Featured Post

Is your boyfriend wants to break up with you?

Boys are good at hiding their true emotions. But when it comes to an imminent break up, boys send clear signals that they want to end the r...

Diploma

PAKIRAMDAM ko tila umaawit ang aking puso – may galak habang nakikinig sa isang awiting tumatagos sa aking puso. Napasulyap ako sa isang miyembro ng music ministry, hindi matutumbasan ng anumang kayamanan ang aking nararamdaman habang kumakanta ang isang binatang nagbigay pag-asa sa aking buhay.


Nang matapos ang isang awitin, agad na lumapit sa akin ang binata. Baon nito ang mga ngiting nagbibigay galak sa aking puso. “Nay, nagustuhan n’yo po ba ang kanta?” Niyakap ko siya nang mahigpit na tila may takot akong nararamdaman - takot na mawala ang isang yamang ipinagkaloob sa akin ng Panginoon.





Ikaw ang aking Tanging Yaman
Na di lubasang masuklian
Ang nilikha mong kariktan
Sulyap ng 'yong kagandahan

Ang mga luha sa aking mga mata ang nagbigay daan upang kumalas siya sa aking pagkakayakap. “Sabi ko na nga ba umiiyak na naman kayo. Si nanay talaga emotera na!” Pinisil pa nito ang magkabilang pisngi ko na siyang dahilan upang sumilay ang mga ngiti ko sa labi. Mayamaya, hinawakan niya ang kanang kamay ko. “Nay, mahal na mahal ko po kayo,” wika nito na may himig ng paglalambing.

Ika'y hanap sa t'wina,
Sa kapwa ko
Kita laging nadarama
Sa iyong mga likha,
Hangad pa ring masdan
Ang 'yong mukha

Baon ko sa aking dibdib ang kagalakan nang makalabas kami ng simbahan. Sa bawat pag-hakbang ko, nakaalalay siya sa akin. Siya ang tungkod ko sa aking paglalakbay. “Pasenya na, mahina na si nanay,” wika ko na kasunod ng isang matamis na ngiti.
“Mahina? Naku! Di ako naniniwala. Alam ko po na kaya n’yo pang pasanin ang kalahating sako ng palay,” sa sinabi niya ay bigla akong natahimik.  At biglang bumalik sa aking isipan ang bakas ng kahapon.

Itago n’yo na lamang ako sa pangalang Belen, isang inang nakaranas nang matinding dagok sa buhay. Nadapa, bumangon, at muling  lumaban upang harapin ang mga pagsubok sa buhay.

“Nay, pasok na po ako sa eskuwela.” Hinalikan ako ni Joe sa pisngi saka ito tumalikod. Paalis na sana siya nang biglang  dumating  ang asawa ko. Hindi ko napigilan ang matuwa sa aking nakikita; nagyayakapan sila habang naglalambingan, at ang kanilang malulutong na tawanan ang siyang nabigay lakas sa akin. Akma kong bubuhatin ang kalahating sako ng palay nang biglang sumigaw si Nestor.

“Naku! Ako na magbubuhat n’yan. Eh, baka makunan ka pa,” malakas na sambit nito kasunod ng isang halakhak. Nagbibiro lamang si Nestor, matanda na kasi ako para mabuntis pero hindi hadlang ang edad ko para gawin ang trabaho ng isang lalaki – ang mag-araro sa bukid at magbilad ng palay sa kalsada.

Bata pa lamang ako ay nasanay na ako sa mga gawaing panlalaki, at hinahanap hanap ko  iyon hanggang sa sa aking pagtanda. Kaya kahit pinagbabawalan ako ng asawa ko. Ginagawa ko pa rin ang ilan sa mga gawaing nakasanayan ko na.

“Ako na!” nagmamakawa ang tinig ni Nestor. Habang binubuhat niya ang sako ng palay ay nakaramdam ako ng galak sa aking puso. Napakabait na asawa ni Nestor. At kahit simpleng buhay lang ang naibigay niya sa aming mag-ina ay masaya na ako. Sa tulong ng lupaing namana pa niya sa kanyang mga ninuno ay nakakaraos kami sa aming mga gastuhin, at higit sa lahat napapag-aral namin si Joe sa koleheyo.

