Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

Timawo II - Part 3

BUTIL-BUTIL ang pawis sa noo ni Ruthie. Bumaba na rin siya ng tingin nang matuklasang natalo ni Marco ang matigas niyang mga titig. Kanina lamang nang bumaba ito ng tingin pero agad itong nakabawi hanggang sa matalo siya nito sa titigan. Tila bumagal ang tibok ng kanyang puso hanggang sa maramdaman niya ang mainit nitong palad na humihimas sa kanyang mukha.


Bigla siyang napapitlag nang makabawi siya nang lakas. At isang malakas na sampal ang pinakawalan  niya na tumama lamang sa hangin – nakailag si Marco na tila alam ang bawat hakbang na kanyang gagawin.
“M-makinig ka! Naaamoy ko ang bawat galaw mo. Mag-ingat ka kung ayaw mong magalit ako sa’yo,” wika nito na siyang nagpabara ng lalamunan niya. Mayamaya, tumalikod ito saka naglakad palayo sa kanya.
“A-ano to?” Napanganga siya nang matuklasang may bahid ng dugo ang kanang braso niya na nagmula sa mga kamay ni Marco. 
Tumungo siya sa kusina para maghugas ng kamay nang maabutan niyang nakakalat sa mesa ang mga patay na pusa. Laslas ang mga leeg nito na siyang nagpabaligtad ng sikmura niya. Halos mawalan siya nang ulirat nang makapunta sa loob ng banyo.
Saklot niya ang kanyang dibdib. Dumuwal siya hanggang sa inilabas niya ang lahat nang nakain niya. Nang makaraos, humarap siya sa salamin saka agad na naghilamos. Tumingala siya hanggang sa mahagip ng kanyang paningin ang multo ng kanyang lola.
NATIGILAN si Sarah nang maramdamang may humawak sa kanyang kanang balikat. Lumingon siya hanggang sa mahagip ng paningin niya si Marco na kagagaling lamang ng banyo. Nakatapis lamang ito ng tuwalya kaya litaw ang mga tattoo nito sa katawan – isang cobra ang nakatatak sa gawing likuran nito.
Lumapit sa kanya ang lalaki saka pumulupot ang mga kamay nito sa kanyang baywang. Napangiti siya sa ginawa nito. Humarap siya saka sinalubong ang mapusok nitong mga halik. Mainit na mainit na siyang pumapaso sa buo niyang pagkatao. Ilang sandali pa, halos maubusan siya nang hininga nang maramdamang humahaba ang dila nito.
Pumalag siya subalit na-magnet na ang kanyang mga labi sa bibig nito – hindi siya makaalis. Muli niya itong itinulak ngunit nanatiling bihag nito ang kanyang mga labi. Napamulat siya nang maramdamang pumulupot ang dila nito sa kanyang dila na tila ahas na gumagapang sa loob ng kanyang bibig.
Itinaas niya ang kanyang tuhod saka ubod lakas na sinipa ang harapan ng asawa. Napaluhod ito sa sobrang sakit pero agad itong nakabawi. Akma na siyang tatakbo nang hinila nito ang kanyang buhok. “A-anong problema mo? Bakit? Napagod ka na ba sa paglalandi mo sa lalaki mo?”
“W-wala akong lalaki!” singhal niya rito. Bigla siyang napaluhod nang tumama sa sikmura niya ang matigas nitong kamao. Halos mamilipit siya sa sobrang sakit. “T-tama na!” pagmamaka-awa niya sa lalaki.
Hinatak nito pataas ang buhok niya saka itinulak siya pabagsak sa kama. Gumapang siya upang makatakas rito subalit wala na siyang mapupuntahan pa. Nakahanda na ito para muling pagsawaan ang kanyang katawan.
Natigilan siya nang tumigil ito. Umupo ito sa kama saka nagsindi ng sigarilyo. Inayos naman niya ang kanyang sarili hanggang sa mahagip ng paningin niya ang tattoo nito. Pakiramdam niya nanlilisik ang mga mata ng cobra.
