kanya ang nasabing nilalang. Kinusot-kusot pa niya ang kanyang mga mata para makasigurong namamalikmata lamang siya. “Naku! Zaira, napaglalaruan ka na naman ng mga engkanto.”
Isinara niya ang bintana saka agad na lumabas ng kuwarto. Natatakam na siya sa tapsilog ng nanay niya.
“Wow!” Lumaki ang kanyang mga mata sa naabutan sa kusina. Maliban sa tapsilog may mga sariwang prutas pa. Kumuha siya ng saging saka agad na binalatan. “Sarap ng saging!” Pagka-ubos sa saging ay agad naman niyang kinuha ang tinidor saka kumuha ng itlog. Natuwa pa siya nang matuklasang malasado ang pagkakaluto sa itlog. “Favorite! Sarap ng itlog!” Halos mag-enjoy ang kanyang katawang lupa habang kumakain ng itlog. Papikit-pikit pa siya habang kumakain. “Ang bait talaga ni nanay!” masayang wika niya sa kanyang sarili.
“Buti nagustuhan mo?” Napanganga siya nang marinig ang boses ni Gwapito. Bigla siyang napalingon. “Pasensya ka na kung medyo malasado ang itlog,” dugtong nito.
Gustuhin man niyang magsalita ay hindi niya magawa. Hindi dahil sa nagbabara ang kanyang lalamunan kundi puno ng tapa ang kanyang bibig. Huminga pa siya nang malalim bago nilunok ang karne ng baka.
“Ang t-tigas!”
“Ha?”
“Ahh! I mean, matigas – ay makunat pala ang tapa.” Namula ang kanyang mukha. Hindi siya maka-get over sa narinig. Pinagluto ba siya ni Gwapito?
“Salamat nagustuhan mo. Maupo ka muna para sabay tayong kumain. Kaso, naubos na ang itlog,” wika nito sa kanya. Napahiya naman siya sa ginawa niya. Natuklasan niya na naubos niya ang limang itlog. Halos tapa at sinangag na lang ang natira.
“Wait! Pinagluto mo ba ako o kinain ko lang kaya sinabi mong pinagluto mo ko?” tanong niya sa binata.
“Pinagluto. Bakit ayaw mo ba?”
“Syempre gusto! Tara, upo tayo.” Kinuha niya ang pinggan saka nilagyan ng sinangag. “Kain ka na,” dugtong niya habang iniaabot sa binata ang pinggan. Kumuha pa siya ng baso saka nilagyan ng fresh milk.
Kinikilig siya habang pinagmamasdan itong kumain. Kulang na lang na subuan niya ito para lalo siyang lumigaya. Lalo pa siyang natuwa nang magsimulang magbiro ang binata; ang takaw-takaw daw niya sa itlog.
Tumayo siya saka sinabunutan ang lalaking kumakain. Muntik pa itong mabulunan sa ginawa niya. Mayamaya pa, tumayo ang binata para patigilan siya sa pagkakasabunot niya. Nang biglang hinila siya nito palapit sa matipuno nitong dibdib. Ramdam niya ang pagkalabog ng puso nito.
Homaygulay!
First time sa buong buhay niya ang ganitong eksena. Kung kinakailangang i-rewind niya nang paulit ulit ay gagawin niya. Tumingala siya hanggang sa magtama ang kanilang mga paningin.
Ang sarap hagkan ng binata. Kung di lamang siya nahihiya malamang siya na ang humalik rito. Ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata at umasa na malasap ang matamis na halik ng lalaki.
Dumighay ang binata na siyang nagpabalik sa kanya sa realidad. Inayos niya ang kanyang sarili saka bumitaw sa pagkakayakap nito. Hinila naman siya ng lalaki para muling maupo.
Nagsimulang mag-kwento si Andrew; nalaman niya na isa pala itong half Korean, kakagaling lamang sa isang break-up, at naghahangad ito na makakuha ng ilang impormasyon tungkol kay Super SB.
“Talaga? Alam mo kilala ko si Super SB?”
“Talaga?” Bigla siyang natigilan. Inayos niya ang kanyang buhok saka muling humarap sa lalaki. “Paano mo siya nakilala?”
“Ahhh! I mean, marami lang akong alam sa kanya. Saka na natin pag-usapan si Super SB. Balik tayo sa love life mo,” aniya sa binata.
Nalungkot siya saka nainis sa EX GF nito. Kung makikilala lamang niya ang babaeng ito ay tiyak niyang masasabunutan niya. Sino ba naman ang hindi magagalit kung nalaman niyang sinaktan nito ang lalaking nagpapasaya sa kanya ngayon?
“Gusto mo kalbuhin ko ang babaeng ‘yon? Aba, babalik siya matapos ka niyang pagtaksilan. Mahal ka daw niya? Ek! Ek! Niya! Kung mahal ka niya di ka niya sasaktan,” napangiti siya sa kanyang isinagot. Ang totoo ginaya lamang niya ang sinabi ni Papa Love ng TRE.