Maraming pangarap si Nestor; ang lumago ang ani ng palayan namin, maitaguyod ang pag-aaral ni Joe hanggang sa makamit nito ang kanyang diploma, at magkaroon ng sariling bahay sa syudad. Akala ko wala nang unos ang darating pa sa buhay namin nang biglang dumating ang isang trahedya.

“Aling Belen! A-aling Belen!” malakas na sigaw sa akin ni Ka-Selya. Kasabay ng huling sigaw nito ang pagbagsak ko sa kalahating sako ng palay mula sa aking pagkakapasan. Tila tinambol ang dibdib ko sa sobrang takot na nararamdaman. “Si Pare, na- n-akdidente.” Sapat na ang binitiwan nitong salita para maunawaan ko ang lahat.

Nasapo ko ang aking bibig nang madatnan ko si Nestor sa bukid. Laslas ang leeg nito. Duguan at sira ang buong mukha. Tila isang karne ng kalabaw na pinagpipyestahan ng mga langaw. Hindi ko na magawang magtanong pa kung ano ang tunay na nangyari. Pakiramdam ko tumigil ang inog ng mundo. Niyakap ko ang duguan niyang katawan. Mayamaya ay pinakinggan ko ang tibok ng kanyang puso -  wala akong marinig kaya nagpasya akong bombahin iyong sa pamamagitan ng aking mga palad. Subalit, hindi sapat ang ginawa ko para maibalik ang buhay ng aking asawa. Humagulhol ako habang pinagmamasdan ko ang katawan niyang wala ng buhay.

Napalingon ako nang makarinig ako ng mga yabag. Nakita ko ang anak ko. Hindi makapaniwala sa kanyang nakikita. “Nay, a-anong _“ Wala nang lumabas kahit isang salita sa bibig ni Joe. Dahan-dahan itong lumapit sa walang buhay na ama. Ang malakas na sigaw nito ang gumambala sa mga ibong nagmamasid sa buong paligid. Naglapitan ang mga bangaw na tila gustong masaksihan ang trahedyang naganap sa pamilya ko – inatake  ng nagwawalang kalabaw ang walang laban kong asawa.

Ang pagkamatay ni Nestor, ang simula ng mga malalaking pagsubok  sa aking buhay. Natuklasan kong malaki ang pagkakautang niya sa isang pulitiko. At ang tanging maipambabayad namin ay ang maliit naming lupain.

“Wala na kayong magagawa? Nakasanla ang lupain ninyo. Baka nakakalimutan mo na minsan nang nanganib ang buhay mo noong nagdadalang tao ka pa lamang?” Napaupo ako sa sako ng palay. Nanghihina ako. Bakit inilihim sa akin ni Nestor ang pagkakasanla ng lupa? Ito ba ang dahilan kung bakit hindi kami maka-ahon sa hirap? Paano na kami ng anak ko? Ang pagsasaka lamang sa bukid ang tanging ikinabubuhay namin.

Malaki na rin ang pasasalamat ko nang alukin ako ng Mayor na magtrabaho sa lupaing dati ako ang nagmamay-ari. Pumayag ako sa isang kasunduan – mababawi ko ang lupa mula sa pagkakasanla kung mababayaran ko ang utang namin. At habang nakasanla pa ang lupa, lahat ng kikitain ay mapupunta sa bulsa ni Mayor.

Inilihim ko kay Joe ang lahat. Ayaw kong mag-alala siya sa nangyari dahil baka maging sagabal ito sa kanyang pag-aaral.

“Nay, ‘wag po kayong mag-alala. Kapag nakapag-graduate ako eh, ipapaayos ko itong bahay natin.” Hinalikan ako ni Joe sa kulubot kong mukha. “Nay, pangako ‘di na kayo magbubuhat ng palay. Saka, bawas bawasan n’yo naman ang pagbubuhat tumatanda na kayo,” wika nito kasabay ng isang malutong na halakhak.

