BIGLA akong natigilan nang yakapin ng hangin ang nalulumbay kong katawan. Bumibilis ang tibok ng aking puso na tila may delubyong paparating. Napalingon ako nang may tumawag sa aking pangalan – isang babaeng naging bahagi na ng aking buhay.
Umungol siya na tila may nais ipahiwatig, subalit nilamon ng hangin ang kanyang tinig. Niyakap ko siya saka tinanong kung ano ang problema niya, subalit ayaw niyang magsalita na tila binabalot ng takot ang kanyang pagkatao.
Napapitlag ako nang may biglang kumalabog sa aking likuran. Nakita ko ang pinsan kong lalaki na tila naguguluhan. “Yuya, s-sinong kausap mo?” Kumunot ang noo nito na tila nagtataka sa aking ikinikilos. “Eh, wala ka namang kasama,” dugtong nito.
Napalingon ako kay Jane, at halos manindig ang aking mga balahibo nang matuklasan kong unti-unting nalulusaw ang maamo nitong mukha hanggang sa maglaho siya sa aking paningin.
Kasabay nang pagkulog ng kalangitan ang isang malakas na sigaw na tila nanggaling pa sa hukay. Binabalot na ng takot ang aking pagkatao. Diyos ko! piping usal ko habang nakakulong sa aking mga bisig ang batang tila kinikilabutan sa aking ikinikilos. Mahigpit na mahigpit ang pagkakayakap sa akin ni Boyet na parang ayaw niyang humiwalay sa akin.
“Yuya, sino yakap mo?” Natigilan ako nang makita kong nakatayo sa di-kalayuan si Boyet. Napapitlag ako. Sino ang kayakap ko? Unti-unti akong kumalas sa malamig na katawang yumayapos sa akin. At halos mapasigaw ako sa aking natuklasan – multo na ni Jane ang aking nayayakap. Imposible!
Isang sigaw na tila nagmula pa sa hukay ang aking narinig. At kasunod niyon ang muling pagyapos niya sa maskulado kong katawan.
“Huwaggggg!” Ang aking sigaw ay sumabay sa malakas na kulog ng kalangitan, at kasunod niyon ang pagyanig ng buong paligid na siyang sinabayan nang malakas na pag-agos ng tubig.
NASAKLOT ko ang aking dibdib nang makabangon ako sa kama. Nananaginip na naman ako. Ilang araw ko nang napapanaginipan na minumulto ako ni Jane. Imposible!
Bumukas ang pinto na siyang ikinagulat ko. Iniluwa niyon ang pinsan kong si Boyet na tila nagagalak na masilayan ako.
“Yuya, nasa baba po si Ate Jane,” wika nito na may kasunod na ngiti. Niyakap ko ang batang makulit saka hinagkan sa ilalim ng tenga. Napasigaw ito na siyang sumabay sa malakas na pagkulog ng kalangitan. “Naku! Afraid ako!”
“Boyboy, kulog lang ‘yan!” Bumaba ako ng hagdan na may bakas ng pagkabahala. Naabutan ko si Jane na naka-upo sa sofa. Buhay na buhay!
Kababata ko si Jane, di tunay na pangalan. Mahilig siya sa mga ghost stories, kaya kadalasan sa akin niya inilalahad ang mga bagay na bumubuo sa kanyang isipan. Katulad na lamang nang inilahad niya sa akin ang mga panaginip niya, ang mga multong nakikita niya, at ang mga bagay na pinaniniwalaan niya.
High School kami nang ipagtapat niya sa akin na nakakakita siya ng mga kaluluwa. Noong una hindi ako naniniwala hanggang sa patunayan niya sa akin na nakita niya ang kaluluwa ng lola ko.
“Nakikita mo ba ang bakas ng mga paa?” Natigilan ako sa itinuran niya. Napatingin ako sa sahig kung saan may mga bakas ng mga paa sa kuwarto ng aking lola – isang paniniwala ng mga matatanda na magkakaroon ng bakas ang sahig na nilagyan ng abo kung may multong daraan roon. “Narito lang ang lola mo,” dugtong niya na siyang nagpanindig ng aking mga balahibo.
Isang hampas sa balikat ang natanggap ko. Bigla akong natauhan nang matuklasang nasa harapan ko na si Jane.
“Para kang nakakita ng multo?” wika niya sa akin.
“H-ha? Nagulat lang ako.”
“Nagulat?”
“Eh, ang aga mong bumisita. Heto, kakagising ko lang,” tugon ko sa kanya. Natuwa ako nang malaman kong dinalhan niya ako ng champorado, ang paborito kong almusal.
Habang kumakain inilahad niya ang mga napapanaginipan niya. Tahimik lamang ako habang nakikinig sa mga kababalaghang nagbibigay takot sa aking dibdib. Pakiramdam ko, masaya siya habang inilalahad sa akin ang mga kababalaghan o misteryong nararanasan niya.
“Alam mo, sa panaginip puwede mong makita ang kaluluwa ng isang tao.”
“Whe?” Hinampas niya ang kanang balikat ko. “Baka may gusto silang ipahiwatig,” dugtong ko na siya namang sinang-ayunan niya.