Bigla naman siyang natuwa nang muling mag-kwento ang binata. Napapangiti na lamang siya habang nagsasalita ito. Hindi niya alam kung saan titingin. Sa mukha nito o sa nakatagong abs nito na bakat sa manipis nitong sando.
“Ikaw, may BF ka ba?”
“Oo, kung sasagutin mo ko.” Tumawa siya saka hinampas sa balikat ang lalaki. “Joke lang! Ang totoo? NBSB ako eh,” mahiya-hiyang tugon niya sa binata sabay ayos ng kanyang buhok.
Biglang tumawa si Gwapito na siyang ikinainis niya. “Talaga? Siguro dahil mukha kang karetista?”
“Alam mo ang kapal-kapal mo!”
“Pero nagmahal ka na?”
“Oo! Kaya lang bading siya.” Sabay silang nagkatawanan ni Andrew. Halos malaglag ang panga nito sa katatawa. “Alam mo ang cute mo pag tumatawa,” dugtong niya habang pinagmamasdan ang namumulang pisngi ng binata.
“Sayang pala ang first love mo,” sabi nito habang inaayos ang sarili.
“Hindi rin kasi naging best friend ko siya. At hindi ko pinagsisihan na minahal ko siya. Alam mo ang bait-bait ng lalaking ‘yun. Minsan nga talo pa ang isang lalaki kung paano siya magpahalaga sa isang babae.”
Bigla silang natigilan nang dumating ang nanay niya mula sa simbahan. Agad niyang niligpit ang mesa samantalang tumungo sa banyo si Gwapito. “Nay, kain po tayo ng tapsilog,” masayang bati niya sa nanay niya na tila sinapian ng mga anghel sa langit.
HALOS lumaki ang mga mata ng isang bruhilda. Nasa harap nito ang isang lalaki na tila isang artista. Pumalag ito subalit hindi ito makakilos dahil sa pagkakagapos. Sa labis na tuwa ay tumawa nang tumawa ang bruhilda hanggang sa malaglag ang ngipin nito.
“Maawa ka! Anong kailangan mo? Ibibigay ko ang lahat pakawalan mo lang ako rito,” pagmamaka-awa ng lalaki.
“Isa lang ang gusto ko,” sagot ng bruhilda na tila sumabay sa ungol ng isang mabangis na hayop.
“Ano?” agad na sagot ng biktima.
“Itlog mo!”
“Waaaa! Maawa ka bruhilda kawawa ang fafa ko pag nawala ang itlog ko. Please, pakawalan mo na aketch,” malanding sigaw ng matipunong bading.
Biglang napasigaw ang bruhilda sa labis na galit. Di niya akalain na isang bading ang lalaking nagtataglay ng six pack abs.
“O, hindeeeee!” sigaw niya na siyang bumulabog sa mga paniking natutulog sa loob ng kuweba.
NAPATILI si Zaira nang may biglang bumunggo sa kanya. Natapon tuloy ang popcorn na hawak niya.
“My God! Ano ba? Bulag ka ba o tanga?” singhal sa kanya ng babae. Tumaas tuloy ang kilay niya sa naging reaksyon nito.
“Hoy! Excuse me! Ang luwag luwag kaya ng mall na ito pero dito ka dumaan sa harapan ko kaya ako po ang binunggo ninyo,” malditang sagot niya sa babae.
“I forgot! Di pala ako pumapatol sa mga palengkera.” Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa. “Hindi tayo magka-level,” dugtong nito na sinabayan ng isang nakaka-insultong tingin.
Pinagmasdan niya ang babae. Maganda ito na biniyayaan pa ng isang napakagandang katawan. Napalunok siya nang mapadako ang tingin niya sa dibdib nito.
“Insecure ka no?” Napansin yata nito na nakatingin siya sa umaapaw nitong dibdib. Lalo pa itong lumapit sa kanya saka tinapik tapik ang balikat niya na agad naman niyang iwinaksi.
“Ako? Insecure? Siguro nga maganda ka pero ito ang tandaan mo sa kapal ng make-up mo di bumagay diyan sa mga papaya mong hindi pantay,” malakas niyang wika na siyang kumuha ng atensyon ng ibang tao sa paligid.
Halos lumuwa ang mga mata ng babae sa labis na galit. Akma siyang sasampalin nito nang itinaas niya ang kanang kamao niya. “Subukan mong sampalin ako at babasagin ko yang ilong mo na mukhang kakaretoke lamang.” Halos umusok na ang ilong niya sa labis na galit.
“How dare you!” malakas nitong sigaw saka tinadyakan siya nito. Kung lalaki lamang siya malamang nabasag na ang itlog niya. Bigla itong tumalikod saka naglakad palayo sa kanya. Sa labis na galit ay hinabol niya ang babae saka hinila ang buhok nito. Halos magkumpulan ang mga tao sa eksenang ginawa niya. Ang mga security guard ay umawat sa ginagawa niyang pagsabunot sa kawawang babae. “My Goddd! My Godddd!” sigaw ng babae habang hinihila niya ang buhok nito.