“Ikaw talaga! Alam mo kahit ikaw kayang kaya kong buhatin.” Hindi ako makapaniwala na mabubuhat ko si Joe. Malaki na ang binata ko pero medyo kinapos sa height kaya pakiramdam ko nagbuhat lang ako ng isang sakong palay. Habol ang paghinga ko nang maibaba ko siya sa aking pagkakaaba. Bakas sa mukha niya ang pagkabigla sa ginawa kong pagpasan sa kanya.

“Wow! Lakas talaga ng nanay ko! Ikaw talaga ang super nanay ko.” Niyakap ako ni Joe. Nakaramdam ako ng init ng pagmamahal mula sa kanya. Binata na ang anak ko. At isa sa mga dalangin ko sa Panginoon - sana makuha niya ang diplomang matagal na niyang pinapangarap.

Sa tuwing nagsisimba ako, wala na akong ibang hiniling sa Diyos kundi ang ipagdasal na sana maging maganda ang bunga ng kanyang pag-aaral. Hindi ako nabigo. Matataas ang mga grado ni Joe. Ipinagmamalaki pa niya sa akin na siya na raw ang susunod na principal sa aming bayan.

“Nay, sa sabado wala akong pasok. Pahinga muna kayo. Ako muna ang magtatrabaho sa bukid. Oo nga po pala, bakit walang palay ngayon? Nasaan na po ang inani natin?” alintanang tanong sa akin ni Joe.

“Ah, eh. Ibenenta ko na lahat anak. Para hindi na ako magbuhat. Diba? Ipinambayad ko sa matrikula mo?” puno ng pangambang tugon ko sa kanya. Ayaw kong magsaka si Joe dahil malaki ang pagkakataon na mabunyag ang lihim ko. Ilan sa mga baguhang magsasaka doon ay tauhan ni Mayor. Malalaman niya na hindi na kami ang nagmamay-ari ng aming lupain.

Sabado, tanghaling tapat habang nagbibilad ako ng palay. Pawisan si Joe nang humarap sa akin. Gustuhin ko mang tumutol ay wala na akong nagawa.

“Nay, tutulong po ako.” Ipinagpatuloy niya ang ginagawa ko. Mayamaya ay inilalabas na niya ang mga sako ng palay mula sa kamalig. Pinasan niya ito, at hindi ko maiwasang maalala ang aking asawa. Nakuha nito ang pangangatawan ni Joe – may kaliitan pero malusog ang pangangatawan.

Naniniwala ako na walang lihim na hindi nabubunyag. Dumating ang tauhan ni Mayor habang nasa loob ng kamalig si Joe. “Belen, bukas na kita babayaran. Ayusin mo ang trabaho para makabayad ka na ng utang mo kay Mayor. Baka nakakalimutan mo ang matrikula ng anak mo.” Natigilan ako. At lalo akong kinabahan nang sa paglingon ko ay nakita ko si Joe. Nangungusap ang mga mata nito na tila inaalam nito ang tunay na nangyari.

“A-anong ibig sabihin nito? Bakit kayo babayaran? Eh, sa atin ang palay na ito?” malakas na tanong ni Joe.

Ipinaliwanang ko sa kanya ang lahat. Subalit naging bingi siya sa aking mga paliwanag. Ayaw niyang makinig sa mga sasabihin ko.

“Nay, sana sinabi n’yo sa akin? Ang laki ng utang natin kay Mayor, baka sa susunod itong bahay na ito ang kunin sa atin. Hanggang kailan tayo magbabayad?”

“Makakabawi rin tayo. Anak, ipangako mo sa akin babawiin natin ang lupa kapag nakapagtapos ka na. Ang sabi ni Mayor pwede nating bawiin ang lupa kapag nagkapera na tayo.” Kumalma ang galit ng anak ko. Niyakap niya ako, hinalikan, at nangakong tutupatin ang isang pangako – ang mabawi ang aming lupain.