Tumayo ito hanggang sa tumambad sa kanya ang hubu’t hubad nitong katawan. Kinuha nito ang tuwalya saka lumabas ng kuwarto. “Akala ko nagbago ka na,” sambit niya habang pinupunasan ang mga luhang bumagsak na sa kanyang mga mata.
Pinatay niya ang ilaw saka humiga sa kama. Naninibago siya sa kadiliman ng paligid – wala siyang maaninag na kahit anumang liwanag. Nagkubli siya sa ilalim ng kumot. Nakiramdam hanggang sa bumukas ang pinto.
Narinig niya ang mga yabag nito hanggang sa maramdaman niya ang paghiga nito sa kama. Nakagat niya ang kanyang mga labi nang muling yumakap sa kanya ang asawa.
HABOL ang paghinga nang makalabas ng banyo si Ruthie. Hindi niya inaasahan na muli na naman niyang makikita ang kaluluwa ng yumaong lola. Bigla siyang natigilan nang maabutang nililigpit ni Marco ang mga patay na pusa. Lumapit pa si Edyzr para tulungan ito. “Hugasan mo nang mabuti. Masarap na pulutan ‘yan,” wika nito sa driver. 
Muling bumaligtad ang sikmura niya pero pinigilan niya ito. Tumakbo siya hanggang sa makalabas ng bahay. Buo na ang pasya na – kailangan na niyang humingi ng tulong.
NAPAPIKIT si Sarah nang maramdaman ang mainit na katawang yumayakap sa kanya. Naninibago siya sa pagiging mapusok ng asawa – dahan dahan ito na tila iniingatan ang kanyang katawan. Biglang nag-ring ang cellphone niya na nagdulot ng kaunting liwanag sa buong paligid. Halos mapasigaw siya nang makitang walang lalaking pumapatong sa kanya pero ramdam niya ang bigat ng katawan nito.
Sumigaw siya subalit nilamon lamang ng hangin ang kanyang tinig – walang nakarinig sa kanyang sigaw. Tumayo siya saka kinapa ang main switch ng ilaw. Kinilabutan siya sa kanyang natuklasan. Nag-iisa lamang siya sa loob ng silid.
Sino ang lalaking bumihag sa kanyang katawan?
Lumabas siya ng kuwarto saka bumaba ng hagdan. Naabutan niya si Marco na nagluluto sa kusina. Tinawag siya nito saka pinilit na tikman ang putaheng niluluto nito. Naguguluhan man ay minabuti niyang lumapit para makaiwas sa pananakit ng asawa.
“Masarap ba ang adobo?”
“Ha? Oo, konting asin na lang,” tugon niya rito na tila natuwa sa isinagot niya. Lumingon siya saka napasigaw nang mahagip ng paningin niya ang pugot na ulo ng pusa. “A-ano ‘yan? Ano ‘yan?” sigaw niya habang nakakapit sa braso ng asawa.
“Pusa! Masarap diba?” Natigilan siya saka napalingon sa niluluto nito. Halos mangalisag ang mga balahibo niya sa katawan. “Gusto mo pa?”
Tumakbo siya saka lumabas ng bahay. Napasandig siya sa pader saka umiyak nang umiyak. Nasaklot niya ang kanyang dibdib. Hindi niya akalain na kumakain ng pusa ang asawa. “O, hindi! Panaginip lang ito,” wika niya sa sarili habang hinahagod ang sariling dibdib.
KINALAMPAG ni Ruthie ang gate hanggang sa bumukas iyon. Tumambad sa kanya ang kaibigan na tila naguguluhan sa ikinikilos niya.
“Okay ka lang? Kung makakatok ka sa gate namin parang may delubyong paparating,” reklamo ng kaibigan habang pinapapasok siya nito sa loob ng bahay.
“Divine, kailangan ko ang tulong mo!”
“Anong tulong?”
“Samahan mo ako kay Madam Jane.” Bakas sa mukha ng magandang kaibigan ang isang malaking katanungan. Kumunot ang noo nito na tila naguluhan sa sinabi niya.
“Ngayon? Ruthie, maghahating gabi na!” Hinawakan niya ang magkabilang kamay nito. “Nakiki-usap ako sa’yo.” Tumulo ang kanyang mga luha na siyang naging dahilan para makuha niya ang loob ng dalaga.