“Minsan naman, makikita mo rin ang kaluluwa ng isang tao kahit buhay pa siya,” aniya habang pinagmamasdan akong kumakain. “Para magbigay ng isang babala,” dugtong niya.
Bigla akong natigilan. Paano ko ba sasabihin sa kanya na madalas ko siyang napapanaginipan?
Iniba ko ang usapan. Inilahad ko sa kanya ang lovelife ko; ang pagkabigo ko kay Ruthie, ang panliligaw ko kay Zaira, at ang lihim kong pag-ibig kay Sapphire. Bigla niya akong pinigilan. Sabi niya, paulit-ulit lang naman ang mga kuwento ko. Ang sagot ko naman, sana mahanap na niya ang lalaking mamahalin niya. Hinampas niya ang kanang balikat ko. Bakit ko raw iniiba ang usapan?
BINALOT ng takot ang mukha ko nang makakita ako ng mga bakas ng mga paa sa sahig. Kanina lamang nang maglagay ako nang abo upang tiyakin kung may multong gumagala sa aking silid. Sinundan ko ang mga yabag hanggang sa tumigil iyon malapit sa isang picture frame na nakasabit sa dingding ng kuwarto – ang larawan ni lola.
Akma akong tatalikod nang may napansin akong kakaiba sa aking silid. Unti-unting dumidilim kahit pa nakabukas ang ilaw. Bigla akong napapitlag nang malaglag ang picture frame, agad ko itong dinampot at halos lasunin ng takot ang dibdib ko nang matuklasan kong nagbabago ang imahe ng larawan hanggang sa maging larawan iyon ni Jane.
Nabitiwan ko ang picture frame dahil sa labis na takot. Tumalikod ako upang tumakas subalit naka-lock ang pinto – hindi ko mabuksan. Kinalampag ko iyon upang makalikha ng ingay subalit walang nakakarinig sa akin.
Napasigaw ako nang may humawak sa aking kanang balikat. At sa paglingon ko nasilayan ko si Jane. Umiiyak siya na tila may gustong ipahiwatig. Itinulak ko siya subalit tumagos lamang ang aking mga kamay sa kanyang katawan.
Kaluluwa ba ni Jane ang nakikita ko?
Tinitigan ko siya hanggang sa nagkatitigan kami. At doon ko nakita ang mga masasayang alaala namin noon; ang paglalaro namin ng habulan kung saan ako ang laging taya, ang pagkain namin ng fishball, at ang pamamasyal namin sa tabing-ilog habang magkahawak-kamay.
Natigilan ako nang biglang naglaho ang kaluluwa ni Jane. Hinanap ko siya. Tinawag ko ang kanyang pangalan subalit walang multong nagpapakita sa akin.
“Jane, magpakita ka! Hindi ako natatakot sa’yo!” Kumalampag ang pinto ng cabinet hanggang sa magsara bukas iyon. Natigilan ako. At nang makabawi, lumapit ako upang alamin ang laman niyon. Akma kong bubuksan nang may biglang pumigil sa aking mga kamay. Halos mapasigaw ako nang makita ko ang kaluluwa ni Jane.
“JANEEEEE!” Napabangon ako sa sofa. Nakatulog pala ako. Isang panaginip na naman ang gumulo sa aking isipan. Tumayo ako na siya namang pagdating ng nanay ko. Kumunot ang noo nito nang mapansing kagigising ko lamang.
“O, natulog ka na naman? Alam mo na ba ang balita?”
“Balita?”
“Jon, lumuwas ng Maynila si Jane.” Nagulat ako sa itinuran ng nanay ko. Bakit hindi man lang nagpaalam si Jane sa akin.” Tumungo ako sa kusina. At nahagip ng paningin ko ang pinag-kainan ko ng champorado.
“Nay, anong oras umalis si Jane?”
“Kanina lang,” kaswal na tugon nito sa akin habang inaayos ang pinamili sa palengke. Nalungkot ako sa aking nabalitaan. Hindi ko inaakala na magagawa ni Jane na hindi magpaalam sa akin.
Tumungo ako sa aking kuwarto. Binuksan ko ang cabinet upang kumuha ng towel hanggang sa mahagip ng aking paningin ang ilang libro; mga horror books na iniregalo sa akin ni Jane, mga romance novel na nabili ko sa bangketa, at isang mini diary na ipinatago sa akin ni Jane. Malaki kasi ang tiwala niya sa akin. At bilang isang mabuting kaibigan ay nirespeto ko ang bilin niya – hindi ko binasa ang nilalaman niyon.
UMIHIP ng ubod lakas ang hangin. Halos matumba ako sa aking kinatatayuan. Mabuti na lamang ay napaupo ako sa kama. Nagulat ako nang magtakbuhan ang mga tao. Mababakas sa kanilang mga mukha ang labis na pangamba. Umuga ang buong paligid na tila lumilindol. Nahilo ako hanggang sa mapahiga ako sa aking kama.
Kasabay ng kulog ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Napabangon ako nang matuklasan kong nakasakay na ako sa bangka. Malakas ang alon na tila gusto nitong lamunin ang maliit na bangkang sinasakyan ko.