Lumipas ang mga araw. Ipinagpatuloy ko ang trabaho sa dati naming lupain. Si Joe naman ay ipinagpatuloy ang pag-aaral sa syudad. Subalit, hindi sapat ang baryang kinikita ko para tustusan ang pag-aaral niya. Lumalaki na rin ang utang ko kay Mayor kaya nagpasya akong huwag nang umutang sa halip magtrabaho ako sa ibang bukirin; ang mag-araro sa ibang lupain upang makadagdag ng kita. 

Marami ang bumilib sa aking kakayahan. Isang babaeng nasanay sa gitna ng bukid. Isang babaeng nagbubuhat ng palay upang ibilad ito sa kalsada hanggang sa maging bigas ito. Ang lahat ng ito ay inilihim ko sa aking anak. Ayaw kong maapekthan ang pag-aaral niya. Subalit, sadyang may tenga ang lupa. Nalaman niya ang bago kong pinagkakakitaan.

“Nay, ano ba kayo? Nagpapakamatay ba kayo? Ang bibigat ng trabaho n’yo. Bakit di na lang kayo magtinda sa palengke?”
“A-anak mas malaki ang kita sa pagbibilad ng palay. Nakakalibre tayo ng bigas. Malakas pa ako. Diba? Kahit ikaw kayang kaya kitang buhatin. Super nanay ako diba?”
“Nay, matanda na kayo. Kung gusto mo. Ako na lang, ako dapat ang gumagawa niyan.”
“Nag-aaral ka? Mahihirapan ka.”
“Titigil ako sa pag-aaral.” Tila sinampal ako sa narinig ko. Hindi ako makapaniwalang masasabi iyon ng anak ko.
“A-ano sabi mo? Titigil ka? Isang taon na lang magiging guro ka na? Ngayon ka pa susuko?”
“Nay, nahihirapan na kayo? Mag-iipon muna ako bago ako mag-aral. O mag-aaral ako habang nag-tatrabaho.”
“Hinde!” malakas kong sigaw. “Hindi ka titigil! Anak, konti na lang malalampasan na natin ito. Nakikiusap ako sa’yo.”

 Pumasok si Joe sa loob ng kanyang kuwarto. Naiwan akong umiiyak sa harap ng altar. Nahagip ng paningin ko ang imahe ng Mahal na Berhen. Pakiramdam ko nakikiramay ito sa nararamdaman ko. “Tulungan n’yo po kami,” piping dasal ko habang patuloy na lumuluha.

Nagpatuloy si Joe sa pag-aaral. Pumayag akong magtrabaho siya sa bukid tuwing sabado at linggo. Nakatulong ang kinikita naming dalawa para matustusan ang araw-araw na gastusin.

“Nay, ‘wag na po. Next month pa naman ang exam kaya wala pa akong babayaran,” tugon niya sa akin habang ibinabalik ang perang iniabot ko sa kanya. “Nay, tingnan n’yo po ang Mahal na Berhen. Sa tuwing tinitingnan ko Siya, pakiramdam ko nakikinig siya.”
“Anak, alam kong hindi niya tayo pababayaan.” Niyakap ko siya nang mahigpit saka inayos ang buhok nito na humahaba na. “Akala ko schedule ngayon ng e-exam n’yo?”
“H-ha? Nay, next week pa po.”

Tanghaling tapat ng lunes. Nakakapaso ang init ng araw. Tagatak na ang pawis ko habang nilalakbay ang palayan. Naisipan kong pumunta sa kabilang bayan. Umaasa na makakahanap ng mapagkakakitaan. Malapit na ako sa aking pupuntahan nang makilala ko ang isang binatang nag-aararo sa bukid kasama ang ilang matatandang magsasaka. Napatingin ito sa kinatatayuan ko. Nakita ko sa mga mata ni Joe ang labis na pagkabigla. Gusto kong sumigaw subalit hindi ko magawa. Tumalikod ako saka bumalik sa aking pinanggalingan. Lumakad ako palayo sa taniman kung saan naroon ang aking anak. Alam kong sinusundan ako ni Joe.

“Nay, magpapaliwanag ako. Sa huwebes kasi exam namin kaya __.”

“Kaya kailangan mo ng pera?” agad kong dugtong sa kanyang sasabihin. “Diba, sinabi ko naman sa’yo na lahat gagawin ko.”