“Sige, kukunin ko lang ang susi ng kotse.” Bigla siyang napalingon nang may tumawag sa kanyang pangalan. Kanina pa naka-akyat ng hagdan ang kaibigan para kunin ang susi nito. Tumayo siya saka inilibot ang paningin – malakas ang kutob niya na may ibang nilalang na naninirahan sa loob ng bahay.
Matagal na silang magkaibigan ni Divine. Ito na yata ang nagsilbing kapatid, kaibigan, o bestfriend niya. Bukod sa kanyang pinsan na si Sarah, ito lang ang nakaka-alam ng mga sikreto niya. Tinitigan niya ang malaking portrait na nakasabit sa dingding ng bahay.
“Alam ko nandito lamang kayo sa paligid. Binabantayan ang nag-iisa n’yong anak,” aniya sa larawan. Bigla siyang napasigaw nang may biglang humawak sa kanyang kanang balikat.
“Akala ko ba sanay ka nang makakita ng multo? Bakit may gulat factor ka pa diyan?”
“Bruha ka talaga? Para kang multo kung makasulpot,” sabi niya rito. Ilang sandali pa, nasa loob na sila ng sasakyan.
“Nakahanda ka na ba?”
“Matagal na akong nakahanda! Kailangan ko lang makasiguro kung tama lahat ng mga hinala ko. Divine, naniniwala ako na hindi tao si Marco.”
“A-anong ibig mong sabihin?” Bakas sa mukha ng kaibigan ang labis na pangamba. “Aswang ba siya?” dugtong nito habang minamaneho ang New Brand Toyota Car nito. 
“Mas masahol pa sa pagiging aswang.” Tumingin siya sa kaibigan na abala sa pagmamaneho. “Demonyo!” Bigla siyang napasubsub sa kotse. Mabuti na lamang at mahigpit ang seat belt niya – hindi siya nauntog.
Habol naman ang paghinga nang kaibigan nang huminto ang sasakyan. “Oh my God! Papatayin mo ako sa takot! Okay! Mamaya na tayo mag-usap kapag nakarating na tayo sa bahay ni Madam Jane.” Sumandig siya sa upuan saka ipinikit ang kanyang mga mata.
Binalot ng katahimikan ang loob ng kotse habang binabagtas nila ang kahabaan ng highway. Pagkamulat ng kanyang mga mata ay natanaw niya mula sa bintana ng kotse ang buwan na tila bolang nagliliyab sa apoy.
“Tinawagan ko na si Madam Jane. Alam na niya na papunta na tayo.” Binasag na niya ang katahimikan. “Sabi niya maghihintay siya hanggang sa makarating tayo.”
“Malapit na tayo. Di ba nasa kabilang kanto na lamang iyon?” Biglang itong napamura nang huminto ang sasakyan. “Nasiraan yata tayo,” dugtong nito na siyang ikinabahala niya.
Bumaba siya ng kotse hanggang sa matanaw niya ang bukirin. Ang kalsada ay napapagitnaan ng taniman ng palay. Sa dulo naman, matatagpuan ang mga ibat-ibang puno na siyang nagpadilim sa buong paligid. “Hindi ba tayo naliligaw?”
Lalong bumakas ang labis na takot sa mukha ng kaibigan. Bigla itong napakapit sa kanang balikat niya. “No! Alam ko nasa dulo ang bahay ni Madam Jane. Tara! Maglakad na lang tayo,” wika nito habang hinihila siya papunta sa di mapunong lugar ng kagubatan.
LABIS ang pagkabahala ni Sarah nang matuklasang wala si Ruthie sa kuwarto nito. Lumabas siya ng bahay saka pinuntahan si Edyzr sa kuwarto nito na matatagpuan malapit sa gate ng mansion. Nagsisilbing body guard na rin kasi ang binata.
Subalit, napagod na ang kanyang mga kamay sa kakalampag ng pinto – walang binatang lumabas mula rito. Tumungo siya sa likod ng bahay hanggang sa mahagip ng paningin niya ang hinahanap – si Ruthie na papasok sa mapunong lugar ng kabukiran.