Napalingon ako. Nakita ko ang isang malaking barkong papalapit sa kinaroroonan ko. Sumigaw ako subalit huli na ang lahat. Nahagip na nito ang bangkang sinasakyan ko hanggang sa tumilapon ang katawan ko sa dagat.
“L-lumulubog ang barko!” Nasaklot ko ang aking bibig. Bakit nasa loob na ako ng barko? Tumakbo ako nang tumakbo subalit walang hangganan ang aking nilalakbay hanggang sa may biglang humawak sa aking kanang balikat.
“J-jon, mahal na mahal kita.” Naiyak ako nang makita ko si Jane. Hinawakan ko siya subalit bigla siyang nilamon ng dagat. Sumigaw ako nang sumigaw hanggang sa maramdaman ko ang isang malamig na kamay na humawak sa kanang balikat ko.
NAPABANGON ako sa aking kama. Napaiyak ako sa aking napanaginipan. Akma na akong tatayo nang biglang may kumalampag sa pintuan, at kasunod niyon ang malakas na boses ni nanay. Binuksan ko ang pinto – nakita ko sa mga mata ni nanay ang labis na pag-alala.
Patay na si Jane! Halos manlambot ako sa aking natuklasan. Hindi ako makapaniwala sa inihayag ni nanay. Paano namatay si Jane?
Sinampal ko ang aking sarili. Umaasa na ito ay isang panaginip lamang. Subalit sa pagkakataong ito nababatid kong totoo ang lahat – hindi ako nananaginip. Kasabay ng aking luha ang pagkabog ng aking dibdib. Lumubog raw ang barkong sinasakyan ni Jane dahil sa matinding hagupit nang panahon.
KASABAY nang pagluha ko ang pagtangis ng langit. Napalunok ako habang binabasa ko ang mini diary ni Jane; nakasaad rito ang lihim niyang pag-ibig sa akin, mga hinanakit niya sa tuwing nagmamahal ako sa iba, at ang mga maliligayang tagpo naming dalawa.
Can this be love? Sana masabi ko kay Jon na mahal ko siya. Sana masabi ko kahit sa panaginip man lang.
Nagkakaroon na nang linaw ang lahat. Natuklasan ko na malalim na ang pagmamahal sa akin ni Jane. At dahil sa kabiguan sa aking pag-ibig ay nagpasya siyang tumungo sa Maynila upang gamutin ang sugat sa kanyang puso.
Bigla kong naalala ang mga araw na magkasama kami. Hindi ko inaakala na ang pagsandig niya sa aking balikat ay senyales pala ng kanyang pagmamahal. Manhid ako sa kanyang paningin – isang lalaking hindi marunong makiramdam.
I’m sorry, Jane! piping usal ko. Huminga ako nang malalim. Sana nasabi ko kay Jane ang aking lihim – na nahuhulog na ang loob ko sa kanya.
MALIWANAG ang buong paligid. Ang bahaghari ay tila ngumiti sa kalangitan. Mayamaya pa, nakita ko si Jane habang kumakaway sa akin. Mababakas sa kanyang mukha ang labis na kaligayahan.
Jon, hindi mo man mahigitan ang pagmamahal ko sa’yo. Mamahalin pa rin kita haggang sa kabilang buhay.
Umangat ang katawan niya sa lupa. Hinabol ko siya subalit pakiramdam ko hinahabol ko ang isang napakatuling tren – hindi ko siya maabutan.
BUTIL-BUTIL ang pawis ko sa noo nang makabangon ako sa aking kama. Nakita ko na naman si Jane sa aking panaginip. Bigla akong napaupo hanggang sa sumayad sa sahig ang aking mga paa. Bigla akong natigilan nang mahagip ng aking paningin ang mga nagkalat na abo sa sahig. May ilang bakas ng paa akong natagpuan. Multo kaya ni Jane ang gumagala sa aking silid?
Napapikit ako nang may biglang tumapik sa kanang balikat ko, at kasunod niyon ang malamig na hanging humampas sa aking mukha. Mayamaya, naramdaman ko ang paghagod ng hangin sa aking kanang balikat.
Akma na akong tatayo nang muling may tumapik sa aking kanang balikat. Napapikit ako. At sa muling pagmulat ng aking mga mata – si Jane nakangiti sa akin. Bakas sa kanyang mukha ang labis na kaligayahan.
Matatakot ba ako sa multo ni Jane?
Ako si JonDmur, simpleng manunulat na mahilig maglakbay sa mundo ng misteryo. At ito ang kuwento ni Jane, isang kaibigan na hindi ko makakalimutan.
WAKAS
Lihim
Sa Panulat ni JonDmur
Waaaaaaaa grabi ang ganda papa love heheheh
ReplyDeleteNatawa lang ako dun sa panliligaw mo kay zaira at lihim na pag ibig kay sapphire....
Pero ang totoo si jane pala ang may lihim na pag ibig sayo hahahaha
Katakot ganun pala ang mga multo? Ehhh masubukan nga maglagay ng abo... :D