“Pero, ano bang nangyayari? Nahihirapan pa rin tayo? Nay, malaki ang nagagastos ko sa pag-aaral ko. Kulang na kulang sa kinikita natin.”  Hindi ako nakasagot sa narinig ako. Tama si Joe. Alam ko na hindi ko kaya. At alam ko na tama din ang ginagawa niya. Humarap ako sa kanya. Hinimas ko ang kanang pisngi niya.

“Ipangako mo sa akin na hindi mo papabayaan ang pag-aaral mo ha, kahit nagtatrabaho ka.” Niyakap ko ang anak ko. At nangako siyang ipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral.

Subalit, hindi pa rin tumigil ang pagsubok na dumating sa buhay namin. Humina ang kita ng palayan dahil sa salot na tumubo sa lupa. At nabawasan ang mga palay na aking binibilad upang gawing bigas.Wala akong nagawa kundi doblehin ang pagsisikap ko para maitaguyod ang pag-aaral ng anak ko. Tumanggap na rin ako ng ibang trabaho - labada, hardenera, at kung anu-ano pang pwedeng mapagkakitaan.

Butil-butil na ang pawis ko habang isa-isang binubuhat ang mabibigat na sako ng palay. Akma ko itong bubuhatin nang may pumigil sa aking mga kamay.

“Nay, ako na po,” wika ni Joe sa akin. Napatingin ako sa suot niyang maong na kupas na bumagay sa itim niyang kamiseta.
“Diba, may pasok ka pa?”
“Nay, di na ako papasok. Di na kasi pwede ang permisory note.”
“Ganun ba? M-magkano? Para makautang ako kay Kapitana.”
“Nay, diba ayaw na tayong pautangin ni Kapitana kasi baka raw hindi na natin siya mabayaran. Malaki na rin ang utang natin kay Mayor.”
“Anak, may labada si Mareng Mila. Makakatulong sa atin ang kikitain ko.”
”Nay, heto marami pa kayong ibibilad? Di n’yo kayang tapusin ‘to.”
“A-anak, kaya ko.”
“Nay, tama na!” malakas na sigaw ni Joe. “Nay, tama na! Hindi ba kayo napapagod? Hindi natin kaya. Kahit magtrabaho pa tayong dalawa di natin kakayanin.”
 Hindi ko napigilan ang aking sarili. Isang malakas na sampal ang pinakawalan ako. Hindi ko matanggap na sumusuko na ang anak ko. Hindi ako papayag.
“Hindi ka titigil sa pag-aaral. Mangako ka anak! Ikaw na lang ang pag-asa natin para mabawi natin ang lupain natin. Para makaahon tayo sa hirap.”
“Nay, nahihirapan na kayo.”
Humarap ako sa kanya. Pinagmasdan ang maamo niyang mukha. “Anak, kahit ilang sako ng palay papasanin ko para lang makapagtapos ka ng pag-aaral. Mangako ka lang sa akin na hindi ka susuko.” Niyapos ko siya nang mahigpit. Sa aking isipan, hinihiling ko sa Panginoon na bigyan Niya ng lakas ng loob ang nag-iisa kong anak na lalaki.

Dumating ang araw na pinakahihintay ko. Ang pinakamalaking regalong ipinagkaloob sa amin ng maykapal - ang diploma ng anak ko.
“Nay, sa wakas graduate na rin ako. Kukuha ako ng board exam para maging guro na ako. Mag-iipon ako para mabawi natin ang lupa natin.” Masaya ako habang pinagmamasdan siya; bumagay sa kanyang katawan ang suot na toga, luma man ang kanyang sapatos ay bumagay ito sa itim na pantalong minana pa niya sa kanyang ama. Napasulyap ako sa kanyang mga kamay. Hawak niya ang maliit na imahe ng Mahal na Berhen.  

Panginoon, salamat po sa araw na ito. Tinupad n’yo po ang isa sa mga pangarap ko sa buhay. Gabayan n’yo po ang aking anak hanggang sa makahanap siya ng magandang trabaho. Ibigay n’yo po sa kanya ang kalusugan at kaligtasan. Maraming salamat po!