Kumunot ang kanyang noo hanggang sa binalot ng kuryusidad ang isipan niya. Sinundan niya ang pinsan hanggang sa makarating siya sa kagubatan. “R-ruthie? Ikaw ba ‘yan?” Niyakap niya ang kanyang sarili nang humampas ang malamig na hangin sa kanyang katawan.
HALOS bumaon ang kuko niya sa braso ng kaibigan sa higpit nang pagkakakapit niya. Hindi alam ni Ruthie kung ano ang gagawin. Malakas ang kutob niya na may sumusunod sa kanila.
“Ruthie, natatakot ako!” sambit ni Divine habang naglalakad sila sa gitna ng gubat. “Tama ka yata! Naliligaw tayo,” dugtong nito.
“Sandali!” Napahinto sila sa paglalakad. “Bumalik na tayo sa kotse,” sabi niya saka hinila ang kaibigan. Magkayakap na nilakbay nila ang daanan pabalik sa pinagmulan nila.
Bigla silang napahinto nang mahagip ng paningin nila ang mga anino nila na tila buhanging itinatangay ng hangin. Unti-unti itong nawawala. “Ahhhh! Ano ‘yun?”
“Divine, h-huwag kang matakot!” Halos manginig ang buong katawan ng kaibigan sa labis na takot. “Makinig ka!” Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat. “Huwag mong ipakita na natatakot ka sa kanila.”
Humampas ang hangin na siyang nagpangatog ng tuhod niya. Pakiramdam niya binuhusan siya nang nagyeyelong tubig. Ilang sandal pa, sumigaw si Divine na siyang nagpakaba sa dibdib niya. Bigla siyang napalingon hanggang sa matanaw niya ang isang anino na palapit sa kanilang kinaroroonan. Nasaklot niya ang kanyang bibig nang mapansin ang sungay ng anino.
Kumalas sa kanyang mga braso ang kamay ng kaibigan. Tumakbo ito habang sumisigaw. “Divine, bumalik ka ditooooooo!” malakas niyang sigaw na sumabay sa malakas na pagkulog ng kalangitan.
Tumakbo siya para habulin ang kaibigan na takot na takot sa buong pangyayari. Halos balutin ng pagkasindak ang puso niya nang makitang hinahabol ito ng anino. Huminto naman ang kaibigan saka lumingon sa kanya.
“Divine, takbooooo!” malakas niyang sigaw na siyang nagpasindak sa kaibigan. Halos maubusan siya nang hininga nang may humila sa mga paa nito. Tumakbo siya upang saklolohan ang kaibigan. “Kumapit ka sa mga kamay ko.” Hirap man ay pinilit niyang hilahin ang mga kamay nito. Naubos na yata ang natitirang lakas niya. “Divineeeeee!”
Nabitiwan niya ang kamay ng kaibigan hanggang sa matagpuan niya itong hinihila nang padapa. Sugatan ang mukha ng dalaga. “Ahhhhhh!” malakas nitong sigaw.
“D-diyos ko!” sambit niya habang hinahabol ang kaibigan. Nagulat siya nang bumuka ang lupa hanggang sa lamunin nito ang dalaga. “Hindeeeeeee!”
“Ruthie!” Napalingon siya sa pinagmulan ng tinig. At kasabay ng pagtulo ng kanyang mga luha ang pagyakap sa kanya ng kaibigan. “Salamat dahil naging kaibigan kita,” wika nito na tila nanggaling sa hukay ang tinig nito.
Lumakas ang ihip ng hangin hanggang sa matuklasan niya na isang kaluluwa ang yumayakap sa kanya. Bukas ang third eye niya kaya nakikita niya ang kaluluwa ng kaibigan. Nasaklot niya ang kanyang dibdib. “I’m sorry! Patawarin mo ako Divine! Namatay ka nang dahil sa akin,” sambit niya kasabay nang paglaho ng kaibigan.
NAPASIGAW si Sarah nang matuklasang wala siyang hinahabol. Napaglalaruan lamang siya ng kanyang paningin. Akma na siyang maglalakad nang may humawak sa kanyang kanang balikat. “D-divine?”