Sa tulong ng mga security guard ay tumigil ang pagkakasabunot niya sa babae. Samantalang mabilis na tumakbo ang babae bitbit ang dalawang sapatos nito.
“Pasalamat ka di kita kinalbo,” sigaw niya habang inaayos ang sarili. Laking pasalamat niya nang pakawalan siya ng mga security guard. Ang buong akala niya dadalhin siya sa management office. “Kaka-lorkey!”
HINDI makapaniwala si Noorell sa nangyari sa kanya. Binalot ng galit ang puso niya. Hindi siya makakapayag na hindi makaganti sa babaeng nagpahiya sa kanya sa harapan ng maraming tao.
“Di raw pantay? Excuse me, insecure lang siya sa boobs ko,” aniya habang kinakapa ang dibdib niya. “Hindi ako papayag na hindi ko masabunutan ang babaeng ‘yun,” dugtong niya habang pinaparada ang kotse niya.
Pagkababa ng kotse at nagulat siya nang may biglang humawak sa kanyang kanang braso. Napangiti siya nang makilala ang lalaki – si Andrew.
“Pwede ba tayong mag-usap?”
“Sure! Alam mo Andrew kay tagal kitang hinintay. Sabi ko na nga ba’t di mo ko matitiis,” wika niya habang pilit na niyayakap ang lalaki.
“Stop it! Gusto kitang makausap para sa closure nating dalawa.”
“C-closure? Andrew, please! Give me another chance para patunayan ko sa’yo na mahal kita.”
“Ayoko ko na!”
“Bakit, may bago ka na bang mahal?” Hindi nakasagot ang binata. Sa halip, tumalikod ito saka iniwan siyang lumuluha. “Andrew, bumalik ka dito! Hindi ako papayag na mapunta ka sa iba,” dugtong niya habang sinisipa ang pinto ng kotse niya.
TUWANG TUWA naman si penguin habang nanonood sa youtube. Hindi nga siya nagkamali sa pagpili kay Zaira para maging isang Pinay Superhero. Pinagyabang pa niya kay Master Xehan ang napanood niya sa video.
“Magaling Penguin! Kitang-kita sa video ang pagiging matapang ni Zaira,” masayang wika sa kanya ni Master Xehan.
“Hindi po ako nagkamali sa pagpili kay Zaira. Isa siyang babaeng palaban at matapang. Bukod pa sa mahilig siyang kumain ng itlog at ang galing-galing pa niyang mag-split,” sagot niya habang nag jump-jump sa malaking batong pinagpapatungan niya.
HINDI naman makapaniwala si Zaira sa videong napanood niya – kitang kita niya kung paano niya duru-duruin ang pagmumukha ng isang babae habang pinagsasabihan itong makapal ang make up at di pantay ang boobs. At lalo pa siyang nagulat nang kumalat sa youtube ang pagkakasabunot niya sa babae. Ang masama, putol-putol ang video at siya ang lumabas na unang naghamon ng away.
Ang masama, usap-usapan na sa yahoo at maging sa TRE ang Thrilla sa MOA, kung saan napanood sa buong mundo ang pagkakasabunot niya sa babaeng nangangalang Noorell De Vera.
“Hindi po ‘yan ang first scene. May naunang eksena pa po kung saan nilalait-lait niya ako at tinadyakan niya ako,” paliwanag niya sa mga tambay sa tindahan ni aling Sonia.
Tumalikod siya saka naglakad. Ayaw na niyang pahabain pa ang interview. Mahirap na baka talunin pa niya si Claudine Barretto – dahil kayang-kanya niyang basagin ang pagmumukha ng babaeng nakalaban niya. Hindi lang siya writer, boksingero pa!
Sa TRE –
“Huwag n’yo po akong husgahan dahil hindi po kumpleto ang video. Siya po ang unang nanakit sa akin. Please, kung sino po ang may video ng buong pangyayari ipagbigay alam na lamang po sa admin ng TRE” - Zaira
Umusok ang ilong niya nang mabasa niya ang mga comments ng mga readers. Tuwang-tuwa pa ang mga haters niya sa issue na kinasasangkutan niya. Ang bad-bad niya sa tingin ng iba. Ang masama pa, nabasa niya na ang EX BF ng babae ay walang iba kundi si Gwapito.
“Kung alam ko lang kinalbo na kitaaaa!” sigaw niya sa hangin dahil walang nakarinig sa pagsigaw niya.
Kawawa naman ang ating bida! Hindi pa nagiging super hero eh nasasabak na sa malaking bakbakan.
Abangan ang pakikipagsapalaran ng nag –iisang pinay super hero ng TRE.
JONDMUR'S
Super Zaira, and the Magical Penguin
No comments:
Post a Comment