Sa simbahan, doon ko inuubos ang natitirang oras ko. Napapawi ang aking pagod sa tuwing nananalangin ako. Karagdagang lakas ang ibinibigay Niya sa akin.
“Aling Belen, magsasara na po ang simbahan.” Bigla akong napalingon sa tinig na aking narinig. Natulala ako habang kinikilala ang binatang tumawag sa akin.
“Naku! Tumatanda na yata ako,” wika ko habang pilit na inaalam ang pangalan ng lalaki.
“Ah, ang totoo po di n’yo pa po ako nakikilala. Ako nga po pala si David,” pakilala niya sa akin. “B-bakit mo ako kilala?”
“Minsan ko na po kasing nakilala si Joe. Isang buwan pa lang po ako dito sa simbahan. Nagkakilala po kami last week po yata ‘yun. Last week po kasi madalas siyang napapadaan dito sa simbahan. Minsan ko na rin pong nakita na magkasama kayo.”

Natuwa ako sa aking narinig. Nagkaroon ako ng pangalawang anak sa katauhan ni David. Sa pagkakakuwento niya sa akin, ulilang lubos na siya, at sa tulong ng bagong parokyano ng simbahan natutustusan ang kanyang pag-aaral.
Madalas ko siyang nakikita at nakaka-usap sa simbahan. Habang abala si Joe sa pag-rereview sa syudad ay siya ang madalas kong nakakasama. Paminsan minsan tinutulungan niya ako sa mga mabibigat na gawain ko.
“Tama nga si Joe, super nanay nga kayo. Akalain n’yo bang kaya n’yong magbuhat ng kaban ng palay.”
“Alam mo David, bata pa lamang ako nasanay na ako sa pagbubuhat. Kaya nga malalaki na ang mga masel ko sa katawan,” wika ko habang pinapakita ko sa kanya ang mga malalaking binti at braso ko.

Lumipas ang mga buwan, nairaos ni Joe ang board exam niya. Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib. Resulta na lang ang hinihintay namin na siya namang ipinapanalangin ko sa Itaas na sana magtagumpay siya.
“Nay, habang naghihintay ako ng resulta ng exam. Magtatrabaho muna ako sa bukid. Kailangan ko na ring magpapawis.”
“Naku! Huwag na! Gusto ko magaan na trabaho ang gawin mo. Bakit di ka mag-apply sa syudad?”
“Nay, isang araw lang naman. Medyo naghihina na ako sa kaka-review ko.”

Pinayagan ko si Joe na magtrabaho sa bukid. At hindi ko akalain na iyon ang magiging daan upang muling pumasok ang malaking pagsubok sa aking buhay.

Halos maputol ang aking hininga nang makitang inaatake siya ng isang nagwawalang kalabaw. Ang sungay nito ang siyang tumusok sa lalamunan ng aking anak. Sumigaw ako nang sumigaw na halos mapatid na ang ugat sa aking lalamunan. Gusto ko siyang lapitan subalit hindi ko magawa dahil sa mga kamay na pumipigil sa akin. Bagsak na ang katawan ni Joe. Duguan at halos wala ng buhay. Nakawala ako sa pagkakahawak sa akin ng mga tao. Habang papalayo ang kalabaw sa kinaroroon ng anak ko ang siya namang papalapit ko sa kanya. Pakiramdam ko bumabagal ang ikot ng mundo.

Naalala ko ang kamatayan ni Nestor. Katulad ni Joe bakit pareho sila ng kamatayan? Sinadya ba ito ng Panginoon?

Niyakap ko si Joe. Hindi man lang ako nabigyan nang pagkakataon na makitang nakamulat ang kanyang mga mata. Hindi man lang ako nabigyan nang pagkakataong marinig ang huling tinig na kanyang sasambitin.

Hindi ako papayag. Hindi patay ang aking anak.