“Umalis na kayo rito! Umalis na kayo!” Tumalikod ito saka naglakad papunta sa likod ng akasya. Sinundan niya ito subalit naglaho na ito sa kanyang paningin.
“Divine? Nasaan ka? A-anong ginagawa mo dito? Nasaan si Ruthie?” Bigla siyang pumiglas nang may tumakip sa kanyang bibig. Nang makawala natuklasan niya na si Edyzr ang nasa likuran niya. “Ikaw? Nasaan si Divine? Nasaan si Ruthie?”
“A-anong ginagawa mo dito? Nakita kita kaya sinundan kita,” wika ng binata na bakas ang pag-alala sa mukha nito.
“Hindi ko maunawaan! Naguguluhan ako!” Hinawakan siya sa magkabilang balikat ng binata. “Makinig ka! Marami kang hindi alam! Umalis na kayo ng pinsan mo bago mahuli ang lahat,” sabi nito na muling nagpakabog ng dibdib niya.
Yumakap siya sa binata hanggang sa mapaiyak siya. Nanghihina siya. Pakiramdam niya nauubusan na siya ng lakas. “Edyzr, naguguluhan ako. Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa paligid ko.”
BIGLANG nahilo si Ruthie nang maramdamang bumibilis ang pagyanig ng lupa. Umiikot ang buong paligid. Iminulat niya ang kanyang mga mata hanggang sa matanaw niya ang mga matang tila nababalutan ng apoy. Napa-atras siya hanggang sa naglakad siya nang paatras. Gustuhin man niyang labanan ang takot ay hindi na niya magawa – unti unti nang nilalamon ng pagkasindak ang puso niya.
Napatid siya sa ginawa niyang paghakbang dahilan para mapaupo siya sa lupa. Gumapang siya nang matuklasang may mga dagang papalapit sa kinaroroonan niya. “H-huwag!” sambit niya nang makitang libu-libong daga ang handang sumakmal sa kanya. “Huwagggggggggggg!”
Halos mapaiyak siya sa labis na takot. Napakapit siya sa kamay ng isang babae. Napatingin siya rito hanggang sa magtama ang kanilang mga paningin. “Umalis na tayo rito! Ligtas ka na,” sambit nito habang ikinakaway ang hawak nitong lampara.
Naalala niya ang kuwento ng lola niya – ang lamparang hawak nito ay may taglay na enerhiyang nagpapataboy sa mga masasamang elemento. Napatingin siyang muli sa babae. Napangiti siya nang makilala ito. Si Madam Jane, ang mayuming dalaga na nakilala bilang isang magaling na babaylan. Nakasuot ito ng isang bestidang humapit sa magandang hubog ng katawan nito.
“Madam Jane, buti dumating kayo.”
“Kanina ko pa nararamdaman na may kakaibang nagaganap dito. Malapit na rito ang bahay ko.”
“Ang kaibigan ko,” sambit niya habang pinagmamasdan ang lupang lumamon dito. “Kinuha siya. Pinatay siya!” Napayakap siya sa magandang dalaga. Pumikit siya saka muling yumakap sa dalagang babaylan.
PAGKAMULAT ng mga mata ni Sarah, naaninag niya ang isang matipunong lalaki na may malabong imahe. Bumangon siya subalit tila nakapako ang kanyang likod sa malambot na kama. “S-sino ka?” Napapikit siya nang dumampi sa kanyang pisngi ang mainit nitong mga palad.
“Sumama ka na sa paraiso,” wika nito na siyang nagpanindig ng kanyang mga balahibo.
Babala sa inyong lahat: Marami ang hindi naniniwala sa mga kababalaghan. Maniniwala ka lang kung ikaw mismo ang makaranas. Gusto mo bang maranasan? O natatakot ka? Huwag pagtawanan ang mga bagay na hindi mo pinaniniwalaan. Respetuhin mo ang paniniwala ng iba. Ikaw rin, baka ikaw ang susunod na biktima.
TIMAWO
Sa Panulat ni Jondmur

No comments:

Post a Comment