Binuhat si Joe ng mga kalalakihan hanggang sa maisakay ito sa isang tricycle. Lahat umaasa na maililigtas pa siya sa panganib. Habang lulan kami ng sasakyan ay wala akong tigil sa kadadasal. Buhay ang anak ko. At iyon ang pinaniniwalaan ko. Natigilan ako nang biglang tumigil ang sinasakyan naming – flat daw ang gulong. Kinuyom ko ang aking mga palad sa sobrang pagkainis na nararamdaman ko. Bakit sa amin nangyayari ang mga bagay na ito?

Bumaba ako nang tricycle saka binuhat ang aking anak.

“Aling Belen, anong gagawin n’yo? Malayo pa po ang bayan?” Hindi ko sila pinansin. Buong lakas kong pinasan ang aking anak. Katulad sa isang sakong palay na aking binubuhat, gagawin ko ang lahat madala lamang sa ospital ang aking anak. Pakiramdam ko pasan ko ang buong mundo. Hindi ako makapaniwala na hahantong sa kamatayan ang lahat.  Patuloy kong nilalakbay ang mahabang daan hanggang sa mapagod ang aking mga paa sa paglalakbay.

Ibinaba ko ang bangkay ng aking anak sa lupa. Pinagmasdan ito saka niyakap nang mahigpit. “Anak, kahit ilang sako ng palay papasanin ko mabuhay ka lang. Diba, marami pa tayong pangarap sa buhay?” Umiyak ako nang umiyak hanggang sa mahagip ng aking paningin ang kanang kamay niya. Nakita ko ang maliit na imahe ng Mahal na Berhen na tila dumikit sa kanyang mga kamay. Hindi ito nabitiwan ng aking anak. Kinuha ko iyon saka pinagmasdan.

Bakit niya pinabayaan ang aking anak?

Nailibing ang bangkay ni Joe subalit nananatiling nakaahon sa hukay ang galit na nararamdaman ko. Pakiramdam ko sa mga araw na iyon ang kawalan ng pag-asa. Sa alak ko ibinuhos ang lahat nang hinanakit ko sa buhay.

Sa harap ng altar ng simbahan, doon ko ibinuhos ang aking galit sa Panginoon. “Naging tapat ako sa Inyo. Naging mabuting ina at asawa ako sa mag-ama ko. Pero anong ginawa n’yo? Kinuha n’yo sila sa akin.” Halos manikip ang aking dibdib. Pakiramdam ko nauubusan na ako ng lakas. “Kinuha N’yo na ang asawa ko, pati anak ko kinuha N’yo na rin. Ano pang hinihintay N’yo kunin N’yo na rin ako.” Napaluhod ako sa sobrang sakit na nararamdaman. Hindi ko na alam ang gagawin ko hanggang sa naramdaman kong may humawak sa aking mga kamay. Si David na tila nakikiramay sa sakit na nararamdaman ko.
“Aling Belen, huminahon po kayo. Lahat ng bagay may dahilan.”
“Bitiwan mo ako. David, gusto ko nang mamatay. Hinihintay na ako ng mag-ama ko. Hinhintay na ako ni Joe. Nakikiusap ako sa’yo gusto ko nang mamatay.” Napapikit ako nang bigla akong niyakap ni David. Mahigpit na tila pinipigilan ako sa anumang bagay na gusto kong gawin. Bigla kong naalala si Joe. Naalala ko ang mga yakap niya sa akin.

“Aling Belen, huwag po kayong mawalan ng pag-asa.”
“Bakit? Ano pa ba ang magagawa ko?” Humarap ako sa malaking imahe ng Mahal na Berhen . “Bakit? Bakit N’yo hinayaang mapahamak ang aking anak. Isa kayong ina, alam N’yo kung gaano kasakit ang mamatayan ng anak.”
“Aling Belen huwag n’yo pong sisihin ang _.” Muli niya akong niyakap. At sa balikat niya ako umiyak nang umiyak. “Nay, nandito pa po ako.” Natigilan ako sa aking narinig. Bakit niya ako tinawag na inay?
Lumipas ang mga buwan, si David ang naging instrumento upang mabuksan ang aking isipan. Nakawala ako sa espirito ng alak na siyang nagdala sa akin sa isang kasalanan. Sa tulong ni David, nabuksan ang puso ko upang magsisi sa mga nabitiwan kong salita.

Panginoon, patawarin N’yo po ako sa aking mga pagkakasala. Alam ko na kasama Ninyo ang aking mag-ama. Huwag Nyo po silang pababayaan.



Ngayon, edad singkwenta na ako. Kapiling ko ang isang binatang nagbigay pag-asa sa akin para ituloy ang hamon ng buhay.
  
“Ngayon po, alam ko na kung bakit tayo pinagtagpo. May dahilan ang lahat kung bakit tayo nagkakilala. Inay, salamat po sa pagtaggap sa akin bilang pangalawang anak.”
“David, anak!” Wala na akong nasabi pa sa halip isang mahigpit na yakap ang ibinigay ko sa kanya. Isang yakap ng ina sa kanyang anak.

Dalawang diploma ang iniingatan ko ngayon. Nagpapasalmat ako sa Panginoon dahil nakuha na ni David ang kanyang diploma. Nagkaroon ng magandang trabaho na siyang nakatulong upang mabawi ko ang aking lupain. Ako at si David ay naglilingkod pa rin sa simbahan. Patuloy kaming umaasa sa magandang bukas na aming haharapin.

Sa edad kong ito, hindi ko na kayang buhatin ang isang sakong palay. Subalit pinatibay nito ang aking buhay, dahil lahat ng problema ay kaya kong pasanin sa aking mga balikat. Hindi ako susuko!

Ako si Belen, at ito ang aking buhay.

“Diploma"









WAKAS
Sa Panulat ni Jondmur



Note: Ito ay kathang isip lamang.... Naisulat sa papel noong 2009 --- at muling na repost sa aking blog ^^ ito rin ang unang inspirational story na naisulat ko... 

Sana makapagsulat ulit ako ng tulad ng ganito ^^



12 comments:

  1. Isang magandang istorya na puno ng aral sa buhay. Kahit ganun ang dinanas ni Belen lumaban parin sya. Saludo ako sa mga katulad. Maluhaluha ako dito habang binabasa ko. Ang bigat sa loob. Naalala ko ang mama ko. Birthday nya pa naman ngayon. T.T

    ReplyDelete
    Replies
    1. yup.... ganun dapat tuloy lang ang laban... at wag susuko...

      Happy Bday sa Mother mo ^_^

      Delete
  2. medyo mahaba kaya nag skip read ako ng konti, pero dude na amaze ako sa talent mo sa pag susulat, matalinghaga.

    pano ba umawit ang puso? bery nays!

    ReplyDelete
  3. may kurot talaga sa puso pag nanay kwento. pero tama yan. fight lang.

    ReplyDelete
  4. Nakakaiyak naman.. ang haggard ng mga pinagdaanan ni Aling Belen.. Natanggap ko yun pagkamatay nun asawa nya, pero bakit pati si Joe? Haha, affected talaga ako. Ayoko ng mga eksenang may umiiyak na nanay, naiiyak din kasi ako.. Anyways, happy ending pa din, thank you kay david! :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. bigyan kita tissue hehehe.... thanks Jo sa pag read.... ^^

      May pinaghugutan din kasi ako nung sinulat ko ito hehehe

      Delete
  5. Ulit uli. Nawala comment ko. Anyway, I said na buti na repost mo, nabasa ko tuloy. You are very talented and keep reposting:)
    ANyway, marami na ganitong situation. Mga inang nag sakripisyo. like your mother, my mother and me too. Lots of sacrifices, but God rewarded us.
    And Im glad you can put it in words.
    Baka mamaya, maisulat ko rin life story ko. hi hi.

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehehe thanks Sis ^^ sana masulat mo life story mo... abangan ko yan...

      tama ka... malaki sarkripisyo ng mga mothers.... ^^

      Delete
  6. nakalulungkot naman!... hehehe pero mahusay ang pagkakasulat galing!

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks Genskie ^^ buti nabasa mo ^^

      wag na malungkot... smile na....

      Delete